2013
Huwag Magsuot ng Balatkayo
Marso 2013


Huwag Magsuot ng Balatkayo

Mula sa debosyonal ng Church Educational System para sa mga young adult na ibinigay noong Marso 4, 2012, sa Brigham Young University–Idaho.

Elder Quentin L. Cook

Ang isa sa [mga] pinakamalakas na proteksyon ninyo laban sa pagpili ng masama ay huwag kailanman magsuot ng balatkayo.

Nang pag-isipan ko ang tungkol sa inyo, nadama ko na maaaring hindi ninyo lubos na mapahalagahan ang kahalagahan ng inyong henerasyon. Naniniwala ako na may kaalaman kayo at matibay na pundasyon upang maging pinakamahusay na henerasyon sa lahat, lalo na sa pagsusulong ng plano ng ating Ama sa Langit.

Sa pagsaalang-alang sa napakaraming potensyal para sa kabutihan na taglay ninyo, ano ang mga inaalala ko para sa inyong kinabukasan? Anong payo ang maibibigay ko sa inyo? May matinding pang-uudyok sa bawat isa sa inyo na magpanggap—na magbalatkayo—at maging isang tao na hindi totoong nagpapakita kung sino talaga kayo o kung ano ang gustong ninyong kahinatnan.

Halimbawa mula sa Kasaysayan ng Estados Unidos

Noong 2011, nakipagkita kami ni Elder L. Tom Perry kay Abraham Foxman, ang national director ng Anti-Defamation League. Ang misyon nito ay pigilan ang paninira sa mga Judio.

Sa pakikipag-usap namin kay Mr. Foxman, tinanong ko siya kung ano ang maibibigay niyang payo sa amin na may kinalaman sa aming mga responsibilidad sa public affairs para sa Simbahan. Sandali siyang nag-isip at pagkatapos ay ipinaliwanag ang kahalagahan ng paghikayat sa mga tao na huwag magbalatkayo. Inilarawan niya ang Ku Klux Klan. Ito ay isang organisasyon na maimpluwensya at labis na kinatatakutan ng karamihan sa mga Amerikano sa unang bahagi ng ika-20 siglo. Dahil sa magkakaparehong suot na bata at maskara hindi mo makikilala ang mga kasapi nito, nagsusunog sila ng mga krus sa bakuran ng mga taong binibiktima nila at tinatawag ang kanilang mga sarili na tagapagbantay ng moralidad. Binibiktima nila lalo na ang mga African American, ngunit ang mga Katoliko, Judio, at imigrante ay isinasama rin nila. Ang pinakamalupit sa mga miyembro ng Klan ay sangkot sa panghahampas, pambubugbog, at maging sa pagpatay. Binigyang-diin ni Mr. Foxman na ang ilan sa mga miyembro ng Ku Klux Klan, kapag hindi nila suot ang kanilang mga balatkayo, ay mga karaniwang tao, na kinabibilangan ng mga negosyante at mga taong palasimba. Sinabi niya na dahil itinatago nila ang kanilang pagkatao at nakasuot ng balatkayo, nakakasali sila sa mga aktibidad na karaniwang iniiwasan nila. Ang kanilang gawain ay nagkaroon ng matinding epekto sa lipunan ng mga Amerikano.

Ang payo ni Mr. Foxman ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pag-iwas ng mga tao sa pagsusuot ng balatkayo na nagtatago ng kanilang tunay na pagkatao.1

Mga Halimbawa mula sa Kasaysayan ng Simbahan

Sa kasaysayan noon ng ating Simbahan, sina Propetang Joseph, Emma, at kanilang 11-buwang-gulang na kambal, sina Joseph at Julia ay nasa Hiram, Ohio, sa bukirin ng mga Johnson.

Isang Sabado ng gabi pinasok ng isang grupo ng kalalakihan na may pinturang itim sa mga mukha ang bahay ng Propeta at kinaladkad siya palabas at binugbog at binuhusan siya ng alkitran at gayon din si Sidney Rigdon.

“Bagama’t nawalan ng isang ngipin ang Propeta, masakit ang tagiliran, natanggalan ng kaunting buhok, at may paso dahil sa asido, nangaral pa rin siya nang sumapit ang araw ng Linggo. Ang apat o higit pa na kasamang nagtipon doon ng mga Banal ay mga miyembro ng mandurumog.”2

Mahalaga ring malaman na ang sangkot sa pagpaslang kay Propetang Joseph at sa kanyang kapatid na si Hyrum ay naglagay ng pintura sa kanilang mukha para itago ang kanilang totoong pagkatao.3

young man holding pixellated photo

Iwasan ang Pagbabalatkayo at Pagpapanggap

Hindi ko sinasabi na mayroon sa inyo rito na magiging kasali sa ganitong uri ng napakasasamang gawain na aking inilarawan. Naniniwala ako, sa ating panahon, kung kailan ang hindi pagpapakilala sa pagkatao ay mas madali kaysa rati, na may mahahalagang alituntunin sa hindi pagsusuot ng balatkayo at sa pagiging “[tapat sa] pananampalataya … [na] ipaglalaban.”4

