Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 29: Isang Malaking Pamilya


Kabanata 29

Isang Malaking Pamilya

mga kamay na gumuguhit ng sketch ng floor plan ng isang gusali

Noong unang bahagi ng 1996, sa Pilipinas, ang president ng Relief Society ng Iloilo Stake na si Maridan Nava Sollesta ay tumanggap ng magandang balita mula sa kanyang stake president na si Virgilio Garcia. Ilang buwan na ang nakararaan, sumulat siya sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society na humihiling ng pagdalaw mula kay Chieko Okazaki, ang unang tagapayo kay President Elaine L. Jack. Ang mga mensahe ni Sister Okazaki sa kumperensya na nanghihikayat ng pananampalataya ay nagbigay-inspirasyon kay Maridan, at naniniwala siyang malaking pakinabang sa kababaihan ng kanyang stake kung maririnig nila ito nang personal. At ngayon, sinabi ni Pangulong Garcia sa kanya, tumanggap si Sister Okazaki ng atas na dumalaw sa kanilang stake.

Kamakailan lamang ay narating ng Simbahan ang isang mahalagang yugto: mas marami nang mga Banal sa labas ng Estados Unidos kaysa sa loob ng bansa. Sumapi si Maridan at ang kanyang asawang si Seb sa Simbahan mahigit isang dekada na ang nakalipas. Ibinuklod sila sa Manila Temple noong 1984, at mula noon ay nagkaroon sila ng tatlong anak na lalaki, na ngayon ay pito, siyam, at sampung taong gulang. Sa loob ng limang taon mula nang tinawag si Mardian bilang pangulo ng Relief Society, lumago ang Simbahan sa Pilipinas at nadagdagan ng mahigit 80,000 mga miyembro. Ang kabuuang dami ng mga miyembro sa bansa ay 360,000, panglima sa pinakamalaking populasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mundo, nahihigitan lamang ng Estados Unidos, Mexico, Brazil, at Chile.

Ang bilang ng mga general authority mula sa labas ng Estados Unidos ay patuloy ring dumarami. Ang Una at Pangalawang Korum ng Pitumpu ay kinabibilangan na ng mga miyembro na gaya nina Angel Abrea mula sa Argentina, Hélio da Rocha Camargo at Helvécio Martins mula sa Brazil, Eduardo Ayala mula sa Chile, Carlos H. Amado mula sa Guatemala, Horacio A. Tenorio mula sa Mexico, Yoshihiko Kikuchi mula sa Japan, Han In Sang mula sa South Korea, at si Augusto A. Lim mula sa Pilipinas. Noong 1995, nilikha ng Unang Panguluhan ang katungkulan ng area authority upang palitan ang posisyon ng regional representative, dinaragdagan ang bilang ng mga lider ng priesthood sa buong mundo na nagbibigay-suporta sa mga lokal na unit. Si Sister Okazaki, na isinilang at lumaki sa Hawaii, ay ang unang tao na may lahing taga-Asia na naglingkod sa isang pangkalahatang panguluhan ng Simbahan.

Sa Lunsod ng Iloilo, nasasaksihan mismo ni Maridan ang paglago ng Simbahan. Mayroon na ngayong walong ward at anim na branch sa kanyang stake, at nagiging mas mahirap na para sa kanya at sa iba pang mga lider ng stake na dalawin ang bawat kongregasyon. Pag-aari at pinangangasiwaan ni Maridan ang isang kumpanyang parmaseutikal na lubhang niyang pinagkakaabalahan. Subalit ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya upang maglingkod sa kababaihang nasa pangangalaga niya. Bagama’t maraming bagong bininyagan ang naging malalakas na mga miyembro, marami ring mga Banal sa Pilipinas ang tumigil sa pagdalo sa kanilang mga miting sa Simbahan. Kung minsan, kapag dinadalaw sila ni Maridan, hindi nila siya kinakausap. Ang iba naman ay tinanggap ang mga pagbisita niya at pinahahalagahan ang interes niya sa kanila.

Habang nakikipag-usap si Maridan sa kababaihang ito, nalaman niya na ang ilan ay masama-ang-loob sa mga kapwa miyembro ng Simbahan. Ang iba ay nawalan na ng pananampalataya at bumalik sa dati nilang gawi sa buhay. May ilang kababaihang hindi natamasa o hindi gaanong naunawaan ang mga miting dahil hindi sila sanay ng wikang Ingles o Tagalog, ang dalawang pangunahing wikang ginagamit ng Simbahan sa Pilipinas. Bagama’t pinagsisikapan ng Simbahan na isalin ang mga materyal nito sa halos dalawang daang wika at dayalekto ng bansa, malaking problema ang komunikasyon sa mga miyembro ng Simbahan.

Dumating si Sister Okazaki sa Lungsod ng Iloilo City noong umaga ng Pebrero 24, 1996. Sina Maridan at President Garcia ay bahagi ng komite na sumundo sa kanya, kina Elder Augusto A. Lim, at Sister Myrna Lim sa airport o paliparan.

Sa natitirang bahagi ng araw, tinuruan si Maridan at ang mga miyembro ng kanyang stake nina Sister Okazaki at Elder Lim. Sa kanyang unang lesson, ginamit ni Sister Okazaki ang Doktrina at mga Tipan 107 upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagkatuto at pagtupad ng katungkulan ng tao sa Simbahan. Kalaunan noong gabing iyon, nagsalita siya sa buong stake tungkol sa paghahangad ng mga pagpapala mula sa Ama sa Langit.

