Lakas na Higit pa sa Taglay Natin
Mula sa “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abril 2012, 12–19.
Ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagpapalakas sa atin na gumawa ng mabuti at maging mabuti at maglingkod nang higit pa sa ating sariling hangarin at likas na kakayahan.
Palagay ko maraming miyembro ng Simbahan ang mas pamilyar sa nakatutubos at nakalilinis na katangian ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala kaysa sa kapangyarihan nitong magpalakas at [magbigay-kakayahan]. Mahalagang malaman na naparito si Jesucristo sa lupa upang mamatay para sa atin—iyan ay mahalagang bahagi ng doktrina ni Cristo. Ngunit kailangan din nating pasalamatan na hangad ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at kapangyarihan ng Espiritu Santo, na mapasaatin—hindi lamang patnubayan tayo kundi palakasin din tayo.
Alam ng marami sa atin na kapag nagkamali tayo, kailangan natin ng tulong para makayanan ang mga epekto ng kasalanan sa ating buhay. Binayaran ng Tagapagligtas ang halaga at dahil dito magiging malinis tayo sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan na tumubos. Malinaw na nauunawaan ng marami sa atin na ang Pagbabayad-sala ay para sa mga makasalanan. Gayunman, hindi ako gaanong nakatitiyak na alam at nauunawaan natin na ang Pagbabayad-sala ay para din sa mga banal—para sa mabubuting kalalakihan at kababaihan na masunurin, karapat-dapat, at lubos na nag-iingat at nagsisikap na maging mas mabuti at maglingkod nang mas tapat. Maaaring mali ang paniniwala natin na dapat tayong maglakbay mula sa pagiging mabuti tungo sa pagiging mas mabuti at maging banal sa sariling pagsisikap, sa pamamagitan ng determinasyon at katapangan, pagpupursigi, at disiplina, at sa ating limitadong mga kakayahan.
Ang ebanghelyo ng Tagapagligtas ay hindi lamang tungkol sa pag-iwas sa masama sa ating buhay; ito ay tungkol din sa paggawa ng mabuti at pagiging mabuti. At ang Pagbabayad-sala ay tumutulong sa atin upang madaig at maiwasan ang masama at gawin ang mabuti at maging mabuti. Tutulungan tayo ng Tagapagligtas sa buong paglalakbay natin sa mortalidad—mula sa pagiging masama tungo sa pagiging mabuti at mas mabuti pa at babaguhin ang ating pag-uugali.
Hindi ko ipinapahiwatig na ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na tumubos at [magbigay-kakayahan] ay magkahiwalay at magkaiba. Sa halip, ang dalawang bahaging ito ng Pagbabayad-sala ay magkaugnay at pinupunan ang isa’t isa; ang dalawang ito ay kailangang magamit sa lahat ng yugto ng paglalakbay sa buhay. At mahalaga sa ating lahat sa kawalang-hanggan na matanto na ang dalawang mahalagang bagay na ito sa paglalakbay sa mortalidad—kapwa ang paghubad sa likas na tao at pagiging banal, kapwa ang pagdaig sa masama at pagiging mabuti—ay naisasagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Ang pagpupursigi ng bawat isa, matibay na determinasyon at sariling pagkukusa, mahusay na pagpaplano at pagtatakda ng mithiin ay mahalaga ngunit sa huli ay hindi sapat para matagumpay nating matapos ang paglalakbay sa mortal na buhay na ito. Talagang dapat tayong umasa sa “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8).
Ang Biyaya at ang Nagbibigay-Kakayahang Kapangyarihan ng Pagbabayad-sala
Sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, nalaman natin na ang salitang biyaya ay madalas gamitin sa mga banal na kasulatan na nangangahulugan ng [nagbibigay-kakayahang kapangyarihan]:
“Ang [biyaya ay] salitang madalas banggitin sa Bagong Tipan, lalo na sa mga sulat ni Pablo. Ang pangunahing ideya ng salita ay dakilang tulong o lakas, na ibinigay sa pamamagitan ng saganang awa at pagmamahal ni Jesucristo.
“Sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na nagawa dahil sa kanyang pagbabayad-sala, mabubuhay nang walang hanggan ang sangkatauhan, matatanggap ng bawat tao ang kanyang katawan mula sa libingan na mayroong buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan din ng biyaya ng Panginoon, na ang bawat tao, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, ay makatatanggap ng lakas at tulong na gumawa nang mabuti na hindi nila magagawa sa sariling kakayahan lamang nila. Ang biyayang ito ay isang [nagbibigay-kakayahang kapangyarihan] na nagtutulot sa kalalakihan at kababaihan na magtamo ng buhay na walang hanggan at kadakilaan matapos nilang magawa ang lahat ng makakaya nila.” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang biyaya ay banal na tulong o tulong mula sa langit na kailangang-kailangan ng bawat isa sa atin upang maging marapat sa kahariang selestiyal. Kaya nga, pinalalakas tayo ng [nagbibigay-kakayahang] kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na gumawa ng mabuti at maging mabuti at maglingkod nang higit pa sa ating hangarin at likas na kakayahan.
Sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan, madalas kong isingit ang salitang “[nagbibigay-kakayahang] kapangyarihan” kapag nababasa ko ang salitang biyaya. Isipin, halimbawa, ang talatang ito na pamilyar sa ating lahat: “Nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Naniniwala ako na marami tayong matututuhan tungkol sa mahalagang aspetong ito ng Pagbabayad-sala kung isisingit natin ang mga katagang “[nagbibigay-kakayahan] at nagpapalakas na kapangyarihan” tuwing makikita natin ang salitang biyaya sa mga banal na kasulatan.
Ang Halimbawa ni Nephi
Ang paglalakbay sa mortalidad ay ang pagiging mabuti ng masama at pagiging mas mabuti pa at pagbabago ng ating mga likas na pag-uugali. Ang Aklat ni Mormon ay puno ng mga halimbawa ng mga disipulo at propeta na nakaalam, nakaunawa, at nabago sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa paglalakbay na iyon. Kapag unti-unti nating mas naunawaan ang sagradong kapangyarihang ito, ang pananaw natin sa ebanghelyo ay lalong lalawak at uunlad. Babaguhin tayo ng gayong pananaw sa kamangha-manghang paraan.
Si Nephi ay halimbawa ng isang taong nakaalam, nakaunawa, at umasa sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Tagapagligtas. Alalahanin na bumalik ang mga anak ni Lehi sa Jerusalem para isama si Ismael at kanyang sambahayan sa kanilang paglalakbay. Naghimagsik si Laman at ang iba pang naglakbay kasama ni Nephi mula sa Jerusalem pabalik sa ilang, at pinagsabihan ni Nephi ang kanyang mga kapatid na manampalataya sa Panginoon. Sa puntong ito ng kanilang paglalakbay iginapos si Nephi ng kanyang mga kapatid at ipinlano ang pagpatay sa kanya. Alalahanin ang panalangin ni Nephi: “O Panginoon, alinsunod sa pananampalataya ko na nasa inyo, loobin ninyong maligtas ako mula sa mga kamay ng mga kapatid ko; oo, maging bigyan ninyo ako ng lakas upang malagot ko ang mga lubid na ito na gumagapos sa akin” (1 Nephi 7:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Alam ba ninyo ang ipagdarasal ko kung iginapos ako ng aking mga kapatid? “Sana po ay iligtas ninyo ako sa masamang sitwasyong ito NGAYON DIN!” Lalo akong naging interesado na hindi ipinagdasal ni Nephi na mabago ang nangyayari sa kanya. Sa halip, nagdasal siya na palakasin siya para mabago niya ang kanyang sitwasyon. At naniniwala ako na nagdasal siya sa ganitong paraan dahil alam niya, naunawaan, at naranasan ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.
Sa palagay ko hindi basta mahimalang nalagot ang mga gapos na nasa mga kamay at pulso ni Nephi. Sa halip, baka biniyayaan siya ng kapwa pagtitiyaga at lakas na higit pa sa kanyang likas na kakayahan, kaya’t “sa lakas ng Panginoon” (Mosias 9:17) ay nabanat at napaluwag niya ang mga lubid, at sa huli ay literal na nalagot ang lubid.
Hayagan ang implikasyon ng sitwasyong ito sa atin. Kapag naunawaan natin at ginamit ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating sariling buhay, mananalangin at hihingi tayo ng lakas na mabago ang ating sitwasyon sa halip na manalanging baguhin ang ating sitwasyon. Tayo ay magiging mga taong kumikilos sa halip na mga bagay na pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:14).
Alam at Nauunawaan ng Tagapagligtas
Sa kabanata 7 ng Alma nalaman natin kung paano at bakit nailaan ng Tagapagligtas ang kapangyarihang nagbibigay-kakayahan:
“Siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.
“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang Tagapagligtas ay nagdusa hindi lamang para sa mga kasalanan kundi para din sa hindi pagkakapantay-pantay, sa pagiging di-makatarungan, sa hirap, sa dusa, at sakit ng kalooban na madalas nating maranasan.
Walang sakit sa katawan, walang paghihirap ng kaluluwa, walang pagdurusa ng espiritu, walang karamdaman o kahinaan na naranasan natin sa paglalakbay sa buhay na ito na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Kayo at ako sa sandali ng kahinaan ay maaaring magsabing, ‘Walang nakauunawa. Walang nakaaalam.” Walang tao, marahil, ang nakaaalam. Ngunit ang Anak ng Diyos ay lubos na nakaaalam at nakauunawa, dahil Kanyang dinanas at pinasan ang ating mga pasanin bago pa natin naranasan ang mga ito. At dahil binayaran Niya at pinasan ang pasaning iyan, lubos Niya tayong nauunawaan at maiuunat Niya ang Kanyang bisig ng awa sa napakaraming aspeto ng ating buhay. Maaabot Niya tayo, maaantig, matutulungan—literal na lalapit sa atin—at mapalalakas nang higit sa makakaya natin at matutulungan tayong gawin ang hindi natin kayang gawing mag-isa.
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.
“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).
Ipinapahayag ko ang aking patotoo at pasasalamat sa walang katapusan at walang-hanggang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo. Alam kong buhay ang Tagapagligtas. Naranasan ko ang Kanyang kapangyarihang tumubos at ang Kanyang kapangyarihan na nagbibigay-kakayahan, at pinatototohanan ko na ang mga kapangyarihang ito ay totoo at makakamtan ng bawat isa sa atin. Tunay na “sa lakas ng Panginoon” magagawa natin at madadaig ang lahat ng bagay habang patuloy tayong naglalakbay sa mortalidad.