Kasaysayan ng Simbahan
6 Pitong Kulog na Umuugong


“Pitong Kulog na Umuugong,” kabanata 6 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 6: “Pitong Kulog na Umuugong”

Kabanata 6

Pitong Kulog na Umuugong

malaking kubo na yari sa troso sa niyebe

Noong taglagas ng 1847, nakatira si Oliver Cowdery kasama ang kanyang asawa, si Elizabeth Ann, at ang kanilang anak na si Maria Louise sa isang munting bayan sa Teritoryo ng Wisconsin, halos 805 kilometro ang layo mula sa Winter Quarters. Siya ay apatnapu’t isang taong gulang at nagtatrabaho bilang abugado kasama ang kanyang nakatatandang kapatid. Halos dalawang dekada na ang lumipas mula nang naglingkod si Oliver bilang tagasulat ni Joseph Smith para sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Naniniwala pa rin siya sa ipinanumbalik na ebanghelyo, ngunit sa huling siyam na taon ay nakatira siyang malayo sa mga Banal.1

Si Phineas Young, ang nakatatandang kapatid ni Brigham Young, ay ikinasal sa nakababatang kapatid ni Oliver, si Lucy, at ang dalawang lalaki ay malapit na magkaibigan at kadalasan ay nagpapalitan ng mga liham. Madalas ipinapaalam ni Phineas kay Oliver na mayroon pa rin siyang lugar sa Simbahan.2

Ang iba pang mga dating kaibigan ay nakipag-ugnayan din kay Oliver. Si Sam Brannan, ang dating apprentice ni Oliver sa palimbagan ng Kirtland, ay inanyayahan siya na maglayag kasama ng mga Banal sa Brooklyn. Si William Phelps, na minsang tinalikuran sandali ang Simbahan matapos ang pakikipagtalo kay Joseph Smith, ay inanyayahan din si Oliver na magpunta sa kanluran. “Kung ikaw ay naniniwala na tayo ang Israel,” isinulat ni William, “humayo at pumunta kasama namin, at magiging mabuti ito para sa iyo.”3

Ngunit malalim ang galit ni Oliver. Naniniwala siya na sina Thomas Marsh, Sidney Rigdon, at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay hinikayat sina Joseph at ang mataas na kapulungan na magdesisyon laban sa kanya sa Missouri. At natatakot siya na ang kanyang pagtalikod sa Simbahan ay sumira ng kanyang reputasyon sa mga Banal. Nais niyang alalahanin nila ang mabubuting bagay na nagawa niya, lalo na ang kanyang papel sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon at sa panunumbalik ng priesthood.4

“Naging sensitibo ako sa paksang ito,” isinulat niya minsan kay Phineas. “Magiging ganoon ka, sa ilalim ng mga gayong kalagayan, kung ikaw ay tumindig sa harap ni John kasama ang ating pumanaw na kapatid na si Joseph, upang tumanggap ng nakabababang pagkasaserdote, at sa harap ni Peter, upang matanggap ang mas nakatataas.”5

Hindi rin tiyak ni Oliver kung ang Korum ng Labindalawa ay may awtoridad na mamuno sa Simbahan. Iginagalang niya si Brigham Young at ang iba pang mga apostol na kilala niya, ngunit wala siyang patotoo na sila ay tinawag ng Diyos na mamuno sa mga Banal. Sa ngayon, naniniwala siya na ang Simbahan ay nasa isang natutulog na kalagayan, naghihintay ng isang pinuno.

Noong Hulyo, noong panahong pumasok sa Lambak ng Salt Lake ang paunang grupo, ang dating apostol na si William McLellin ay bumisita kay Oliver. Nais ni William na magsimula ng isang bagong simbahan sa Missouri na nakabatay sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at umasa siya na sasali si Oliver sa kanya. Ang pagbisita ay nakahikayat kay Oliver na sumulat sa kanyang bayaw na si David Whitmer, isang kapwa saksi ng Aklat ni Mormon. Alam ni Oliver na nagpaplano ring bumisita si William kay David, at nais niyang malaman kung ano ang palagay ni David tungkol kay William at sa kanyang gawain.6

Tumugon sa isang liham si David anim na linggo pagkaraan, binibigyang-diin na si William ay tunay ngang dumalaw sa kanya. “Kami ay nagtatag, o nagsimulang itatag, ang simbahan ni Cristo muli,” ibinalita ni David, “at kalooban ng Diyos na ikaw ay maging isa sa mga tagapayo ko sa panguluhan ng simbahan.”7

