Mga Naunang Edisyon
Mga Resources


Mga Resources

Negosyo sa Stick

Pumili ng mga role at isadula ang mga sumusunod.

SETTING: Tatlong taong dismayado ang nakaupo sa isang bangko nang may dumating na pang-apat na tao para umupo.

NARRATOR: Ano ang isang matagumpay na negosyo? Ito ay tumutulong sa mga tao na masolusyunan ang kanilang mga problema. Ito ay pag-alam sa gusto ng mga kustomer. Kung may isang taong nangangailangan at tinulungan mong masolusyunan ito, BABAYARAN ka nila. At maganda iyan! Pero paano mo malalaman kung ano ang gusto ng mga kustomer?

IKAAPAT NA TAO: Hello. Oy, balak kong magnegosyo. Nakapagnegosyo na ba ang kahit sino sa inyo?

IBANG MGA TAO: “Oo.” “Oo.” “Oo.”

IKAAPAT na TAO: Ah, ang galing. Ano ang mga ito?

UNANG TAO: Ah, alam mo kasi, mahilig ako sa mga paniki, kaya nagbebenta ako ng mga paniki na nakatali sa stick. Alam mo na, para gawing alaga. Mamahalin mo ang mga ito. Pakainin mo ito ng langaw.

IKAAPAT NA TAO: Talaga?

UNANG TAO: Oo.

IKAAPAT NA TAO: Kamusta naman ito?

UNANG TAO: Naku, hindi maganda. Hindi ito gusto ng mga tao. At nangangagat ito kung minsan.

IKAAPAT NA TAO: Okey, eh ikaw naman?

IKALAWANG TAO: Ah, magaling akong magluto.

IKAAPAT NA TAO: Magluto?

IKALAWANG TAO: Tama. Kaya mayroon akong resipe para sa mantikilya na nakalagay sa stick.

IKAAPAT NA TAO: Sa isang stick?

IKALAWANG TAO: Oo. Nakabalot sa tortilla. Ang sarap kong magluto nito.

IKAAPAT NA TAO: Kamusta naman ito?

IKALAWANG TAO: Nakapagbenta na ako ng … isa.

IKAAPAT NA TAO: At ikaw?

IKATLONG TAO: Pinagmamasdan ko ang mga tao sa kalye sa iba’t ibang oras sa maghapon. At tinatanong ko sila. At tinitingnan ko kung ano ang binibili nila at kailan sila bumibili at magkano iyon. At nakikipag-usap ako sa mga taong nagbebenta ng mga bagay na pumatok at hindi pumatok. Interesado akong magnegosyo ng pagkain, kasi madali lang ito, at mahilig ako sa pagkain at makisalamuha sa mga tao.

IKAAPAT NA TAO Talaga? Ginawa mo ang lahat ng iyan?

IKATLONG TAO: Oo, nang ilang araw. Ang saya nga eh, marami akong nalaman.

IKAAPAT NA TAO: Siguro nga! Ano ang nalaman mo?

IKATLONG TAO: Ah, nagulat ako. Nalaman ko na sa hapon at gabi, gusto ng mga tao ng pagkain na matamis at madaling kainin at hindi masyadong mahal at nakakatuwang kainin——isang pagkain na magpapasaya sa kanila o mapagsasaluhan nila ng kanilang mga kaibigan o pamilya. Kaya sumubok ako ng ilang bagay at nakipag-usap pa sa mas maraming tao.

IKAAPAT NA TAO: At may nahanap ka bang sagot?

IKATLONG TAO: Oo. Nalaman ko na kapag itinusok mo ang saging sa stick at binalutan mo ito ng kahit kaunting tsokolate, iyong masarap talaga, at kapag dinagdagan mo ito ng sprinkles, magugustuhan ito ng mga tao—lalo na kung maganda ang puwesto mo at tama ang oras ng pagbebenta mo.

IKAAPAT NA TAO Talaga?

IKATLONG TAO: Oo, kaibigan, at ako ay nakabenta na ng 400 ilang araw pa lang at kumita na ng malaki. Talagang naibigay nito ang gusto ng mga tao: ito ay simple at pagkakakitaan.

IKAAPAT NA TAO: Ang galing! Ano nang susunod?

IKATLONG TAO Ititigil ko na ito.

IKAAPAT NA TAO Titigil?

IKATLONG TAO: Oo, mahirap magtrabaho kapag mainit.

IKAAPAT NA TAO: Hmmm. Ayos lang ba sa iyo kung gagamitin ko ang ideya mong iyan?

IKATLONG TAO: Okey lang. Iyung-iyo na. Sige, gamitin mo.

NARRATOR Panoorin. Magtanong.

