Mga Resources Magbenta, Magbenta, Magbenta Magsalitan sa pagbasa ng mga sumusunod: NARRATOR: Natatandaan ba ninyo si Kwame, ang lalaking nagtitinda ng banana cue? Nagtayo siya ng negosyo na mukhang matagumpay. At kilala siyang magaling na salesman. Tugmang-tugma, ‘di ba? Nagluto siya ng banana cue at nagdesisyon siya na magsimula agad. Nagpunta siya sa isang sulok malapit sa bahay nila at ginalingan ang pagtitinda. Pero walang lumapit sa kanya. Habang mas sinusubukan niya, lalong walang bumibili. Sinimulan pa nga niyang sumigaw sa mga tao: “Oy, masarap na miryenda ito! Tikman n’yo, ang sarap nito! Magugustuhan ninyo ito! Sige, kapag dalawa ang binili mo, isa lang ang babayaran mo! Uy. …” Pero hindi man lang siya tiningnan ng mga tao. Sobrang nanghina ang loob niya kaya umuwi siya ng bahay bago pa man magtanghalian. Ano ang mali niya? Umupo si Kwame at nag-isip. Bigo ba siya? Hindi ba maganda ang produkto niya? Sinungaling ba ang taong nagbigay sa kanya ng ideyang iyon? Pagkatapos ay naalala niya kung ano ang sinabi ng tao tungkol sa kanyang market research sa mga kustomer—kung ano ang gusto nila, ang oras, ang lugar, paano sila bumibili kasama ang mga kaibigan nila—kung ano ang mahalaga sa kanila! Sa kagustuhan ni Kwame na makabenta, nakalimutan niya kung ano ang pinaka-importante—ang maglutas ng problema ng mga kustomer! Kaya nagsimula ulit siya at ito ang ginawa niya: —Hinintay niyang sumapit ang hapon at gabi kung kailan gusto ng mga tao ang miryenda. —Pumili siya ng isang lugar kung saan maraming tao ang nagsasama-sama. —Nagdesisyon siyang magpatugtog ng masayang musika para makatawag ng pansin at sinabayan pa niya ang kanta nito—na talaga namang kakaiba! Kahit paano ay napangiti niya ang mga tao —At namigay siya ng libreng patikim sa mga babae na napapalibutan ng mga kaibigan nila—at pagkatapos ay malakas na itinanong kung nagustuhan nila ito. Epektibo ito! Habang lumalaki ang benta, nagdesisyon pa siyang subukan na itaas ang presyo—at walang nagreklamo! Pagkatapos ay sinubukan niyang magbigay ng diskwento sa mga bibili ng marami, pero binawasan lang nito ang kita niya at hindi nakapagdagdag ng benta, kaya itinigil niya. At natutuhan din niya sa mahirap na paraan kung paanong tatagal sa cooler niya ang tindang pagkain—ayaw ng mga kustomer ng malabsang saging! Nang umuwi siya noong gabing iyon, nagkaroon siya ng iba-ibang ideya para sa mga bagong posters tungkol sa “Singing Banana Man.” Puwede siya sa mga party! Puwede siya sa mga piyesta! Puwede siya … na-carried away siya. Pero nakita ba ninyo kung paano niya natutuhan na pahalagahan ang kanyang mga kustomer? Bumalik sa pahina 156 Marketing? Pumili ng mga role at isadula ang mga sumusunod: NAOMI: Oy, Maria. Pumunta ako para sabihin sa iyo na talagang gusto naming bumibili ng itlog sa iyo. Walang kahirap-hirap! MARIA: Salamat, Naomi! Mahalaga sa akin na masaya ang mga suki ko. NAOMI: Kumusta ang negosyo? MARIA: Mabuti naman, sa tingin ko. Nakikipag-usap ako sa aking mga kustomer—at ilang mga may-ari ng negosyo. At marami akong natutuhan. Sa katunayan, nalaman ko na bukod sa itlog, puwede rin pala akong magtinda ng gatas. NAOMI: Kumusta naman iyon? MARIA: Okey lang. Pero kaunti lang ang mga dumaraang mamimili. Gusto mo bang magbenta para sa akin? NAOMI: Huwag ako! Lumalago na ang negosyo namin at abala talaga kami. Mayroon akong kaibigan na binigyan kami ng ideya tungkol sa marketing, at halos nadoble ang benta namin! MARIA: Marketing? NAOMI: Oo. Sinimulan naming mag-isip pa tungkol sa aming mga kustomer at paano makakahanap ng mga taong katulad nila. Pagkatapos ay sinubukan namin ang ilang ideya at nakahanap kami ng tatlo na talagang nakatulong. Basta sumubok lang kami nang sumubok. MARIA: Sumubok na ako ng isang paraan. NAOMI: Ano po iyon? MARIA: May isang lalaki na pumunta