“Mga minamahal kong kapatid,” sabi niya, “maaari nating hilingin ang mga ninanais ng ating puso. Maaari tayong humiling nang may pananampalataya at nang may kumpiyansa. Alam natin na isang mapagmahal na Ama ang nakikinig sa atin. Kusa Niyang ibibigay sa atin ang nais natin kapag kaya Niya iyon.”

Linggo kinabukasan, at dumalo si Sister Okazaki sa mga miting ng Iloilo City Ward. Noong panahong iyon, tinuruan at hinikayat niya si Maridan na makipag-usap sa mga sister ng Relief Society sa kanilang katutubong wika upang maunawaan nila ang itinuturo niya. Bago umalis noong hapong iyon, nagbigay si Sister Okazaki kay Maridan ng kopya ng aklat tungkol sa pamumuno.

Makalipas ang ilang buwan, may pagkakataon na si Maridan at ang iba pang mga Pilipinong Banal na makipag-usap sa isa pang lider ng Simbahan: si Pangulong Gordon B. Hinckley. Mula nang naging pangulo ng Simbahan, naglakbay siya sa buong mundo upang dalawin ang mga Banal. Sa Pilipinas, dumalaw siya sa Manila at sa Cebu City.

Habang nasa Manila, sinagot niya ang mga tanong ng mga lokal na istasyon ng telebisyon tungkol sa Simbahan. Isang tanong ang tumukoy sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” isang kailan lamang na pahayag mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Sa loob ng ilang taon, nag-aalala ang mga lider ng Simbahan na ang mga tradisyunal na turo ukol sa pag-aasawa at pamilya ay nagbabago na sa buong mundo. Pinatototohanan ng pahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos at ang pamilya ay lubhang mahalaga sa Kanyang plano ng kaligtasan. Pinagtitibay nito ang kabanalan ng buhay, ipinapahayag na lahat ng tao ay minamahal na anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, nilalang sa larawan ng Diyos, na may banal na katangian at tadhana. Hinihikayat din nito ang mga magulang na mahalin ang kanilang mga anak at palakihin ang mga ito sa kabutihan, magkasamang nagsisikap na may pantay na pananagutan habang nagtataguyod sila ng tahanang batay sa “pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”

“Ang pamilya ay ang organisasyong inorden ng Diyos,” paliwanag ni Pangulong Hinckley sa tagapanayam sa Pilipinas. “Ang Diyos ay ang ating Walang Hanggang Ama, at tayo ay Kanyang mga anak, anuman ang lahi, kulay, o anupaman. Lahat tayo ay Kanyang mga anak. Bahagi tayo ng Kanyang pamilya.”

Kalaunan, habang nagsasalita sa isang coliseum na puno ng tatlumpu’t limang libong mga Banal, binanggit niya na kung minsan ay tinatanong ng mga tao kung bakit napakabilis ng paglago ng Simbahan sa Pilipinas.

“Ganito kasimple ang sagot,” sabi niya. “Ang Simbahang ito ay tumatayo bilang angkla, isang matibay na angkla ng katotohanan sa mundong ito na pabagu-bago ang pinahahalagahan.”

“Bawat lalaki at babaeng sumasapi sa Simbahang ito at kumakapit sa mga turo nito,” pagpapatuloy niya, “ay mamumuhay nang mas maayos, mas magiging maligayang lalaki o babae, tataglayin sa kanyang puso ang dakilang pagmamahal para sa Panginoon at sa Kanyang mga pamamaraan.”


Isang gabi noong Marso 1996, nakatayo si Veronica Contreras kasama ang kanyang asawang si Felicindo sa labas ng gusali ng kanilang ward sa Santiago, Chile. Kalilipat lamang nila sa kabisera mula sa Panguipulli, isang mas maliit na lunsod sa timog Chile, umaasang makahanap ng mas magandang pagkakataon sa edukasyon para sa kanilang limang anak. Magiging mas malapit na rin sila sa Santiago Chile Temple at magiging kabilang sa isang stake, na makapagbibigay ng mga nasa pamantayang klase sa seminary at mga aktibidad para sa kabataan. Bagama’t hindi Linggo noon, inisip ng mag-asawa na baka may matagpuan silang ibang miyembro ng Simbahan sa meetinghouse. Pero nang dumating sila roon, nakita nilang nakakandado ang mga pinto. Walang tao roon.

Kalaunan noong linggong iyon, pinahinto ng mag-asawa ang magkompanyon na misyonero na nakasakay ng bisikleta at hiniling sa mga ito na tulungan ang pamilya nila na makausap ang bishop. Hindi nagtagal, dumating ang bishop sa tahanan ng mga Contreras at mainit silang tinanggap sa ward, pero hindi sila inihanda ng pagbisita nito sa nakaabang sa kanila noong unang Linggo nila sa simbahan.

Sa Panguipulli, inaalagaan ng mga Banal ang kanilang meetinghouse gaya ng kanilang tahanan, nililinis at pinananatiling maayos ito. Subalit nang pumasok si Veronica sa meetinghouse sa Santiago, nagulat siya nang makita niyang puno ng mga bakas ng sapatos at gulong ang sahig mula sa mga batang nagbisikleta sa loob ng mga bulwagan. Noong sacrament meeting, karamihan sa mga bangko ay bakante, kahit na may higit sa pitong daang miyembro sa talaan.

Nakakalungkot na ang mga suliraning natagpuan ng mga Contreras sa kanilang bagong ward ay hindi naiiba sa Chile. Mabilis na tumaas ang bilang ng mga bininyagan sa kabuuan ng Timog Amerika noong dekada ng 1980 at unang bahagi ng dekada ng 1990, na humantong sa pag-organisa ng maraming stake. Pero maraming bagong miyembro sa buong mundo ang nahihirapang panatilihin ang kanilang tipan sa ipinanumbalik na ebanghelyo matapos silang binyagan.

