Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 133


Bahagi 133

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, ika-3 ng Nobyembre, 1831 (History of the Church, 1:229–234). Sa pagsisimula ng paghahayag na ito ang Propeta ay sumulat, “Sa panahong ito maraming bagay ang ninanais malaman ng mga Elder kaugnay ng pangangaral ng Ebanghelyo sa mga naninirahan sa mundo, at hinggil sa pagtitipon; at upang makalakad sa tunay na liwanag, at matagubilinan mula sa kaitaasan, noong ika-3 ng Nobyembre, 1831, ako ay nagtanong sa Panginoon at natanggap ang sumusunod na mahalagang paghahayag” (History of the Church, 1:229). Ang bahaging ito ay unang idinagdag sa aklat ng Doktrina at mga Tipan bilang isang apendise at sa dakong huli ay pinalagyan ng isang bilang ang bahagi.

1–6, Ang mga Banal ay inutusang maghanda para sa Ikalawang Pagparito; 7–16, Lahat ng tao ay inutusang umalis sa Babilonia, magtungo sa Sion, at maghanda para sa dakilang araw ng Panginoon; 17–35, Siya ay tatayo sa Bundok ng Sion, ang mga lupalop ay magiging isang lupain, at ang mga nawawalang lipi ni Israel ay mangagbabalikan; 36–40, Ang ebanghelyo ay napanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith upang maipangaral sa buong sanlibutan; 41–51, Ang Panginoon ay bababa sa paghihiganti sa masasama; 52–56, Ito ay magiging taon ng kanyang mga tinubos; 57–74, Ang ebanghelyo ay palalaganapin upang iligtas ang mga Banal at para sa pagkalipol ng masasama.

1 Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan, wika ng Panginoon ninyong Diyos, at pakinggan ang salita ng Panginoon hinggil sa inyo—

2 Ang Panginoon na biglaang paparito sa kanyang templo; ang Panginoon na bababa sa daigdig na may sumpa sa paghatol; oo, sa lahat ng bansa na nakalimot sa Diyos, at sa lahat ng makasalanan sa inyo.

3 Sapagkat kanyang ipakikita ang kanyang banal na bisig sa mga mata ng lahat ng bansa, at ang lahat ng nasa dulo ng mundo ay makikita ang pagliligtas ng kanilang Diyos.

4 Samakatwid, maghanda kayo, maghanda kayo, O aking mga tao; pabanalin ang inyong sarili; magtipon kayong magkakasama, O kayong mga tao ng aking simbahan, sa lupain ng Sion, lahat kayong hindi inutusang mamalagi.

5 Lumabas kayo sa Babilonia. Maging malinis kayo na nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.

6 Tumawag kayo ng mga kapita-pitagang kapulungan, at madalas na makipag-usap sa isa’t isa. At tumawag ang bawat tao sa pangalan ng Panginoon.

7 Oo, katotohanang sinasabi ko sa inyong muli, ang panahon ay dumating na nang ang tinig ng Panginoon ay sumasainyo: Lumabas kayo sa Babilonia; magtipon kayo mula sa mga bansa, mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa isa pa.

8 Isugo ang mga elder ng aking simbahan sa mga bansa na malalayo; sa mga pulo sa dagat; isugo sa mga banyagang lupain; manawagan sa lahat ng bansa, una sa mga Gentil, at pagkatapos sa mga Judio.

9 At masdan, at narito, ito ang kanilang magiging pahayag, at ang tinig ng Panginoon sa lahat ng tao: Magtungo kayo sa lupain ng Sion, upang ang mga hangganan ng aking mga tao ay mapalawak, at ang kanyang mga istaka ay mapalakas, at upang ang Sion ay kumalat sa mga lugar sa paligid.

10 Oo, paratingin ang pahayag sa lahat ng tao: Gumising at magbangon at humayo upang salubungin ang Lalaking kasintahan; masdan at narito, ang Lalaking kasintahan ay dumarating; humayo kayo upang salubungin siya. Ihanda ang inyong sarili para sa dakilang araw ng Panginoon.

