2015
Mga Kababaihan sa Ebanghelyo ni Juan
Marso 2015


ANG PAGGALANG NG TAGAPAGLIGTAS SAKababaihan

Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Sa pag-aaral tungkol sa mga pakikipag-usap ni Cristo sa kababaihan sa aklat ni Juan, mas mauunawaan natin ang ating potensyal na pakikipag-ugnayan sa Kanya.

Noong ang kababaihan ay karaniwang itinuturing na mababa, inihayag sa Ebanghelyo ni Juan na pinakitunguhan ni Jesucristo ang kababaihan nang may habag at paggalang at na, gaya ng sinabi ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “ang pinakadakilang tagapagtanggol ng kababaihan at pagkababae sa mundo ay si Cristo Jesus.”1

Ang artikulong ito ay nakatuon sa sumusunod na kababaihan sa Ebanghelyo ni Juan: (1) si Maria, na ina ni Jesus (tingnan sa Juan 2:1–11; 19:25–27); (2) ang babaeng Samaritana sa tabi ng balon (tingnan sa Juan 4:4–30, 39–42); (3) ang babaeng nangalunya (tingnan sa Juan 8:1–11); at (4) si Maria Magdalena (tingnan sa Juan 20:1–18). Bagama’t ang mga karanasan sa buhay ng kababaihang ito ay magkakaiba, binigyang-diin ni Juan ang pag-unawa ng Tagapagligtas sa iba’t ibang sitwasyon ng kanilang buhay, at itinala niya ang mga pagpapalang dumating sa bawat babae dahil sa pananampalataya nito kay Jesucristo.

Sumampalataya Muna si Maria Bago Naganap ang Unang Himalang Nasaksihan ng Publiko

illustration of a biblical man and woman

Ipinakilala ni Juan si Maria sa mambabasa sa mga unang pahina ng kanyang Ebanghelyo. Ang salaysay niya tungkol sa unang himala ni Jesucristo na nasaksihan ng publiko sa kasal sa Cana ay papuri sa pananampalataya ni Maria.

Ang katungkulan ni Maria sa kasal ay mas malamang na dahil sa responsibilidad niya sa kasalan.2 Nang ang mga panauhin ay “magkulang ng alak, ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Wala silang alak” (Juan 2:3). Ang talatang ito ay nagpapahiwatig na nang humingi ng tulong si Maria kay Jesucristo, maaaring umasa siya nang may paggalang sa isang himala.3

Bilang tugon, sinabi ni Jesucristo, “Babae, anong pakialam ko sa iyo? ang aking oras ay hindi pa dumarating” (Juan 2:4). Sa inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith sa talatang ito, itinanong ng Tagapagligtas kay Maria kung ano ang nais nitong ipagawa sa Kanya at nangakong gagawin Niya ito.4 Ang katawagang babae ay maaaring mabagsik at walang-galang ang dating sa makabagong mambabasa; gayunman, malamang na ginamit ito rito ng Tagapagligtas para iparating ang kabaligtarang kahulugan nito.5 Ipinaliwanag ng isang scholar, “‘Babae’, o, mas magandang sabihing, ‘Binibini,’ ang magalang na katawagan sa Griyego, na ginagamit kahit sa pagtukoy sa mga reyna.”6 Para bang sinabi Niya sa Kanyang ina, “Mahal kong binibini, anumang iyong hingin sa akin nang may pananampalataya, ay ipagkakaloob ko sa iyo.” Ipinapakita sa salaysay na interesado ang Tagapagligtas sa mga karaniwang problemang kinakaharap ng kababaihan sa araw-araw. Iginalang ni Cristo ang Kanyang ina sa pag-aalok na tulungan ito sa kanyang mga pasanin at responsibilidad.

