Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 19: Ang Ebanghelyo ng Panginoon


“Ang Ebanghelyo ng Panginoon,” kabanata 19 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 19: “Ang Ebanghelyo ng Panginoon”

Kabanata 19

Ang Ebanghelyo ng Panginoon

si Heber J. Grant na nagsasalita sa isang mikropono ng radyo

Isang araw ng Lunes, ika-9 ng Setyembre 1929, tinamaan ng kidlat ang poste ng kuryente nang hagupitin ng matinding bagyo ang buong Cincinnati, Ohio. Dahil dito mabilis na gumapang ang kuryente sa kable papunta sa bagong ayos na kapilya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa hilagang dulo ng bayan. Nasunog ang balot ng kable, na nagdulot ng makapal na usok sa gusali. Hindi nagtagal ay dumating ang mga bumbero, ngunit malaki na ang napinsala.

Noong una, inakala ng Cincinnati Branch na nasunog ng apoy ang mga kable ng kuryente ng gusali. Ilalaan na ang kapilya sa loob ng linggong iyon, at wala nang panahon ni salapi ang mga Banal para kumpunihin ang anumang malaking pinsala. Ngunit matapos ang pag-inspeksyon, natuklasan nila na maisasalba pa ang mga kable. Kaagad silang nagkumpuni at nagpalit ng mga kable, at di-nagtagal ay naibalik sa ayos ang gusali.1

Habang papalapit na ang araw ng paglalaan, parami nang parami ang mga taong nakapansin sa Simbahan. Noong ika-12 ng Setyembre, si Christian Bang, ang unang tagapayo ng branch, ay iniwan muna ang kanyang tindahan upang magbigay ng panayam sa isang lokal na pahayagan. Alam ng mamamahayag na naging sentro ng kontrobersiya ang mga Banal, at handang linawin ni Christian ang mga maling palagay ng publiko tungkol sa Simbahan.2

“Nalampasan ng Simbahan ang maraming maling opinyon dito sa nakaraang dekada,” sabi niya sa mamamahayag. “Isinasantabi na ng mga tao ang mga dating haka-haka sa Simbahan at kinikilala na ang mga pamantayan na aming pinaninindigan.”

“Ano ang pananaw ninyo ngayon tungkol sa poligamya?” tanong ng mamamahayag.

“Iyan ay isang bagay na matagal nang nalutas,” sabi ni Christian. “Pinaniniwalaan din namin ang mga kaugaliang kinikilala ng karamihan. Naniniwala kami sa ikapu, at ginagawa ito, bagama’t ang aming mga elder at tagapayo ay hindi tumatanggap ng anumang suweldo para sa kanilang mga serbisyo.”3

Makalipas ang tatlong araw, muling dumating ang mga mamamahayag para sa paglalaan ng kapilya. Hindi maikakaila ang kagalakan ng mga Banal. Mga apat na raang tao, kabilang na ang mga misyonero mula sa karatig na lugar, ang pumasok sa kapilya para sa pulong. Si apostol Orson F. Whitney, na ang lolo’t lolang sina Newel at Elizabeth Ann Whitney ay sumapi sa Simbahan sa Ohio halos isang siglo na ang nakalipas, ay dumating mula sa Lunsod ng Salt Lake upang mag-alay ng panalangin ng paglalaan.4

Marahil wala nang mas nasasabik pa nang hapong iyon kaysa sa branch president na si Charles Anderson. Kasama ang pamilya Bang at iba pang mga naunang miyembro ng branch, sila ng kanyang asawang si Christine ay matagal na nagpunyagi upang paunlarin ang kanilang branch sa Cincinnati. Nang siya na ang magsasalita sa kongregasyon, isinalaysay niya ang maraming hamong kaakibat ng pagbili at pag-aayos ng bahay-pulungan.

“Nagtrabaho kami gabi’t araw upang maisaayos ang kundisyon nito para sa paglalaan,” sabi niya, “at walang makahihigit sa kasiyahang nadarama namin ngayon.”5

Sa kanyang mensahe, isinalaysay ni Elder Whitney ang pangitain nina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong 1836 tungkol sa Tagapagligtas sa Kirtland Temple, isang napakatinding paalala ng sagradong kasaysayan ng Ohio. Habang nagsasalita ang apostol, nanahan sa kanya ang Espiritu ng Diyos, at nang matapos niyang isalaysay ang pangitain, nagsimula siyang manalangin.

“Makapangyarihang Diyos, aming Ama sa Langit,” wika niya. “Nawa’y madama ng lahat ng papasok sa bahay na ito ang impluwensya ng Espiritu ng Diyos. Biyayaan po nawa Ninyo ang mga tumulong sa alinmang paraan upang maitayo ito. Ipakita nawa ang kapangyarihan ng Diyos sa kapilyang ito.”

Humingi siya ng basbas para sa mga miyembro ng Cincinnati Branch, sa mga misyonero at lider ng mission na naglilingkod sa kanila, at sa lahat ng nakatira na malapit doon. “Ibuhos nawa ang Inyong Espiritu sa mga taong nagtipon dito,” ang idinalangin niya, “at tanggapin ito, na aming handog.”

Nakadama ng kapayapaan at katahimikan ang mga Banal sa kapilya. Bago bumalik sa kanyang upuan, sinabi ni Elder Whitney, “Nadarama ko na ang Mormonismo mula sa panahong ito ay mas mauunawaan at matatanggap ng mga tao sa Ohio nang may higit na kabaitan.”6


Noong ika-1 ng Nobyembre 1929, ginunita ni Heber J. Grant sa kanyang journal ang araw na pinalitan niya si apostol Francis Lyman bilang pangulo ng Tooele Stake ng Utah. Ang taon ay 1880, at ilang linggo na lamang noon bago sumapit ang ikadalawampu’t apat na taong kaarawan ni Heber. Sina Pangulong John Taylor at kanyang mga tagapayo, sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith, ay nasa bayan para sa stake conference, at kasama si Heber sila ay inasikaso ni Elder Lyman sa kanyang tahanan.

