2005
Sa mga Kabataang Babae
Nobyembre 2005


Sa mga Kabataang Babae

Maging isang babaeng nananalig kay Cristo. Itangi ang mataas na pagtingin sa inyo ng Diyos. Kailangan Niya kayo. Kailangan kayo ng Simbahang ito. Kailangan kayo ng mundo.

Pinaglaruan ako ng oras nito lang nakalipas na ilang buwan. Gumising ako isang umaga na napakasigla at handang-handa sa mga gawain sa araw na iyon, sinimulan ang umaga nang may ngiti—nang bigla kong maalala na sa kaarawang ipagdiriwang sa araw na iyon ay may tinedyer na akong apo. Pinag-isipan ko ito sandali at ginawa ang ginagawa ng sinumang responsable at marangal na matanda. Bumalik ako sa higaan at hinila ang kumot at nagtalukbong.

Bukod sa biro tungkol sa hirap ng pagpapalaki ng mga tinedyer, gusto kong sabihin sa apo kong babae at sa napakarami pang kabataan sa Simbahan na nakilala ko sa buong mundo na ipinagmamalaki namin kayo. Ang moral at pisikal na panganib ay halos nasa lahat ng dako sa paligid ninyo at maraming uri ng mga tukso ang kinakaharap ninyo araw-araw, gayunpaman marami sa inyo ang nagsisikap na gawin ang tama.

Sa hapong ito nais ko kayong papurihan, at ipadama ang aking pagmamahal, ang paghihikayat at paghanga ko sa inyo. Dahil ang minamahal at una kong apo na binanggit ko ay isang kabataang babae, ang sasabihin ko’y para sa mga kabataang babae ng Simbahan subalit nawa ang diwa ng sasabihin ko ay maging angkop din sa mga kababaihan at kalalakihan, anuman ang edad nila. Gayunman, tulad ng palaging inaawit ni Maurice Chevalier, gusto kong “pasalamatan ang langit dahil sa mga batang babae.”

Una sa lahat, gusto kong ipagmalaki ninyong kayo ay babae. Gusto kong madama ninyo ang tunay na ibig sabihin niyon, na malaman kung sino talaga kayo. Kayo’y literal na espiritung anak na babae ng mga magulang na nasa langit [na may] banal na katangian at [walang hanggang] tadhana.1 Dapat na nakatimo nang malalim sa inyong kaluluwa ang napakadakilang katotohanang iyon at maging bahagi ng bawat desisyong ginagawa ninyo sa paglaki ninyo bilang isang ganap na babae. Wala nang higit pang patunay ng inyong dignidad, kahalagahan, ng inyong mga pribilehiyo at pangako. Alam ng inyong Ama sa Langit ang inyong pangalan at batid ang inyong kalagayan. Naririnig Niya ang inyong mga panalangin. Nalalaman Niya ang inyong mga inaasam at pangarap, pati na ang inyong mga kinatatakutan at kabiguan. At nalalaman Niya ang kahihinatnan ninyo dahil sa inyong pananampalataya sa Kanya. Dahil sa banal na pamanang ito, ikaw kasama ang lahat ng iyong mga kapatid sa espiritu, ay pantay-pantay sa Kanyang paningin at bibigyang karapatan sa pamamagitan ng pagsunod, na maging karapat-dapat na tagapagmana sa Kanyang walang hanggang kaharian, isang “[tagapagmana] sa Dios, at mga kasamang-[tagapagmana] ni Cristo.”2 Hangaring maunawaan ang kahalagahan ng mga doktrinang ito. Lahat ng itinuro ni Cristo ay itinuro Niya sa kababaihan at sa kalalakihan. Sa katunayan sa ibinalik na liwanag ng ebanghelyong iyon ni Jesucristo isang babae, kasama ang isang kabataang babae, ang nananahanan sa kamaharlikahan na kanya lamang sa banal na plano ng Tagapaglikha. Kayo, tulad ng sinabi ni Elder James E. Talmage, “ang maytaglay ng sagradong responsibilidad na walang sinumang magtatangkang lumapastangan.”3

