2015
Ang Natutuhan Namin mula sa Aming mga Magulang
Marso 2015


Ang Natutuhan Namin mula sa Aming mga Magulang

Ibinahagi ng mga young adult kung paano nila ginagamit ang mga aral na natutuhan nila mula sa kanilang mga magulang.

Father and son sitting together on a couch.  They are looking at a photo album.

Kasipagan

Sa bahay namin natuto akong magpakasipag. Ginamit ng pamilya ko ang sistemang tinawag naming “listahan ng kasipagan.” Sa simula ng buwan, tumanggap kami ng isang listahan ng iba’t ibang gawaing-bahay, tulad ng paghuhugas ng mga pinggan, pag-aalaga sa mga kabayo, at iba pa. Nilagyan namin ng tsek ang mga gawaing-bahay na natapos namin, at sa katapusan ng buwan, binigyan kami ng pera para sa aming kasipagan batay sa kung ilan ang minarkahan namin ng tsek sa tsart. Mula rito natuto akong magpakasipag at maging matipid sa pera.

Peter Stegeby ng Västerbotten, Sweden

Pagiging Mabuting Magulang

Bilang nag-iisang magulang, maraming ginagawa ang nanay ko, pero lagi niya akong tinutulungan, inaalo, o pinakikinggan. Ang malaman na lagi siyang nariyan ay napakahalaga, at gusto kong gawin iyan sa sarili kong mga anak sa hinaharap.

Nang muling mag-asawa ang nanay ko, pinili ng kanyang bagong asawa na ituring kaming magkapatid na kanyang mga anak. Hindi nagtagal, nadagdagan kami ng isang kapatid na babae, pero hindi ko nadama kailanman na magkakaiba ang magiliw at mapagmahal niyang pangangalaga sa aming lahat. Salamat sa kanyang pag-uugali, lumaki kami ng kuya ko sa isang matatag at nagkakaisang pamilya na may priesthood sa tahanan. Ang araw na nabuklod kami bilang pamilya ay napaka-espesyal. Ang kanyang mapagmahal na halimbawa ay nagturo sa akin na ang isang ama ay hindi lamang kung sino ka—ito’y isang bagay na kinahihinatnan mo.

Amanda Cornelius ng Stockholm, Sweden

Banal na Proteksyon

Noong bata pa ko, nagtrabaho si Itay sa napakalayong lugar at lagi siyang umuuwi nang napakadilim na. Hindi ako natutulog hangga’t hindi siya nakakauwi. Pero isang araw hinatinggabi siya, at hindi ko siya matawagan sa telepono. Takot na takot ako. Naalala ko na itinuro sa akin ng mga magulang ko na laging manalangin at humingi ng tulong kapag natatakot ako, kaya lumuhod ako at nanalangin na makauwi nang ligtas si Itay. Nagulat ako, nang matapos akong magdasal, narinig ko na ang bisikleta ni Itay sa labas. Lubos akong nagpasalamat sa aking Ama sa Langit sa pagbabantay sa tatay ko.

Ngayong dalaga na ako, tuwing nalilito o natatakot ako, ang unang taong pumapasok sa isipan ko ay ang Ama sa Langit. Alam ko na lagi ko Siyang kasama at pinakikinggan Niya ang aking mga panalangin.

Rohini Krishnan ng Bangalore, India

A man kneeling by a chair or sofa in prayer.

Panalangin

Isang gabi nagpunta ako sa silid ng mga magulang ko para may hingin sa tatay ko, pero nakaluhod siya at nagdarasal, kaya umalis ako at bumalik pagkaraan ng ilang minuto at nakita kong nakaluhod pa rin siya. Nagpasiya akong maghanda nang matulog, na iniisip na siguradong tapos na siyang magdasal kapag natapos na akong maghandang matulog. Bumalik ako sa kuwarto ng mga magulang ko makalipas ang mga 10 minuto at nakita ko na nagdarasal pa rin siya! Lumakas ang aking patotoo nang makita ko ang halimbawang iyon ng tatay ko. Talagang ibinuhos niya ang nilalaman ng kanyang puso sa panalangin sa Ama sa Langit.