Sa kanilang pagbisita, may isang lalaki—hindi na matandaan ni Heber kung sino—ang nagdasal para sa “inyong matandang tagapaglingkod na si Pangulong Taylor.” Ang salitang “matanda” ay hindi nagustuhan ng propeta, na malapit nang mag-pitumpu’t dalawang taong gulang. Nang natapos ang panalangin, itinanong niya, “Bakit hindi mo ipinagdasal ang aking mga nakababata pang tagapayo?” Naaalala pa rin ni Heber ang pagkayamot sa tinig nito.

Ngayon, halos kalahating siglo na ang lumipas, si Heber ay malapit nang sumapit sa kanyang ikapitumpu’t tatlong taong gulang. “Natatakot ako na baka ikabigla ko kapag may isang nagdasal para sa “inyong matandang tagapaglingkod na si Pangulong Grant,” ang isinulat niya sa kanyang journal. Pakiramdam niya ay para lamang siyang apatnapung taong gulang—at mas malusog pa nga.

“Para sa akin ang katunayan na tila hindi tayo tumatanda sa espiritu ay isa sa mga katibayan ng pagiging imortal ng kaluluwa,” ang isinulat niya.7

Karaniwan ay tinitipon ni Heber ang kanyang mga anak at kanilang mga pamilya para sa kanyang kaarawan. Ngunit namatay ang kanyang anak na si Emily mula sa mga kumplikasyon sa panganganak ilang buwan na ang nakararaan, at hindi pa handa ang kanyang puso para sa isang pagsasalu-salo ng pamilya. Sa halip, naghahanda siyang bisitahin ang mga stake sa Arizona, na nasa timog lamang ng Utah.8 Sa maikling panahon bago siya pumanaw, humiling si Brigham Young ng dalawang daang boluntaryo na maninirahan sa Arizona. Simula noon, nagtatag ang mga Banal ng napakaraming pamayanan sa buong estado, at ang mga miyembro ng Simbahan ay maaari nang humawak ng mataas na katungkulan sa pamahalaan. Noong 1927, inilaan ni Heber ang isang templo roon upang magamit nila at ng mga Banal sa mga kalapit na lugar, kabilang na ang hilagang Mexico.9

Inaasam din ni Heber ang isang mas malaking pagdiriwang. Hindi magtatagal ay gugunitain ng mga Banal ang ikasandaang taong anibersaryo ng pagtatatag ng Simbahan. Sa halos pitong daang libong miyembro ng Simbahan sa halos isang libo’t walong daang ward at branch sa buong mundo, ang pagdiriwang ay magiging isang pandaigdigang kaganapan. Sa loob ng mahigit isang taon, isang maliit na komite na pinamunuan ng apostol na si George Albert Smith ang nagpaplano ng marangyang palabas upang maisabay sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 1930. Sinubaybayan ni Heber ang kanilang mga paghahanda at nagbigay ng puna paminsan-minsan.10

Umalis siya patungong Arizona noong ika-15 ng Nobyembre at ginugol ang sumunod na sampung araw sa pagbisita sa mga Banal at sa pagtamasa ng kanilang pagmamahal. Sa nakalipas na labing-isang taon, naglaho ang kanyang pakiramdam na mayroon siyang kakulangan. Hindi niya binigo ang Simbahan, na ikinatakot niyang magagawa niya, bagkus ay naging mahusay rin siya na tulad ng mga dating pangulo ng Simbahan. Sa pagsapit ng Simbahan sa ikalawang siglo nito, ito ay lumalago at umuunlad.11

Bilang pangulo ng Simbahan, nasaksihan ni Heber ang pagsulong ng teknolohiya na nagsahimpapawid ng pangkalahatang kumperensya at iba pang mga mensahe ng ebanghelyo. Ngayon, tuwing Linggo ng gabi, ang mga taong nakatira na daan-daang kilometro ang layo mula sa Lunsod ng Salt Lake ay maaaring makinig sa KSL, ang istasyon ng radyo ng Simbahan, upang mapakinggan ang mga lider at guro na nagbibigay ng mga mensahe tungkol sa mga paksa ng ebanghelyo.12 Higit pa rito, noong Hulyo 1929, sinimulan ng Tabernacle Choir ang isang lingguhang pagsasahimpapawid sa radyo sa pamamagitan ng isang network ng Lunsod ng New York. Ang programa ay kaagad nagtagumpay sa buong bansa, at mas nakilala ng milyun-milyong tagapakinig ang Simbahan sa pamamagitan ng koro.13

Ginamit din ni Heber ang kanyang impluwensya bilang pangulo ng Simbahan upang hikayatin ang mga Banal na turuan at paglingkuran ang isa’t isa sa kanilang mga ward at branch. Noong bata pa siya, ang mga pulong sa araw ng Linggo ay naging oras ng pakikinig ng mga Banal sa kilalang kalalakihan na nangangaral at nagtuturo. Ngunit sa ilalim ng kanyang pamamahala, ang mga ward at branch ang naging sentro ng aktibidad sa Simbahan. Inaasahan na ngayong maglingkod ang lahat. Ang kalalakihan, kababaihan, at kabataan ay nagtuturo sa mga klase, nakikibahagi sa mga panguluhan ng korum at klase, at nagbibigay ng mga mensahe sa sacrament meeting.14 Maraming Banal ang tinawag din bilang mga stake missionary upang hanapin ang mga miyembro ng Simbahan na hindi na dumadalo.15 At, sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga ward at stake ay nagpapadala ng mga grupo ng mga kabataan sa templo upang magsagawa ng mga binyag para sa mga patay.16

Sa paniniwala na makikilala ang Simbahan sa pamamagitan ng mga bunga nito, hinikayat ni Heber ang mga Banal na mamuhay na mabuti. Paulit-ulit niyang hinikayat sila na sundin ang Word of Wisdom nang may kahustuhan, umiwas sa alak, kape, tsaa, tabako, at iba pang nakapipinsalang sangkap na ginagamit kung minsan ng mga naunang henerasyon ng mga Banal. Inutos niya na nararapat sundin ang Word of Wisdom bago makapasok sa templo at maglingkod bilang misyonero at nagsumamo sa mga Banal na magbayad ng buong ikapu at magbigay ng mga handog.17

