2015
Kumapit sa Gabay na Bakal
Marso 2015


Kumapit sa Gabay na Bakal

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Becoming a Work of Art,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Nob. 5, 2013. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Kapag nanampalataya tayo at masigasig na sumunod sa mga utos ng Panginoon, mas madali nating mapipili ang tama.

Illustration of Nephi with fruit

Mga paglalarawan ni Katie Payne

Noong na nasa kolehiyo pa ang isang butihing miyembro ng Simbahan na kakilala ko, inimbitahan siya ng isang kaklase niya na dumalo sa party sa bahay nila isang Sabado ng gabi. Inimbitahan din pati ang mga propesor ng kaibigan ko sa kolehiyo, lalo na ang mababait sa mga estudyante. Mukha namang masaya at hindi delikadong pumunta sa party.

Pero pagdating doon ng kaibigan ko, agad niyang nakita na iba ang kapaligiran doon kaysa inaasahan niya. Nag-iinuman, naninigarilyo, nagdodroga, at gumagawa ng karima-rimarim na mga bagay ang mga estudyante sa bawat sulok ng bahay. Nabahala siya at nagpasiyang umalis, pero malayo sa tirahan niya ang pinagdausan ng party. Nakisakay lang siya sa mga kaibigan papunta roon, kaya hindi siya makaalis nang mag-isa.

Nang sandaling iyon tahimik siyang nagdasal sa Panginoon, at humingi ng tulong. Matapos magnilay-nilay, nadama niya na dapat siyang lumabas. Sinunod niya ang naramdaman niya at nanatili siya sa labas hanggang sa matapos ang party.

Habang nasa sasakyan pauwi, nagkuwentuhan ang mga kaibigan niya tungkol sa karima-rimarim na mga bagay na nangyari sa party. Naasiwa ang kaibigan ko sa sitwasyon. Halos hindi niya ito matagalan.

Nang tumanggap siya ng sakramento sa simbahan kinabukasan, nadama niya ang kapanatagan, kapayapaan, at katiyakan na tama ang desisyong ginawa niya. Natanto niya kung paano kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal at huwag bumitaw, kahit may abu-abo ng kadiliman. Malinaw niyang naunawaan ang itinuro ni Nephi sa mga kapatid nito nang sabihin nito na “sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol” (1 Nephi 15:24).

Isipin ninyo kung ano sana ang nangyari kung hindi nagpakatatag ang binatang iyon, dahil sa kahihiyan, at bumitaw sa gabay na bakal. Dahil dito at sa iba pang mga desisyon niya sa buhay, pinakasalan niya ang isang dalaga sa templo, bumuo siya ng mabuting pamilya, at naging matagumpay. Naglilingkod siya nang tapat ngayon sa Simbahan at nagsisikap na maging mabuting halimbawa sa kanyang mga anak.

Ang Likas na Tao

Hindi madaling harapin ang tukso sa araw-araw. Tayong lahat ay lantad sa isang kapaligirang kumakalaban sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nabubuhay tayo sa isang mundong pasama nang pasama ang moralidad. Ang media at teknolohiya ay ineengganyo tayong gawin ang mga bagay na pumipinsala at sumisira ng buhay na salungat sa ating mga paniniwala at sa mga pinahahalagahan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pamimilit ng mga kaibigan na iba ang mga pinahahalagahan, o kapareho man natin ang mga pinahahalagahan ay mahina naman ang pananampalataya, ang nagtutulak sa atin na sumali sa masasamang pag-uugali. Bukod pa rito, kailangan nating paglabanan ang likas na taong umiiral sa atin.

Binigyang-kahulugan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang likas na tao bilang “isang tao na pumapayag na mahikayat ng mga silakbo ng damdamin, pagnanasa, gana, at damdamin ng laman kaysa ng mga panghihikayat ng Banal na Espiritu. Ang taong ganito ay nakauunawa ng mga pisikal na bagay subalit hindi ng mga espirituwal na bagay. … Bawat tao ay nararapat na isilang na muli sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo upang matigil ang pagiging likas na tao.”1

Madalas banggitin ni Pangulong Thomas S. Monson ang isang simpleng kasabihan na makakatulong sa atin na maiwasang matukso at manatili sa tamang direksyon: “Hindi ka magiging tama sa paggawa ng mali; hindi ka magkakamali sa paggawa ng tama.”2

Kapag nanampalataya tayo at masigasig na sumunod sa mga utos ng Panginoon, mas madali nating mapipili ang tama.

Ang Liwanag ni Cristo

Itinuro ng propetang si Mormon sa kanyang mga tao:

“Samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos.

“Ngunit anumang bagay na humihikayat sa tao na gumawa ng masama, at huwag maniwala kay Cristo, at itinatatwa siya, at huwag maglingkod sa Diyos, kung magkagayon, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa diyablo; sapagkat sa ganitong pamamaraan gumagawa ang diyablo, sapagkat hindi niya hinihikayat ang sinumang tao na gumawa ng mabuti, wala, kahit isa; ni ang kanyang mga anghel; ni sila na nagpapasakop ng kanilang sarili sa kanya” (Moroni 7:16–17).

Ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang Liwanag ni Cristo, na “banal na lakas, kapangyarihan, o impluwensya na nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo at nagbibigay-buhay at liwanag sa lahat ng bagay.”3 Tinutulungan nito ang tao na pumili sa pagitan ng tama at mali. Ang kaloob na ito, kaakibat ang patnubay ng Espiritu Santo, ay tutulong sa ating malaman kung ang isang pasiya ay inilalagay tayo sa teritoryo ng Panginoon o sa teritoryo ng kaaway. Kung mabuti ang ating pag-uugali, tayo ay binibigyang-inspirasyon ng Diyos. Kung masama ang ating pag-uugali, tayo ay naiimpluwensyahan ng kaaway.

illustration of a young adult man sitting.

Ginamit ng kaibigan ko sa kolehiyo ang dalawang kaloob na ito. Ang Liwanag ni Cristo ay nakatulong sa kanya upang matukoy kung ano ang tama, at ginabayan Siya ng Espiritu Santo sa pagpili ng landas na dapat sundan. Ang dalawang kaloob na ito ay makakamtan ng mga taong kumakapit sa gabay na bakal.

Ang Kaloob na Pagsisisi

Isipin natin kunwari na sa kung anong dahilan ay nalinlang o nalito tayo ng tukso at nagkasala dahil dito. Ano ang dapat nating gawin? Kung tayo ay matukso at magkasala, dapat tayong makipagkasundong muli sa Diyos. Sa wikang gamit sa mga banal na kasulatan, kailangan nating magsisi.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kapag nagkasala tayo, tumatalikod tayo sa Diyos. Kapag nagsisisi tayo, muli tayong bumabaling sa Diyos.

“Ang imbitasyong magsisi ay bihirang maging tinig ng pagpaparusa at sa halip ay isang mapagmahal na pagsamong pumihit at ‘muling bumaling’ sa Diyos [tingnan sa Helaman 7:17]. Pag-anyaya iyon ng isang mapagmahal na Ama at ng Kanyang Bugtong na Anak na higitan pa natin ang ating sarili, taasan pa ang uri ng pamumuhay, magbago, at damhin ang kaligayahan ng pagsunod sa mga utos. Dahil mga disipulo tayo ni Cristo, nagagalak tayo sa pagpapala ng pagsisisi at sa kagalakan ng patanggap ng kapatawaran. Nagiging bahagi natin ito, hinuhubog ang ating isipan at damdamin.”4

Ang pagsisisi ay isang napakagandang kaloob na makakamit ng lahat ng naghahangad na makabalik sa Diyos at nagtutulot sa Kanyang hubugin ang kanilang buhay.

Isinilang tayo na may binhi ng kabanalan sa ating espiritu dahil tayo ay mga anak ng Diyos. Ang binhing ito ay kailangang lumago. Lumalago ito kapag ginamit natin sa kabutihan ang ating kalayaan, kapag gumawa tayo ng mga tamang desisyon, at kapag nagpagabay tayo sa Liwanag ni Cristo at sa Espiritu Santo sa mga desisyong ginagawa natin sa buhay. Kailangan ng panahon sa prosesong ito, ngunit posibleng mahubog ang ating espiritu at buhay sa pagdaan ng bawat araw.

Dahil nakikita Niya ang ating katapatan at pagsisikap, ibibigay sa atin ng Panginoon ang hindi natin kayang matamong mag-isa. Huhubugin Niya tayo dahil nakikita Niya ang mga pagsisikap natin na punan ang ating kakulangan at daigin ang ating mga kahinaan bilang tao.

Dahil diyan, ang pagsisisi ay nagiging bahagi ng ating buhay sa araw-araw. Ang pagtanggap ng sakramento linggu-linggo—ang magpakumbaba sa harap ng Panginoon, na kinikilalang umaasa tayo sa Kanya, na hinihiling sa Kanya na patawarin at panibaguhin tayo, at nangangako na lagi Siyang aalalahanin—ay napakahalaga.

Kung minsan sa araw-araw nating pagsisikap na maging higit na katulad ni Cristo, iyon at iyon pa rin ang mga bagay na nahihirapan tayong gawin. Para tayong umaakyat sa bundok na natatakpan ng mga puno. Kung minsan hindi natin makita kung sumusulong ba tayo hanggang sa makalapit na tayo sa tuktok at makalingon mula sa matatarik na bangin. Huwag panghinaan ng loob. Kung kayo ay nagpupursigi at nagsisikap na magsisi, nasa proseso kayo ng pagsisisi.

Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang … pagwawaksi sa masasamang pag-uugali o adiksyon ay kadalasang nangangahulugan ng pagsisikap ngayon na susundan ng bukas at ng isa pang bukas, marahil ng maraming araw, maging ng mga buwan at taon, hanggang sa magtagumpay tayo.”5

Habang nagpapakabuti tayo, lumalawak ang pananaw natin sa buhay at nadarama nating lumalakas ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating kalooban. Para sa mga tunay na nagsisisi ngunit tila hindi mapanatag, patuloy na sundin ang mga kautusan. Nangangako ako sa inyo na mapapanatag kayo sa takdang panahon ng Panginoon. Matagal ang pagpapagaling.

Panatilihin natin ang walang-hanggang pananaw sa pamamagitan ng pagdaig sa likas na tao, pagpapasiya ayon sa Liwanag ni Cristo, paghahangad ng gabay ng Espiritu Santo, pagsisisi kapag nagkukulang tayo, at pagtutulot na baguhin ng ating Ama sa Langit ang ating buhay ayon sa plano Niya para sa atin.