11 Magbantay, samakatwid, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.

12 Patakasin sila, samakatwid, na nasa mga Gentil patungo sa Sion.

13 At sila na mula kay Juda na tumakas patungo sa Jerusalem, sa mga bundok sa bahay ng Panginoon.

14 Lumabas kayo mula sa mga bansa, maging mula sa Babilonia, mula sa gitna ng kasamaan, na espirituwal na Babilonia.

15 Subalit katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, huwag maging madalian ang inyong pagtakas, kundi ihanda ang lahat ng bagay sa harapan ninyo; at siya na umaalis, huwag siyang palingunin at baka ang biglaang pagkawasak ay mapasakanya.

16 Makinig at pakinggan, O kayong mga naninirahan sa mundo. Makinig, kayong mga elder ng aking simbahan na sama-sama, at pakinggan ang tinig ng Panginoon; sapagkat siya ay nananawagan sa lahat ng tao, at kanyang inuutusan ang lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi.

17 Sapagkat masdan, ang Panginoong Diyos ay nagsugo ng anghel na sumisigaw sa gitna ng langit, sinasabing: Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, at gawin ang kanyang mga landas na tuwid, sapagkat ang oras ng kanyang pagparito ay nalalapit na—

18 Kung kailan ang Kordero ay tatayo sa Bundok ng Sion, at kasama niya ang isandaan at apatnapung libo, na may nakasulat na pangalan ng kanyang Ama sa kanilang mga noo.

19 Samakatwid, maghanda kayo para sa pagparito ng Lalaking kasintahan; humayo kayo, humayo kayo upang salubungin siya.

20 Sapagkat masdan, siya ay tatayo sa bundok ng Olivet, at sa ibabaw ng makapangyarihang dagat, maging ang malawak na kailaliman, at sa mga pulo sa dagat, at sa lupain ng Sion.

21 At kanyang ipahahayag ang kanyang tinig mula sa Sion, at siya ay mangungusap mula sa Jerusalem, at ang kanyang tinig ay maririnig ng lahat ng tao.

22 At ito ay magiging tinig gaya ng tinig ng maraming tubig, at gaya ng tinig ng malakas na kulog, na gigiba ng mga kabundukan, at ang mga lambak ay hindi matatagpuan.

23 Kanyang uutusan ang malawak na kalaliman, at ito ay itataboy pabalik sa mga bansa sa hilaga, at ang mga pulo ay magiging isang lupain;

24 At ang lupain ng Jerusalem at ang lupain ng Sion ay ibabalik sa kanilang sariling lugar, at ang mundo ay magiging tulad noong sa mga araw bago pa ito nahati.

25 At ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas, ay tatayo sa gitna ng kanyang mga tao, at maghahari sa lahat ng laman.

26 At sila na nasa hilagang mga bansa ay darating sa pag-aalaala sa harapan ng Panginoon; at ang kanilang mga propeta ay maririnig ang kanyang tinig, at hindi na mapipigilan ang kanilang sarili; at kanilang hahampasin ang mga bato, at ang yelo ay aagos pababa sa kanilang harapan.

27 At isang lansangan ay itataas sa malawak na kalaliman.

28 Ang kanilang mga kaaway ay magiging isang huli sa kanila.

29 At sa mga tigang na disyerto ay may lalabas na mga lawa ng buhay na tubig; at ang tuyong lupa ay hindi na magiging isang nauuhaw na lupa.

30 At kanilang dadalhin ang kanilang mahahalagang kayamanan sa mga anak ni Ephraim, na aking mga tagapaglingkod.

31 At ang mga hangganan ng mga walang hanggang burol ay mayayanig sa kanilang harapan.

32 At doon sila ay magsisiluhod at puputungan ng kaluwalhatian, maging sa Sion, ng mga kamay ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, maging ang mga anak ni Ephraim.

33 At sila ay mapupuspos ng mga awit ng walang hanggang kagalakan.

34 Masdan, ito ang pagpapala ng Diyos na walang hanggan sa mga lipi ni Israel, at ang higit na mahahalagang pagpapala sa ulo ni Ephraim at ng kanyang mga kasama.

35 At sila rin sa lipi ni Juda, pagkatapos ng kanilang sakit, ay pababanalin sa kabanalan sa harapan ng Panginoon, upang manahanan sa kanyang kinaroroonan araw at gabi, magpakailanman at walang katapusan.