Noong umaga ng kanyang ikapitumpu’t tatlong taong kaarawan, pinahanga ni Heber ang mga estudyante ng mataas na paaralan sa Snowflake, Arizona, ng mga kuwento tungkol sa mga pagsisikap niya na maging mahusay sa paglalaro ng holen, baseball, sulat-kamay, at pag-awit. Maraming beses na niyang inuulit-ulit ang pagkukuwento nito sa loob ng mga dumaang taon upang maghikayat ng pagtitiyaga at kahusayan, at tila hindi nagsasawang pakinggan ito ng kanyang mga tagapakinig.18

Sa paglipas ng maghapon, ang nangingislap na mga mata, malakas na tinig, at matatag na paghakbang ni Heber ay katibayan ng kanyang mabuting kalusugan at tibay ng katawan. Lahat ng nakakita sa kanya ay hindi mahahalata na napakarami niyang pinuntahang lugar sa estado nang nakaraang araw, walong beses na nagsalita sa mga pagtitipon habang naglalakbay.19


Noong taglagas ding iyon, sa hilagang-silangang Alemanya, nagpupulong ang mga Banal sa Tilsit Branch tuwing umaga ng Sabbath para sa Sunday School. Para makatulong na mapangasiwaan nang maayos ang pulong, ginawa ng branch president na si Otto Schulzke ang lahat ng kanyang makakaya upang masuportahan ang tagapamahala ng Sunday School. Kung may kailangang gawin, mula sa pangangasiwa ng mga pulong hanggang sa pagkumpas sa musika, gagawin ito ni Otto. Ngayon ay parami nang parami ang mga taong pumupunta sa klase tuwing Linggo, kabilang na ang mga taong hindi miyembro ng Simbahan.

Ang siyam na taong gulang na si Helga Meiszus, isa sa maraming batang dumadalo sa Sunday School, ay natutuwa kay Pangulong Schulzke, kahit istrikto ito. Naaalala niya na naging bahagi na ng kanyang buhay si Pangulong Otto at pamilya nito mula noong maliit pa siya. Nang ipanganak siya, ito ang nagbasbas sa kanya sa simbahan.20

Ang pamilya ni Helga ay hindi kailanman nawalay sa Tilsit Branch. Ang kanyang lola sa ina, si Johanne Wachsmuth, ay unang nakakilala ng mga misyonero maraming taon na ang nakararaan. Ngunit nang lumipat ang pamilya sa Tilsit at nakakilala ng ilang lokal na Banal ay saka lamang sila nagsimulang dumalo sa MIA at iba pang mga pulong ng Simbahan. Noong una ay mapaghinala ang lolo ni Helga sa mga Banal, ngunit kalaunan ay sumapi siya sa Simbahan kasama ang ina, lola, mga tiya, at tiyo ni Helga. Ang ama ni Helga ay nabinyagan din bago siya isinilang, ngunit hindi ito madalas na nagsisimba tulad ng kanyang lolo.

Gustung-gusto ni Helga na dumalo sa Sunday School. May isang tao na palaging tumutugtog ng organo limang minuto bago magsimula ang pulong. Ang tiya Gretel ni Helga ang dating gumagawa niyon, ngunit nandayuhan ito sa Canada noong 1928 sa pag-asang balang-araw ay makararating ito sa Utah.21 Ngayon, isa pang babae sa branch, si Sister Jonigkeitt, ang tumutugtog ng paunang musika.22

Tinularan ng Sunday School ng Tilsit ang pagkakasunud-sunod ng programa ng ibang Sunday School sa Simbahan. Ang mga pulong ay nagsisimula sa isang himno, pambungad na panalangin, at isa pang himno. Pagkatapos ay pinangangasiwaan ng mga mayhawak ng priesthood ang sakramento para sa kapakinabangan ng mga batang hindi dumalo sa sacrament meeting kalaunan sa gabi. Kasunod nito, bibigkasin ng Sunday School ang isang talata sa banal na kasulatan at magsasanay ng pag-awit.23

Ang tiyo Heinrich ni Helga ang dating nagtuturo ng mga pag-awit, ngunit nandayuhan din ito sa Canada ilang buwan pagkaalis ni tiya Gretel. Ngayon ay si Pangulong Schulzke na ang karaniwang nagtuturo ng aawitin. Isa sa mga kantang alam ni Helga ay “Manatili sa ’King Tabi,” na inaawit niya kapag tumugtog ang sirena sa kalapit na pabrika ng papel kung saan nagtatrabaho ang kanyang ama. Tuwing naririnig niya ang sirena, alam niyang may masamang nangyari sa pabrika, at nag-aalala siya para sa kanyang ama.24

Kapag natapos na ang pagsasanay sa pag-awit, nagsasabit ang Sunday School ng mga kurtina upang hatiin ang bulwagan sa magkakahiwalay na silid-aralan para sa matatanda, kabataan, at bata. Sa mga ward, ang Sunday School ng mga bata ay nahahati sa dalawang klase, isa para sa mas maliliit na bata at isa para sa mas nakatatanda. Gayunman, sa maliliit na branch na tulad ng Tilsit, magkakasamang nagtitipon ang lahat ng bata sa isang klase.25

Mga labinlimang bata ang dumadalo sa klase kasama si Helga. Bawat linggo ay natututuhan nila ang tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga gawa, pananampalataya kay Jesucristo, ang Ikalawang Pagparito, misyon ni Joseph Smith, at iba pang mga paksa ng ebanghelyo. Kadalasan ang mga batang hindi miyembro ng Simbahan ay dumadalo sa mga klase. Sa pagitan ng mga pulong ng Simbahan, dumadalo kung minsan si Helga sa mga pulong ng Lutheran kasama ang kanyang mga kaibigan sa paaralan at umaawit ng mga lumang himnong Lutheran. Ngunit alam niya na ang relihiyon ng mga Banal sa mga Huling Araw ang totoo.26

