Ang Ikapu ay Nagdudulot ng Kapayapaan
Ricardo Reyes Villalta, El Salvador
Palagi akong nagtitiwala sa Panginoon at sa Kanyang mga kautusan. Nang bumagsak ang ekonomiya, wala na akong overtime at bumaba ang aking suweldo. Inihinto ko ang pagbabayad ng ikapu at sinabi sa sarili ko na mauunawaan ito ng Panginoon. Gayunpaman, dumami ang utang ko at lumiit ang suweldo ko.
Nang nakita ang paghihirap ko, sinabihan ako ng ilang kamag-anak na higit sa lahat dapat akong magbayad ng ikapu dahil ito ang makatutulong para makayanan ko ang mga pagsubok. Ngunit palagi akong humahantong sa pagbabayad ng mga bayarin. Handa akong magbayad ng ikapu noong wala ako problemang pinansiyal, ngunit natakot ako nang magkaproblema ako sa pera (tingnan sa Mateo 14:28–31).
Pag-uwi ko mula sa trabaho isang hapon matapos makasuweldo, naisip ko ang lahat ng utang ko. Pumikit ako at nagdasal, “Ama, ano po ang dapat kong gawin?” Pagdilat ko, nakita ko sa kisame ng bus ang isang poster tungkol kay Pedro na lumulubog sa maunos na dagat kasama ang Tagapagligtas na sumasagip sa kanya. Naroon sa ilalim ng poster ang mga salitang “Hindi Natitinag na Pananampalataya.” Natanto kong kailangan kong bayaran ang aking ikapu kung gusto kong mabayaran ang mga utang ko.
Pagkauwi ko, nakakita ako ng sobre para sa ikapu at inilagay roon ang aking ikapu. Nang isara ko ang sobre, narinig ko ang mga salitang “Kay inam ng buhay” at nakadama ng kagalakan na pumayapa sa aking kaluluwa.
Alam ko na ibibigay ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala sa aking buhay kapag sa tingin Niya ay karapat-dapat na ito. Hanggang sa araw na iyon maaaring maunos pa rin ang aking buhay, ngunit ang kapayapaang nadarama ko dahil sa aking pagsunod ay sapat-sapat na.