Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Pag-uusap tungkol sa Mahihirap na Paksa
Ang awtor ay naninirahan sa South Africa.
Kapag nahaharap ang inyong mga anak sa mga hamon, mahalagang kausapin sila sa paraan na mapapalakas ang inyong ugnayan sa kanila.
Bilang magulang, alam ninyong mahalaga ang mga hamon at pagsubok sa pag-unlad ng inyong mga anak, pero masakit pa rin na makita na nahihirapan ang inyong mga anak. Ang mga paghihirap na ito, gayunman, ay maaaring maging isang pagkakataon para sa inyo na lalong mapatibay ang ugnayan ninyo sa inyong mga anak kapag pinag-ibayo ninyo ang isang kapaligirang may pagmamahalan sa tahanan. Hinikayat ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang mga magulang na magkaroon ng gayong kapaligiran: “Ang aking pakiusap—at sana ay mas mahusay ko itong maipahayag—ay iligtas ang mga anak. Napakarami sa kanila ang dumaranas ng pighati at takot, ng kalungkutan at kawalang-pag-asa. Kailangan ng mga anak ng liwanag. Kailangan nila ng kaligayahan. Kailangan nila ng pagmamahal at pangangalaga.”1
Napakaraming mahihirap na bagay ang maaaring maranasan ng inyong mga anak, tulad halimbawa ng pananakot o bullying, masamang pananalita, pandaraya sa paaralan, pagkaakit sa kaparehong kasarian, maling pagkain, depresyon, at kaisipang magpakamatay. Bilang magulang na Banal sa mga Huling Araw, alam ninyong kayo “ay may banal na tungkuling palakihin ang [inyong] mga anak sa pagmamahal at kabutihan,”2 ngunit paano ninyo gagawin iyan kapag may problema ang inyong mga anak, maging ito man ay sa sarili nilang buhay o sa buhay ng kanilang mga kaibigan? Narito ang ilang paraan:
Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya ng pag-uusap. Maaari ninyong itanong ang ganito: “Parang may problema ka. Gusto mo bang pag-usapan natin iyan?” Ang tanong na ito ay hindi lamang nagpapakita na napansin ninyo na may problema ang inyong anak, kundi nagbubukas din ito ng pinto para maikuwento ng inyong anak ang marami (o kaunting) bagay ayon sa pasiya niya.
Matapos magkuwento ang inyong anak ng mga bagay-bagay tungkol sa problema, ang dapat ninyong isagot ay: “Salamat at naikuwento mo iyan sa akin, at pinagkatiwalaan mo ako sa bagay na ito. Naiisip ko lang kung ano kaya ang pakiramdam niyon. Ano ang maitutulong ko?”
Ang ganitong uri ng magiliw na tugon ay malamang na lalo pang humantong sa patuloy na pag-uusap. Mahalagang madama ng inyong mga anak ang inyong katapatan. Makatutulong din ang isang yakap o mapagmahal na tingin upang maipadama ang tunay at taos-pusong pagmamalasakit.
Makinig upang Makaunawa. Sinabi ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang panahon para makinig ay kapag kinakailangan ng isang tao na mapakinggan siya. Natural na sa mga anak ang sabik na magbahagi ng kanilang mga karanasan. … Kung sinisikap nilang ikuwento ang kanilang pagdadalamhati, maaari ba nating pakinggan nang lubos ang nakabibiglang pangyayari nang hindi tayo mismo ang nabibigla? Maaari ba tayong makinig nang hindi sila sinasansala at hinuhusgahan na humahantong sa agad na pagtatapos ng pag-uusap? Nananatiling bukas ang pag-uusap kapag tiniyak natin na tayo ay naniniwala sa kanila at nauunawaan ang kanilang damdamin. Hindi dapat isipin ng matatanda na hindi nangyari ang pangyayaring ito dahil hindi ito ang gusto nilang mangyari.”3
Magpakita ng paggalang. Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng magagandang patnubay kung paano lumikha ng kapaligiran na may pagmamahalan at paggalang. Pansinin ang ilang mahahalagang salita sa Doktrina at mga Tipan 121:41–42: paghihikayat (hindi pamimilit), mahabang pagtitiis (hindi agaran at pwersahang pagpapasunod o kawalan ng pagtitiyaga), kahinahunan (hindi malakas, hindi agresibo at matinding pag-uusap), kaamuan (hindi palalo o dominante ang pagtugon), kabaitan (hindi malupit na pagmamanipula), at hindi pakunwaring pag-ibig (tunay at tapat na pagpapakita ng pagmamahal). Kapag lumalalim ang ating pagbabalik-loob, “ang paraan ng pakikitungo natin sa iba ay nadaragdagan ng pasensya, kabaitan, magiliw na pagtanggap, at hangaring maging mabuting impluwensya sa kanilang buhay.”4
Iwasan ang pamimintas. Sinisikap ng mga magulang na Banal sa mga Huling Araw na tularan ang Tagapagligtas sa kanilang buhay. Ang pakikipag-usap Niya ay puno ng pagmamahal, habag, at tunay na pagmamalasakit. Kahit nakagawa ng mabibigat na kasalanan ang mga tao, Siya ay nanawagan ng pagsisisi ngunit hindi nanghusga (tingnan sa Juan 8:3–11). Iwasang pintasan ang inyong mga anak, na maaaring humantong sa kawalan ng pagpapahalaga at tiwala sa sarili; sa halip, hanapin at pagtuunan ang mabuting katangian ng bawat anak.
Kontrolin ang inyong galit. “Siyang makupad sa pagkagalit ay maigi kay sa makapangyarihan” (Mga Kawikaan 16:32), at “[ang] diwa ng pagtatalo … [ay] sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit” (3 Nephi 11:29). Ang galit ay nagtataboy sa Espiritu at may kakayahang wasakin ang madaling maapektuhang ugnayan ng magulang at anak. Sa pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Pangulong Hinckley, “Nagsusumamo ako sa inyo na magtimpi ng inyong galit, ngumiti, para mawala ang galit; magsalita nang may pagmamahal at kapayapaan, pasasalamat at paggalang. Kung gagawin ninyo ito, wala kayong pagsisisihan sa buhay. Mapangangalagaan ang pagsasama ninyong mag-asawa at ng pamilya. Higit kayong liligaya.”5
Patibayin ang ugnayan. Lahat ng mungkahing ito ay maaaring makatulong, ngunit kung hindi ninyo maalala ito kapag kayo ay nasa kalagitnaan ng mahirap na pakikipag-usap sa inyong anak, itanong lang sa inyong sarili, “Paano ko magagamit ang sitwasyong ito sa aking anak bilang pagkakataon na mapatibay ang aming ugnayan?” Pagkatapos ay pakinggan at sundin ang inspirasyong matatanggap ninyo.
Magsikap pa. Ang pagiging magulang ay maaaring napakahirap, subalit kayo ay magtatagumpay kung patuloy kayong magsisikap. Si Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) ay naghikayat sa atin: “Ang isang matagumpay na magulang ay isang taong nagmahal, nagsakripisyo, at nagmalasakit, nagturo, at naglingkod sa mga pangangailangan ng anak. Kung nagawa na ninyo ang lahat ng ito at ang inyong anak ay suwail o matigas ang ulo o makamundo pa rin, magkagayunman, nagampanan pa rin ninyo ang inyong tungkulin bilang magulang.”6