36 At ngayon, katotohanang wika ng Panginoon, upang ang mga bagay na ito ay maipaalam sa inyo, O mga naninirahan sa mundo, aking isinugo ang aking anghel na lumilipad sa gitna ng langit, taglay ang walang hanggang ebanghelyo, na nagpakita sa ilan at ipinagkatiwala ito sa tao, na magpapakita sa marami na naninirahan sa mundo.

37 At ang ebanghelyong ito ay ipangangaral sa lahat ng bansa, at lahi, at wika, at tao.

38 At ang mga tagapaglingkod ng Diyos ay hahayo, nagsasabi sa malakas na tinig: Matakot sa Diyos at magbigay-luwalhati sa kanya, sapagkat ang oras ng kanyang paghahatol ay dumating na;

39 At sambahin siya na gumawa ng langit, at lupa, at ng dagat, at ng mga bukal ng mga tubig—

40 Nananawagan sa pangalan ng Panginoon araw at gabi, nagsasabing: O na inyong punitin ang kalangitan, na kayo ay bumaba, upang ang mga bundok ay umagos pababa sa inyong harapan.

41 At ito ay sagutin sa kanilang mga ulo; sapagkat ang pagharap ng Panginoon ay magiging tulad ng pantunaw na apoy na nagliliyab, at tulad ng apoy na nagiging dahilan ng pagkulo ng mga tubig.

42 O Panginoon, kayo ay bababa upang ipaalam ang inyong pangalan sa inyong mga kaaway, at lahat ng bansa ay manginginig sa inyong harapan—

43 Kapag kayo ay gumawa ng mga kakila-kilabot na bagay, mga bagay na hindi nila inaasahan;

44 Oo, kapag kayo ay bumaba, at ang mga bundok ay aagos pababa sa inyong harapan, inyong sasalubungin siya na mga nagagalak at gumagawa ng kabutihan, na mga naaalaala kayo sa inyong mga pamamaraan.

45 Sapagkat magmula pa sa simula ng daigdig ay hindi pa narinig ng mga tao ni naunawaan ng tainga, ni ng anumang mata ay nakita, O Diyos, bukod sa inyo, anong mga dakilang bagay ang inyong inihanda para sa kanya na naghihintay sa inyo.

46 At ito ay sasabihin: Sino ito na bumababa mula sa Diyos sa langit na may tininang kasuotan; oo, mula sa mga lupaing hindi kilala, nadaramitan ng kanyang maluwalhating kasuotan, naglalakbay sa kapangyarihan ng kanyang lakas?

47 At kanyang sasabihin: Ako siya na nangungusap sa kabutihan, na makapangyarihan upang magligtas.

48 At ang Panginoon ay pula sa kanyang kasuotan, at ang kanyang mga kasuotan ay tulad niya na yumapak sa talyasi ng alak.

49 At napakadakila ang magiging kaluwalhatian ng kanyang pagharap kung kaya’t ang araw ay magkukubli ng kanyang mukha sa kahihiyan, at ang buwan ay magkakait ng kanyang liwanag, at ang mga bituin ay hahagis mula sa kanilang mga lugar.

50 At ang kanyang tinig ay maririnig: Aking tinapakan ang pisaan ng ubas nang mag-isa, at nagbigay ng paghuhukom sa lahat ng tao; at walang sinuman ang kasama ko;

51 At akin silang niyurakan sa aking matinding galit, at niyapakan ko sila sa aking galit, at ang kanilang dugo ay aking iwinilig sa aking mga kasuotan, at nabahiran ang lahat ng aking damit; sapagkat ito ay araw ng paghihiganti na nasa aking puso.

52 At ngayon ang taon ng aking mga tinubos ay dumating na; at kanilang babanggitin ang mapagkandiling pagmamahal ng kanilang Panginoon, at lahat ng kanyang ipinagkaloob sa kanila alinsunod sa kanyang kabutihan, at alinsunod sa kanyang mapagkandiling pagmamahal, magpakailanman at walang katapusan.

53 Sa lahat nilang paghihirap siya ay naghirap. At ang anghel na nasa kanyang harapan ay iniligtas sila; sa kanyang pag-ibig, at sa kanyang awa, kanyang tinubos sila, at kanyang kinilik sila, at kinalong silang lahat noong araw;

54 Oo, at si Enoc din, at sila na kasama niya; at ang mga propeta na nauna sa kanya; at si Noe rin, at sila na mga nauna sa kanya; at si Moises din, at sila na mga nauna sa kanya;

55 At mula kay Moises hanggang kay Elijah at mula kay Elijah hanggang kay Juan, na nakasama ni Cristo sa kanyang pagkabuhay na mag-uli, at ang mga banal na apostol, kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob, ay nasa kinaroroonan ng Kordero.

