Pagsasabi ng mga Sekreto
“Pagmamahal ko’y inyong tularan, ang bagong utos ay magmahalan” (“Mahalin ang Bawat t isa,” Mga Himno, blg. 196).
Ito ba ang sekreto na dapat itago ni Luisa?
Isinara ni Luisa ang kanyang aklat sa math nang tumunog ang bell. Hindi rin naman siya nakapagpokus sa mga sasagutan sa math sa nakaraang oras.
Naglabasan na ang iba pang mga estudyante. Iyon ang huling klase sa araw ng Biyernes. Karaniwan ay natutuwa si Luisa kapag katapusan na ng linggo. Pero ngayon ay wala siyang maramdaman kundi pag-aalala simula noong tanghalian. Iyon ay nang magtanong ang kanyang matalik na kaibigan na si Carlotta: “Kaya mo bang magtago ng sekreto?”
Sa oras na iyon, bumaling si Luisa at sabik na tumango. Mahusay siyang magtago ng sekreto. Naisip niya na tiyak na magkukuwento sa kanya si Carlotta tungkol sa cute na batang lalaking crush niya.
Pero hindi nakakatuwa ang sekreto ni Carlotta.
Naudlot ang pag-iisip ni Luisa dahil sa isang tinig. Kumurap siya at tumingala mula sa kanyang upuan. “May tanong ka ba tungkol sa homework mo, Luisa?” tanong ng kanyang guro. Lumabas na ng silid ang iba pang mga estudyante.
“Wala po,” sagot ni Luisa. Tumitig siya sa mga mata ng kanyang guro. Talagang kailangan niyang sabihin iyon sa iba! Pero nangako siya kay Carlotta na hindi gagawin iyon.
“Kailangan ko pong humabol sa bus,” mabilis na sinabi ni Luisa. Isinuot niya ang kanyang coat at nagmamadaling lumabas sa malamig na hangin.
Habang sakay ng bus pauwi, kabadong-kabado si Luisa at halos hindi niya ito makayanan. Dama niyang nagsikip ang kanyang dibdib, na para bang mahirap huminga.
Patuloy na naiisip ni Luisa ang tungkol sa sekreto ni Carlotta. Sa tanghalian sinabi ni Carlotta na may ginagawa siyang mapanganib. Hindi pa rin makapaniwala si Luisa sa narinig niya. Akala niya kilala niya ang matalik niyang kaibigan! Hindi niya akalain na gagawa si Carlotta ng isang bagay na nakakatakot tulad niyon. Pagkatapos ng tanghalian, pinapangako ni Carlotta si Luisa na hinding-hindi niya iyon sasabihin kahit kanino.
Pero paano kung masaktan si Carlotta?
Sinikap ni Luisa na huwag pakinggan ang tawanan at usapan sa kanyang paligid sa bus habang nakapikit siya at nananalangin sa kanyang puso.
“Ama sa Langit, ipaalam naman po Ninyo sa akin kung ano ang dapat kong gawin. Ayaw ko pong magalit ang kaibigan ko sa akin. Pero ayaw ko rin po na may masamang mangyari sa kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Parang mas mahaba ang nilakad niya pauwi kaysa rati. Mahalata kaya ni Inay na may problema si Luisa pagdating nito sa bahay? Ano ang dapat niyang sabihin?
Habang nakatingin sa niyebe sa lupa, naalala ni Luisa ang batuhan ng snowball na sinimulan nila ni Carlotta kasama ang ilang mga bata sa parke noong nakaraang linggo. Napakasaya niyon! Naisip niya ang iba pang mga bagay na gustung-gusto nilang gawin ni Carlotta nang magkasama. Paggugol ng oras nang magkasama. Hiking. Paggawa ng homework. Paglalaro ng isports.
Ano kaya kung ipagsabi ni Luisa ang kanyang sekreto at ayaw na siyang kaibiganin ni Carlotta? Lalong sumama ang pakiramdam ni Luisa sa kaiisip.
Pagkatapos ay may iba pa siyang naisip. Ang pinakamahalaga ngayon mismo ay kung ano ang pinakamainam para kay Carlotta—hindi kung ano ang iisipin ni Carlotta tungkol sa kanya. Kailangan ni Carlotta ng isang tunay na kaibigan, isang kaibigan na tutulungan siyang maging ligtas. Alam ni Luisa na ginagawa palagi ni Jesus ang pinakamainam para sa iba, kahit hindi Siya gusto ng ilang tao.
Alam ni Luisa kung ano ang kailangan niyang gawin. Kailangan niyang kausapin si Inay tungkol dito. Tatawagan din niya si Carlotta at sasabihin sa kanya kung gaano siya nag-alala at kailangan niya ang tulong ng isang nakatatanda. Baka pagkatapos noon ay kausapin din ni Carlotta ang nanay niya.
Gumaan ang pakiramdam ni Luisa nang makarating siya sa pintuan nila sa harapan ng bahay.
“Inay?” pagtawag niya nang pumasok siya. “Puwede po ba tayong mag-usap?”
Baka magalit si Carlotta, pero alam ni Luisa na ito ang tamang gawin. Magiging tunay siyang kaibigan.
May ilang sekreto na napakahalagang itago.