2015
Mag-imbita at Mag-Follow Up
Marso 2015


Mag-imbita at Mag-Follow Up

Subukan ang 11 madaling paraang ito para maibahagi ang ebanghelyo sa karaniwang mga pakikipag-usap.

Two young women standing and talking by their school lockers.

Kung gusto mong magbahagi ng ebanghelyo ngunit kinakabahan ka o hindi ka sigurado kung paano ito gawin, ang artikulong ito ay para sa iyo. Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay higit pa sa pag-imbita sa mga kaibigan mo na magpaturo sa mga missionary. Magandang ideya iyan, ngunit napakarami pang ibang bagay na magagawa mo upang “imbitahin ang iba na lumapit kay Cristo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 1). At ito ay mas madali kaysa inaakala mo. Siguro makakatulong ang analohiya ng football.

Alam ng mahuhusay na manlalaro kung paano at kailan ipapasa ang bola sa kanilang ka-team para mabigyan sila ng pagkakataong makasulong. Ang pag-aanyaya sa iba na alamin ang tungkol sa ebanghelyo ay tulad ng pagpapasa ng bola, kaya lang sa halip na bigyan sila ng pagkakataong makapuntos, binibigyan mo sila ng pagkakataong lumapit kay Cristo.

Narito ang ilang ideya na magagawa mo. Manalangin para sa inspirasyon at maging malikhain kapag iniangkop mo ang mga ideyang ito sa mga interes o sitwasyon ng iyong mga kaibigan. Pagkatapos ay suportahan sila!

Imbitahan ang isang kaibigan sa Mutwal

May kaibigan kang mahilig sa sports. Kaya kapag narinig mo na ang aktibidad sa Mutwal sa linggong ito ay gabi ng isports, matatanto mo na perpektong pagkakataon ito na imbitahin siya.

Magpatulong sa isang kaibigan sa paggawa mo ng proyekto para sa Pansariling Pag-unlad o Tungkulin sa Diyos

Kapag nagplano ka ng isang malaking proyekto, alam mo na kakailanganin mo ng tulong, kaya magpasiya kang magpatulong sa mga kaibigan mong hindi miyembro. Ito ang magbibigay sa iyo ng pagkakataong ipaliwanag kung bakit ka naglilingkod, at maaari din kayong masiyahang maglingkod nang magkasama.

Imbitahan ang isang kaibigan sa isang sayawan sa Simbahan

Inimbita ka ng matalik mong kaibigan nitong Biyernes, ngunit may sayawan sa Simbahan sa gabing iyon. Sa halip na tanggihan lang ang kanyang imbitasyon, yayain mo siya sa sayawan!

Ikuwento sa iba ang Aklat ni Mormon

Mithiin ng ward ninyo na mabasa ang buong Aklat ni Mormon bago matapos ang taon, kayaʼt dinala mo ang iyong mga banal na kasulatan sa paaralan. Napansin ng isa sa mga kaibigan mo ang aklat at nagtanong tungkol dito, kayaʼt ipinaliwanag mo kung ano ang Aklat ni Mormon at pinatotohanan mo ito.

Basahin ang kuwento ni Kenneth sa katapusan ng artikulong ito para malaman ang nangyari nang makita niya ang isang miyembro ng Simbahan na may dalang Aklat ni Mormon sa eskuwelahan.

Imbitahang magsimba ang isang kaibigan

Hinilingan kang magturo ng isang bahagi ng lesson sa Linggo. Kapag nagtanong ang isang kaibigan kung ano ang gagawin mo sa linggong ito, sa halip na hindi banggitin ang mga plano mo sa Linggo, ipaliwanag na magtuturo ka ng isang bahagi ng aralin sa simbahan. Mag-uusisa ang kaibigan mo, kaya yayain mo siyang sumama sa iyo para marinig ka niyang magturo.

Ipakita sa mga kaibigan mo ang Mormon.org

Maraming tanong ang mga kaibigan mo tungkol sa ating mga pinaniniwalaan, kaya ipakita mo sa kanila ang Mormon.org na tutulong sa pagsagot sa kanilang mga tanong.

Magbahagi ng isang artikulo mula sa Liahona

Two young women reading a copy of the "Liahona" magazine  together.

May isang artikulo sa huling isyu ng Liahona na nagpaalala sa iyo ng pag-uusap ninyo ng isa sa mga kaibigan mo. Ibahagi ang iyong kopya ng magasin (o isang online link) sa kanya at anyayahan siyang basahin ang artikulo.

Ibahagi ang isang talata sa banal na kasulatan sa text message

Sa pag-aaral mo ng banal na kasulatan sa umaga, nabasa mo ang isang talata na talagang makakatulong sa isang kaibigang may problema nitong mga huling araw. Padalhan mo siya ng text message para ipaalam na naaalala mo siya at nakakita ka ng isang talata sa banal na kasulatan na maaaring magustuhan niya.

Imbitahan ang isang tao sa hapunan

Magluluto si Itay ng masarap niyang spaghetti sa linggong ito! Napansin mo ang isang bagong estudyante sa inyong paaralan na tila walang gaanong kaibigan, kaya nagpasiya kang imbitahin siya na maghapunan kasama ng iyong pamilya. Kung Lunes ng gabi iyon, maaari mo ring hilingin sa kanya na sumali sa family home evening pagkatapos ng hapunan.

Imbitahan ang isang kaibigan na magkasama ninyong panoorin ang pangkalahatang kumperensya

Nakikinig ka sa isang mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya sa iyong MP3 player habang naglalakad ka papasok sa paaralan. Nagtanong ang isang kaibigan kung ano ang pinakikinggan mo. Sabihin mo sa kanya ang totoo—nakikinig ka sa mga salita ng buhay na propeta ng Diyos. “Ano ang ibig sabihin niyan?” tanong ng kaibigan mo. Ipaliwanag ang tungkol sa mga makabagong propeta at apostol at pagkatapos ay itanong sa kaibigan mo kung gusto niyang sumama sa iyo sa Abril upang marinig ang sinasabi ng mga lider na iyon.

Bigyan ang isang kaibigan ng Para sa Lakas ng mga Kabataan

Kung magtanong ang isang kaibigan kung bakit mo ipinamumuhay ang ilang pamantayan, bigyan siya ng kopya ng Para sa Lakas ng mga Kabataan at sabihin kung paano ka sumaya sa pamumuhay ng mga pamantayan.

Basahin ang kuwento ni Hannah sa artikulong ito para makita kung paano niya ibinahagi ang buklet na ito sa isang kaibigan.

Huwag kalimutang mag-follow up

Matapos mag-imbita, ang susunod na hakbang ay mag-follow up. Sa football, alam ng pinakamahuhusay na manlalaro na hindi pa tapos ang kanilang trabaho kapag naipasa na nila ang bola—kailangan nilang magpatuloy at pumunta sa lugar na mapapasahan sila ng bola.

Ang pag-follow up ay kasing-simple ng pagtatanong sa kaklase mo kung ano ang saloobin niya tungkol sa talata sa banal na kasulatan na ibinahagi mo o kung ano ang nadama ng kaibigan mo pagkatapos siyang sumama sa iyong magsimba.

Para sa halimbawa kung paano nabago ng pag-follow up ang buhay ng isang binatilyo, basahin ang kuwento ni Kenneth.

Kapag nag-follow up ka matapos anyayahan ang iba na alamin ang tungkol sa iyong mga paniniwala, ipinapakita mo na nagmamalasakit ka sa kanilang kaligayahan. Madarama nila ang iyong taos-pusong hangaring tumulong at hindi sila maaasiwang magtanong pa sa iyo sa hinaharap.