Ilang taon nang nag-aalala ang mga lider ng Simbahan sa pagpapanatili ng mga bagong binyag at sinubukang lutasin ang problema sa iba’t ibang paraan. Noong 1986, binuwag ang lokal na katungkulan sa priesthood na pitumpu, na nagbibigay ng dagdag na lakas sa mga lokal na elders quorum. Hinikayat din ang mga misyonero na maglaan ng mas maraming oras sa pakikipagkapatiran sa mga bagong miyembro, at lumikha ang Simbahan ng isang serye ng anim na mga lesson para sa bagong miyembro upang tulungang makaangkop ang mga bagong binyag. Pero maraming tao pa rin ang hindi nakatanggap ng mga ganitong lesson. At ang mga ward gaya ng nasa Santiago ay madalas nalulula sa dami ng gawain. Sobrang kakaunti ang mga miyembrong dumadalo sa mga miting kung ihahambing sa kabuuang bilang ng mga Banal sa ward.

Ang bagong bishop ng mga Contreras ay isang mabait at tapat na lalaki, pero wala siyang mga counselor o tagapayo para tumulong sa mga tungkulin niya. Kailangan din niyang magtrabaho nang mas matagal bawat araw at madalas na hindi magawang makipagpulong sa mga miyembro sa mga karaniwang araw. Nang nakipagkita sa kanya sina Veronica at Felicindo, nag-alok silang tumulong sa paglilingkod kung saanman sila kailangan. Hindi nagtagal, tumutugtog ng organ sa ward ang kanilang panganay na anak na babae, at ang kanilang mga anak na lalaki ay naglilingkod kasama ang iba pang mga kabataang lalaki. Nagsimulang tumulong si Felicindo sa family history at gawain sa templo at maglingkod sa stake high council. Samantala, tinawag si Veronica na maglingkod bilang ward Relief Society president.

Sinamahan sila ng iba pa sa kanilang paglilingkod. Pero napakarami pang kailangang gawin upang mas mapatakbo nang maayos ang ward.


Nang inanunsyo ang Hong Kong Temple noong Oktubre 1992, lubos ang kaligayahan ni Nora Koot Jue. Mahigit tatlumpung taon na ang lumipas mula nang naglingkod siya sa Southern Far East Mission. Noong panahong iyon, nandayuhan siya sa Estados Unidos, pinakasalan ang isang Tsino-Amerikanong nagngangalang Raymond Jue, at nagkaroon ng apat na anak. Ngunit ang mga karanasan niya bilang naunang bininyagang Tsino sa Simbahan sa Hong Kong ay malinaw na nanatili sa kanyang alaala. Ang mga ito ay mga kuwentong ibinahagi niya sa mga anak niya sa oras ng kanilang pagtulog.

Inisip ni Raymond na dapat pumunta ang buong pamilya sa paglalaan ng templo.

“Hindi,” sagot ni Nora. “Magastos iyan.”

Namilit si Raymond. “Kailangan nating pumunta,” sabi niya.

Nagsimulang mag-ipon ng pera ang pamilya. Nagsilakihan na ngayon ang mga bata, at batid nila kung gaano kahalaga ang bahay ng Panginoon sa kanilang ina. Nang nandayuhan siya sa Estados Unidos noong 1963, dumaan muna siya sa Hawaii upang tanggapin ang kanyang endowment sa templo sa Laie. Kalaunan, ibinuklod sila ni Raymond sa Los Angeles Temple, at hindi nagtagal, inilaan ang Oakland Temple malapit sa kanilang tahanan sa San Francisco Bay Area sa California. Kalaunan ay naging mga temple worker doon sina Nora at Raymond, na nagbigay kay Nora ng pagkakataong mangasiwa ng mga ordenansa ng templo sa wikang Mandarin, Cantonese, Hmong, at iba pang mga wika.

Nang matapos ang pagtatayo sa Hong Kong Temple noong Mayo 1996, nagdaos ang Simbahan ng dalawang linggong open house. Dumating sa lunsod si Nora at ang kanyang pamilya sa gabi ng Mayo 23, tatlong araw bago ang paglalaan ng templo. Nang lumabas sila ng paliparan, nadama ni Nora ang mainit, maalinsangang hangin na nakapaligid sa kanya.

“Maligayang pagdating sa Hong Kong,” nakangiti niyang sinabi sa pamilya niya.

Nang sumunod na ilang araw, inilibot ni Nora sa lungsod ang kanyang pamilya. Ang panganay niyang babaeng si Lorine ay naglingkod din sa mission sa Hong Kong at nasisiyahan silang muling bisitahin ang lugar nang magkasama. Habang ipinapakita ni Nora sa kanyang mga anak ang mga daan at gusaling pamilyar sa kanya noon, naging mas totoo ang mga kuwentong narinig nila noong mga bata pa sila. Isa sa mga lugar na pinagdalhan niya sa kanila ay ang templong itinayo sa lugar ng dating mission home kung saan siya gumugol ng maraming oras bilang dalaga. Napakasaya ni Nora na makitang ginamit ang lugar sa banal na layunin.

Sa umaga ng Linggo, Mayo 26, dumalo ang pamilya sa isang espesyal na sacrament meeting kasama ang mission president ni Nora, si Grant Heaton, at iba pang mga dating misyonero mula sa Southern Far East Mission. Sa pulong, nagbahagi ng patotoo si Pangulong Heaton at ang mga misyonero. Nang pagkakataon na ni Nora, tumayo siya. “Nag-aalab ang Espiritu sa loob ko,” patotoo niya. “Produkto ako ng lupaing ito at ng mission na ito. At nagpapasalamat ako.”