Kapag natapos na ang klase nila sa Sunday School, muling magtitipon si Helga at ang iba pang mga bata kasama ang nakatatandang mga Banal para marinig ang pangwakas na pananalita. Umaawit sila ng himno at nagdarasal, at pagkatapos ay ihihinto muna ang klase at magtitipong muli para sa sacrament meeting kinagabihan. Itinatala ni Erika Stephani, ang kalihim ng Sunday School, ang bawat pulong sa kanyang talaan.27


“Napakaraming gawain na hindi ko inaasahan ang idinulot sa akin ng nakaraang taon,” sabi ni Leah Widtsoe sa isang kaibigan noong Disyembre 1929. “Halos nakatuon lang ang oras ko sa paglilibot sa buong Europa kasama ang aking asawa, bumibisita at nagtuturo sa ating mga tao, at pinangangalagaan ang kapakanan ng ating 750 binata na nasa mga lupaing ito na naglilingkod bilang mga misyonero.”28

Hindi siya nagrereklamo. Mahal na mahal niya ang gawain.29 Sa ngayon, nasaksihan nila ni John ang maraming mahahalagang pagbabago sa Simbahan sa Europa. Parami nang parami ang mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa lokal na naglilingkod bilang mga branch president, kaya nabibigyan ng mas maraming oras ang mga misyonero na magbahagi ng ebanghelyo sa mga taong hindi pa nakarinig nito. Ang mga branch ay naghahanap din ng mas magagandang lugar na pagpupulungan. Noong Hulyo 1929, naitayo na ng mga miyembro ng Simbahan sa bayan ng Selbongen sa silangang Alemanya ang isang bahay-pulungan, ang unang kapilya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Alemanya. Ang mga Banal sa Liège at Seraing sa Belgium, gayundin ang mga Banal sa Copenhagen, Denmark, ay nagtatayo rin ng mga kapilya. At noong tag-init na iyon, naglakbay si John patungong Prague, Czechoslovakia, kung saan nakatira ang isang maliit na grupo ng mga Banal, at inilaan ang bansang iyon para sa gawaing misyonero.30

Makabuluhan at masayang karanasan ang buhay sa misyon, subalit nakapapagod din ito. Matindihan ang gawain, at kapwa nangangayayat na sina Leah at John. Dahil nag-aalala sa kanilang kalusugan, sinimulan ni Leah na pagtuunang mabuti ang kanilang mga kinakain, at ginamit ang napag-aralan niya sa unibersidad tungkol sa nutrisyon upang matiyak na kumakain sila ng masusustansyang pagkain. Naging interesado rin siya sa kalusugan ng mga Banal sa Europa.

Sa kanyang unang taon sa misyon, napansin niya na maraming tao ang kumakain ng murang inaangkat na pagkain na kakaunting sustansya lang ang naibibigay sa katawan, na nagbubunga ng malubhang problema sa kalusugan. Noong Enero 1929, nagsimula siyang maglathala ng sunud-sunod na aralin sa Relief Society tungkol sa Word of Wisdom sa Millennial Star. Sa panahong madalas bigyang-diin sa mga talakayan tungkol sa Word of Wisdom kung ano ang iiwasan, ginamit ni Leah ang kanyang kaalaman tungkol sa banal na kasulatan at pag-aaral ng nutrisyon upang ipaliwanag kung paano makapagpapalakas sa isang tao sa pisikal, mental, at espirituwal ang pagkain ng buong butil, prutas at gulay, at iba pang masusustansyang pagkain na inirerekomenda ng Word of Wisdom.

Sa kanyang unang aralin sa Word of Wisdom, binanggit ni Leah ang Doktrina at mga Tipan 88:15 sa ibang pangungusap upang ipaalala sa mga mambabasa na magkaugnay ang espirituwal at pisikal na kalusugan. “Ang espiritu at ang katawan ang bumubuo sa kaluluwa ng tao.” pagpapaalala niya sa mga mambabasa. “Tunay nga na kailangang nakapaloob sa tunay na ebanghelyo ang kalusugan ng katawan at kalakasan dahil ang katawan ay tabernakulo ng espiritu na nananahan sa loob ng katawan at siyang direktang anak ng ating mga magulang sa langit.31

Hinikayat din nila ni John ang mga Banal sa Europa na gumawa ng talaangkanan. “Walang mga templo sa kasalukuyan sa Europa kung saan maaaring isagawa ng mga Banal ang aktuwal na mga ordenansa ng ebanghelyo,” ipinahayag ni John sa artikulong inilathala ng Millennial Star noong ika-29 ng Setyembre. “Samakatwid,” isinulat niya, “ang dapat na pangunahing aktibidad sa mga lupaing ito ay ang magtipon ng talaangkanan.”

Sinimulan ni Leah ang pagsulat ng mga araling pang-talaangkanan para sa mga Banal sa Europa, at bumuo si John ng isang programa na makapagpapalitan ng paglilingkod upang tulungan silang makabahagi sa gawain sa templo. Hiniling niya sa bawat branch na magsimula ng isang klase tungkol sa talaangkanan para tulungan ang mga Banal na magsaliksik ng mga kasaysayan ng kanilang pamilya, maghanda ng mga tsart ng talaangkanan, at tukuyin ang mga pangalan para sa mga ordenansang gagawin para sa iba. Ang mga pangalang ito ay ipadadala sa mga Banal sa Estados Unidos, na magsasagawa ng gawain sa templo para sa kanila. Bilang kapalit ng paglilingkod na ito, ang mga Banal sa Europa ay magsasaliksik ng talaangkanan para sa mga Banal na Amerikano na hindi kayang tustusan ang paglalakbay patawid ng Atlantiko.32

Sa panahong ito, nakipagtulungan sina Leah at John kay Harold Shepstone, ang Ingles na mamamahayag, sa paghanap ng tagapaglathala para sa talambuhay ni Brigham Young na isinulat ng kanyang ina. Ipinagkatiwala ni Susa kina Leah at John ang anumang pagpapaikli na kinakailangan upang maihanda ang manuskrito sa paglalathala. Sinabi niya kay Leah, “Ang pinakamainam ay gamitin ito para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos”

Iginiit din ni Susa na silang dalawa ni Leah ang dapat maging awtor ng akda. “Hindi ako masisiyahan na pangalan ko lamang ang makikita sa kasaysayan ng aking ama,” iniliham niya kay Leah. “Hindi mo malalaman, sapagkat hindi ko maipapaliwanag sa mga salita lamang, ang tulong na ibinigay mo sa akin sa talambuhay na iyan at sa lahat ng aking mga isinulat sa nakalipas na ilang taon.”

