2013
Ikaw ay Malaya
Marso 2013


Ikaw ay Malaya

Mula sa mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Oktubre 19, 1999. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Elder D. Todd Christofferson

Ang hinihingi ng Diyos ay ang katapatang ipinakita ni Jesus.

Ang ebanghelyo, wika ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “ay plano ng kalayaan na dumidisiplina sa pagnanasa at gumagabay sa pag-uugali.”1 Inaakay tayo ng planong ito tungo sa ibayong kaalaman at kakayahan, ibayong biyaya at liwanag. Ito ay kalayaan na maging kung ano ang maaari at dapat ninyong kahinatnan. Ngunit upang malubos ang inyong kalayaan, kailangang handa kayong talikuran ang lahat ng inyong kasalanan (tingnan sa Alma 22:18), katigasan ng ulo, masasamang ugali, at marahil maging ang ilang mabubuting bagay na nakahahadlang sa nakikita ng Diyos na makabubuti sa inyo.

Ang Tinig ng Panginoon

Ang aking Tiya na si Adena Nell Gourley ay nagkuwento ng karanasan na nangyari maraming taon na ang nakararaan tungkol sa kanyang ama—ang lolo ko na si Helge V. Swenson, na pumanaw na—na naglalarawan sa ibig kong sabihin. Ikinuwento niya:

“Kami ng anak ko ay dumalaw sa tahanan ng mga magulang ko. Nang magtatakip-silim na itinanong ni Inay kong gusto naming pumunta sa balkonahe sa likod at tingnan kung paano tawagin ni Itay ang kanyang [limang] tupa para umuwi dahil gabi na. Si Itay … ay isang stake patriarch, at … halimbawa ng lahat ng kabutihan at kabaitan at katapatan sa isang tao ng Diyos.

“… Naglakad si Itay hanggang sa gilid ng bukid at nagtawag, ‘Pumasok na kayo.’ Kaagad-agad, nang hindi pa tinatapos ang nginunguyang pagkain, lahat ng tupa ay napalingon sa kanyang kinatatayuan, at pagkatapos [ang mga tupa] ay nagsitakbuhan hanggang sa makarating sa kanya at matanggap ang paghaplos niya sa ulo ng bawat isa.

“Sinabi ng munting anak ko, ‘Ay, Lola, paano po nagawa iyon ni Lolo?’

“Sagot ni Inay, ‘Kilala ng mga tupa ang kanyang tinig, at siya ay mahal ng mga ito.’ Ngayon nakita ko na may limang tupa sa bukid, at lima ang lumingon nang siya ay tumawag, pero apat lamang ang patakbong lumapit kay Itay. Doon sa napakalayo na kitang-kita sa gilid ng parang, ay nakatayo at nakatitig kay Itay ang [isang] malaking [tupang babae]. Tinawag siya ni Itay, ‘Halika na.’ Kumilos siya na parang lalapit na pero hindi niya ito ginawa. Pagkatapos ay tinawid ni Itay ang bukid habang tinatawag ang tupa, ‘Halika na. Hindi ka nakatali.’ Ang iba pang apat na tupa ay nakasunod sa kanya.

“Pagkatapos ipinaliwanag ni Inay sa amin na ilang linggo na ang nakaraan, isang kakilala nila ang naghatid sa [babaeng tupa] at ibinigay ito kay Itay na sinasabing hindi na niya ito kailangan sa kanyang kawan. Sinabi ng lalaki na ito ay gala at pasaway at palaging inaakay ang iba pa niyang tupa palabas ng bakuran at sobrang perwisyo kaya gusto na niya itong ipamigay. Masayang tinanggap ni Itay ang tupa, at nang sumunod na ilang araw itinali niya ito sa bukid para hindi ito makalayo. Pagkatapos matiyaga niya itong tinuruan na mahalin siya at ang iba pang mga tupa. Pagkatapos, nang mas sanay na ito sa kanyang bagong tahanan, may maikling lubid na iniwan si Itay sa leeg nito ngunit hindi ito itinali sa tulos.