  • Kilalanin ang mga kustomer.

  • Magtrabahong mabuti, kumita ng pera.

  • Namnamin ang mga saging!

Bumalik sa pahina 18

Pagpili ng Tamang Negosyo

Magsalitan sa pagbasa sa mga sumusunod na mga talata.

Paano ka pipili ng tamang negosyo para sa iyo? O kung mayroon kang negosyo, paano mo malalaman kung ito ang tama para sa iyo? Heto ang apat na mahalagang tanong na makakatulong sa iyo na makagawa ng pinakamagandang desisyon.

diagram ng negosyo

(1) Ano ang gustong bilhin ng mga tao … (2) na kaya kong ibigay, (3) na isang negosyo na madali kong masisimulan, at (4) mapapag-ibayo ang kita ko at tutulungan akong maging mas self-reliant?

O sa madaling salita, kailangan kong gumawa ng desisyon batay sa (1) mga kostumer at mga produkto, (2) ang sarili kong mga kasanayan, interes, at karanasan, (3) ang kapaligiran, kabilang na ang kompetisyon, mga suppliers at pera, at (4) ang potensyal na revenues at tubo.

Narito pa ang isang halimbawa. Si Maria ay matagal nang nagtatrabaho sa mga restawran at hotel. Pero hindi tuluy-tuloy ang kanyang kita. At hindi sapat ang kanyang kita para makatulong sa pagtustos sa pangangailangan ng kanyang pamilya. Kaya, para madagdagan ang kita niya bilang waitress, nagdesisyon siyang magsimula ng sarili niyang negosyo. Pero anong negosyo?

Sa pagsisimula sa unang tanong, naalala ni Maria na narinig niyang nagrereklamo ang mga tagapagluto sa iba’t ibang restawran dahil hindi sila makakuha ng sapat na itlog na mataas ang kalidad at sariwa. Kaya alam niya na problema ito. Pangalawa, ang tatay niya ay nag-alaga ng mga manok at natuto siya rito ng ilang sikreto sa pagpaparami ng produksyon ng itlog. Alam din niya na kailangang maging masipag dito! Pangatlo, wala siyang masyadong alam tungkol sa kompetisyon, pero alam niya na kaya niyang magsimula nang maliit sa isang lugar na malapit sa kanyang tirahan kaya hindi ito masyadong mahal. Pang-apat, at alam din niya kung anong mga restawran ang bumibili ng maraming itlog, kaya kinalkula niya na kaya niyang magkaroon ng magandang kita kung magbebenta siya ng sapat na itlog.

Nakita mo ba kung paano nakatulong ang apat na tanong sa pagpili niya ng tamang negosyo?

Gayunpaman, kailangan pa ni Maria ng karagdagang sagot. Kailangan niyang malaman pa ang kanyang mga potensyal na kustomer, ang kompetisyon, mga supplier, presyo, at iba pang mga kasanayan sa pagpapatakbo ng negosyo. Saan siya makakahingi ng tulong? Paano niya gagawin ang susunod na hakbang para makapagpasiya?

Ano ang gagawin mo para makakuha ng impormasyong kailangan mo para makagawa ng magandang mga desisyon?

Bumalik sa pahina 18

Alamin ang mga Kaparehong Negosyo

Para matupad ang iyong mga ipinangakong gawin, bumisita at magmasid sa mga negosyo na kapareho ng maaaring gusto mong simulan (ang iyong mga kakompitensya). Ano ang epektibo para sa kanila? Ano ang hindi gaanong epektibo? Makipag-usap sa mga taong nagpapatakbo ng mga negosyo. Para maiwasang makaramdam na nakikipagkompitensya ka, makipag-usap sa mga taong malayo sa iyong lugar.

Gamitin ang mga tanong sa ibaba. Magdagdag pa ng mga tanong. Makipag-usap sa kanila. Siguraduhing ipakita ang pasasalamat mo.

Gawin ito araw-araw sa linggong ito (maliban sa araw ng Linggo). Irekord sa iyong notebook ang mga sagot nila at ang mga natutuhan mo.

Alamin ang Tungkol sa Kaparehong mga Kustomer

Makipag-usap sa mga kustomer ng mga negosyong katulad ng gusto mong simulan. Obserbahan sila at pag-aralan ang lahat ng iyong makakaya.

Gamitin ang mga tanong sa ibaba. Magdagdag pa ng mga tanong. Makipag-usap sa kanila. Siguraduhing ipakita ang pasasalamat mo.

Gawin ito araw-araw sa linggong ito (maliban sa araw ng Linggo). Irekord sa iyong notebook ang mga sagot nila at ang mga natutuhan mo.