Noong Disyembre, ipinabatid ni Harold kina John at Leah na pumayag ang isang malaking kumpanya ng aklat na British na ilathala ang talambuhay.33 Ang balita ay sagot sa mga panalangin ng pamilya, at ito ay dumating sa katapusan ng abala ngunit kapaki-pakinabang na taon.

Labis ang kasiyahan ni Leah na maglingkod sa misyon kasama si John. “Nasasabik lamang kaming umuwi para makita ang mga mahal namin sa buhay at mga kaibigan,” ang isinulat niya minsan sa isang liham. “Pakiramdam ko ay nais kong magwakas ang mga araw ng aking buhay habang nasa misyon—sinisikap na masigasig na ipalaganap ang maluwalhating mga katotohanan ng ebanghelyo ng Panginoon.”34


Noong umaga ng Linggo, ika-6 ng Abril 1930, nagising si Pangulong Heber J. Grant nang alas-singko, handa na para sa magaganap na makasaysayang araw. Sa labas, ang mga kalye sa paligid ng Temple Square sa Lunsod ng Salt Lake ay nagliliwanag sa makukulay na banderitas at mga watawat upang ipagdiwang ang ikasandaang taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Simbahan.35

Noong buong linggong iyon, libu-libong Banal ang nagdagsaan sa lunsod upang makibahagi sa mga pagdiriwang. Ang mga hotel ay puno ng mga tao, at maraming residente ng Lunsod ng Salt Lake ang nagpatuloy ng mga bisita sa kanilang mga tahanan. Wala pang ganitong kalaking kaganapan na nangyari sa lunsod na ito noon, maliban lamang sa paglalaan ng Salt Lake Temple.36

Ang malalaking pahayagan at magasin sa iba’t ibang panig ng mundo ay nag-uulat na tungkol sa sentenaryo. Bukod pa riyan, sinumang magawi sa South Temple Street, ay makikita ang bagong isinulat ni B. H. Roberts na anim-na-tomong kasaysayan ng unang ikasandaang taon ng Simbahan na nakadispley sa bintana ng Deseret Book, ang tindahan ng libro na pag-aari ng Simbahan. Noong unang maorganisa sa hilagang bahagi ng New York, halos walang pumapansin sa Simbahan. Ngayon, sa kalkulasyon ng Deseret News ang publisidad para sa sentenaryo ay umabot na sa humigit-kumulang 75 milyong katao sa Estados Unidos pa lang. Ang larawan ni Pangulong Grant ay itinampok nang linggong iyon sa pabalat ng Time, isa sa mga pinakasikat na magasin sa Estados Unidos. Ang artikulo na kalakip nito ay mapitagan—mapagpuri—sa gawain ng Simbahan.37

Ang pambungad na sesyon ng pangkalahatang kumperensya, na pinakamahalagang pangyayari sa pagdiriwang ng sentenaryo, ay nagsimula nang alas-diyes ng umaga. Dahil limitado ang upuan sa Tabernacle, naglabas ang mga lider ng Simbahan ng espesyal na tiket para sa sesyon at dinagdagan ng isang araw ang kumperensya upang mas maraming tao ang makadalo nang personal. Nag-organisa rin sila ng mga maliliit na pulong sa kalapit na Assembly Hall at sa iba pang mga gusali sa buong lunsod kung saan maririnig nila ang kumperensya.

Para sa mga Banal na nakatira sa malayo, isinahimpapawid ng KSL ang kumperensya sa buong Utah at sa mga kalapit na estado na nagtulot sa mga Banal na makapakinig sa mga kaganapan kahit na daan-daang kilometro ang kanilang distansya. Ang mga Banal na nasa mas malalayong bahagi ng mundo, na hindi makatanggap ng pagsasahimpapawid, ay sinabihang magtipon nang sabay-sabay para sa mas maliliit na pagdiriwang ng sentenaryo na itutulad sa pagdiriwang na ginawa sa Lunsod ng Salt Lake.38

Nag-uumapaw sa pasasalamat ang puso ni Pangulong Grant nang simulan niya ang kumperensya sa pamamagitan ng pagbabasa ng mensaheng inihanda ng Unang Panguluhan. Ilang linggo na ang nakararaan, ipinadala niya at ng kanyang mga tagapayo ang mensahe sa mga stake at mission sa Simbahan, na nagtatagubilin sa kanila na isalin ito, kung kinakailangan. “Sa oras na ito,” ipinabatid niya, “sa iba’t ibang panig ng mundo ang mensaheng ito ay babasahin ng ating mga tao.”

Sa mensaheng ito, nagpatotoo nang may kapangyarihan si Pangulong Grant at ang kanyang mga tagapayo tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo, sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, at sa Kanyang mapanubos na sakripisyo. Binanggit nila ang pag-uusig sa mga naunang Kristiyano at ang mga kalituhan sa relihiyon sa loob ng daan-daang taon na kaakibat ng kanilang mga pagsubok. Pagkatapos ay nagpatotoo sila tungkol sa Aklat ni Mormon, sa panunumbalik ng priesthood at sa organisasyon ng Simbahan, sa pagtitipon ng Israel, pagsisimula ng gawain sa templo para sa mga buhay at patay, at sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

“Hinihikayat namin ang aming mga kapatid na gawing mas banal ang kanilang mga tahanan, upang kayo ay maging handa sa yaong darating,” sabi nila. “Iwaksi ang kasamaan; gawin yaong mabuti. Bisitahin ang maysakit, aliwin ang mga nalulungkot, damitan ang hubad, pakainin ang nagugutom, pangalagaan ang balo at ang mga ulila sa ama.”39