Pinagnilayan ni Oliver ang alok. Ang pagbuo ng isang bagong panguluhan ng simbahan kasama sina David at William sa Missouri ay magbibigay sa kanya ng isa pang pagkakataon upang ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ngunit ito ba ay ang ebanghelyo na tinanggap niya noong 1829? At mayroon bang awtoridad mula sa Diyos sina David at William na magtatag ng isang bagong simbahan?8


Noong umaga ng Oktubre 19, 1847, sina apostol Wilford Woodruff at Amasa Lyman ay nakakita ng pitong lalaki na lumalabas mula sa isang malayong grupo ng mga puno. Karaniwan, ang mga estranghero sa daan ay walang dalang panganib. Subalit ang biglaang paglitaw ng mga lalaking ito ay nagpabahala kay Wilford.

Sa huling dalawang araw, siya at si Amasa ay nangangaso ng kalabaw kasama ang ilan pang kalalakihan upang mapakain ang nahihirapang pabalik na grupo ni Brigham Young. Ang Winter Quarters, ang kanilang destinasyon, ay higit pa sa isang linggong paglalakbay ang layo. Kung wala ang karne ng kalabaw na maisasakay sa tatlong bagon ng mga mangangaso, ang grupo ay lubhang mahihirapan na tapusin ang kanilang paglalakbay. Marami sa kanila ay may sakit na.9

Maingat na minasdan ng mga apostol ang mga dayuhan, nagtataka sa una kung ang mga ito ay Indian. Ngunit habang papalapit ang mga dayuhan, nakita ng mga apostol na ang mga ito ay puting lalaki—marahil mga sundalo—na sakay ng kabayo. At buong bilis silang lumalapit sa grupo ng mga mangangaso.

Inihanda nina Wilford at ng mga mangangaso ang kanilang mga sandata bilang pagtatanggol. Subalit nang nakalapit ang mga dayuhan, nagulat at nagalak si Wilford na makita ang mukha ni Hosea Stout, ang punong pulis sa Winter Quarters. Nalaman ng mga Banal sa Winter Quarters ang tungkol sa mga naghihikahos na kalagayan ng pabalik na grupo, at si Hosea at kanyang mga tauhan ay ipinadala upang magbigay ng mga panustos sa mga manlalakbay at kanilang mga hayop.10

Ang tulong ay nagpalakas sa pabalik na grupo, at nagpatuloy sila. Noong ika-31 ng Oktubre, nang sila ay may ilang kilometro ang layo mula sa pamayanan, sumenyas si Brigham sa kanyang grupo na tumigil at magtipon. Ang mahirap na araw ng paglalakbay ay halos tapos na, at ang mga lalaki ay nasasabik na makita ang kanilang mga pamilya, ngunit nais niyang magsalita nang kaunti bago sila maghiwalay.

“Salamat sa inyong kabutihan at kahandaang sundin ang mga kautusan,” sabi niya. Sa loob ng mahigit anim na buwan, sila ay nakapaglakbay nang mahigit 3,200 kilometro nang walang malalaking sakuna at walang kamatayan. “Nakagawa na tayo nang higit sa inaasahan natin,” idineklara ni Brigham. “Ang mga pagpapala ng Panginoon ay nasa atin.”11

Pinauwi na niya ang mga lalaki, at sila ay nagsibalik sa kanilang mga bagon. Pagkatapos ay nilakbay ng grupo ang natitirang ilang kilometro papuntang Winter Quarters. Habang ang mga bagon ay pumapasok sa pamayanan bago lumubog ang araw, lumabas ang mga Banal mula sa kanilang mga kubo at maliliit na bahay upang salubungin ang mga lalaki sa kanilang pagbabalik. Maraming tao ang nagtipon sa mga kalsada upang makipagkamay sa kanila at magalak sa lahat ng nagawa nila sa ilalim ng paggabay ng Panginoon.12


Si Wilford ay tuwang-tuwa na makitang muli ang kanyang asawa at mga anak. Tatlong araw bago iyon, nagluwal si Phebe ng isang malusog na sanggol na babae. Ngayon ang mga Woodruff ay mayroon nang apat na anak na buhay: sina Willy, Phebe Amelia, Susan, at ang bagong silang na si Shuah. Mayroon ding isang anak na lalaki si Wilford, si James, sa kanyang maramihang asawa, si Mary Ann Jackson, na kanyang pinakasalan pagkauwi mula sa England. Sina Mary Ann at James ay nagtungo sa Lambak ng Salt Lake noong unang bahagi ng taon kasama ang ama ni Wilford.