56 At ang mga libingan ng mga banal ay mabubuksan; at sila ay magbabangon at tatayo sa kanang kamay ng Kordero, kapag siya ay tatayo sa Bundok ng Sion, at sa banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem; at kanilang aawitin ang awit ng Kordero, araw at gabi magpakailanman at walang katapusan.

57 At sa kadahilanang ito, upang ang mga tao ay maging mga kasalo sa mga kaluwalhatiang ipahahayag, ipinadala ng Panginoon ang kabuuan ng kanyang ebanghelyo, ang kanyang walang hanggang tipan, nagpapaliwanag sa kalinawan at kapayakan—

58 Upang ihanda ang mahihina para sa yaong mga bagay na sasapit sa mundo, at para sa utos ng Panginoon sa araw kung kailan ang mahihina ay lilituhin ang marurunong, at ang maliit ay gagawing isang malakas na bansa, at dalawa ang magpapatakas sa kanilang mga sampu-sampung libo.

59 At sa pamamagitan ng mahihinang bagay ng mundo hihimayin ng Panginoon ang mga bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang Espiritu.

60 At sa kadahilanang ito ang mga kautusang ito ay ibinigay; ang mga ito ay iniutos na itago mula sa sanlibutan sa araw na ang mga ito ay ibinigay, subalit ngayon ay ipahahayag na sa lahat ng laman—

61 At ito ay alinsunod sa isip at kalooban ng Panginoon, na namamahala sa lahat ng laman.

62 At sa kanya na nagsisisi at pinababanal ang kanyang sarili sa harapan ng Panginoon ay bibigyan ng buhay na walang hanggan.

63 At sa kanila na hindi nakikinig sa tinig ng Panginoon ay matutupad yaong isinulat ng propetang si Moises, na sila ay ihihiwalay mula sa mga tao.

64 At yaon ding isinulat ng propetang si Malakias: Sapagkat, masdan, ang araw ay darating na masusunog tulad sa hurnuhan, at lahat ng palalo, oo, at lahat ng yaong gumagawa ng kasamaan, ay magiging pinaggapasan; at ang araw na darating ay susunugin sila, wika ng Panginoon ng mga hukbo, na iiwan silang walang ugat ni sanga.

65 Samakatwid, ito ang magiging tugon ng Panginoon sa kanila:

66 Sa araw na yaon nang ako ay pumarito sa sariling akin, walang sinuman sa inyo ang tumanggap sa akin, at kayo ay itinaboy palabas.

67 Nang ako ay tumawag muli wala sa inyo ang tumugon; gayon pa man ang aking bisig ay hindi man lamang umigsi na hindi ako maaaring makatubos, ni ang aking kapangyarihan upang magligtas.

68 Masdan, sa aking pagsaway pinatuyo ko ang dagat. Aking pinaging ilang ang mga ilog; ang kanilang isda ay bumabaho, at namamatay dahil sa uhaw.

69 Aking dinamitan ang kalangitan ng kadiliman, at gumawa ng magaspang na kayo na kanilang panakip.

70 At ito ang tatamuhin ninyo sa aking kamay—kayo ay hihiga sa kalungkutan.

71 Masdan, at narito, walang sinuman ang makapagliligtas sa inyo; sapagkat hindi ninyo sinunod ang aking tinig nang nanawagan ako sa inyo mula sa kalangitan; hindi kayo naniwala sa aking mga tagapaglingkod, at nang sila ay isinugo sa inyo ay hindi ninyo sila tinanggap.

72 Samakatwid, kanilang tinatakan ang patotoo at iginapos ang batas, at kayo ay mga ipinaubaya sa kadiliman.

73 Ang mga ito ay hahayo sa labas na kadiliman, kung saan doon ay may pagtangis, at panaghoy, at pagngangalit ng mga ngipin.

74 Masdan ang Panginoon ninyong Diyos ang nangusap nito. Amen.