Kinabukasan, magkakatabing nakaupo si Nora at ang kanyang pamilya sa silid selestiyal ng Hong Kong Temple. Nagniningning at nakangiti ang mukha ni Nora habang sinisimulan ni Pangulong Thomas S. Monson ang miting at nagsalita si Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pakiwari niya ay parang bumalik na sa simula ang buhay niya. Apatnapu’t dalawang taon na ang nakararaan, nagsumamo siya kay Elder Harold B. Lee na ibalik ang Simbahan sa Hong Kong. Mayroon lamang iilang Banal sa lungsod noong panahong yaon. Ngayon, ang Hong Kong ay mayroon nang bahay ng Panginoon, at naroroon siya kasama ang kanyang asawa at mga anak.

Sa pagtatapos ng miting, binasa ni Pangulong Thomas S. Monson ang panalangin ng paglalaan. “Ang Inyong Simbahan ay lumago at pinagpala ang buhay ng marami sa Inyong mga anak na lalaki at anak na babae sa lugar na ito,” panalangin niya. “Nagpapasalamat kami sa Inyo sa lahat ng tumanggap ng ebanghelyo at nanatiling totoo at tapat sa mga tipang ginawa sa Inyo. Ang Simbahan sa lugar na ito ay lubusan nang yumabong sa paglalaan ng banal na templong ito.”

Dumaloy ang mga luha sa mukha ni Nora habang inaawit ng lahat ang “Espiritu ng Diyos.” Nang matapos ang pangwakas na panalangin, niyakap niya ang kanyang asawa at mga anak. Masaya at kuntento ang kanyang puso.

Noong gabing iyon, dumalo ang pamilya sa isang mission reunion. Medyo nahuli ang dating nila at nadatnan nilang nagkukuwentuhan na ang lahat sa isang silid. Tumahimik ang mga tao nang pumasok si Nora, at namangha ang pamilya niya habang pinapanood nilang isa-isang binabati ito nang buong-dangal at may paggalang.

Habang nakikipag-usap si Nora sa mga dati nang kaibigan, tinapik siya sa balikat ng isang matandang lalaki. “Naalala mo pa ba ako?” tanong nito.

Tiningnan siya ni Nora, at nakilala niya ang matanda. Si Harold Smith ito, isa sa mga unang misyonerong nakilala niya noong bata pa siya. Ipinakilala niya ito sa kanyang mga anak.

“Akala ko ay wala akong nagawang kaibhan,” sabi nito sa kanya. Hindi ito makapaniwalang natatandaan pa siya ni Nora.

“Hindi mo kinakalimutan ang taong sumagip sa iyo,” sabi ni Nora.


Noong Mayo 1997, bumagsak ang pamahalaan ng Zaire matapos ang ilang taon ng digmaan at kaguluhan sa pulitika. Si Pangulong Mobutu Sese Seko, na may kontrol sa bansa sa loob ng mahigit tatlong dekada, ay malapit nang pumanaw, at ngayon ay wala na siyang lakas upang pigilan ang pagbagsak ng kanyang rehimen. Ang mga militar mula sa Rwanda, ang kapitbahay ng Zaire mula sa silangan, ay pinasok ang bansa para hanapin ang mga ipinatapong rebelde mula sa sarili nitong digmaang sibil. Hindi nagtagal ay sumunod ang ilang bansa sa silangang Africa, na sa huli ay nakipagtulungan sa ibang grupo upang palayasin sa puwesto ang nanghihinang pangulo, palitan ito ng bagong lider, at palitan ang pangalan ng bansa bilang Democratic Republic of the Congo, o DRC.

Patuloy ang pag-iral ng Simbahan sa kabila ng patuloy na kaguluhan. Humigit-kumulang anim na libong mga Banal ang nakatira sa DRC. Sakop ng Kinshasa Mission ang limang bansa na may labimpitong full-time na misyonero. Noong Hulyo 1996, maraming mag-asawa mula sa rehiyon ang naglakbay nang mahigit 2,800 kilometro upang tanggapin ang kanilang pagpapala sa templo sa Johannesburg South Africa Temple. Makalipas ang ilang buwan, noong Nobyembre 3, inorganisa ng mga lider ng Simbahan ang Kinshasa Stake, ang unang stake sa DRC at ang unang stake sa Africa na gumagamit ng wikang Pranses. Mayroon ding limang district at dalawampu’t anim na branch sa buong mission.

Sa Luputa, si Willy Binene, na ngayon ay dalawampu’t pitong taong gulang, ay umaasa pa ring makapaglingkod sa full-time mission, sa kabila ng kaguluhan sa kanyang bansa. Ngunit nang ibinahagi niya ang kanyang inaasam kay Ntambwe Kabwika, isang tagapayo sa mission presidency, tumanggap siya ng nakakalungkot na balita.

“Kapatid,” sabi sa kanya ni Pangulong Kabwika, “hanggang dalawampu’t limang taon lamang ang pinapayagan. Walang tsansang tatawagin ka para magmisyon.” Pagkatapos, upang subukan siyang aluin, idinagdag nito, “Bata ka pa. Maaari kang mag-aral, mag-asawa.”

Pero hindi gumaan ang loob ni Willy. Matinding pagkabigo ang nadarama niya. Pakiramdam niya ay hindi tama na naging hadlang ang kanyang edad sa paglilingkod sa misyon. Bakit hindi makapagbigay ng eksepsiyon, lalo na sa dami ng nangyari sa kanya? Iniisip niya kung bakit nga ba siya binigyang-inspirasyon ng Panginoon na maglingkod sa misyon. Ipinagpaliban niya ang pag-aaral at karera para sundin ang pahiwatig na iyon—at para saan pa?