Jen Hansen ng Idaho, USA

Kasal sa Templo

Nagpapasalamat ako na ikinuwento sa akin ng mga magulang ko ang tungkol sa kanilang pag-iibigan. Naging mabuti silang magkaibigan sa edad na 14, at lumaki sila na magkasamang natuto. Sa paglipas ng panahon, nauwi sa tunay na pag-iibigan ang kanilang pagkakaibigan, at ikinasal sila sa templo. Plano kong tularan ang halimbawa ng mga magulang ko na makasal sa templo at sana’y maranasan ko ang kaligayahan at tunay na pag-iibigan na tulad ng sa kanila.

Pasăre Ana Maria ng Prahova, Romania

Isang Tahanang Nakasentro kay Cristo

Si Jesucristo ang palaging sentro ng pagsasama ng mga magulang ko noon pa man. Nakatuon ang pansin nila sa paglikha ng isang tahanan kung saan nananahan ang Espiritu at inuuna nila ang pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya, panalangin ng pamilya, at family home evening.

Tinawag si Inay bilang visiting teacher ng isang bata pang ina na nahihirapan matapos makipagdiborsyo. Madalas kong maabutan sa bahay si Inay na inaalagaan ang dalawang batang anak na lalaki ng babaeng ito. Paminsan-minsan ay tumitigil kami sa tapat ng bahay ng babaeng ito kapag may pupuntahan kami, at nag-iiwan si Inay ng maikling sulat sa pintuan. Nagpapasalamat ako sa halimbawa ni Inay na ang pag-ibig sa kapwa ay “hindi naghahangad para sa kanyang sarili” (Moroni 7:45).

Ang mga magulang ko ay laging nag-aaral ng mga bagong kasanayan at kaalaman at ginagamit nila ito sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Dahil sa kanilang halimbawa, inuna ko ang pag-aaral sa sarili kong buhay. Ang halimbawa ng aking mga magulang ay naghikayat sa akin na magpakasal sa isang lalaki na ang sentro rin ng kanyang buhay ay si Jesucristo.

Rachel Nielsen ng Utah, USA

Father and son working on a bicycle.

Pananalig sa Ama sa Langit at Kay Jesucristo

Kayang kumpunihin ng tatay ko ang kahit ano. Noong tinedyer ako, tinanong ko siya kung paano niya maayos na nakukumpuni ang mga bagay-bagay. Sabi niya, “Bago ko simulan ang trabaho, nagdarasal ako sa Ama sa Langit na tulungan ako. Pagkatapos ay nagtatrabaho na ako.” Itinuro sa akin ng kanyang halimbawa na magpakumbaba at hilingin ang inspirasyon ng langit.

Nang malungkot ang nanay ko, humiling siya na mapagaling at mapanatag sa paanan ng Tagapagligtas. Nang maranasan ko ang gayong mga sandali, hinikayat niya akong manalig sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Ngayong binata na ako, patuloy akong nakadarama ng kapayapaan at kapanatagan sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mabuting halimbawa.

Isak Malm ng Jönköping, Sweden

Likas na Kabanalan

Noong bata pa ako, itinanim ng mga magulang ko sa aking kalooban ang dalisay na pagmamahal ng aking Ama sa Langit. Unti-unti ko Siyang nakilala nang kantahin ni Inay ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189) sa akin, at sa paglipas ng panahon ang mga halimbawa ng mga magulang ko ang naging pinakamalaking inspirasyon ko na kilalanin at mahalin ang aking Ama sa Langit sa pamamagitan ng paglilingkod at palaging pagdalo sa mga miting at mga aktibidad ng Simbahan.

Marlin Ortega Vásquez ng Managua, Nicaragua