Sa gayo’y nakatala sa salaysay ang patuloy na pananampalataya ni Maria nang utusan niya ang mga nagsisilbi na sundin si Jesucristo: “Gawin ninyo ang anomang sa inyo’y kanyang sabihin” (Juan 2:5). Napuno ang mga lalagyan ng tubig, at ginawang alak ng Tagapagligtas ang tubig bilang tugon sa kahilingan ni Maria na maglaan ng inumin sa mga panauhin sa kasal. Napakaganda ng aral na natututuhan natin mula kay Maria: kapag nangangailangan, lumapit at magtiwala kay Jesucristo, na maytaglay ng lahat ng kapangyarihan. Tulad ni Maria, makakaasa nang may pananampalataya ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw kay Jesucristo kapag nabibigatan sila sa kanilang mga responsibilidad.

Hindi lamang itinuturo ng maikling salaysay na ito ang kapangyarihan ng pananampalataya ni Maria kundi pinagtitibay rin ang tunay na pagkatao ni Jesucristo bilang Anak ng Diyos dahil sa Kanyang unang himala na nasaksihan ng publiko. Ang babaeng sumunod na ipinakilala ni Juan sa mambabasa ay ang Samaritana.

Nagpakita ng Paggalang si Jesucristo sa Isang Samaritana

illustration of biblical woman with jug

Ang salaysay sa Juan 4 ay nagpapatunay sa paggalang ni Jesucristo sa lahat ng babae, anuman ang kanilang bansa o relihiyon. Itinuring ng ilang Judio ang mga Samaritano na “mas marumi kaysa isang Gentil ng anumang iba pang bansa”7 at ayaw silang makaugnayan. Hindi lamang isinantabi ni Jesucristo ang mga tradisyon ng panahon, kundi kinilala pa ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang paggalang ng Tagapagligtas sa babaeng ito: “Noong unang magpakilala ang Panginoon bilang Cristo, iyon ay sa isang [Samaritana] sa may balon ni Jacob.”8

Matapos maglakbay sa init ng araw, tumigil si Jesucristo para magpahinga at makakuha ng tubig. Sinimulang kausapin ng Tagapagligtas ang Samaritana sa tabi ng balon sa pamamagitan ng paghingi ng inumin. Unti-unti, sa pamamagitan ng pakikipag-usap, nagkaroon ito ng patotoo tungkol sa Kanyang kabanalan. Itinala ni Juan na una nitong tinawag si Jesus na “isang Judio,” pagkatapos ay “Ginoo,” pagkatapos ay “propeta,” at sa huli ay “ang Cristo” (tingnan sa Juan 4:9–29). Ang magalang na pagpili nito ng itatawag sa Kanya ay nagpapahiwatig na nagkaroon siya ng pananampalataya kay Jesucristo at nagbalik-loob.

Itinuro rito ng Tagapagligtas na Siya ay “tubig na buhay” (Juan 4:10) at ang mga uminom mula rito ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Nalilitong nagtanong pa ang babae. Pagkatapos ay inihayag ni Jesucristo ang nakaraan at ang kasalukuyang makasalanang pakikipagrelasyon ng Samaritana. Bagaman maaaring napahiya siya, marahil ay nadama rin niya na si Jesucristo ay nagsalita nang may paggalang, dahil taimtim siyang tumugon, “Ginoo, napaghahalata kong ikaw ay isang propeta” (Juan 4:19). Nang mahayag na ang kanyang mga kasalanan, at wala na siyang maitago, sumampalataya ang babae kay Jesucristo nang turuan Niya ito. Ang isa sa Kanyang mga sagot ay maaaring maging susi sa pagtatamo ng kaligtasan: “Babae [o, mahal kong binibini], paniwalaan mo ako” (Juan 4:21).

Dahil sa kanyang pananampalataya, tumanggap ang Samaritana ng patotoo mula sa Espiritu at nagnais na patotohanan na si Jesus ang Cristo, ang ipinangakong Mesiyas. Iniwan ng babae ang kanyang banga ng tubig (na sagisag ng kanyang mga makamundong ari-arian), nagtungo sa lungsod at nagpahayag, “Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalake, na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa: mangyayari kayang ito ang Cristo?” (Juan 4:29). Sa pagiging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, ang pananampalataya at kasigasigan ng Samaritana ay nakatulong na mapalambot ang mga puso ng iba na tanggapin si Jesucristo.