Maging isang babaeng nananalig kay Cristo. Itangi ang mataas na pagtingin sa inyo ng Diyos. Kailangan Niya kayo. Kailangan kayo ng Simbahang ito. Kailangan kayo ng mundo. Ang di natitinag na tiwala ng isang babae sa Diyos at matibay na debosyon sa mga bagay ng Espiritu ay angkla sa tuwina kapag ang hangin at alon ng buhay ay napakatindi.4 Sasabihin ko sa inyo ang sinabi ni Propetang Joseph Smith mahigit 150 taon na ang nakararaan: “Kung ipamumuhay ninyong mabuti ang inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo.”5

Ang lahat ng ito ay para sabihin sa inyo ang nadarama ng ating Ama sa Langit para sa inyo at kung ano ang plano Niyang marating ninyo. At kung may panahong di pa ninyo naunawaan ang mga layunin ng Diyos para sa inyo o parang gustong mamuhay sa paraang mas mababa kaysa nararapat, kung gayon gusto naming madama ninyo ang higit na pagmamahal at nakikiusap sa inyo na gawing matagumpay ang inyong mga taon bilang tinedyer, at hindi maging trahedya. Walang ibang hangarin ang mga ama at ina, mga propeta at apostol maliban sa pagpalain ang inyong buhay at protektahan kayo sa lahat ng posibleng mangyaring kabiguan hangga’t maaari.

Para lubos na makamtan ninyo ang mga pagpapala at proteksyon ng Ama sa Langit hinihiling namin sa inyo na manatiling tapat sa mga pamantayan ng ebanghelyo ni Jesucristo at huwag sumunod sa mga uso na para bang kayo’y mga alipin nito. Hindi kailanman ipagkakait sa inyo ng Simbahan ang kalayaan ninyong pumili ukol sa kung ano ang gusto ninyong isuot at ayos ninyo. Gayunpaman sa tuwina’y maghahayag ang Simbahan ng mga pamantayan at palaging ituturo ang mga alituntunin. Tulad ng itinuro ni Sister Susan Tanner ngayong umaga, ang isa sa mga alituntuning iyon ay ang pagiging disente. Sa ebanghelyo ni Jesucristo ang pagiging disente sa hitsura ay palaging uso. Ang ating mga pamantayan ay hindi maaaring baguhin ng lipunan.

Malinaw ang panawagan ng polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan sa mga kabataang babae na iwasang manamit nang hapit, napakaikli, o sa iba pang paraan ay nagpapakita ng katawan, pati na ang paglitaw ng pusod.6 Mga magulang, pakirebyu ang buklet na ito sa inyong mga anak. Pangalawa sa inyong pagmamahal ay kailangang itakda ninyo ang kanilang limitasyon. Mga kabataang babae, piliin ang isusuot ninyo tulad ng pagpili ninyo ng mga kaibigan—sa dalawang bagay na ito piliin ang bagay na magpapaunlad sa inyo, at higit sa lahat yaong magbibigay sa inyo ng tiwala na tumayo sa harapan ng Diyos.7 Di kayo kailanman pagtataksilan, ipahihiya, o sasamantalahin ng mabubuting kaibigan. Gayundin ng inyong mga kasuotan.

Nakikiusap ako lalo na tungkol sa paraan ng pananamit ng mga kabataang babae sa mga serbisyo ng Simbahan at pagsamba tuwing araw ng Sabbath. Noon pa man ay nagsalita na tayo tungkol sa “pinakamahusay na damit” o “pan-Linggong damit,” at marahil dapat nating gawin muli ito. Mula pa noong unang panahon hanggang sa makabagong panahon lagi tayong inaanyayahan na ipakita ang pinakamabuti nating kalooban at panlabas na kaanyuan kapag pumapasok tayo sa bahay ng Panginoon—at ang isang LDS Chapel ay “bahay ng Panginoon.” Hindi kailangang mamahalin ang ating damit o sapatos, talagang hindi kailangang mamahalin ito, pero hindi naman dapat na parang papunta tayo sa dagat. Kapag dumadalo tayo para sambahin ang Diyos at Ama nating lahat at tumatanggap ng sakrament na simbolo ng pagbabayad-sala ni Jesucristo, dapat ay maayos at kagalang-galang tayo, marangal at karapat-dapat hangga’t maari. Dapat makilala tayo bilang tunay na mga disipulo ni Cristo dahil sa ating kaanyuan at gayundin sa ating pag-uugali, na sa isang diwa ng pagsamba tayo’y maamo at may mapagpakumbabang puso, na tunay nating hinahangad na mapasaatin ang espiritu ng Tagapagligtas.

