Ang Tamang Panahon sa Pag-aasawa
Alam nina Ane at Benjamin na mahalaga ang edukasyon, at pareho nilang gustong mag-aral sa kolehiyo. Paano aakma ang iniisip nilang pagpapakasal sa planong ito?
Noong nasa hayskul si Ane, inasam niya ang araw ng pagtuntong niya sa kolehiyo. Napakaraming kurso na puwede niyang pag-aralan at mga propesyong mapagpipilian! “Napakarami kong gusto at kayang gawin,” sabi niya.
Kahit sa maliit na bayan lang sa Norway nakatira si Ane, nakapag-aral siya sa magandang eskwelahan noong hayskul. Hinihikayat sa eskwelahan niya na sikapin nilang makakuha ng matataas na grado para makapasok sa kolehiyo. Maraming estudyante sa eskwelahan ni Ane ang nag-aral agad sa kolehiyo pagkatapos ng hayskul. Bata pa lang, ganoon din ang planong gawin ni Ane. Pero ang pagpasok sa paaralan ay isa lang sa mga mithiin ni Ane para sa sarili.
“Naturuan akong mabuti sa mga klase sa Young Women at sa Pansariling Pag-unlad,” sabi ni Ane. “Mithiin ko noon pa man na ikasal sa templo.”
Kailan ang “Tamang Panahon”?
Isang gabi sa klase sa institute, nakilala ni Ane ang kababalik lang sa misyon na si Benjamin. “Sa una pa lang na pagkakita ko sa kanya, pinahanga na niya ako sa maraming bagay,” sabi ni Ane. “Masaya siyang kausap. Komportable kaming pag-usapan ang ebanghelyo.”
Niyaya siya ni Benjamin na magdeyt, at naging maayos naman. Nang sumunod na mga buwan, patuloy na nagdeyt sina Benjamin at Ane. Naglaro sila ng soccer at volleyball, nag-hiking, at nanood ng sine. Unti-unti nilang nakilala ang isa’t isa, at humantong sa pag-iibigan ang kanilang pagiging magkaibigan.
Sa patuloy na pag-iibigang ito, natuon ang kanilang isipan at plano sa pag-aasawa. Masaya sina Ane at Benjamin na natagpuan na nila ang taong gusto nilang makasama sa walang-hanggan. Gayunpaman, naging seryoso ang relasyong ito nang mas maaga kaysa inasahan nila. Ano ang mangyayari sa lahat ng plano na nagawa na nila noong bata pa sila? Makapag-aaral pa ba sila? Ibig sabihin ba ipagpapaliban na nila ang iba pa nilang mithiin dahil sa desisyon nilang magpakasal?
Inisip ng ilan sa mga kaibigan nila na ganito nga ang mangyayari.
“Marami sa nakapaligid sa akin—sa pamilya, sa eskwela, at sa trabaho—ang alalang-alala sa maaaring maging epekto ng relasyong ito sa pag-aaral ko,” sabi ni Ane. “Itinatanong pa nila kung nakakasiguro ba ako na magtatagal ang relasyong ito.
“Iniisip din ng mga kaibigan ko na kaedad ko na makahahadlang sa pag-aaral ko ang pag-aasawa,” sabi niya. “Para sa kanila, sasayangin ko ang aking mga talento at oportunidad.”
Ganoon din ang naramdaman ng mga kaibigan ni Benjamin. “Gusto ng mga tao na isipin ko na napakabata pa namin, na dapat munang magtapos ng pag-aaral ang mapapangasawa ko, at na kung magpapakasal kami, ibig sabihin magkakaanak kami, at napakabata pa rin namin para doon,” sabi niya.
Bagama’t naniniwala sina Ane at Benjamin na binibigyang-priyoridad sa ebanghelyo ang pag-aasawa at pagpapamilya, karaniwang hindi ganoon ang priyoridad ng ibang hindi miyembro ng Simbahan—lalo na sa mga bata pa. “Talagang nakapokus sa edukasyon at pagtatrabaho ang mga tao sa bayan namin,” paliwanag ni Ane. “Mabuti naman ito, pero hindi nito nabibigyang-pansin ang pagpapamilya—o relihiyon.”
Sabi ni Benjamin, “Laging nasa isip ko noon na ang tamang gawin ay magtapos ng misyon, maghanap ng gugustuhin ko at pagkatapos ay mamahalin, at matapos makapagpasiyang mag-asawa at makatanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo, ay magpakasal na. Parang napakasimple lang sa akin, pero bigla na lang naging nakakalito, magulo, at mahirap ang lahat.”
Ano ang Sabi ng Panginoon?
Parehong nag-alala sina Benjamin at Ane sa mga payo at opinyon ng kanilang mga kaibigan. Buong taon silang nahirapang magpasiya kung kailan ang tamang panahon para magpakasal. Alam nila na sa huli ang pinakamahalagang patnubay ay magmumula sa Panginoon, kaya maraming oras silang nagsaliksik ng mga banal na kasulatan at sa salita ng mga propeta tungkol sa pamilya, pag-aasawa, at pag-aaral.
