2013
Paano ako makikipagtalakayan tungkol sa ebanghelyo kung ang gusto lang ng kausap ko ay manalo sa debate gamit ang lohika? Hindi gusto ng ganyang mga tao ang makarinig ng patotoo.
Marso 2013


Paano ako makikipagtalakayan tungkol sa ebanghelyo kung ang gusto lang ng kausap ko ay manalo sa debate? Hindi gusto ng ganyang mga tao ang makarinig ng patotoo.

Totoong makatutulong sa atin ang lohika at karunungan para maunawaan ang katotohanan, at posibleng gumamit ng lohika sa pagtatanggol sa Simbahan at sa mga turo nito. Pero kung mas interesado ang isang tao na manalo sa argumento kaysa unawain ang paniniwala ng iba, pagtatalo ang laging kauuwian nito. Maging matatag sa pagpapatotoo tungkol sa pinaniniwalaan mo at alam mong totoo.

Kung patuloy na nakikipagtalo ang kausap mo, ipaalam sa taong iyon na nirerespeto mo ang paniniwala niya pero kailangan mo ring sumang-ayon o hindi sumang-ayon. Ang talakayan sa mga paniniwala sa relihiyon ay hindi dapat ginagawa para “manalo.” At kapag nakikipagtalo o nagagalit ka na, hindi ka nagiging halimbawa ng pinaniniwalaan mo, ni hindi mapapasaiyo ang Espiritu Santo.

Itinuro sa atin ni Elder Robert D Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na kapag nakikipag-usap tayo sa mga tao tungkol sa Simbahan, “dapat ang layunin natin ay tulungan silang maunawaan ang katotohanan, hindi ipagtanggol ang ating sarili o manalo sa isang debate tungkol sa Diyos. Ang ating taos-pusong mga patotoo ang pinakamabisang sagot na maibibigay natin sa mga nagpaparatang sa atin. At ang gayong mga patotoo ay maibibigay lamang nang may pagmamahal at kaamuan.”1

Ang mga bagay ng Espiritu ay natututuhan “hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi sa patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan” (I Mga Taga Corinto 2:4). Bagama’t hindi nito mababago ang isipan ng sinuman, dapat kang magpatotoo at ipaalam sa mga tao ang pinaniniwalaan mo. At kapag ibinahagi mo ang ebanghelyo, ang paraan ng pagsasabi mo ng mga bagay-bagay ay maaaring kasinghalaga ng nilalaman ng sinasabi mo. Magsalita nang may tiyaga at pagmamahal. Sundin ang Espiritu at mahihiwatigan mo kung ano ang sasabihin (at hindi sasabihin) at kung paano tutugon.

Tala

  1. Robert D. Hales, “Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Liahona, Nob. 2008, 72–75.