2015
Kailangan Mong Manalangin
Marso 2015


Kailangan Mong Manalangin

Jimy Saint Louis, Haiti

illustration of boy in rubble

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Noong Enero 12, 2010, ipinakita sa akin ng Ama sa Langit ang Kanyang kapangyarihan matapos gumuho ang apat-na-palapag na kongkretong gusali sa paligid ko at sa akin kasunod ng isang malakas na lindol na puminsala sa Haiti.

Habang sumisigaw ako sa ilalim ng mabigat na guho, isang banayad na tinig ang nangusap sa akin: “Jimy, bakit hindi ka manalangin sa halip na sumigaw?”

Gayunman, patuloy akong sumigaw, dahil natakot akong mamatay sa loob ng ilang minuto. Ang tinig, na parang nagmula sa isang mabuting kaibigan na nahikayat ng matinding hangaring tumulong, ay muling nangusap sa akin: “Jimy, kailangan mong manalangin.”

Hindi ko na matiis ang sakit sa mga binti ko, at nauubusan na ako ng hangin sa kadiliman na nakapalibot sa akin. Minsan ko pang narinig ang tinig: “Jimy, kailangan mong manalangin.”

Sa sandaling iyon sumunod ako. Sa mahinang tinig sinabi ko: “Ama sa Langit, alam po Ninyo ang aking lakas, at alam po Ninyo kung gaano katagal ko matitiis ang sakit na ito. Hinihiling ko po sa Inyo, alisin na po Ninyo ang sakit kong ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Agad-agad matapos kong sambitin ang simpleng panalanging ito, nakatulog ako. Hindi ko maalala ang sumunod na nangyari, ngunit nang magising ako mula sa mahimbing na pagkatulog, wala na ang sakit. Hindi naglaon, natagpuan ako ng mga tagasagip nang hanapin nila ang mga biktima sa mga guho ng gusali ng aking opisina.

Pagkatapos ay nalaman ko na sa limang empleyado sa ikalawang palapag ng gusaling Port-au-Prince kung saan ako nagtatrabaho, ako lang ang iisang nakalabas nang buhay mula sa gumuhong gusali. Dahil sa aking mga pinsala, pinutol ang isang binti ko at ilang buwan akong nanatili sa ospital. Ngunit alam ko na hinikayat ako ng Espiritu Santo na manalangin at sinagot ng Ama sa Langit ang panalanging iyon.

Pinatototohanan ko na sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin sa sarili Niyang paraan at alinsunod sa sarili Niyang kalooban—saanman tayo naroon at tuwing tayo’y nananalangin.