2019
Pakikinig sa Tinig ng Panginoon sa Pangkalahatang Kumperensya
Marso 2019


Ang Huling Salita

Pakikinig sa Tinig ng Panginoon sa Pangkalahatang Kumperensya

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2017.

Elder Neil L. Andersen

Elder Neil L. Andersen

Nagpapatotoo ako sa inyo na si Jesus ang Cristo, na ginagabayan Niya ang mga nangyayari sa banal na gawaing ito, at na ang pangkalahatang kumperensya ay isa sa mga pinakamahalagang panahon kung kailan Siya nagbibigay ng direksyon sa Kanyang Simbahan at sa atin mismo.

Habang naghahanda tayong magtipun-tipon sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Russell M. Nelson, inaasahan nating marinig “ang kalooban ng Panginoon, … ang kaisipan ng Panginoon, … ang tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan” (Doktrina at mga Tipan 68:4). Nagtitiwala tayo sa pangako ng Panginoon: “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (Doktrina at mga Tipan 1:38).

Sa gitna ng kaguluhan at kalituhan ng ating modernong daigdig, ang pagtitiwala at paniniwala sa mga salita ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa ay mahalaga sa ating espirituwal na paglago at pagtitiis.

Naparito tayo sa pangkalahatang kumperensya matapos magdasal at maghanda. Karamihan sa atin ay may matitinding alalahanin at mga seryosong tanong. Nais nating mapanibago ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas, na si Jesucristo, at mapalakas ang ating kakayahan na labanan ang tukso at iwasan ang mga pang-aabala. Pumarito tayo upang maturuan mula sa kaitaasan.

Ipinapangako ko sa inyo na kapag inihanda ninyo ang inyong espiritu at pumarito na inaasahang maririnig ninyo ang tinig ng Panginoon, darating sa inyong isipan ang mga kaisipan at damdamin na sadyang para sa inyo.

May baul ng kayamanan ng patnubay ng langit na naghihintay na matuklasan ninyo sa mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya. Ang pagsubok sa atin ay kung paano tayo tutugon sa ating naririnig, nababasa, at nadarama.

Ipinapangako ko na habang pinapakinggan ninyo ang tinig ng Panginoon sa mga turo sa pangkalahatang kumperensya, at pagkatapos ay kumilos kayo sa mga pahiwatig na iyon, madarama ninyo ang paggabay ng langit, at ang inyong buhay at ang buhay ng mga nakapaligid sa inyo ay pagpapalain.