Ang Pinakamahalagang Bagay na Mayroon ako
Ang awtor ay naninirahan sa Brazil.
Sa aming multistake youth conference, tumanggap kaming lahat ng Aklat ni Mormon at inanyayahan kaming ibigay ito sa iba. Gusto kong ibigay ang aklat ko sa paborito kong mang-aawit.
Nang malaman kong may concert siya sa lungsod namin, naisip ko na magandang pagkakataon ito. Bawat concert niya ay may lottery kung saan pumipili ng 15 tagahanga na puwedeng pumunta sa backstage para makausap siya. Halos imposibleng mapili ako, pero sinubukan ko pa rin.
Ilang linggo bago ang concert, isinulat ko ang aking patotoo sa isang Aklat ni Mormon at nagdasal ako. Ipinaliwanag ko sa Ama sa Langit na malamang na hindi ako mapili at na kailangan ko ang tulong Niya.
Pagkasabi ko ng “amen,” tumunog ang cell phone ko dahil may tawag mula sa opisina ng mang-aawit. Ako ang napili!
Sa backstage sa araw ng concert, ibinigay ko sa mang-aawit ang aklat. Binuksan niya ito at binasa ang aking patotoo: “Matagal kong pinag-isipan kung ano ang mahalaga at kapaki-pakinabang na maireregalo ko sa iyo. Naisip ko na kailangan kitang regaluhan ng isang bagay na mahalaga dahil sa nilalaman nito at hindi dahil sa presyo. Ito ang Aklat ni Mormon; ito ang pinakamahalagang bagay na mayroon ako. Magiging napakahalaga rin nito sa iyo kung babasahin mo.”
Niyakap niya ako at sinabing babasahin niya ito. Hindi ko mapigilang lumuha!
Pambihirang karanasan ang makapagbigay ng Aklat ni Mormon sa isang sikat na tao. Ngunit ang pagbibigay ng aklat na ito ay dapat maging isang karaniwang karanasan. Puwede ko sana itong ibigay sa isang kaibigan sa paaralan, isang kapitbahay, o kaninuman.
Ang pagbibigay ng Aklat ni Mormon, pagbabahagi ng ating patotoo, pagsasalita tungkol sa Simbahan, at pagiging halimbawa ay mga tungkulin natin. Hindi tayo dapat mahiyang ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo kailanman.