Mensahe ng Unang Panguluhan
Pumayapa, Pumayapa Ka
Isang araw ilang taon na ang nakararaan, matapos asikasuhin ang mahahalagang bagay sa opisina, nakadama ako ng malakas na impresyon na dalawin ang isang matandang balo na pasyente sa senior care center sa Salt Lake City. Dumiretso ako roon.
Nang puntahan ko ang kanyang silid, walang tao roon. Tinanong ko ang attendant kung nasaan siya at sinabi nito na nasa lounge area. Doon ko natagpuan ang mabait na balong ito na nakikipag-usap sa kanyang kapatid at isa pang kaibigan. Masaya kaming nag-usap-usap.
Habang nag-uusap kami, pumasok ang isang lalaki sa silid para bumili ng soda mula sa vending machine. Sumulyap siya sa akin at sinabing, “Aba, kayo po ba ‘yan, Tom Monson.”
“Oo,” ang sagot ko. “At parang kamag-anak mo ang mga Hemingway.”
Nagpakilala siya na siya si Stephen Hemingway, na anak ni Alfred Eugene Hemingway na naging counselor ko noong bishop ako maraming taon na ang nakararaan at ang tawag ko sa kanya ay Gene. Sinabi ni Stephen sa akin na naroon din ang kanyang ama at naghihingalo na. Tinatawag ni Gene ang pangalan ko, at gusto akong makontak ng pamilya pero wala silang numero ng telepono ko.
Kaagad akong nagpaalam at sumama kay Stephen paakyat sa silid ng dating kong counselor, kung saan naroon din ang iba pa niyang mga anak, ang kanyang asawa ay matagal nang patay. Itinuring ng pamilya ang pagkikita namin ni Stephen sa lounge area na sagot ng ating Ama sa Langit sa matinding hangarin nilang makita ko ang kanilang ama bago ito pumanaw. Ganito rin ang nadama ko, dahil kung hindi pumasok si Stephen sa silid na kinaroroonan ko sa sandaling iyon, hindi ko malalaman na naroon din si Gene.
Binasbasan namin siya. Namayani ang kapayapaan. Masaya ang pag-uusap namin, at pagkatapos ay umalis na ako.
Kinaumagahan isang tawag sa telepono ang nagsabing pumanaw na si Gene Hemingway—mga 20 minuto matapos namin siyang basbasan ng kanyang anak.
Taimtim akong nanalangin at nagpasalamat sa Ama sa Langit sa Kanyang patnubay, na naghikayat sa akin na dumalaw sa care center at mapuntahan ang mahal kong kaibigan na si Alfred Eugene Hemingway.
Gusto kong isipin na ang naiisip ni Gene Hemingway nang gabing iyon—nang madama namin ang Espiritu, manalangin nang may pagpapakumbaba, at bigkasin ang pagbabasbas—ay ang mga salitang binanggit sa himnong “Guro, Bagyo’y Nagngangalit”:
Nawa Kayo’y manatili!
H’wag nang lumisan pa,
Maligayang sa pampang sasapit
Doo’y magpapahinga.
Gusto ko talaga ang himnong iyan at nagpapatotoo sa kapanatagang idinudulot nito:
Kahit unos ng karagatan
O d’yablo o tao o anupaman,
‘Di lulubog ang barkong may lulan
Sa Panginoon ng sanlibutan.
Lahat sa Inyo ay susunod:
Pumayapa; pumayapa.1
Bagama’t may mga pagluha at pagsubok, takot at lungkot, pighati at lumbay sa pagpanaw ng mga mahal sa buhay, may katiyakan na ang buhay ay walang katapusan. Ang ating Panginoon at Tagapagligtas ay buhay na patotoo na ang buhay ay walang katapusan.2 Ang Kanyang mga salita sa banal na kasulatan ay sapat na: “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios” (Mga Awit 46:10). Nagpapatotoo ako sa katotohanang ito.