“Habang ipinapaliwanag ito sa amin ni Inay, halos narating na ni Itay at ng kanyang mga tupa ang [tupang gala] sa gilid ng bukid, at mahinahong muling tinawag ito, ‘Halika na. Hindi ka na nakatali. Ikaw ay malaya.’

“Napaluha ako nang makita ko [ang tupa] na lumakad at lumapit kay Itay. Pagkatapos, ipinatong niya ang kanyang mapag-arugang kamay sa ulo nito, at siya at ang lahat ng miyembro ng kanyang maliit na kawan ay bumaling at naglakad muli palapit sa amin.

“Naisip ko kung paanong ang ilan sa atin, na pawang tupa ng Diyos, ay nakatali at hindi malaya dahil sa mga kasalanan natin sa mundo. Habang nakatayo sa balkonahe sa likod, taimtim kong pinasalamatan ang aking Ama sa Langit na may matatapat na pastol at guro na matiyaga at mabait at handang turuan tayo na magmahal at sumunod at nagbibigay sa atin ng katiyakan at kalayaan sa loob ng kawan nang sa gayon, kahit malayo tayo sa tahanan, makikilala natin ang tinig ng Panginoon kapag Siya ay nagsasabing, ‘Halina kayo. Ngayon kayo ay malaya na.’”2

Nakatutuwang malaman na mapag-iibayo natin ang ating kalayaan sa lubusang pagsunod. Sa mga salita ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi tayo sumusunod dahil tayo ay bulag, sumusunod tayo dahil tayo ay nakakakita.”3

Ang pagpipilian natin sa buhay na ito ay hindi kung magpapasakop tayo o hindi sa anumang kapangyarihan. Ang pagpipilian natin sa buhay na ito ay kung kaninong awtoridad tayo susunod: sa Diyos o kay Satanas. Tulad ng sinabi ni Lehi, ito ay pagpili sa kalayaan o pagkabihag (tingnan sa 2 Nephi 2:27). Isa lang ang pipiliin natin.

Ang pagsunod natin sa Diyos at sa karapatan Niyang mamuno at maghari sa atin ay nagdudulot ng iba pang pagpapala. Ang isa sa pinakamalalaking pagpapalang ito ay ang pananampalataya at pagtitiwala na nagtutulot sa atin na mabuhay nang payapa. Sinabi ng Panginoon kay Josue:

“Walang makatatayong sinomang tao sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay: kung paanong ako’y suma kay Moises, ay gayon ako sasa iyo: hindi kita iiwan ni pababayaan kita. …

“Magpalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti, na isagawa mo ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod: huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay magtamo ng mabuting kawakasan saan ka man pumaroon” (Josue 1:5, 7).

“Aking Dinaig ang Sanglibutan”

Kung “[gagawin rin natin] ang ayon sa buong kautusan,” magtitiwala rin tayo na nasa atin ang Diyos tulad ng Siya ay napasa kay Moises. Tulad ng Mang-aawit masasabi natin, “Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot; Anong magagawa ng tao sa akin” (Mga Awit 56:11)? Hindi ba ipinangako ng Panginoon, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33)?

Maraming taon na ang nakararaan nangulo ako sa isang disciplinary council ng Simbahan. Ang lalaki na nakagawa ng mga kasalanan na siyang pag-uusapan sa council ay nakaupo sa aming harapan at nagkuwento ng nangyari sa kanya. Talagang mabigat ang kanyang mga kasalanan, pero siya rin naman ay nagawan ng matinding kasamaan. Habang pinag-iisipan namin ang bagay na ito, nabagabag ang aking kaluluwa, at humingi sandali ng paumanhin para pag-isipan at ipagdasal ito nang mag-isa bago ako muling sumama sa lupon.