“Hindi mo dapat ikabagabag ito,” kalaunan ay sinabi niya sa kanyang sarili. “Hindi mo dapat kondenahin ang Diyos.” Nagpasiya siyang manatili sa kinaroroonan niya at gawin ang lahat ng ipinapagawa sa kanya ng Panginoon.

Kalaunan, noong Hulyo 1997, ang mga Banal sa Luputa ay pormal na inorganisa bilang isang branch. Matapos hirangin si Willy bilang financial clerk at branch missionary, unti-unti niyang natanto na inihahanda siya ng Panginoon para iorganisa ang Simbahan kung saan siya nakatira. “OK,” sabi niya, “narito ang misyon ko.”

Ang ilang mga Banal sa Luputa Branch ay tinawag din bilang mga branch missionary. Sa loob ng tatlong araw kada linggo, inaalagaan ni Willy ang mga tanim niya. Sa ibang mga araw naman ay kumakatok siya sa mga bahay upang ibahagi sa mga tao ang tungkol sa ebanghelyo. Pagkatapos, lalabhan ni Willy ang kaisa-isa niyang pantalon upang maging malinis ito kinabukasan. Hindi niya natitiyak kung ano ang nag-udyok sa kanyang ipangaral nang buong-sipag ang ebanghelyo, lalo na sa mga panahong kailangan niyang gawin ito nang kumakalam ang sikmura niya. Subalit alam niyang mahal niya ang ebanghelyo, at nais niyang ang mga kababayan niya—at balang-araw ay mga ninuno niya—ay makamit ang mga pagpapalang tinanggap niya.

Maaaring maging napakahirap ng trabaho. May ilang taong pinagbabantaan ang mga branch missionary o binabalaan ang iba na layuan sila. May ilan pang mga tao sa nayon ang nagtipon upang sirain ang mga kopya ng Aklat ni Mormon. “Sunugin ang Aklat ni Mormon,” sabi nila, “at mawawala ang Simbahan.”

Pero nakita ni Willy ang mga himalang ginagawa ng Panginoon sa pamamagitan ng mga pagsisikap niya. Minsan, nang may kinatok sila ng kompanyon niya, pagbukas ng pinto ay umalingasaw ang masangsang na amoy ng bahay. Mula sa loob, narinig nila ang isang tahimik na boses na tumatawag sa kanila. “Pasok po,” sabi nito. “Maysakit ako.”

Natatakot pumasok ng bahay sina Willy at ang kanyang kompanyon, pero pumasok pa rin sila at nadatnan ang isang lalaking iginugupo ng karamdaman. “Maaari po ba kaming manalangin?” tanong nila.

Pumayag ang lalaki, kaya nanalangin sila, binasbasan siya na mawala na ang sakit nito. “Babalik po kami bukas,” sabi nila rito.

Kinabukasan, natagpuan nila ang lalaki sa labas ng bahay nito. “Mga tao kayo ng Diyos,” sabi nito. Mula nang manalangin sila, bumuti na ang pakiramdam ng lalaki. Gusto nitong mapatalon sa sobrang tuwa.

Hindi pa handang sumapi sa Simbahan ang lalaki, pero ang iba ay handa na. Bawat linggo, nakikipag-usap sa mga tao si Willy at ang iba pang mga misyonero—kung minsan ay mga buong pamilya—na nais sumamba kasama ang mga Banal. Sa ilang Sabado, nagbibinyag sila ng hanggang tatlumpung tao.

Nagsisimula nang lumago ang Simbahan sa Luputa.


Noong Hunyo 5, 1997, nakatayo si Pangulong Gordon B. Hinckley sa isang pulpito sa ilalim ng malaking lona sa Colonia Juárez, Mexico. Humigit-kumulang anim na libong tao ang nakaupo sa harap niya. “May ilang tao sa Simbahan ang nalulungkot para sa inyo,” biro niya sa mga naroroon. “Tila napakalayo ninyo sa lahat.”

Ang mga miyembro ng Simbahan mula sa Estados Unidos ay nanirahan sa Colonia Juárez at iba pang mga bayan sa hilagang Mexico noong panahon ng mga paglusob ng pamahalaan ng Estados Unidos laban sa maramihang pag-aasawa noong dekada ng 1880. Matatagpuan ang mga bayan sa tuyot na Disyerto ng Chihuahua, mga tatlong daang kilometro mula sa anumang malaking lunsod. Ang kanilang lokal na paaralang pinangangasiwaan ng Simbahan, ang Juárez Academy, ay sasapit na ng ikasandaang taon nito, at nagpunta si Pangulong Hinckley upang ipagdiwang ang okasyon.

Alam ni Pangulong Hinckley ang kasaysayan ng mga Banal sa Colonia Juárez, at hinahangaan niya ang kanilang matibay na hangarin na panatilihin ang pananampalataya. “Tinulungan ninyo ang bawat isa sa panahon ng kaguluhan at paghihirap. Kailangan ninyong gawin iyon dahil kayo-kayo lang ang magkakasama,” sinabi niya sa kanila. “Kayo ay naging isang malaking pamilya.”

Kinabukasan, nagsalita si Pangulong Hinckley sa seremonya ng pagtatapos ng paaralan at muling inilaan ang bagong ni-remodel na gusali ng akademya. Pagkatapos ay inihatid siya ni Meredith Romney, ang pangulo ng Colonia Juárez Stake, sakay ng kotse tatlong daang kilometro pahilaga papunta sa paliparan sa El Paso, Texas.