Sa pagtatampok sa karanasang ito, ipinakita ni Juan na alam ng Tagapagligtas ang ginagawa ng kababaihan at alam Niya ang mga detalye ng kanilang buhay. Bukod pa rito, iginagalang Niya ang lahat ng babae anuman ang kanilang pinagmulan. Para sa kababaihang hindi nadarama na may kaugnayan sila kay Cristo o nadarama na para silang palaboy sa sarili nilang kalipunan, ipinapakita ng salaysay na ito na alam ni Jesucristo ang mga hamon sa buhay ng bawat babae at maaari Niyang tanggapin at tulungan ang bawat babae. Binigyang-diin ng Ebanghelyo ni Juan ang puntong ito sa pagtuturo tungkol sa pagkahabag ni Cristo sa babaeng nangalunya.

Nagpakita ng Habag si Jesucristo para sa Babaeng Nangalunya

illustration of woman in red biblical dress

Ikinumpara ng Juan 8 ang malupit na pakikitungo ng mga Fariseo sa babae sa magiliw na paggalang at pagkahabag ni Jesucristo sa kanya. Marahil sa pagtatangkang ipatanto at ipabawi sa mga Fariseo ang malupit na pakikitungo nila sa babae, “yumuko [ang Tagapagligtas], at sumulat ng kanyang daliri sa lupa, [na parang hindi niya sila narinig]” (Juan 8:6). Ang “pagsulat sa lupa ay isang masimbolong pagkilos na kilalang-kilala noong araw, na tanda ng pagtutol na humarap sa usapin.”9

Gayon pa man, patuloy na ginulo ng mga eskriba at Fariseo si Jesucristo at ipinahiya ang babae. Dahil sa habag sa babae, “umunat [si Jesus ], at sa kanila’y sinabi, Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kanya. At muli siyang yumuko, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa” (Juan 8:7–8). Habang nakatayo at lantad sa mga tao at naghihinagpis, isa-isang nag-alisan ang mga nanuligsa, at naiwang mag-isa ang babaeng nangalunya sa harapan ni Jesus.

Mabuti na lang at nanatili ang babae sa Juan 8 sa tabi ni Jesucristo sa halip na lumayo. Malamang na napasigla at napalakas siya ng ipinakitang paggalang ni Jesus sa kanya. Itinanong Niya, “Babae [o, mahal kong binibini], saan sila nangaroroon? wala bagang taong humatol sa iyo? At sinabi niya, Wala sinoman, Panginoon. At sinabi ni Jesus, ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:10–11).10

Muli, pinatotohanan ng Ebanghelyo ni Juan na pinakikitunguhan ni Jesucristo ang kababaihan nang may habag at paggalang, anuman ang kanilang mga kasalanan. Yamang lahat ay nagkasala, magkakaroon tayo ng malaking pag-asa sa halimbawa ng babaeng ito na sumampalataya kay Jesucristo. Tulad nang pag-unawa ng Tagapagligtas sa babaeng ito sa magulo at nakalulungkot na sitwasyon, inalo Niya si Maria Magdalena nang makita Niya itong lumuluha sa libingan sa halamanan.

Pinili si Maria Magdalena na Maging Saksi ng Nabuhay na Mag-uling si Cristo

illustration of Mary at the tomb

Si Juan ang tanging awtor ng Ebanghelyo na tumukoy sa unang taong nakakita sa nabuhay na mag-uling Panginoon, na nagpapakita na ang magigiting at may kakayahang kababaihan ay maaaring tumanggap ng mga dakilang espirituwal na pagpapakita. Itinala ni Juan, “Nang unang araw nga ng sanglinggo ay naparoong maaga sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakita ang bato na naalis na sa libingan” (Juan 20:1). Nang makitang naalis ang bato, tumakbo si Maria para humingi ng tulong at ipaalam sa mga Apostol na nawawala ang katawan ni Jesus. Nakita niya sina Pedro at Juan, na tumakbo sa libingan at nakita na damit-pamburol lamang ang naroon. Pagkatapos ay umalis ang dalawang Apostol, at naiwang mag-isa si Maria sa libingan sa halamanan.