Nakatayo ako sa harap ng upuan sa aking opisina na sumasamo sa Panginoon na tulungan akong maunawaan kung paano nangyari ang gayong kasamaan. Hindi ko nakita pero sa halip nadama ko ang isang malalim na hukay na natatakpan. Ang isang bahagi ng takip ay bahagyang itinaas nang kaunti at sandaling-sandali lamang, at nakita ko sa hukay ang kalaliman at kalawakan ng kasamaan na namamayani sa mundong ito. Napakalalim nito at hindi ko ito kayang maunawaan. Nanghina ako. Napaupo ako sa silya na nasa likuran ko. Ang naranasan ko ay tila pumigil sa aking hininga. Tahimik akong sumamo, “Paano kami makaaasang madaig ang gayong kasamaan? Paano kami makaliligtas sa isang bagay na napakasama at nakapanlulumo?”

Sa pagkakataong iyon naisip ko ang mga katagang ito: “Laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). Bihira ko lang madama ang gayong kapayapaan sa harap ng katotohanang naroon ang kasamaan. Nakadama ako ng lubos na pasasalamat sa kasidhian ng pagdurusa ng Tagapagligtas at kahit natatakot ay lalo pang pinasalamatan na nadaig Niya ang kasamaan at kasalanan. Nakadama ako ng kapanatagan para sa lalaking iyon na nasa harap namin para patawan ng disiplina, nalalaman na siya ay may Manunubos, na ang biyaya ay sapat upang malinis siya at maitama rin ang kawalang-katarungan na kanyang dinanas. Alam ko na mananaig ang kabutihan dahil kay Jesucristo, at kung wala Siya wala tayong tsansa. Nakadama ako ng kapayapaan, at napakatamis nito.

Naunawaan ito ni Joseph Smith nang sabihin niya, “Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:17). Ang pangako ng Diyos sa mga sumusunod sa Kanya ay ihahayag Niya ang Kanyang bisig at kapangyarihan sa kanila. Sinabi ng Tagapagligtas:

“Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang daigdig, at kayo ay bahagi nila na ibinigay ng Ama sa akin;

“At wala sa kanila na ibinigay ng Ama sa akin ang mawawala” (D at T 50:41–42).

Ang mabuhay nang may ganitong katiyakan ay isang pagpapala na marahil ay higit kaysa maipagpapasalamat natin. Lahat tayo—di-magtatagal, sa panahong may napipintong kapahamakan o kaguluhan, kapag pinili natin ang Diyos bilang ating gabay—ay maaawit natin nang may buong pagtitiwala, “Kapayapaan ang dulot N’yaring ebanghelyo.”4

Hindi tayo dapat umasa ng kapayapaan o kalayaan o pananampalataya o iba pang kaloob mula sa ating Diyos kung ang pagtanggap natin sa Kanyang pamumuno ay hindi lubos o napilitan lamang. Kung ang pagtanggap natin sa Kanya ay pakitang-tao lamang sa halip na tunay na kabutihan, huwag tayong umasang gagantimpalaan tayo. Ang di-lubos, nag-aalangang katapatan ay hindi maituturing na katapatan sa Kanya. Ang pagpapasakop natin ay dapat lubos, taos-puso, at buung-buo. Ang hinihingi ng Diyos ay ang katapatang ipinakita ni Jesus, na inutusang inumin ang napakapait na saro na nagpanginig maging sa Kanya, ang dakilang Manlilikha, dahil sa sobrang pait nito (tingnan sa Marcos 14:33–36; D at T 19:17–18). Gayunpaman ginawa Niya ito, “ang kalooban ng Anak ay [napa]sakop sa kalooban ng Ama” (Mosias 15:7).

Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo na sa pamamagitan ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ay maaari tayong maging kaisa ng Diyos, tulad ng idinalangin ni Jesus na maging isa tayo (tingnan sa Juan 17:20–23). Nawa ang inyong katapatan sa Kanila ay maging maningning na gabay sa inyong buhay magpakailanman.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “A Principle with Promise,” Improvement Era, Hunyo 1965, 521.

  2. Adena Nell Swenson Gourley, “I Walked a Flowered Path” (hindi inilathalang manuskrito, 1995), 199–200.

  3. Boyd K. Packer, “Agency and Control,” Ensign, Mayo 1983, 66.

  4. “Kapayapaan ang Dulot N’yaring Ebanghelyo,” Mga Himno, blg. 13.

MGA PAGLALARAWAN ni Dilleen Marsh