2015
Magkaroon ng Tapang na Ibahagi ang Ebanghelyo
Marso 2015


Magkaroon ng Lakas-ng-Loob na Ibahagi ang Ebanghelyo

illustration of young man and young woman talking with speech bubble

Mga paglalarawan ni Michael Mullan

Kailangan ng lakas-ng-loob para maibahagi ang ebanghelyo sa isang estranghero. Tanungin lang ang isang bagong full-time missionary. Kung minsan ay kailangan ng dagdag na lakas-ng-loob para tanungin ang inyong mga kaibigan kung gusto nilang malaman ang tungkol sa Simbahan, sa Aklat ni Mormon, o sa ating mga paniniwala.

Maaaring maitanong ninyo: Paano kung hindi sila interesado? Paano kung masaktan sila? Paano kung pagtawanan nila ako? Paano kung sabihin nila na galit sila sa akin at ayaw na nila akong makita kailanman?

Huwag mag-alala. Malamang na hindi iyan mangyari. Malamang na sabihin lang ng mga kaibigan mo, “Hindi, salamat.” Pero huwag magulat kung sasabihin ng ilan na, “Sige, kuwentuhan mo pa ako”—lalo na kung ipinamumuhay mo ang ebanghelyo.

Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tayo’y mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, na binigyan ng kapangyarihan at isinugo ng Panginoon mismo upang hanapin, pangalagaan, at ligtas na dalhin sa Kanyang Simbahan ang lahat na naghahangad makaalam ng katotohanan.”

Mula sa pananaw na iyon, ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay “napakasimple at napakalinaw.” Ngunit, inamin ni Elder Ballard, “maraming hamon at nakakatakot kung minsan ang gawaing misyonero.”

Paano natin maaalis ang takot na iyan? Nagmungkahi si Elder Ballard ng tatlong paraan sa ibaba:

Una, manalanging mag-isa at kasama ang iyong pamilya hilingin na tulungan ka ng Panginoon na makahanap ng mga paraan na maibahagi ang ebanghelyo. (Tingnan sa sidebar ang ginawa ng isang dalagita sa Brazil.) At, hilingin sa Panginoon na akayin ka sa mga taong handa.

Pangalawa, maging isang halimbawa. Sa mundong patuloy na bumababa ang mga pamantayan, mapapansin ng mga kaibigan mo ang iyong liwanag. Magkakaroon ka ng lakas-ng-loob at espirituwal na lakas dahil sa iyong pagkamarapat.

Pangatlo, sumampalataya at magtiwala sa Panginoon at laging magpakita ng pagmamahal sa iba.

“Ang sabi ng ilang miyembro, ‘Takot akong ibahagi ang ebanghelyo dahil baka makasakit ako ng damdamin,’” sabi ni Elder Ballard. “Ayon sa karanasan hindi nasasaktan ang mga tao kapag ang pagbabahagi ay dahil sa tunay na pagmamahal at malasakit. Paano masasaktan ang isang tao kapag sinabi nating: ‘Natutuwa ako sa pagtulong sa akin ng aking Simbahan’ at idagdag ang anumang paramdam ng Espiritu”?1

Tungkulin ng lahat ng miyembro ng Simbahan na ibahagi ang ebanghelyo—kasama ka na roon. Kaya maging matapang at hayaang pagpalain ng Panginoon ang mga pagsisikap mo.

Tala

  1. M. Russell Ballard, “Ang Mahalagang Papel ng Gawaing Misyonero ng Miyembro,” Liahona, Mayo 2003, 38, 39–40.