Sa ganito ring paraan maaari ko bang banggitin ang tungkol sa mas sensitibong paksa. Sumasamo ako sa inyong mga kabataang babae na tanggapin kung sino kayo, pati na ang hubog ng inyong katawan at anyo, at bawasan ang pag-iisip na maging tulad ng iba. Magkakaiba tayong lahat. Ang ilan sa atin ay matangkad at ang iba’y maliit. Ang iba’y mataba at ang iba nama’y payat. At halos lahat ng tao magkaminsan ay gustong maging iba! Subalit tulad ng sinabi ng isang tagapayo sa mga kabataang babae: “Hindi kayo makapamumuhay sa pag-aalalang tinitingnan kayo ng ibang tao. Kapag hinayaan ninyong mangibabaw ang opinyon ng mga tao at nagiging mahiyain kayo ipinamimigay ninyo ang inyong kapangyarihan…. Ang susi [sa pagkakaroon ng tiwala sa sarili] ay ang pakikinig palagi sa inyong kalooban—[ang tunay na kayo.]”8 At sa kaharian ng Diyos ang tunay na kayo ay “mahalaga nga kaysa mga rubi.”9 Ang bawat kabataang babae ay anak ng tadhana at bawat babaeng nasa hustong gulang ay malakas na puwersa ng kabutihan. Binanggit ko ang mga kababaihang nasa hustong gulang dahil kayo mga kapatid, ang aming pinakamagagandang halimbawa at tulong sa mga kabataang babae. At kung labis kayong nababahala na hindi na magkasya ang size 2 sa inyo, di na kayo magtataka kung gayundin ang ginagawa ng anak ninyo o ng Mia Maid sa inyong klase at nagkakasakit para lang pumayat. Lahat tayo’y dapat maging malusog sa abot ng ating makakaya—iyan ang magandang doktrina ng Word of Wisdom. Ang pagiging malusog ay pagkain nang wasto at pag-ehersisyo at pagtulong sa ating katawan na gumana nang lubos. Siguro higit pa riyan ang magagawa nating lahat. Gayunpaman ang tinutukoy ko rito ay pinakamabuting kalusugan; wala namang pinakamabuting laki o sukat ng damit o katawan sa mundo.

Sa totoo lang, malupit ang mundo sa inyo sa bagay na ito. Lagi ninyong nakikita sa mga pelikula, telebisyon, magasin at patalastas na naglalathala ng mga uso na ang mensahe’y panlabas na anyo ang mahalaga sa lahat! Ang ideyang panghikayat nila sa inyo ay, “kung maganda ka, magiging kaaya-aya ang buhay mo at magiging masaya ka at popular.” Ang gayong uri ng impluwensya ay napakatindi sa mga tinedyer, di binabanggit kung gaano katindi ang gayong pamimilit kapag kayo’y matanda na. Sa maraming pagkakataon ay sobra na ang pinaggagagawa sa katawan ng tao para lang makasunod sa ganitong uri ng pamantayan na gawa-gawa lamang (at paimbabaw). Tulad ng naipabalitang sinabi ng isang artista sa Hollywood kamakailan, “[Tayo ay] nahuhumaling sa kagandahan at sa pinagmumulan ng walang kupas na kabataan.… [Ako] … ay nalulungkot sa paraan ng kababaihan sa pananakit[sa kanilang sarili] … sa paghahanap niyon. Nakakakita ako ng kababaihan [gayon din sa mga kabataang babae] … na nagpaparetoke ng ilang bahagi ng kanilang katawan. [Ito’y] kalakarang mahirap baguhin. [Hindi ninyo ito maiwasan.] Isang … kabaliwan … ang ginagawa ng lipunan sa kababaihan.”10

