Pagtuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Kahalagahan ng Pamilya
Matindi ang pag-atake sa pamilya sa mundo ngayon. Kaya nga napakahalaga ngayon na magkaroon ng patotoo ang mga bata at kabataan tungkol sa kahalagahan ng pamilya sa plano ng Ama sa Langit (tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [2011], 14). Sa pahina 52 ng isyung ito, nagmungkahi si Ann M. Dibb, pangalawang tagapayo sa Young Women general presidency, ng mga paraan na makatutulong sa mga kabataan na magkaroon ng patotoo tungkol sa pamilya.
Halimbawa, isinulat niya, “Kapag binasa ninyo ang paghahayag [tungkol sa pamilya] pansinin ang mga doktrina, payo, babala, at ipinangakong mga pagpapala at ano ang personal na kahulugan nito sa inyo.”
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan
-
Basahin “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” at ang bahagi tungkol sa pamilya na nasa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Pag-usapan kung paano maipamumuhay ang mga gabay na ito sa sarili ninyong pamilya. Isiping ibahagi ang inyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pamilya.
-
Isiping magdaos ng family home evening tungkol sa kahalagahan ng pamilya (magandang pagkunan ang paksang “Marriage and Family” sa bagong kurikulum ng kabataan sa lds.org/youth/learn).
-
Bisitahin ang youth.lds.org. Piliin ang “For the Strength of Youth” at pagkatapos “Family” para makahanap ng mga materyal na tutulong sa inyo na mas maunawaan ang doktrina tungkol sa pamilya: mga reperensya sa banal na kasulatan, video (tingnan, halimbawa ang, “Fathers and Sons”), mga Mormon Channel radio program, mga tanong at mga sagot, at mga artikulo, kabilang na ang mensahe ng mga General Authority.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata
Narito ang ilang halimbawa ng mga paraan na malinaw ninyong masusubaybayan ang pag-unlad ng inyong pamilya sa pagtatamo ng mga espirituwal na mithiin:
-
Kumuha ng maliit, malinaw na garapon. Kasama ang inyong mga anak, magtakda ng mga mithiin na posibleng makamtan na magpapalakas sa inyong pamilya, tulad ng pagdaraos ng family home evening tuwing Lunes o pagbabasa ng mga banal na kasulatan bawat araw bilang pamilya. Magpagawa sa inyong mga anak ng label na may nakasulat na mithiin para idikit sa lalagyan. Sa tuwing magagawa ng inyong pamilya ang aktibidad, maglagay sa lalagyan ng isang maliit na bagay tulad ng holen o bead. Kapag puno na ang lalagyan, isiping ipagdiwang ito sa pamamagitan ng pagdaraos ng espesyal na kainan o aktibidad ng pamilya.
-
Magpadrowing sa bawat anak ng isang larawan ng mga miyembro ng pamilya na gumagawa ng isang gawain na gusto ninyong gawin nila, tulad ng pagdarasal ng pamilya o pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Idispley ang mga larawan sa lugar na makikita ng lahat. Simulan ang araw na nakaharap ang mga larawan. Kapag nagawa na ng inyong pamilya ang aktibidad na nakalarawan sa papel, itaob ito. Ang mga larawang nakikita o nakaharap pa ay magpapaalala sa inyong pamilya ng inyong mga mithiin at ano ang magagawa ninyo para mapalakas ang inyong pamilya sa araw na iyon. Iharap muli ang mga larawan sa simula ng bawat araw.
Tulungan din ang inyong mga anak na makita ang mga pagpapala na dumarating sa inyong pamilya sa paggawa ng mga aktibidad na ito. Ang pagtulong sa mga anak na mahiwatigan ang mabuting damdamin na dulot ng pamamalagi ng Espiritu sa inyong tahanan ay nagpapaibayo ng kanilang hangarin na sundin ang mga huwaran ng mabubuting pag-uugali na nagpapalakas sa mga pamilya.