Baku-bako ang daang papunta sa El Paso. Noong una, pinalipas ni Pangulong Hinckley ang oras sa pakikipag-usap kay Pangulong Romney. Makalipas ang ilang sandali ay natapos ang usapan, at tahimik na pinagnilayan ni Pangulong Hinckley ang mga Banal sa Colonia Juárez at ang malayong distansyang kailangan nilang lakbayin upang marating ang bahay ng Panginoon. “Ano ba ang magagawa namin upang tulungan ang mga taong ito?” naisip niya.

Mahalaga ang tanong sa mga Banal sa buong mundo. Sa mahigit isang dosenang templo na kasalukuyang nakaplano o itinatayo na, 85 porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan ay nasa mga limang daang kilometro na lang ang distansya sa isang templo. Sa hilagang Brazil, halimbawa, ang mga Banal na noon ay naglalakbay ng ilang libong kilometro para dumalo sa templo sa São Paulo ay mas magiging malapit na sa bagong templo sa Recife, isang lungsod sa hilagang-silangang baybayin ng Brazil. Sa isang bagong ibinalitang templo sa Campinas, isang lungsod na mga 90 kilometro sa hilaga ng São Paulo, mas makakamit na ng animnaraang libong mga Banal sa Brazil ang mga pagpapala ng templo. Hindi magtatagal, kakailanganin din ang mga templo sa mga lungsod na gaya ng Porto Alegre, Manaus, Curitiba, Brasília, Belo Horizonte, at Rio de Janeiro.

Pero nais ni Pangulong Hinckley na ilapit pang lalo ang mga templo sa mas maraming mga Banal. Naniniwala siyang ang bahay ng Panginoon ay may mahalagang papel sa pagtulong sa mga miyembro ng Simbahan na manatiling tapat sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Cristo. Kailan lamang, nalaman ng propeta na 20 porsiyento lamang ng mga bagong binyag ang dumadalo pa rin at nakikilahok sa Simbahan makalipas ang isang taon. Ang nakakagulat na porsiyento ay ikinabahala niya at ng kanyang mga tagapayo, at noong Mayo ay nagpadala sila ng liham sa lahat ng mga miyembro ng Simbahan.

“Lubha kaming nag-aalala na marami sa ating mga kapatid sa lahat ng edad ang tumanggap ng patotoo ng ebanghelyo ni Jesucristo subalit hindi nadama ang init ng kapatiran sa mga Banal,” ang sabi sa liham. “Napakarami ng hindi tumatanggap ng mga pagpapala ng priesthood at mga tipang ipinapangako ng templo.”

“Kinakailangan ng bawat bagong miyembro ang tatlong bagay,” pagpapatuloy ng liham, “isang kaibigan, isang responsibilidad, at espirituwal na pangangalaga sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo.”

Sa Colonia Juárez, natanto ni Pangulong Hinckley na, taglay na ng Simbahan ang halos lahat ng kailangan nito upang maibigay ang ganitong uri ng suporta sa mga lokal na Banal. Ang tanging kulang na lamang rito ay isang bahay ng Panginoon. Ganoon din ang masasabi sa mga stake sa ibang liblib na lugar sa buong mundo. Ngunit mahirap pangatwiranan ang pagtatayo ng templo sa mga lugar na hindi sapat ang dami ng mga Banal na gagamit at mangangalaga sa mga ito.

Iniisip niya ang mataas na gastusin sa paglalaba at pasilidad ng kainan sa mga templo. Kapwa nagbibigay ng nakakaginhawang serbisyo sa mga patron ng templo ang dalawang pasilidad. Paano kung nagdala ang mga patron ng sariling kasuotan sa templo at humanap ng ibang makakainan?

Sa loob ng ilang taon, pinag-isipan ni Pangulong Hinckley na baguhin ang disenyo ng ilang templo upang makapagpatayo ng mas marami nito sa buong mundo. Iniangkop na ng Simbahan ang mga disenyo ng templo upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga lokal na Banal sa mga lugar gaya ng Laie, São Paulo, Freiberg, at Hong Kong. Bakit hindi magtayo ng templo na taglay lamang ay mga pangunahing kailangan: isang bautismuhan at mga silid para sa mga kumpirmasyon, mga initiatory, mga endowment, at pagbubuklod? Kung gagawin ito ng Simbahan, maaaring itayo ang bahay ng Panginoon sa mga malalayong lupaing, na maglalapit ng mga sagradong tipan at mga ordenansa sa mas maraming mga Banal.

Kalaunan, gumuhit si Pangulong Hinckley ng isang simpleng floor plan para sa uri ng templong nasasaisip niya. Naging malinaw at malakas ang inspirasyon. Nang dumating siya sa Salt Lake City, ipinakita niya ito kina Pangulong Monson at Pangulong Faust, at inaprubahan nila ang konsepto. Sinuportahan din ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ideya.

Sa wakas, dinala ni Pangulong Hinckley ang sketch sa arkitekto ng Simbahan. Sinuri ng arkitekto ang larawang-guhit.

“Ang ganda,” sabi nito. “Maisasagawa ang konseptong ito.”

  1. Maridan Sollesta to James Perry, Emails, Mar. 8, 2022; Aug. 15, 2022; Oct. 3, 2022, Maridan Sollesta at Eusebio Sollesta, Oral History Interviews, CHL.