Ang sobrang pagbibigay-pansin sa sarili at pagtutuon sa mga pisikal na bagay ay higit pa sa kabaliwan ng lipunan; nakakasira ito sa espiritu at dahilan ng labis na kalungkutan na kinakaharap ng kababaihan, pati ng mga kabataang babae, sa modernong daigdig. At kung abalang-abala ang matatanda sa kanilang hitsura—sa pagpaparetoke ng lahat ng puwedeng retokihin—ang mga impluwensya at pagkabahalang iyon ay makaaapekto sa mga bata. At sa huli ang problema ay matutulad sa tinatawag sa Aklat ni Mormon na “walang kabuluhang guni-guni.”11 At sa makamundong lipunan ang kayabangan at imahinasyon ay patuloy na lumalaganap. Kakailanganin ng isang tao ang malaki at maluwang na makeup kit para makipagpaligsahan sa pagpapagandang ipinakikita sa media na nakapalibot sa atin. Subalit sa pagtatapos ng araw mayroon pa ring taong “nasa ayos ng panlalait at pagtuturo ng kanilang daliri” tulad ng nakita ni Lehi,12 dahil gaano man ang pagsisikap ng taong makipagsabayan sa mundo ng karangyaan at kagandahan hindi iyon magiging sapat kailanman.

Isang babaeng di natin kamiyembro ang nagsulat minsan na noong nagtatrabaho pa siya kasama ang magagandang babae ay nakita niya ang ilang pagkakapareho nila, at wala itong kinalaman sa laki at hubog ng katawan. Sabi niya ang pinakamagandang babaeng nakilala niya ay masigla, palakaibigan, mahilig mag-aral, matatag ang pagkatao, at matapat. Kung idaragdag natin sa listahang iyon ang kalugud- lugod at magiliw na espiritu ng Panginoon na kasama ng babaeng iyon, anupa’t naglalarawan ito ng kagandahan ng kababaihan sa anumang edad o panahon, bawat elemento niyon ay nabigyang-pansin at makakamtan sa pamamagitan ng mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Hayaan ninyong tapusin ko ito. Kamakailan marami na ang nasabi sa media tungkol sa kasalukuyang pagkahilig sa mga “reality show.” Hindi ako sigurado kung anong palabas iyon pero matapat kong ibinabahagi ang katotohanang ito ng ebanghelyo sa magandang henerasyon ng mga kabataang babae na lumalaki sa Simbahang ito.

Ang taimtim kong ipahahayag sa inyo ay tunay na nagpakita ang Ama at ang Anak kay Propetang Joseph Smith: siya mismo na isang batang tinawag ng Diyos mula sa grupong kaedad ninyo. Pinatototohanan ko na ang mga banal na katauhang ito ay nangusap sa kanya, na narinig niya ang Kanilang mga tinig sa kawalang-hanggan at nakita ang Kanilang niluwalhating katawan.13 Ang karanasang iyon ay totoong nangyari tulad ng kay Apostol Tomas nang sabihin ng Tagapagligtas sa kanya, “Idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo [ito] sa aking tagiliran: … huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.”14

Sa aking apong babae at sa lahat ng kabataan sa Simbahang ito, personal kong pinatototohanan na ang Diyos ang tunay nating Ama at si Jesucristo ang Kanyang tunay na Bugtong na Anak sa laman, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Pinatototohanan ko na ito talaga ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa mundo, na tunay na mga propeta ang gumabay sa mga taong ito noon at isang tunay na propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ang siyang gumagabay sa atin ngayon. Nawa’y madama ninyo ang walang hanggang pagmamahal sa inyo ng mga lider ng Simbahan. Nawa’y mailayo kayo ng mga walang hanggang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga alalahaning temporal at problemang karaniwang nararanasan ng mga tinedyer. Ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49.

  2. Mga Taga Roma 8:17.

  3. James E. Talmage, “The Eternity of Sex,” Young Woman’s Journal, Okt. 1914, 602.

  4. Tingnan sa J. Reuben Clark, sa Conference Report, Abril, 1940, 21, sa pagpuri sa mga kababaihan ng Simbahan.

  5. History of the Church, 4:605.

  6. Para sa Lakas ng mga Kabataan (polyeto, 2001), 15.

  7. Tingnan sa D at T 121:45.

  8. Julia DeVillers, Teen People, Set. 2005, 104.

  9. Mga Kawikaan 3:15.

  10. Halle Berry, sinipi mula sa “Halle Slams ‘Insane Plastic Surgery,” This is London, Ago. 2, 2004, www.thisislondon.com/showbiz/ articles/12312096?source=PA.

  11. 1 Nephi 12:18.

  12. Tingnan sa 1 Nephi 8:27. Tingnan sa Douglas Bassett, “Faces of Worldly Pride in the Book of Mormon,” Ensign, Okt. 2000, 51 para sa mahusay na talakayan sa isyung ito.

  13. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25.

  14. Juan 20:27.