Matapos sang-ayunan ng mga Banal ang mga pangkalahatang awtoridad ng Simbahan, iwinagayway ni Pangulong Grant ang isang panyo at pinamunuan ang kongregasyon sa Sigaw na Hosana. Sa kanilang sariling mga pagdiriwang sa sentenaryo, daan-daang libong Banal sa buong mundo ang isinagawa rin ang sagradong seremonya, sumisigaw ng mga papuri sa Diyos at sa Kordero sa kanilang mga katutubong wika.40

Bumalik ang mga tao sa Tabernacle nang gabing iyon para sa unang pagtatanghal ng Ang Mensahe ng mga Nagdaang Panahon [Message of the Ages], isang maringal na pagtatanghal na naglalarawan ng sagradong kasaysayan ng mundo. Gumamit ang produksyon ng isang libong aktor upang isadula ang mga pangyayari mula sa mga banal na kasulatan at kasaysayan ng Simbahan habang itinatanghal ng mga mang-aawit at mga musikero ang mga himno at ilang pili at napakagagandang musikal na komposisyon sa lahat ng panahon. Ang makukulay na kasuotan ay mahusay na ginawa, na naglalayong matiyak na tumpak na naaayon ito sa kasaysayan. Ang aktor na gumanap na Joseph Smith ay nagsuot ng kuwelyo na dating pag-aari mismo ng propeta.41

Habang papalubog na ang araw sa pagdiriwang, pinagliwanag ng Simbahan ang bawat isa sa pitong templo nito gamit ang mga bago at malalaking ilaw. Ang karingalan ng mga gusali ay nagningning sa kadiliman ng gabi, na lalong nagpakita ng kariktan at kadakilaan na maaaninag nang ilang kilometro sa bawat direksyon. At sa Lunsod ng Salt Lake, ang kumikinang na estatuwa ni anghel Moroni, pati na ang kanyang ginintuang trumpeta na itinaas sa mga tao, ay tila nag-aanyaya sa mga Banal mula sa malalayo at malalawak na lugar na magalak sa kamangha-manghang sentenaryo.42

  1. “Fire in Church,” Cincinnati Enquirer, Set. 10, 1929, 13; Horace Karr, “Joseph Smith’s Prophecy of Mormon Church in Cincinnati,” Commercial Tribune (Cincinnati), Set. 16, 1929, 1–2; Cincinnati Branch, Minutes, Jan. 16, 1932, 3–4; Orson F. Whitney to “The Council of the First Presidency and the Twelve,” Oct. 2, 1929, sa Whitney, Journal, 88; Brown, Journal, Sept. 11, 1929.

  2. Anderson, “My Journey through Life,” volume 4, 134; “First Mormon Church Is to Be Dedicated Here,” Commercial Tribune (Cincinnati), Set. 13, 1929, 12; Williams’ Cincinnati Directory [1929–30], 220, 2020. Paksa: Public Relations

  3. “First Mormon Church Is to Be Dedicated Here,” Commercial Tribune (Cincinnati), Set. 13, 1929, 12. Paksa: Mga Pananalapi ng Simbahan

  4. Horace Karr, “Joseph Smith’s Prophecy of Mormon Church in Cincinnati,” Commercial Tribune (Cincinnati), Set. 16, 1929, 1–2; Northern States Mission, General Minutes, Sept. 14–15, 1929, 571–72; Northern States Mission, Manuscript History and Historical Reports, volume 6, Sept. 15, 1929; Orson F. Whitney to “The Council of the First Presidency and the Twelve,” Oct. 2, 1929, in Whitney, Journal, 88; “Chapel Fulfills Prophecy of 1831,” Deseret News, Set. 25, 1929, 7.

  5. Cincinnati Branch, Minutes, Jan. 16, 1932, 1–4; Anderson, Twenty-Three Years in Cincinnati, 45; Horace Karr, “Joseph Smith’s Prophecy of Mormon Church in Cincinnati,” Commercial Tribune (Cincinnati), Set. 16, 1929, 1–2.

  6. Northern States Mission, General Minutes, Sept. 14–15, 1929, 571–72; Horace Karr, “Joseph Smith’s Prophecy of Mormon Church in Cincinnati,” Commercial Tribune (Cincinnati), Set. 16, 1929, 1; Cincinnati Branch, Minutes, Jan. 16, 1932, 4. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “nadama niya” na nasa orihinal ay pinalitan ng “nadarama ko.”

  7. Grant, Journal, Nov. 1, 1929; George Atkin, “By Telegraph,” Deseret Evening News, Nob. 5, 1880, [4]; Heber J. Grant to Richard R. Lyman, Dec. 6, 1930, Letterpress Copybook, volume 68, 187, Heber J. Grant Collection, CHL; “Tooele Stake Conference,” Deseret News, Nob. 10, 1880, 652.

  8. Heber J. Grant to June and Isaac Stewart, Dec. 2, 1929, Letterpress Copybook, volume 67, 432, Heber J. Grant Collection, CHL; Grant, Journal, Nov. 22, 1928, and Oct. 31, 1929; “Daughter L. D. S. Leader Dies at Local Hospital,” Salt Lake Tribune, Ago. 1, 1929, 26.

  9. Mga Banal, tomo 2, kabanata 31; Plewe, Mapping Mormonism, 127, 132; “President Udall of Mormon Temple Is Back from Utah,” Arizona Republican (Phoenix), Okt. 16, 1927, 4; “President Grant Invokes Divine Blessings on All,” Deseret News, Okt. 29, 1927, seksyon 3, ix; tingnan din sa Arizona Temple, Dedication Services, Oct. 23–24, 1927, 21–22, 84–88.

  10. Heber J. Grant, Rudger Clawson, sa One Hundredth Annual Conference, 3–13, 33; Pusey, Builders of the Kingdom, 281–82; Rudger Clawson to First Presidency, Sept. 21, 1928, copy; Minutes, Jan. 17, 1929, Council of the Twelve Apostles, General File, CHL; tingnan din sa “Members of Church Everywhere Join in Fete,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 5], 3; “Pageant Takes Gospel History through Ages,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 3], 9; at “The Centennial Pageant,” Improvement Era, Mayo 1930, 33:460–61, 503–4.