“Lahat ay masaya at maligaya,” isinulat ni Wilford tungkol sa kanyang pag-uwi, “at nadama naming biyaya ito na magkitang muli.”13

Noong taglamig na iyon, ang siyam na apostol sa Winter Quarters at sa mga karatig na pamayanan ay madalas na nag-usap-usap. Sa mga pulong na ito, ang kahihinatnan ng korum ay madalas na pinag-iisipan ni Brigham. Sa paglalakbay pabalik mula sa Lambak ng Salt Lake, ipinahayag ng Espiritu kay Brigham na nais ng Panginoon na muling iorganisa ng Labindalawa ang Unang Panguluhan upang ang mga apostol ay maaaring ipahayag nang malaya ang ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo.14

Matagal nang atubiling talakayin ni Brigham ang tungkol sa paksa sa korum. Naunawaan niya na ang kanyang mga responsibilidad bilang pangulo ng Labindalawa ay itinangi siya mula sa iba pang mga apostol, binibigyan siya ng karapatang tumanggap ng paghahayag para sa korum at sa lahat ng nasa ilalim ng pangangasiwa nito.

Ngunit naunawaan din niya na hindi siya makakakilos nang mag-isa. Inihayag ng Panginoon noong 1835 na ang Labindalawa ay gagawa ng mga desisyon nang nagkakaisa at walang tutol o hindi gagawa ng desisyon kailanman. Sa ilalim ng banal na patnubay, ang mga apostol ay dapat kumilos “sa lahat ng kabutihan, kabanalan, at kababaan ng puso” tuwing gumagawa ng desisyon. Kung sila ay gagawa ng anumang bagay bilang isang korum, kinakailangan nilang magsama-sama sa pagkakaisa at pagkakasundo.15

Noong ika-30 ng Nobyembre, sa wakas ay nagsalita si Brigham sa korum tungkol sa muling pag-oorganisa ng Unang Panguluhan, tiyak na ito ay ang kalooban ng Panginoon upang sumulong. Agad na tinanong ni Orson Pratt ang pangangailangan para sa pagbabago. “Nais kong makita ang Labindalawa na natipon nang ganap at nagkakaisa,” sabi niya.

Naniniwala si Orson na ang Labindalawa ay maaaring mamuno sa Simbahan sa pagkawala ng Unang Panguluhan dahil sa isang paghahayag ang nagdeklara sa dalawang korum bilang pantay sa awtoridad. Itinuro rin ni Propetang Joseph Smith na ang karamihan sa Labindalawa ay maaaring gumawa ng mga desisyong may awtoridad kung wala ang isang buong korum. Para kay Orson, nangangahulugan ito na pitong apostol ang maaaring manatili sa punong tanggapan ng Simbahan upang pamahalaan ang mga Banal habang ang natitirang lima ay magdadala ng ebanghelyo sa mga bansa.16

Nakinig si Brigham kay Orson, ngunit hindi siya sang-ayon sa konklusyon nito. “Ano ang mas mabuti,” tanong ni Brigham, “ang alisin ang mga tali sa mga paa ng Labindalawa at hayaan silang humayo sa mga bansa, o palagiang panatilihin ang pito sa bahay?”

“Ang aking pakiwari,” sabi ni Orson, “na hindi dapat magkakaroon ng Unang Panguluhan na may tatlong miyembro, ngunit ang Labindalawa ay ang magiging Unang Panguluhan.”17

Habang nagsasalita sina Orson at Brigham, pinagnilayan ni Wilford ang paksa sa kanyang isipan. Handa siyang sang-ayunan ang isang bagong Unang Panguluhan kung ito ay ang ipinahayag na kalooban ng Panginoon. Subalit nag-aalala rin siya sa mga bunga ng pagbabago. Kung tatlo sa Labindalawa ay bubuo ng Unang Panguluhan, tatlong bagong apostol ba ang tatawagin upang punan ang kanilang tungkulin sa korum? At paano maaapektuhan ng muling pag-oorganisa ng panguluhan ang papel na ginagampanan ng Labindalawa sa Simbahan?

