Mensahe sa Visiting Teaching
Ang mga Katangian ni Jesucristo: Matiisin at Matiyaga
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano mapag-iibayo ng pag-unawa sa buhay at mga tungkulin ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at mapagpapala ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.
Ang pagtitiyaga kadalasan ay napagkakamalang pagtahimik at kawalan ng kibo, pero sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang pagtitiyaga ay hindi pagsuko nang walang ginagawa, ni pagkabigong kumilos dahil natatakot tayo. Ang pagtitiyaga ay aktibong paghihintay at pagtitiis. Ibig sabihin ay pananatili sa isang bagay … kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso. Ang pagtitiyaga ay hindi lamang pagtitiis; iyon ay pagtitiis nang husto!”
Sa buhay bago tayo isinilang, naghanda ng plano ang ating Ama sa Langit para sa atin—na Kanyang mga espiritung anak—at tayo ay naghiyawan sa kagalakan sa pagkakataong pumarito sa lupa (tingnan sa Job 38:7). Kapag pinili nating iayon ang ating kalooban sa Kanyang kalooban habang nabubuhay tayo sa lupa, “gagawin [Niya tayong] kasangkapan sa [Kanyang] mga kamay tungo sa kaligtasan ng maraming tao” (Alma 17:11).
Sabi pa ni Pangulong Uchtdorf, “Ang pagtitiyaga ay pagtanggap sa isang bagay na hindi mababago at pagharap dito nang may tapang, gilas, at pananampalataya. Ito ay pagiging ‘handang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama’ [Mosias 3:19]. Sa huli, ang pagtitiyaga ay pagiging ‘matibay at matatag, at hindi matitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon’ [1 Nephi 2:10] bawat oras ng bawat araw, kahit mahirap gawin iyon.”1
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Awit 40:1; Mga Taga Galacia 5:22–23; II Ni Pedro 1:6; Alma 17:11
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na sa ating buhay sa lupa, dapat tayong “maging matiisin sa mga paghihirap, sapagkat [tayo ay] magdaranas ng marami.” Pagkatapos ay binigyan tayo ng Diyos ng nakapapanatag na pangakong ito, “Tiisin ang mga ito, sapagkat, masdan, ako ay makakasama mo, maging [hanggang] sa katapusan ng iyong mga araw” (D at T 24:8).
Ang sumusunod na kuwento sa Biblia ay isang halimbawa ng pagtitiyaga at pananampalataya.
“At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan … ay … hinipo ang laylayan ng … damit [ni Cristo] at pagdaka’y naampat [huminto] ang kaniyang agas.
“At Datapuwa’t sinabi ni Jesus, … May humipo sa akin, sapagka’t naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.
“At nang makita ng babae na siya’y hindi nalingid, ay lumapit siya na nangangatal, at nagpatirapa sa harapan niya na isinasaysay sa harapan ng buong bayan ang dahil[an] kung bakit siya’y hinipo niya, at kung paanong gumaling siya kapagdaka.
“At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa” (Lucas 8:43–48).
Tulad niya, makasusumpong tayo ng mga pagpapala at kapanatagan, at maging ng pagpapagaling, kapag humingi tayo ng tulong kay Jesucristo—na ang Pagbabayad-sala ay makapagpapagaling sa atin.