  11. Grant, Journal, Nov. 15–25, 1929; Heber J. Grant to W. C. Orem, Dec. 30, 1918, Heber J. Grant Collection, CHL; Heber J. Grant to David O. McKay, Feb. 6, 1919, Letterpress Copybook, volume 54, 1450, Heber J. Grant Collection, CHL.

  12. George F. Richards, Diary, Oct. 7, 1923; Dec. 21, 1924; Feb. 1, 1925; Jan. 9, 1927; Feb. 10, 1929; Heber J. Grant to Grace Grant Evans, Oct. 10, 1924, Heber J. Grant Collection, CHL; Baker and Mott, “From Radio to the Internet,” 342–43; Grant, Journal, Feb. 14, 1929; Sunday Evening Radio Addresses, 192429.

  13. “Entire U.S. Will Hear Them,” Deseret News, Hulyo 11, 1929, seksyon 2, 1; Newell, “Seventy-Five Years of the Mormon Tabernacle Choir’s Music and the Spoken Word,” 128–29; Hicks, Mormon Tabernacle Choir, 71–74. Mga Paksa: Tabernacle Choir; Broadcast Media

  14. Walker, “‘Going to Meeting’ sa Salt Lake City’s Thirteenth Ward,” 138–61; Shipps, May, and May, “Sugar House Ward,” 310, 329–33; Hartley, “Church Activity during the Brigham Young Era,” 249–67; George F. Richards, Diary, Mar. 15, 1925; “Ogden Tabernacle Too Small,” Ogden (UT) Standard-Examiner, Abr. 19, 1920, 6. Mga Paksa: Mga Ward at Stake; Mga Sacrament Meeting

  15. “Boise Stake Plans Special Missionary Work in Its District,” Deseret News,Ene. 8, 1921, 11; “Nebo Stake Organizes Home Missionaries,” Deseret News, Ene. 23, 1922, seksyon 2, 1.

  16. George F. Richards, Diary, Oct. 31, 1921; Nov. 14, 1921; May 8, 1922; “Junior Excursions,” Deseret News, Mayo 13, 1922, seksyon 4, viii; “Boxelder Junior Excursion,” Deseret News, Mayo 20, 1922, seksyon 4, viii. Paksa: Binyag para sa Patay

  17. Heber J. Grant to J. L. Cotter, Nov. 23, 1922, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; Heber J. Grant to John Baxter, Dec. 8, 1925, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 71; Peterson, “Historical Analysis of the Word of Wisdom,” 90–94; Heber J. Grant, in Ninety-Second Semi-annual Conference, 6–7; “M. I. A. and Primary Conferences Close in Joint Sessions,” Deseret News, Hunyo 12, 1922, seksyon 2, 6. Mga Paksa: Word of Wisdom; Pagbabawal ng Alak; Ikapu

  18. “Young Folks of Uintah,” Deseret Weekly, Hunyo 5, 1897, 799; Grant, Journal, Feb. 4, 1900; Nov. 16, 1907; Nov. 28, 1909; Feb. 4, 1912; Jan. 18, 1914; Feb. 11, 1917; Nov. 22, 1929; Heber J. Grant to Mary Wikoff, Jan. 31, 1930, Letterpress Copybook, volume 67, 665, Heber J. Grant Collection, CHL.

  19. Grant, Journal, Nov. 21, 1929; David O. McKay to Augusta Winters Grant, Nov. 28, 1929, sa Grant, Journal, Nov. 22, 1929. Paksa: Heber J. Grant

  20. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 58; Helga Meischus entry, Königsberg Conference, Swiss-German Mission, Births and Blessings, 1921, 854–55, sa Germany (Country), part 32; Königsberg District, German-Austrian Mission, Ordinations to the Priesthood, 1929, 1580, sa Germany (Country), part 34, segment 1, Record of Members Collection, CHL; tingnan din sa Tilsit Branch, Sunday School Minutes and Records, Ene. 2, 1927–Dis. 15, 1929. Ang apelyido ni Helga ay binaybay bilang Meizsus o Meischus sa ilang talaan.

  21. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 3–5, 12, 25–27; Königsberg District, German-Austrian Mission, Emigration Record, 1928, 67, sa Germany (Country), part 34, segment 1, Record of Members Collection, CHL; tingnan din sa Tilsit Branch, Sunday School Minutes and Records, May 1, 1927–Aug. 5, 1928.

  22. Circular of the First Presidency, 5; tingnan din sa Tilsit Branch, Sunday School Minutes and Records, Dec. 30, 1928; Jan. 6, 1929; Feb. 24, 1929; June 9, 1929.

  23. Tingnan sa Tilsit Branch, Sunday School Minutes and Records, Jan. 2, 1927–Dec. 29, 1929. Mga Paksa: Sunday School; Mga Himno

  24. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 16, 25–27; tingnan din sa Tilsit Branch, Sunday School Minutes and Records, Jan. 2, 1927–Dec. 29, 1929.

  25. Naujoks at Eldredge, Shades of Gray, 29; Allen, Journal, Mar. 10, 1929; tingnan din sa Tilsit Branch, Sunday School Minutes and Records, Jan. 6–Dec. 29, 1929.

  26. Tilsit Branch, Sunday School Minutes and Records, June 2, 1929; Nov. 24, 1929; Dec. 1, 8, 15, and 22, 1929; Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 32.

  27. Tingnan sa Tilsit Branch, Sunday School Minutes and Records, Jan. 2, 1927–Dec. 29, 1929.

  28. Leah Dunford Widtsoe to Louise Stanley, Dec. 21, 1929, Widtsoe Family Papers, CHL.

  29. Tingnan sa Leah Dunford Widtsoe to Libby Snow Ivins, Nov. 1, 1929; at Leah Dunford Widtsoe to Ethel Johnson, Feb. 5, 1929, Widtsoe Family Papers, CHL.

