2015
Huwag Husgahan Kung Sino ang Handa o Hindi
Marso 2015


Huwag Husgahan Kung Sino ang Handa o Hindi

Hindi mo talaga masasabi kung sino ang handa nang tanggapin ang ebanghelyo.

Illustration depicting a young man holding a copy of the Book of Mormon.

Paglalarawan ni Katie Payne

Hindi ko malilimutan ang hapunan sa aming ika-40 reunion sa hayskul. Nasabik akong makita ang mga dati kong kaibigan na hindi ko nakita sa loob ng maraming taon at alamin kung ano ang nangyari sa kanilang buhay mula noong hayskul.

Habang nag-uusap kami sa isang mesa na may 8 o 10 iba pang kaklase na kasalo sa hapunan, binanggit ng isa sa mga dati kong kaibigan na si Greg Link na nabinyagan siya sa Simbahan noong siya ay mahigit 20 anyos na.

Pagkatapos ay tahasan niyang itinanong: “Bakit wala ni isa sa inyo ang nagbigay sa akin ng Aklat ni Mormon noong high school? Akala ba ninyo ay hindi ako nababagay sa inyong Simbahan?”

Isa pang dating kaibigan—na hindi miyembro ng Simbahan—ang nagsabi, “Kung gusto mo, sa iyo na ang isang kopya ko nito; nabigyan ako ng mga 50 nito!”

Nagulat ako. Noong high school, kung sasabihin mo sa akin na mabibinyagan si Greg at magiging mahusay na tagapagsalita, hindi ko paniniwalaan iyon. Gusto ko talagang kaibigan si Greg. Siya ay tapat na kaibigan na maaasahan mo kapag kailangan mo siya. Pero alam ko rin na mahilig siya sa kasiyahan, at madalas madawit sa kaguluhan. Hindi ko lang naisip na magiging interesado siyang makinig ng tungkol sa Simbahan. Ang nakakatuwa pa, inakala ko na ang isa pang kaibigan, na binahaginan ko ng ebanghelyo at binigyan ng kopya ng Aklat ni Mormon, ay sasapi sa Simbahan balang-araw. Sa katunayan, hindi mo talaga masasabi kung sino ang handa at hindi handang tanggapin ang ebanghelyo.

Medyo nahiya ako matapos sabihin iyon ni Greg dahil ako, tulad ng maraming iba pa, ay hindi ibinahagi sa kanya ang ebanghelyo. Itinanong ko kung paano siya naging miyembro ng Simbahan. Narito ang kanyang kuwento:

Lumipat ang pamilya ko sa Salt Lake City, Utah, noong mga 11 anyos ako, pero edad 24 na ako nang sumapi sa Simbahan. Sa pagbabalik-tanaw ko, naunawaan ko kung bakit wala ni isang nagbahagi ng ebanghelyo sa akin. Parang hindi ako iyong taong magandang bahaginan ng ebanghelyo. Katunayan, may pagkapilyo ako. Palagi akong napapaaway at nasasangkot sa gulo sa paaralan.

Marami akong kaibigang LDS, pero isa lang ang nagbanggit sa akin tungkol sa Simbahan. At iyon ay dahil tinukso ko siya sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon habang binabantayan niya ako.

Pero mausisa ako tungkol sa mga bagay-bagay. Isinama ako ni Inay sa isang lokal na simbahang Kristiyano. Minsan tinanong ko sila kung bakit hindi pumunta si Jesus sa lupain ng Amerika. Pinagtawanan nila ako dahil sa tanong na iyon, kaya hindi na ako nagtanong pa tungkol doon.

Makalipas ang isang taon, nagpasiya akong pumunta sa Temple Square sa Salt Lake City. Mayroon doong diorama tungkol kay Cristo sa Amerika. Bigla ko na lang naalala ang mga tanong ko tungkol sa paksang iyon noong bata pa ako. Doon ko biglang nadama ang Espiritu, at alam ko na handa na akong makinig.

Naaalala ko pa ang halimbawa ng mga kaibigan ko sa hayskul. Katunayan, ang mga taong lubos kong iginagalang ay mga LDS. Si Randy Ridd at kanyang asawa ay pareho kong kaeskwela. Palagi silang nagpapakita ng mabubuting halimbawa at napakababait nilang tao. Malaki ang naging epekto niyan sa akin kalaunan. Naisip ko, “Kung naniniwala si Randy na ito ay totoo, siguro nga ay mahalaga ito.”

Hindi ko alam kung ano sana ang nangyari noon kung ibinahagi nila noon ang marami pa tungkol sa ebanghelyo. Baka hindi ako handa. Ngunit sana ay ibinahagi na rin nila sa akin noon. Alam ko na magkakaroon ito ng epekto sa akin.

Lubos akong nagpapasalamat na nakabuti ang halimbawa ko kay Greg. Gayunman, mas maganda sana sa pakiramdam kung may ginawa ako noong panahong iyon. Kung ibinahagi ko ang ebanghelyo o ang Aklat ni Mormon o inanyayahan si Greg sa isang aktibidad, nabago sana ang buhay niya. Maaga sana siyang naging miyembro ng Simbahan. Siguro nagmisyon din siya.

Nalaman ko na ang pagiging isang mabuting halimbawa ay talagang mahalaga, ngunit gayon din ang responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo. Iniutos ng Panginoon na gawin natin ito: “Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal” (Marcos 16:15).

Kaya huwag kayong matakot magbahagi. Bukod pa riyan, huwag agad husgahan kung sino ang handa at hindi handa. Baka magulat kayo kung kaninong puso ang napalambot, kahit na ang interes na iyon ay nakatago sa kaibuturan ng puso na hindi ninyo nakikita.