Sa ngayon, nais niyang manatili ang Labindalawa ng tulad sa ngayon. Ang paghahati sa korum ay tila pagputol ng isang katawan sa dalawang bahagi.18


Ang mga kabundukan sa paligid ng Lambak ng Salt Lake ay tila umaapoy noong taglagas ng 1847 habang ang kanilang mga dahon ay nag-iba ng kulay at naging maningning na mga kulay pula, dilaw, at kayumanggi. Mula sa kung saan ang kanyang pamilya ay humimpil sa gitna ng iba pang mga Banal sa paligid ng templo, nakita ni Jane Manning James ang karamihan sa mga bundok at ang karamihan sa bagong pamayanan ng mga Banal, na sinimulan nilang tawagin bilang Lunsod ng Great Salt Lake, o simpleng Lunsod ng Salt Lake. Mga ilang kilometro sa timog-kanluran ng kanyang tolda nakalagay ang isang hugis parisukat na kuta kung saan naroon ang ilang mga Banal na nagtatayo ng kubo para sa kanilang mga mag-anak. Dahil ang lambak ay may iilang puno, itinayo nila ang mga gusaling ito gamit ang kahoy mula sa kalapit na dalisdis o mula sa mga matitigas na adobeng ladrilyo.19

Nang dumating si Jane sa lambak, ang mga Banal na dumating kasama ng paunang grupo ay nauubusan na ng pagkain. Ang mga bagong dating na gaya ni Jane ay may iilang panustos na maaaring magamit. Ang gatas sa karamihan ng mga baka sa lambak ay naubos na, at ang mga baka ay pagod at payat at mahina. Si John Smith, ang bagong hirang na pangulo ng Salt Lake Stake, ay pinamunuan ang high council at ang mga bishop sa pagbibigay ng gamit at pagkain sa lahat ng nasa lambak hanggang sa ang mga pananim ay handa nang anihin, ngunit iilan lamang ang may sapat na pagkain.20

Subalit sa kabila ng kakulangan sa pagkain, mabilis na umunlad ang pamayanan. Ang mga kababaihan at kalalakihan ay sama-samang nagtayo ng mga tahanan at ginawang komportable ang kanilang kapaligiran. Nagbakasakali ang mga lalaki sa mga dalisdis upang pumutol ng kahoy at hilahin ito pababa sa lambak. Dahil walang lagarian, ang bawat troso ay kailangang putulin upang maging tabla gamit ang mga kamay. Ang mga bubong ay yari mula sa mga tikin at pinatuyong damo. Ang mga bintana ay madalas gawa sa papel na may grasa sa halip na salamin.21

Sa panahong ito, patuloy na nagtitipon sa hindi pormal na paraan ang kababaihan ng Simbahan. Sina Elizabeth Ann Whitney at Eliza Snow, mga dating lider ng Relief Society sa Nauvoo, ay madalas mamuno ng mga pulong para sa mga ina at maging sa mga dalaga at batang babae. Tulad ng ginawa nila sa Winter Quarters, ginamit ng mga kababaihan ang mga espirituwal na kaloob at pinalakas ang isa’t isa.22

Tulad ng iba pang mga Banal, si Jane at ang kanyang asawa, si Isaac, ay magkasamang nagtayo ng isang tahanan sa lambak. Ang anak ni Jane na si Sylvester ay nasa hustong gulang na upang tumulong sa mga gawain sa bahay.23 At palaging mayroong bagay na dapat gawin. Ang mga bata ay maaaring tumulong sa kanilang mga ina upang tipunin ang mga ligaw na parsnip, mga tistle, at ugat ng sego lily upang dagdagan ang kanilang kumakaunting panustos. Hindi kaya ng mga Banal na mag-aksaya ng pagkain. Kapag kinatay ang isang baka, kinakain nila ang lahat ng kanilang makakaya, mula ulo hanggang paa.24

Ang niyebe ay nagsisimulang bumagsak sa unang bahagi ng Nobyembre, binabalot ng puting pulbos ang mga tuktok ng bundok. Ang temperatura ay bumababa sa lambak, at inihahanda ng mga Banal ang kanilang mga sarili para sa kanilang unang taglamig.25


Sa isang makulimlim na araw sa huling bahagi ng Nobyembre, nagkita ang mga apostol sa Winter Quarters upang talakayin si Oliver Cowdery. Karamihan sa kanila ay nakilala ito sa Kirtland at narinig ang malakas na patotoo nito tungkol sa Aklat ni Mormon. Kasama sina David Whitmer at Martin Harris, tinulungan nito si propetang Joseph Smith na tawagin ang ilan sa kanila sa Korum ng Labindalawa at tinuruan sila sa kanilang mga responsibilidad. Tiniyak din sa kanila ni Phineas Young na si Oliver ay tapat sa Sion at lumambot ang kanyang puso sa Simbahan.26

Kasama si Willard Richards na naninilbihan bilang klerk, bumuo ng isang liham ang mga apostol kay Oliver. “Halika,” isinulat nila, “at bumalik sa bahay ng ating Ama, na kung saan ikaw ay nalihis ng landas.” Inilalarawan si Oliver bilang isang minamahal na alibughang anak, inanyayahan nila siya na muling mabinyagan at muling iorden sa priesthood.

