2013
Bakit Nagbabayad Pa Rin Kayo ng Ikapu?
Marso 2013


Bakit Nagbabayad Pa Rin Kayo ng Ikapu?

Raquel Pedraza de Brosio, Argentina

Ilang taon pa lang ang nakalipas natanggal sa trabaho ang asawa ko. Ang kanyang mga amo, na marahil ay nalungkot sa ginawa nila, ay inalok siya ng ibang trabaho, pero kakailanganin naming lumipat ng tirahan dahil dito. Gayunpaman, nakita naming marami itong idudulot na biyaya, bukod pa sa patuloy siyang makapagtatrabaho.

Pero pagkalipat namin, nalaman naming hindi na pala bakante ang puwesto. Walang makapagpaliwanag kung bakit. Ang tanging alam namin ay nasa ibang lugar kami, walang trabaho, at halos wala nang pera dahil nagbayad kami ng mga utang bago lumipat at nasaid ang ipon namin sa paglipat.

Sinikap ng asawa ko na makahanap ng permanenteng trabaho. Pansamantala siyang kumuha ng maliliit na trabaho, at gumawa naman ako ng handicraft, na sapat lang para maitaguyod kami matapos magbayad ng ikapu sa Panginoon. Nagtipid kami sa lahat ng bagay, pero hirap pa rin kaming tustusan ang gastusin sa eskwelahan, pagkain at damit, at panggastos ng aking asawa sa paghahanap ng trabaho.

Nalungkot kami nang labis, pero patuloy pa ring nagtiwalang pagpapalain kami ng Panginoon. At pinasalamatan namin ang mga biyayang ipinagkaloob sa amin: mga anak na babae na malulusog at matatapat, ang maayos na pagsasama naming mag-asawa, at matulunging mga kamag-anak at miyembro ng ward.

Maraming kaibigan na hindi miyembro ng Simbahan ang nagtanong sa amin, “Kung matindi ang pangangailangan ninyo, bakit nagbabayad pa rin kayo ng ikapu? Iisa lang ang palaging sagot: dahil inutos ito ng Panginoon, at ayaw naming nakawan ang Diyos (tingnan sa Malakias 3:8–9).

Alam namin na kung masunurin kami, bibiyayaan kami ng Panginoon—hindi siguro sa paraang inaasahan namin kundi sa iniisip Niyang pinakamabuti para sa aming pamilya. Kahit kailan hindi namin idinahilang may problema kami sa pera kaya hindi na kami maglilingkod sa Panginoon; sa katunayan, lalo naming hinangad na maglingkod sa Kanya.

May trabaho na ngayon ang asawa ko at nakakabayad na kami sa mga nautang namin noong wala pa siyang trabaho. Matagal pa bago kami tuluyang makaraos sa problema sa pera, pero alam namin na kung aming “[dadalhin] … ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig,” bubuksan ng Diyos ang mga dungawan sa langit “at ihuhulog [sa amin] ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10).