  30. Danish Mission, French Mission, German-Austrian Mission, Netherland Mission, Report of the Mission President, 1929, volume 11, Presiding Bishopric Financial, Statistical, and Historical Reports, CHL; German-Austrian Mission, Manuscript History and Historical Reports, volume 1, Apr. 27 and July 14, 1929; “Story of Only Church Owned Chapel in Germany,” Deseret News, Dis. 24, 1938, Church section, 4; Phillip Jensen, “President Widtsoe and Party in Denmark,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Hulyo 25, 1929, 91:476; Mehr, “Czechoslovakia and the LDS Church,” 112–17; tingnan din sa John A. Widtsoe to First Presidency, Jan. 24, 1930, First Presidency Mission Files, CHL. Ang bayan ng Selbongen, Germany, ay Zełwagi, Poland na ngayon. Mga Paksa: Germany; Belgium; Denmark; Czech Republic; Poland

  31. Leah Dunford Widtsoe to Cornelia Groesbeck Snow, Nov. 30, 1928; Leah Dunford Widtsoe to Mrs. Haeberle, Dec. 23, 1929; Leah Dunford Widtsoe to Louise Stanley, Dec. 21, 1929, Widtsoe Family Papers, CHL; Leah Dunford Widtsoe, “Relief Society Course of Study for 1929,” at “Word of Wisdom Lessons (No. 1),” Latter-day Saints’ Millennial Star, Ene. 17, 1929, 91:35–39; Heber J. Grant, “Addresses by Members of First Presidency,” Deseret News, Hunyo 23, 1928, seksyon 3, v; Wendell Johnson, “Why I Believe I Should Obey the Word of Wisdom,” Juvenile Instructor, Mar. 1929, 64:148–49; “Special Lesson,” Juvenile Instructor, Hunyo 1929, 64:335; tingnan din sa Leah Dunford Widtsoe, “Word of Wisdom Lessons (No. 9),” Latter-day Saints’ Millennial Star, Ago. 15, 1929, 91:518–19, 521–23; at Leah Dunford Widtsoe, “Word of Wisdom Lessons (No. 12),” Latter-day Saints’ Millennial Star, Nob. 21, 1929, 91:741–43, 745–46. Paksa: Word of Wisdom

  32. John A. Widtsoe, “A European Program for Genealogical Study, Research and Exchange,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Set. 19, 1929, 91:596–97; Susa Young Gates to Leah Dunford Widtsoe, Feb. 2, 1929, Widtsoe Family Papers, CHL. Paksa: Family History and Genealogy [Family History at Genealogy/Talaangkanan]

  33. Susa Young Gates to Leah Dunford Widtsoe, Sept. 16, 1929; Oct. 3, 1929; Susa Young Gates to John A. Widtsoe, Telegram, Sept. 15, 1929, Widtsoe Family Papers, CHL; Widtsoe, Diary, Dec. 6, 1929; Harold Shepstone to Susa Young Gates, Dec. 11, 1929, Susa Young Gates Papers, CHL; tingnan din sa Susa Young Gates to Leah Dunford Widtsoe, Oct. 7, 1930, Widtsoe Family Papers, CHL; and Susa Young Gates and Leah Dunford Widtsoe, The Life Story of Brigham Young (New York: Macmillan, 1930).

  34. Widtsoe, Diary, Dec. 31, 1929; Leah Dunford Widtsoe to Ethel Johnson, Feb. 5, 1929; Leah Dunford Widtsoe to Libby Snow Ivins, Nov. 1, 1929, Widtsoe Family Papers, CHL. Paksa: Sina John at Leah Widtsoe

  35. Grant, Journal, Apr. 6, 1930; “City Dresses Up Leading Streets for Centennial,” Deseret News, Abr. 3, 1930, 1; “S. L. Appears in Gala Attire for Celebration of Centennial,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 3], 5.

  36. “Centennial Crowd Begins to Pour In as Opening Nears,” Deseret News, Abr. 4, 1930, 1; “Church Centennial Arrives,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 5], 1, 3; “Rails, Airlines, Autos Bring Crowds to S. L.,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 4], 3; “Church Had Only Seven Elders at First Conference,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 4], 4.

  37. “News of Centennial Reaches 75,000,000 Persons in America,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 4], 4; “A Comprehensive History of the Church,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 3], 11; “Mormon Centenary,” Time, Abr. 7, 1930, 26–28, 30; tingnan din sa Mga Banal, tomo 1, kabanata 8 at 9; at Publicity Committee Scrapbook, 1930.

  38. Grant, Journal, Apr. 6, 1930; “First Day, Morning Meeting,” One Hundredth Annual Conference, 2; “White Ticket Must Be Used on Sunday,” Deseret News, Abr. 4, 1930, 1; “Centennial Crowd Begins to Pour In as Opening Nears,” Deseret News, Abr. 4, 1930, 1; “Saints All Over World Join in Centenary Fete,” at “800,000 to Hear Centennial over Radio Hook-Ups,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 3], 2–3; “News of Centennial Reaches 75,000,000 Persons in America,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 4], 4. Paksa: Broadcast Media

  39. Heber J. Grant, in One Hundredth Annual Conference, 3–13; First Presidency to Stakes and Mission Presidents, Mar. 3, 1930, sa Messages of the First Presidency, 5:273.

  40. “First Day, Morning Meeting,” at Heber J. Grant, sa One Hundredth Annual Conference, 2, 21–22; tingnan din sa “Hosanna Shouts Mark Mormons’ Centennial Here,” Milwaukee (MN) Journal, Abr. 7, 1930, 4; at William Callister, “Members of L. D. S. Church in Europe Celebrate Centennial,” Deseret News, Mayo 10, 1930, seksyon 3, vi.

  41. The Message of the Ages: A Sacred Pageant . . . (Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1930); “God and Man’s Story Retold in Allegory,” Salt Lake Tribune, Abr. 7, 1930, 1, 8–9; “Pageant Takes Gospel History through Ages,” “Greatest Music of World Woven into Big Pageant,” at “History and Relics Studied to Make Costumes Perfect,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 3], 9; “The Centennial Pageant,” Improvement Era, Mayo 1930, 33:460–61, 503–4.

  42. “New Floodlights Illuminate All 7 Temples of Church,” Deseret News, Abr. 5, 1930, [seksyon 3], 5; William Callister, “Centennial Celebrations in Salt Lake,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Mayo 15, 1930, 92:372. Paksa: Anghel Moroni