Dahil Siya ay Buhay
“Tunay na nagbangong muli ang Panginoon” (Lucas 24:34).
Tumigil sandali si Watoy sa ilalim ng makulay na bandila ng Pilipinas sa labas ng kanyang paaralan bago lumakad papasok.
“Magandang umaga, mga bata,” bati ng kanyang guro. “Oras na para magdasal.”
Idinantay ng mga kaibigan ni Watoy ang kanilang mga daliri sa kanilang mga noo, dibdib, at balikat para mag-antanda. Pagkatapos ay inusal na nila ang panalangin na lagi nilang sinasabi sa simula ng klase. Tulad nang dati, hindi nakisali sa kanila si Watoy. Sa halip ay pumikit siya, nagyuko ng ulo at nagdasal nang tahimik. Iba-iba ang ipinagdarasal niya sa bawat pagkakataon, gaya nang pagdarasal na itinuro sa kanya sa tahanan at sa Primary.
Nang matapos na siya at tumingala, nakita niyang nakatingin sa kanya ang guro na tila naguguluhan.
“Maaari ba kitang makausap mamayang uwian?” sabi niya.
Napalunok si Watoy at tumango. Mapapagalitan kaya siya?”
Nang matapos na ang klase sa araw na iyon, lumapit ang titser kay Watoy.
“Nakita ko na hindi ka nag-antada noong nagdasal tayo kaninang umaga,” sabi niya. “Maaari bang ipaliwanag mo sa akin kung bakit?”
Nakahinga nang maluwag si Watoy. Hindi naman galit ang guro niya, nagtataka lang! Inisip niya kung paano sasagot.
“Kasi po,” simula niya, “sa simbahan namin, kapag nagdarasal kami, nagsasabi kami sa Ama sa Langit ng iba-ibang bagay. At iyon pong krus nagpapaalala sa amin na namatay si Jesus. Pero hindi po patay si Jesus. Buhay po Siya!”
Sandaling pinag-isipan ito ng guro at pagkatapos ay dahan-dahang tumango.
“Salamat at ibinahagi mo iyan sa akin,” sabi niya.
Habang papunta si Watoy sa praktis ng football, masaya at maganda ang pakiramdam niya. Gusto niyang turuan ang iba tungkol kay Jesucristo.