Una Muna ang Aming Ikapu
Carrie Dalby Cox, Alabama, USA
Noong tag-init ng 2006, ang asawa ko ay nagtatrabaho bilang drayber ng trak. Dahil hindi siya nakakauwi sa bahay ng mga dalawang linggo sa bawat biyahe niya noon, sa akin napunta ang responsibilidad sa pagbabayad ng bayarin. Ganoon ang kanyang trabaho kaya paiba-iba ang aming kita bawat buwan, kaya mahirap magbadyet.
Sa buwan ng Hulyo mas mababa ang suweldo niya kaysa karaniwan at hindi kasya sa bayarin. Matapos kong ideposito ang kanyang tseke, ikinumpara ko ang pera namin sa bangko sa listahan ng aming bayarin. Naisip ko na kung babayaran namin ang lahat, pati na ang aming ikapu, kukulangin kami ng mga $30. Nagbabayad kami ng buong ikapu, na natuto sa mahirap na paraan ilang taon na ang nakalipas noon nang hindi kami nakapagbayad ng ikapu. Ang hindi pagbabayad ng ikapu sa pagkakataong ito ay hindi magandang opsiyon.
Naalala ko ang mga kuwento ng mga taong inuna ang kanilang ikapu noong gipit sila sa pera at pagkatapos ay mahimalang nakatanggap ng pera. Karaniwang sinusulat ko ang mga tseke nang sunud-sunod ayon sa kailangang bayaran sa araw na iyon, kaya bibihirang mauna kong isulat sa tseke ang aming ikapu. Ngunit nang araw na iyon nagpasiya akong unahing isulat sa tseke ang aming ikapu, nalalamang maglalaan ng paraan ang Panginoon upang mabayaran ang aming mga bayarin.
Nang sumunod na Lunes nabalitaan ko na ang klase kung saan ko ini-enroll ang aking anak ay nakansela, at ang tseke na nagkakahalaga ng $20 na ibinigay ko ay ibinalik sa akin. Nang magbalanse ako ng checkbook ko, isinama ko ang halagang $20, at natanto ko na nagkamali ako sa pagkuwenta at hindi naisama ang $23 noong isang linggo. Bukod pa rito, makaraan ang dalawang araw tumanggap kami ng refund check na nagkakahalaga ng $36 mula sa aming pediatrician dahil sumobra ang singil nila. Ngayon, sa halip na kulang kami ng $30, halos $50 ang sobrang pera namin.
Tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako sa Malakias 3:8–12 na kung magbabayad tayo ng ikapu, Kanyang ibubuhos ang mga pagpapala. Alam ko na pinagpala kami dahil sinunod namin ang kautusan ng Panginoon na bayaran muna ang aming ikapu.