“Kung nais mong paglingkuran ang Diyos nang buong puso at maging kabahagi ng mga pagpapala ng kahariang selestiyal, gawin ang mga bagay na ito,” sabi nila. “Ang iyong kaluluwa ay mapupuspos ng kagalakan.”

Ibinigay nila kay Phineas ang liham at hiniling sa kanya na ihatid ito nang personal.27


Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nakipagkita si Brigham sa iba pang walong apostol sa tahanan ni Orson Hyde, na nakauwi na mula sa kanyang misyon sa England. “Nais kong magkaroon ng isang desisyon,” sabi niya. “Magmula nang ako ay nasa Lunsod ng Great Salt Lake hanggang ngayon, ang mga pahiwatig ng Espiritu sa akin ay, ang Simbahan ay nararapat na ngayon na maging organisado.” Nagpatotoo siya na ang korum ay kailangan na sang-ayunan ang Unang Panguluhan upang pamahalaan ang Simbahan nang ang mga apostol ay mapangasiwaan ang gawaing misyonero sa ibang bansa.

“Nais kong ang lahat ng lalaki ay pumaroon nang may pananalig sa Panginoon. Pag-aralan lamang ang landas ng Panginoon at sumunod dito,“ payo niya. “Ang isang elder na lalaban sa agos ng Espiritu ay lulura sa kanyang sariling mukha.”

Sumang-ayon sina Heber Kimball at Orson Hyde na panahon na upang muling iorganisa ang Unang Panguluhan. Ngunit nagpahayag ng pag-aalala si Orson Pratt. Nababahala siya na ang Unang Panguluhan ay hindi hihingi ng payo mula sa Korum ng Labindalawa at ang Labindalawa ay maaari ding umayon sa awtoridad ng pangulo, tinatanggap ang pasiya nito bago pagnilayan ang mga bagay sa kanilang sarili. Ang Simbahan ay umiral nang mainam sa ilalim ng Labindalawa, ikinatwiran niya. Bakit magbabago ngayon?28

Hiniling ni Brigham na marinig ang mga saloobin ng bawat isa sa mga miyembro ng korum na naroon. Noong pagkakataon na niyang magsalita, ibinahagi ni Wilford Woodruff ang kanyang mga alinlangan tungkol sa paglikha ng Unang Panguluhan, ngunit ipinahayag niya ang kahandaan niyang iayon ang kanyang kalooban sa Diyos. “Ang ating pangulo ay tila pinakikilos ng Espiritu,” sabi niya. “Siya ay nakatayo sa pagitan natin at ng Diyos, at ayaw kong itali ang kanyang mga kamay.”29

“Hindi ko nais makita na ang korum na ito ay nahahati,” pagkatapos ay sinabi ni George A. Smith. Nais niyang ipagpaliban ang kanyang desisyon hanggang sa siya ay tiyak na sa kaisipan ng Diyos, subalit siya ay bukas sa pagbabago. “Kung kalooban ng Panginoon na piliin natin ang landas na ito,” sinabi niya, “ako mismo ay sasang-ayon dito.”

“Mismong katulad ng sa iyo ang nadarama ko,” sabi ni Brigham. “Tulad mo, hindi ko ninanais na mahati ang ating damdamin o magkahiwalay pa.” Gayunpaman, alam niya ang kalooban ng Panginoon. “Sa akin ito ay tulad ng pitong kulog na umuugong,” ipinahayag niya. “Ang Diyos ang nagdulot sa atin kung nasaan tayo, at kailangan nating gawin ito.”30

Sina Amasa Lyman at Ezra Benson, ang dalawang pinakabagong apostol, ay sumang-ayon sa kanya. “Nais kong tumulong sa Korum ng Labindalawa,” sinabi ni Ezra, “at layon kong manatili kay Brother Brigham.” Inihambing niya ang kanyang sarili sa isang makina sa isang gilingang laging handang maglingkod sa gamit nito. Sinabi niya na siya ay lubos na handang gabayan ng Unang Panguluhan sa paraan na nais ng Panginoon.