Nanangis si Maria sa halamanan sa tabi ng libingan: marahil nanlambot siya sa kaiisip kung ano ang nangyari sa katawan ng Panginoon. Bagama’t nagpakita ang Tagapagligtas at nakipag-usap sa kanya, hindi niya kaagad nakilala ang Tagapagligtas. Ngunit pagkatapos ay “sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria” (Juan 20:16). May isang bagay na naging dahilan para malaman niya na ito ang kanyang Tagapagligtas. “Ang pagkakilala ay daglian. Ang kanyang pagluha ay naging dagat ng kagalakan. Siya nga; siya ay nagbangon; siya ay buhay.”11 Matapos masaksihan ang nabuhay na mag-uling Panginoon, inutusan si Maria na patotohanan sa mga Apostol na Siya ay buhay.

Kahit alinlangan ang mga disipulo noong una (tingnan sa Lucas 24:11), maaaring nagkaroon ng epekto ang pagsaksi ni Maria. Kalaunan, nagtipon ang mga disipulo upang pag-usapan ang mga nangyari sa maghapon, at malamang na pinagbubulayan nila ang patotoo ni Maria, nang si Jesus ay “tumayo sa gitna, at sa kanila’y sinabi, Kapayapaan ang sumainyo” (Juan 20:19).

Binigyang-diin ng karanasang ito ang mataas na pagpapahalaga ni Jesucristo sa kababaihan, dahil si Maria Magdalena ang unang taong piniling sumaksi at pagkatapos ay inutusang magpatotoo sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Patuloy na umaasa ang Panginoon sa kababaihan sa ating panahon na tumayo bilang mga saksi sa Kanya. Ipinahayag ni Elder M. Russell Ballard, “[Ang] ating dispensasyon ay mayroon ding mga bayaning babae. Di-mabilang na kababaihan mula sa bawat kontinente at antas sa lipunan ang nakagawa ng malalaking kontribusyon sa layon ni Cristo. … Ang tanong ko’y, ‘Magiging isa ka ba sa mga babaing iyon? At kayong kalalakihan na mayhawak ng priesthood, tatalima ba kayo sa gayunding tawag?’”12

Matutularan Natin ang Kanilang Halimbawa

Sa pagsampalataya kay Jesucristo, matutularan natin ang halimbawa ng kababaihang ito sa mga sulat ni Juan. Maaari tayong magtiwala na nauunawaan ng Tagapagligtas ang mga karaniwang problemang kinakaharap natin sa araw-araw at matutulungan tayong dalhin ang ating mga pasanin. Maaari nating paniwalaan na bibigyang-inspirasyon tayo ni Jesucristo sa kabila ng ating mga kasalanan. Bukod pa rito, maaari nating malaman na matutulungan tayo ni Cristo sa ating pinakamatitinding kalungkutan, pagdurusa, at dalamhati.

Mga Tala

  1. James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 ed. (1916), 475.

  2. Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo (1965–73), 1:135.

  3. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, 145.

  4. Tingnan sa Joseph Smith Translation, John 2:4 (sa Juan 2:4, footnote a).

  5. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, 144–145.

  6. Sa J. R. Dummelow, ed., A Commentary on the Holy Bible (1909), 778.

  7. James E. Talmage, Jesus the Christ, 172.

  8. M. Russell Ballard, “Kababaihan ng Kabutihan,” Liahona, Dis. 2002, 34.

  9. Sa Dummelow, ed., Commentary, 788–89.

  10. Idinagdag ng Joseph Smith Translation na simula sa sandaling iyon, niluwalhati ng babae ang Diyos at naniwala na ito sa Kanya (tingnan sa Joseph Smith Translation, John 8:11).

  11. Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah, 4 na tomo (1979–81), 4:263.

  12. M. Russell Ballard, Liahona, Dis. 2002, 38–39.