  2. John L. Hart, “Over Half LDS Now Outside U.S.,” Church News, Mar. 2, 1996, 3; Sollesta, Autobiography, 5; Philippines Area, Annual Historical Reports, 1991, 2; 1995, 1; Sollesta at Sollesta, Oral History Interview [Mar. 2023], 2; “Church Membership Worldwide,” at “Church Growth: Selected Countries,” Church News, Mar. 2, 1996, 3, 6. Mga Paksa: Paglago ng Simbahan; Pilipinas

  3. Cannon at Cowan, Unto Every Nation, ix–xxv; Deseret News 1997–98 Church Almanac, 22, 28, 35, 69, 73–74; Gordon B. Hinckley, “This Work Is Concerned with People,” Ensign, Mayo 1995, 51–52; “Japan: Church Chronology,” Global Histories, ChurchofJesusChrist.org/study/history/global-histories. Mga Paksa: Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Priesthood; Mga Korum ng Pitumpu

  4. Maridan Sollesta to James Perry, Emails, Mar. 8, 2022; Oct. 3, 2022, Maridan Sollesta at Eusebio Sollesta, Oral History Interviews, CHL; Directory of General Authorities and Officers, 1996, 207, 241, 243, 248–49, 254, 258, 264, 286; Sollesta, Oral History Interview [Mar. 2, 2022], 17–18; Sollesta, Autobiography, 6.

  5. Sollesta, Oral History Interview [Mar. 2, 2022], 17; Maridan Sollesta to James Perry, Emails, Mar. 8, 2022; Aug. 15, 2022; Oct. 3, 2022, Maridan Sollesta at Eusebio Sollesta, Oral History Interviews, CHL; Philippines Area, Annual Historical Reports, 1991, 9; Philippines Area Presidency to All Regional Representatives and others, Mar. 14, 1995, Philippines Area, Presidency Meeting Minutes, CHL.

  6. Okazaki, Journal, Feb. 24, 1996; Okazaki, “Three Great Questions,” 5.

  7. Okazaki, Journal, Feb. 25, 1996; Sollesta, Oral History Interview [Mar. 9, 2022], 8.

  8. Dew, Go Forward with Faith, 516; Gordon B. Hinckley, Interview with David Fuster, May 30, 1996, [4], Gordon B. Hinckley Addresses, CHL; “The Family: A Proclamation to the World.”

  9. Hinckley, Journal, May 30, 1996; Gerry Avant, “Tears Flow, Faith Grows as Filipinos Greet Prophet,” Church News, Hunyo 8, 1996, 4, 7. Ang sipi ay inedit para mas madali itong basahin; ang “happier man or woman” sa orihinal ay pinalitan ng “a happier man or woman.”

  10. Contreras at Contreras, Oral History Interview [2022], 10–11; Contreras at Contreras, Oral History Interview [Oct. 23, 2020], 1; Contreras at Contreras, Oral History Interview [Jan. 2023], 31–32; Contreras at Contreras, Oral History Interview [Oct. 2, 2020], 8–9.

  11. Missionary Department, Annual Reports, 1982, 4, 6; 1989, 40–42; 1995, 53–59; Aburto, Oral History Interview, 26–30. Mga Paksa: Paglago ng Simbahan; Chile

  12. Romney, Journal, Aug. 19 and Dec. 31, 1970; Spencer W. Kimball, Journal, Sept. 4, 1971; “Action List for New Converts,” 2; Hunter, Journal, Mar. 25, 1979; Sept. 4, 1986; Oct. 1, 1986. Mga Paksa: Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Priesthood; Mga Korum ng Pitumpu

  13. Aburto, Oral History Interview, 27–33; First Presidency to Regional Representatives and others, June 17, 1991, Marlin K. Jensen, General Conference Training Files, CHL; Research Information Division, “Study of Missionary Activities in Retention, Activation, and Community Service,” Mar. 1994, Missionary Executive Council, pulong Materials, CHL; Missionary Executive Council to Area Presidencies, Memorandum, Oct. 6, 1993, South America South Area, Mission Files, CHL; Contreras at Contreras, Oral History Interview [Oct. 2, 2020], 8–9; Contreras at Contreras, Oral History Interview [2022], 12.

  14. Contreras at Contreras, Oral History Interview [2022], 12–14. Paksa: Mga Ward at Stake

  15. Gordon B. Hinckley, “The Sustaining of Church Officers,” Ensign, Nob. 1992, 21; Jue Family, Oral History Interview [2023], 5–8, 22; Jue Family, Oral History Interview [2019], 61–69, 90; Heaton, Personal History, tomo 2, 158.

  16. Jue Family, Oral History Interview [2023], 2–4, 6, 31–32; Jue Family, Oral History Interview [2019], 61–62, 68, 71–72, 86.

  17. “Guests Feel Peace at Open House in Hong Kong Temple,” Church News, Mayo 18, 1996, 3; Ng at Chin, History in Hong Kong, 105; Jue, Journal, Mayo 23, 1996; Jue Family, Oral History Interview [2023], 11. Paksa: Hong Kong

  18. Jue, Journal, May 24–25, 1996; Jue Family, Oral History Interview [2019], 86, 89–90; Corine Jue Neumiller to Jed Woodworth, Email, Jan. 24, 2023, Jue Family, Oral History Interview [2023], CHL; Jue Family, Oral History Interview [2023], 13–14, 17; “Guests Feel Peace at Open House in Hong Kong Temple,” Church News, Mayo 18, 1996, 3; Hong Kong Temple, Media Information Packet, 8.

  19. Jue, Journal, May 26, 1996; Nora Koot Jue, Testimony, May 26, 1996, Jue Family, Oral History Interview [2023], CHL.

  20. Jue, Journal, May 27, 1996; Jue Family, Oral History Interview [2023], 20–21, 23, 26; Thomas S. Monson, Neal A. Maxwell, sa Hong Kong Temple, Dedication Services, 59–63; Jue, Reminiscence, 2–4.