“Amen!” sabi ng ilang mga apostol.

Tumayo si Orson Pratt. “Hindi ko itinuturing na tayo ay dapat kumilos bilang mga makina,” sabi niya. “Kung tayo ay magagabayan sa lahat ng pagkakataon sa gayong paraan, tayo ay walang puwang sa kaliit-liitang antas na tumingin sa isang bagay sa ganitong pananaw.”31

“Mahalaga ngayon na organisahin ang Simbahan,” sinabi ni Brigham kay Orson. “Anuman ang nagawa natin ay pagtatagpi lamang sa kung ano ang dapat nating gawin. Kung ikaw ay tatanggi pa rin, wala tayong anumang magagawa.”32

Ang mga salitang ito ni Brigham ay nanahan sa silid, at ang Espiritu Santo ay ibinuhos sa mga apostol. Alam ni Orson na ang sinabi ni Brigham ay totoo.33 Inilapit ng mga apostol ang usapin ng muling pag-oorganisa sa isang boto, at bawat miyembro ng korum ay nagtaas ng kamay upang sang-ayunan si Brigham Young bilang pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Iminumungkahi ko na si Brother Young ay maghirang ng kanyang dalawang tagapayo ngayong gabi,” sinabi ni Orson.34


Pagkaraan ng tatlong linggo, noong Disyembre 27, 1847, halos isang libong mga Banal mula sa mga pamayanan sa tabi ng Ilog Missouri ang nagtipon para sa isang espesyal na kumperensya. Nagtayo sila ng tabernakulo na yari sa troso para sa okasyon sa silangang bahagi ng ilog sa isang lugar na kalaunan ay tinawag na Kanesville. Ang gusali ay mas malaki kaysa anumang kubo sa lugar, ngunit hindi nito kayang patuluyin ang lahat na nais pumunta.

Sa loob, ang mga Banal ay nakaupo nang siksikan sa mga matitigas na upuang yari sa troso. Bagama’t ang taglamig ay lubhang malamig sa ngayon, noong dumating ang mga Banal sa tabernakulong yari sa troso, ang panahon ay biglang naging kaaya-aya. Isang araw bago iyon, nangako si Heber Kimball sa kanila na kung sila ay dadalo sa pulong, magkakaroon sila ng isa sa mga pinakamahusay na araw at ang apoy na sisindihan ay hindi kailanman maglalaho.35

Sa isang entablado sa harap ng silid, ang mga apostol ay nakaupo kasama ang mataas na kapulungan ng Winter Quarters. Ang pulong ay nagsimula sa pag-awit at panalangin, sinundan ng mga mensahe mula sa ilan sa mga apostol at iba pang mga lider ng Simbahan. Nagsalita si Orson Pratt tungkol sa kahalagahan ng Unang Panguluhan.

“Ang panahon ay dumating na kung saan ang Labindalawa ay kailangang palayain ang kanilang mga kamay upang magpunta sa mga dulo ng mundo,” sabi ni Orson, na ngayon ay nakatitiyak na sa kalooban ng Panginoon. “Kung walang Unang Panguluhan, masyado nitong ikinukulong ang Labindalawa sa isang lugar.” Ang pagsasaayos ng panguluhan, kanyang patotoo, ay hinahayaan ang Simbahan na ibaling ang mga mata nito sa malalayong bahagi ng mundo, kung saan libu-libong tao ang naghihintay sa ebanghelyo.36

Pagkatapos ng mga mensahe, iminungkahi na si Brigham Young ay sang-ayunan bilang pangulo ng Simbahan. Ang mga Banal kalaunan ay nagtaas ng kanilang mga kamay nang magkakasama upang sang-ayunan siya. Tumungo sa entablado, iminungkahi ni Brigham na sang-ayunan sina Heber Kimball at Willard Richards bilang kanyang mga tagapayo.

“Ito ang isa sa pinakamasasayang araw sa aking buhay,” sinabi niya sa mga Banal. Ang daan sa hinaharap ay hindi magiging madali, ngunit bilang lider ng mga Banal, inilalaan niya nang lubusan ang kanyang sarili sa pagtupad ng kalooban ng Panginoon.

“Tama ang gagawin ko,” pangako niya. “Tulad ng Kanyang utos, aking isasagawa.”37