Ang isa sa [mga] pinakamalakas na proteksyon ninyo laban sa pagpili ng masama ay huwag kailanman magsuot ng balatkayo. Kung nadarama ninyo na gusto ninyong gawin ito, malaman sana ninyo na ito ay matinding palatandaan ng panganib at isa sa mga kasangkapan ng kaaway upang maipagawa niya sa inyo ang hindi ninyo dapat gawin.

Kapansin-pansin na halos lahat ng sangkot sa pornograpiya ay nagkukunwari at itinatago ang paggawa nila nito. Itinatago nila ang kanilang ginagawa, na alam nilang masama at makapipinsala sa mga taong mahal nila. Ang pornograpiya ay isang salot na hindi lamang nakapipinsala sa moralidad ng isang tao sa harapan ng Diyos, kundi winawasak din nito ang mga mag-asawa at pamilya at may masamang epekto sa lipunan.

Sa mga lulong sa mapaminsalang gawaing ito, makatitiyak kayo na makapagsisisi kayo, at mapagagaling. Ang pagsisisi ay kailangang [mangyari bago ang] paggaling. Ang paggaling ay maaaring matagal. Mapapayuhan kayo ng bishop o branch president kung paano kayo makatatanggap ng tulong na kailangan ninyo upang mapagaling.

Kumilos Ayon sa Inyong mga Paniniwala

Karaniwan na ngayon ang pagsusulat online na ipinararating ang pagkapoot, paninira, at pagkamuhi nang hindi nagpapakilala. Tinatawag ito ng ilan na matinding argumento. Sinisikap ng ilang institusyon na hadlangan ang ganitong mga komento. Halimbawa, hindi tinutulutan ng New York Times ang mga komento na “naninira, malaswa, mahalay, masama, … nagpapanggap, walang kabuluhan, at NAGMUMURA. …

“Hinihikayat din ng The Times ang paggamit ng totoong mga pangalan dahil, ‘Nalaman namin na napapanatili ng mga taong gumagamit ng kanilang totoong pangalan ang mas maganda at makabuluhang pag-uusap.’”5

Isinulat ni Apostol Pablo:

“Huwag kayong padaya: ang masasamang [pag-uusap] ay sumisira ng magagandang ugali.

“Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka’t may mga ibang walang pagkakilala sa Dios” (I Mga Taga Corinto 15:33–34).

Malinaw na ang masamang pag-uusap ay hindi lamang may kinalaman sa masamang pag-uugali, kundi, kapag ginawa ito ng mga Banal sa mga Huling Araw, maiimpluwensyahan nila nang masama ang mga taong walang alam tungkol sa Diyos o patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Ang anumang paggamit ng Internet upang mang-inis, manira ng reputasyon, o magpahiya ng tao ay hindi kasiya-siya. Ang nakikita natin sa lipunan ay kapag nagbabalatkayo at hindi nagpapakilala ang mga tao, mas nakagagawa sila ng ganitong klase ng paninira, na nakapipinsala sa mabubuting usapan. Nilalabag din nito ang mga pangunahing alituntunin na itinuro ng Tagapagligtas.

Hindi na kailangang magbalatkayo ang mabubuti upang itago ang kanilang totoong pagkatao.

Gampanang Mabuti ang Inyong Tungkulin

Malaki ang tiwala namin sa inyo. Ang pamunuan ng Simbahan ay taos-pusong naniniwala na maitatayo ninyo ang kaharian nang higit pa sa nagdaang henerasyon. Hindi lamang nasa inyo ang aming pagmamahal at tiwala, pati rin ang aming mga panalangin at basbas. Alam namin na ang tagumpay ng inyong henerasyon ay mahalaga para patuloy na mapatatag ang Simbahan at mapaunlad ang kaharian. Dalangin namin na gampanan ninyong mabuti ang inyong tungkulin habang umiiwas kayo sa pagsusuot ng balatkayo.

Mga Tala

  1. Pakikipag-usap kay Abraham Foxman sa kanyang opisina sa New York City, New York, noong Hunyo 14, 2011.

  2. Mark L. Staker, “Remembering Hiram, Ohio,” Ensign, Okt. 2002, 35, 37.

  3. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 25.

  4. “Tapat sa Pananampalataya,” Mga Himno, blg. 156--57.

  5. Mark Brent, sa “The Public Forum,” Salt Lake Tribune, Hulyo 27, 2011, A16.

Mga paglalarawan ni Craig Dimond