  21. Gordon B. Hinckley, Thomas S. Monson, sa Hong Kong Temple, Dedication Services, 14, 69; “Dedicatory Prayer: Hong Kong China Temple, 26 May 1996,” Temples, ChurchofJesusChrist.org.

  22. Jue Family, Oral History Interview [2023], 23, 26–27.

  23. Jue, Journal, May 27, 1996; Jue Family, Oral History Interview [2019], 27–28, 91; Jue Family, Oral History Interview [2023], 17–18, 25. Paksa: Paglalaan ng Templo at Mga Panalangin Nito

  24. Naniuzeyi, “State of the State in Congo-Zaire,” 669–83; Newbury, “Continuing Process of Decolonization in the Congo,” 131–41; Reyntjens, Great African War, kabanata 4 at 5; Prunier, Africa’s World War, kabanata 4 at 5. Paksa: Democratic Republic of the Congo

  25. “Historical Record: Democratic Republic of Congo Mission,” kabanata 7, pahina 7–9; Deseret News 1999–2000 Church Almanac, 309–10, 545; Africa Area, Annual Historical Reports, 1996, 27, 39; History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the Democratic Republic of the Congo, 50–54.

  26. Willy Binene, Oral History Interview [2017]; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [2]; Binene, Interview [bandang Hulyo 2020]; Directory of General Authorities and Officers, 2001, 395.

  27. Willy Binene, Oral History Interview [2017]; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [2]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [Jan. 2023]; “Exit Interview with President and Sister Homer LeBaron,” [2].

  28. Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [12].

  29. Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [12]–[13]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Binene, Interview [circa July 2020].

  30. Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [12]–[13]; Willy Binene, Oral History Interview [2017].

  31. Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [12]–[13]. Ang mga sipi ay inedit para mas madali itong basahin; ang “We asked if we could pray” sa orihinal ay pinalitan ng “Can we pray?,” at ang “he said we were men of God” ay pinalitan ng “You are men of God.” Paksa: Pagpapagaling

  32. Hinckley, Journal, June 5, 1997; John L. Hart, “Bueno! Juarez Academy Centennial,” Church News, Hunyo 14, 1997, 3–4; Gordon B. Hinckley, Address, Juárez Mexico Member Fireside, June 5, 1997, [4], Gordon B. Hinckley Addresses, CHL.

  33. Hinckley, Journal, June 5, 1997; John L. Hart, “Bueno! Juarez Academy Centennial,” Church News, Hunyo 14, 1997, 3; Mga Banal, tomo 2, kabanata 33 at 35; kabanata 3, kabanata 10 at 11. Mga Paksa: Mexico; Mga Kolonya sa Mexico; Mga Akademya ng Simbahan

  34. John L. Hart, “Bueno! Juarez Academy Centennial,” Church News, Hunyo 14, 1997, 4; Gordon B. Hinckley, Address, Juárez Mexico Member Fireside, June 5, 1997, [4], Gordon B. Hinckley Addresses, CHL; Hinckley, Journal, June 5, 1997.

  35. Hinckley, Journal, June 6, 1997; John L. Hart, “Bueno! Juarez Academy Centennial,” Church News, Hunyo 14, 1997, 3–4, 8.

  36. Gordon B. Hinckley, sa Monticello Utah Temple, Dedication Services, 23–24; Gordon B. Hinckley, sa Colonia Juárez Chihuahua Mexico Temple, Dedication Services, 11–13.

  37. Temple Department, Temple Sites Minutes, Apr. 29, 1997; Hinckley, Journal, Feb. 2, 1997.

  38. “Excitement Grows, as Work on New Temple in Recife, Brazil, Progresses,” Church News, Ene. 31, 1998, 3; Hawkins, Temples of the New Millennium, 204–7; “Details on New Assembly Building, Two More Temples Announced,” Ensign, Mayo 1997, 101; Deseret News 1999–2000 Church Almanac, 548; Craig Zwick, Claudio Costa, and Kent Jolley to Gordon B. Hinckley, May 6, 1998, First Presidency, Area Presidency Correspondence, CHL. Paksa: Brazil

  39. John L. Hart, “Strengthening New Members,” Church News, Nob. 29, 1997, 8, 11; First Presidency to Members of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, May 15, 1997, First Presidency, Circular Letters, CHL; Gordon B. Hinckley, Address, Potomac Virginia Regional Conference, Priesthood Leadership pulong, Apr. 26, 1997, [2], Gordon B. Hinckley Addresses, CHL.

  40. First Presidency to Members of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, May 15, 1997, First Presidency, Circular Letters, CHL; Gordon B. Hinckley, “Some Thoughts on Temples, Retention of Converts, and Missionary Service,” Ensign, Nob. 1997, 50–51.

  41. Gordon B. Hinckley, sa Monticello Utah Temple, Dedication Services, 23–24; Gordon B. Hinckley, sa Anchorage Alaska Temple, Dedication Services, 18–19; Gordon B. Hinckley, sa Colonia Juárez Chihuahua Mexico Temple, Dedication Services, 12–13.

  42. Hinckley, Journal, Jan. 11 and 19, 1973; Apr. 19, 1973; Mar. 4, 1975; July 31, 1981; Aug. 20, 1981; Jan. 4, 1989; Mar. 6, 1999; Hawkins, Temples of the New Millennium, 36–37, 68–69, 98–99.

  43. Dell Van Orden, “Inspiration Came for Smaller Temples on Trip to Mexico,” Church News, Ago. 1, 1998, 3; Gordon B. Hinckley, sa Colonia Juárez Chihuahua Mexico Temple, Dedication Services, 13; Gordon B. Hinckley, sa Anchorage Alaska Temple, Dedication Services, 19. Mga Paksa: Gordon B. Hinckley; Pagtatayo ng Templo