“Lahat ng ito ay tumatalakay sa kahalagahan ng pag-aasawa at pag-aaral,” sabi ni Ane. Sa patuloy na paghahanap ng patnubay, luminaw ang lahat nang makausap nila ang isang lider sa institute. “Sabi niya sa akin, ‘Kapag natagpuan mo na ang tamang tao at ang tamang lugar (ang templo), ito na ang tamang panahon!’” paggunita ni Ane. “Napanatag dito ang isip ko. Marami na akong natanggap na pahiwatig mula sa Espiritu na nagsasabing ito ang landas na dapat kong tahakin. Nalaman ko na magpapakasal kami ni Benjamin at iyon ang tamang gawin ko sa pagkakataong ito.”
Alam ni Ane na sisikapin pa rin niyang makapag-aral, dahil hinihikayat din iyan ng propeta ng Panginoon. Pero sa ngayon alam niyang pag-aasawa ang dapat niyang unahin.
Nalungkot si Ane dahil alam niya na may mga taong hindi natutuwa na mag-aasawa siya sa ganoong edad. Pero pinili niyang kilalanin ang ipinahihiwatig ng Espiritu at ang nais ng Panginoon at hindi ang iniisip ng kanyang mga kaibigan. “Ito ang kakailanganin ko para mapanindigan ang ginawa kong desisyon,” sabi niya.
Hindi sa gayong paraan nadama ni Benjamin na ang pag-aasawa ang tamang desisyon sa pagkakataong iyon. Sa halip, sabi niya, “natanto ko na kailangan kong gawin ang sinasabi ng ebanghelyo. Bakit ako narito? Ano ang layunin ko sa mundo?”
Habang sinasaliksik niya ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta at apostol, nanalangin si Benjamin sa Ama sa Langit. Tumanggap din siya ng basbas ng priesthood. “Naging malinaw sa akin na ipinadala ako sa mundo para bumalik sa Diyos kasama ang aking pamilya,” sabi niya. “Walang gawain o iba pang tungkulin na makahihigit diyan. Ito ay nasa ‘Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.’ Kung sinadya kong balewalain ito at iba ang gagawin ko, nilalabag ko ang mga kautusan ng Diyos.
“Nang ihayag sa akin na ang mga itinuro sa akin noon pa man ay talagang totoo at mas dapat pahalagahan kaysa iba pang opinyon, naliwanagan ako. Nagpasiya akong sundin ang itinuro sa akin.”
Sina Ane at Benjamin ay ikinasal noong Hulyo 16, 2009, sa Stockholm Sweden Temple. “Nang ibuklod na kami sa templo, nakadama ako ng lubos na kapayapaan,” sabi ni Ane. “Napakasimple lang nito. Napakaganda. Walang magarang kasuotan at palamuti. Napakasaya na kasama ko ang aking mga magulang at mga kapatid sa templo—at si Benjamin. Ito’y sandali na puno ng tunay na pagmamahal.”
Ang Sumunod na mga Pagpapala
Bagama’t mahirap ang pinagdaanan niya ilang buwan bago siya ikinasal, nagpapasalamat si Ane sa mga dinanas na pagsubok. “Ito ang nagtulak sa akin na manindigan,” sabi niya “Tinulungan at pinalakas ako ng Diyos sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, panalangin, at mga basbas ng priesthood. Natanto ng marami sa mga tao na dating tutol na mabuti at tama ang naging pasiya ko. Nakita nila na natagpuan ko ang tunay na kaligayahan. Pinasalamatan nila ako na nagtiwala ako sa aking sarili at sa Panginoon.”
Matapos ikasal, lumipat sina Ane at Benjamin sa ibang lugar kung saan nila sinimulan ang pag-aaral sa unibersidad. Hindi nagtagal nagkaroon sila ng anak na babae, si Olea, at pansamantalang huminto si Ane sa pag-aaral. Ipagpapatuloy ni Ane ang pag-aaral nang part-time at online nang sa gayon makapagtapos siya at makapamalagi sa bahay para maalagaan ang kanilang anak. Kahit alam niyang mahirap ang gayong sistema, matatapos pa rin ni Ane ang kursong gusto niya.
“Maaaring inisip ng iba na marami akong isinakripisyo nang mag-asawa ako at magpamilya,” sabi niya, “at parang ganoon nga kung titingnan. Pero ang totoo nakamit ko ang lahat. Alam ko na kapag pinili kong unahin ang Panginoon, ang lahat ng iba pa ay ibibigay sa akin. Nasasabik na ako at nagpapasalamat na matatapos ko ang aking kurso. Pero higit sa lahat nagpapasalamat ako na may pagkakataon kami na maging walang-hanggang pamilya!”
Sang-ayon diyan si Benjamin. “Pinatnubayan ako ng Diyos sa paraang naituro sa akin na Siya ang dapat unahin,” sabi niya. “Para sa akin, hindi kailangang piliin kung pamilya o pag-aaral ang uunahin; kundi pamilya muna at isabay ang pag-aaral. Ganoon din sa iba pang mga desisyon. Hindi ito pagpili sa Diyos o sa wala. Ito ay pag-una sa Diyos; pagkatapos ay susunod na ang iba pa.”