at nahimok akong bumili ng mga business card. NAOMI: Nakatulong ba ito? MARIA: Hindi para sa akin, pero nakatulong ito sa lalaking nagbenta sa akin ng mga card! NAOMI: Makinig ka, puwede kitang tulungang magawa ang ilang ideya sa marketing kung gusto mo … at wala akong ibebenta sa iyo. MARIA: Mukhang maganda iyan! Bumalik sa pahina 161 Bumili Sana ng Kahit Ano! Pumili ng mga role at isadula ang mga sumusunod: NARRATOR: Isang kustomer ang lumapit sa tindahan ni Maria. MARIA: [Sa kanyang isip] Sa wakas, may kustomer. Bumili sana siya ng kahit ano! Sige na. SAMUEL: [Sa kanyang isip] Nakatitig talaga sa akin ang babaeng iyon. Hindi ba puwedeng mamili nang hindi masyadong pinagmamasdan? MARIA: [Sa kanyang isip] Bilhin mo sana ang mga itlog na iyan! Kailangan ko ng pera. SAMUEL: [Sa kanyang isip] Sobrang nakakaasiwa na ito. Aalis na ako. MARIA: [Sa kanyang isip] Ano? Hindi! Puwede na sana akong makabenta doon! [Malakas niyang sinabi] Puwede ba kitang matulungan? SAMUEL: Hindi. Salamat. NARRATOR: Isa pang kustomer ang lumapit kay Maria. LUCIA: [Sa kanyang isip] Mayroon siguro dito ng kailangan ko. Matingnan nga. MARIA: [Sa kanyang isip] Ayos, isa pang kustomer. Mukhang may pera siya. Sige na, bumili ka ng kahit ano. [Malakas] Puwede ba kitang matulungan? LUCIA: Tumitingin lang ako. MARIA: Kailangan mo ba ng itlog? Ang mga itlog na ito ay galing sa mga manok na alagang-alaga … at mayroon din akong sariwang gatas. [Sa kanyang isip] Kaya niyang bumili nito. Siguro ay bibilhin niya ang lahat. LUCIA: Hindi. Hindi iyan ang hinahanap ko. MARIA: Mayroon pa akong gatas. LUCIA Hindi na. Salamat. MARIA: Sayang naman kapag hindi ka bumili nito. Sariwa at malinis at ito ang pinakamasarap sa … LUCIA: Okey lang. Salamat; aalis na ako. Bumalik sa pahina 163 Magtanong, Makinig, Magmungkahi Pumili ng mga role at isadula ang mga sumusunod: MARIA: Hi, ako si Maria. Ano’ng pangalan mo? SILVIA: Ako si Silvia. MARIA: Nandito ka ba para sa sale? Kapag bumili ka sa amin ng limang itlog, may libre kang isang itlog! SILVIA: Oo, salamat. MARIA: Paano mo nabalitaang may sale dito? SILVIA: Sinabi sa akin ng kaibigan ko. Sinabi niya na namigay ka ng libreng itlog at gatas kahapon. At sinabi niya na sariwa ang mga ito. MARIA: Mabuti! Masaya ako na nagustuhan niya. Ang mga produkto namin ay laging sariwa at masarap. Ilang itlog ba ang kailangan mo? SILVIA: Kailangan ko ng … um … lima siguro. MARIA: Sige, ikukuha kita. … Pero napansin kong nag-alinlangan ka. Iniisip mo ba kung ilan ang bibilhin mo? SILVIA: Oo. Lilipat sa amin bukas ang pamilya ng kapatid ko. Hindi ko alam kung paano ko pakakainin ang lahat. At wala siyang ibang mapupuntahan. MARIA: Ah, okey. Alam ko na mabibiyayaan ka sa pagtulong. Ano ang lulutuin mo? SILVIA: Hindi ako sigurado. Iniisip kong kumuha sa naimpok namin na pera para bumili ng karne na ihahalo sa itlog. Kailangan kong pagkasyahin ito. MARIA: Naiintindihan kita. Wala din kaming sobrang pera na pambili ng maraming karne, kaya ginagamit ko na lang ang aming itlog. Naghahalo ako ng ilang gulay at gatas. May gatas ako rito, at may sariwang gulay naman ang kaibigan ko sa kabilang kalye. Mas marami kang mapapakain sa kaunting gastos sa ganyang paraan. Gusto mo bang dagdagan ang itlog at bumili ng gatas? Mas mahal ito nang kauunti … pero mas mura kaysa sa karne! SILVIA: Magandang ideya iyan. Salamat! Para sa labing-isang bibig na kakain! Sige, dagdagan mo ang itlog at pabili na rin ng gatas. MARIA: Para sa labing–isang tao, walo ang bilhin mo … at libre pa rin ang isa! SILVIA: Ay, siguro babalik na lang ako bukas. MARIA: Okay lang iyon. Hihintayin kita. Pero, hindi mo na makukuha ang libreng itlog na iyon. Puwede ko bang ilagay na ito sa bag mo ngayon? SILVIA: Okey, tama ka. Sulit na ito. Salamat po. Bumalik sa pahina 163 Mga Tala Gumawa ng Tala