Kasaysayan ng Simbahan
12 Ang Kanilang Mga Mukha ay Nakatuon sa Sion


“Ang Kanilang Mga Mukha ay Nakatuon sa Sion,” kabanata 12 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 12: “Ang Kanilang Mga Mukha ay Nakatuon sa Sion”

Kabanata 12

Ang Kanilang Mga Mukha ay Nakatuon sa Sion

babaeng ginagabayan ang baka

Noong umaga ng Abril 6, 1853, nakatayo si Brigham Young kasama ang kanyang mga tagapayo, sina Heber Kimball at Willard Richards, sa bahagyang nahukay na pundasyon para sa bagong templo sa Lunsod ng Salt Lake. Inaabangan niya ang araw na iyon sa loob ng ilang buwan—kung hindi man mga taon—at hindi siya makahihiling pa para sa isang mas malinaw na asul na kalangitan. Ito ay ang ikadalawampu’t tatlong anibersaryo ng Simbahan at ang unang araw ng kumperensya nito sa tagsibol. Libu-libong mga Banal ang nagpunta sa paligid ng templo, gaya ng kanilang ginagawa dalawang beses sa isang taon, upang pakinggan ang mga salita ng kanilang mga lider. Subalit iba ngayong araw. Ngayon ay nagpunta rin sila upang saksihan ang paglalatag ng pundasyon ng templo.1

Pawang nais ni Brigham na magsaya. Nagtibag siya ng lupa para sa templo at inilaan ni Heber ang lugar nito dalawa’t kalahating buwan na ang nakararaan. Mula noon, hindi na nagkaroon ng sapat na oras ang mga manggagawa upang lubusang mahukay ang napakalaking pundasyon, ngunit sila ay nakapaghukay ng malalalim na trintsera sa paligid ng mga pader nito na sapat ang laki upang magkasya ang malalaking sandstone na batong panulok. Kailangan pa ng dalawang buwang pagtatrabaho upang matapos ang paghuhukay.2

Ngayong ang mga Banal ay nagtipon, inilagak nina Brigham at kanyang mga tagapayo ang batong panulok sa timog-silangang bahagi ng pundasyon.3 Mahigit limang libong libra ang timbang ng bawat batong panulok.4 Ang templo ay magkakaroon ng anim na tore at magiging mas mataas sa mga templo sa Kirtland at Nauvoo, na mangangailangan ng matibay na pundasyon upang suportahan ang bigat nito. Sa isang pulong kay arkitektong Truman Angell, iginuhit ni Brigham ang templo sa isang pisara, at ipinaliwanag na ang tatlong taluktok sa silangan nito ay kumakatawan sa Melchizedek Priesthood habang ang tatlong taluktok nito sa kanluran ay kumakatawan sa Aaronic Priesthood.5

Matapos mailagak ang mga batong panulok, si Thomas Bullock, isang klerk ng Simbahan, ay nagbasa ng isang sermon na inihanda ni Brigham Young tungkol sa layunin ng mga templo. Bagama’t maraming Banal ang tumanggap ng endowment sa Nauvoo temple o sa Council House, isang gusali sa Lunsod ng Salt Lake na pansamantalang binigyan ni Brigham ng awtorisasyon para sa ilang gawain sa templo, karamihan sa kanila ay naranasan ang ordenansa nang minsan lang at maaaring hindi ganap na naunawaan ang kagandahan at kabuluhan nito. Ang iba pang mga Banal, kabilang na ang maraming bagong dating na Europeo, ay hindi nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang endowment. Upang tulungan silang maunawaan ang sagradong ordenansa at ang kahalagahan nito, nagbigay ng paliwanag si Brigham.6

“Ang inyong endowment,” paliwanag ng sermon, “ay upang tanggapin ang lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, na kinakailangan ninyo, matapos na inyong lisanin ang buhay na ito, upang makabalik kayo sa piling ng Ama, at dadaanan ang mga anghel na tumatayo bilang mga bantay, na binibigyan sila ng mahahalagang salita, mga tanda, at mga simbolo na nauukol sa banal na pagkasaserdote, at magtamo ng inyong walang hanggang kadakilaan sa kabila ng lupa at impiyerno.”7

Bago pa man pumunta sa lambak, binalak ni Brigham na magtayo ng isa pang templo sa oras na matagpuan ng Simbahan ang isang bagong lugar na pagtitipunan. At nang siya ay dumating sa lambak, nakita niya ang templo sa isang pangitain. “Limang taon na ang nakararaan noong Hulyo, nakita ko rito ang batong panulok ng templo wala pang sampung talampakan mula sa kung saan natin inilagak ang bato,” patotoo niya sa mga Banal sa kumperensya. “Tuwing tinitingnan ko ang lupang iyon, nakikita kong muli ang pangitain ng templo.”8

Habang inilalaan ng mga Banal ang kanilang sarili sa proyekto at nagbayad ng kanilang ikapu, pangako ni Brigham, ang templo ay maitatayo sa kagandahan at kadakilaan nang higit pa sa anumang kanilang nakita o naisip.9


Hindi nagtagal matapos ang seremonya ng batong panulok, tumanggap si Ann Eliza Secrist ng apat na mga liham sa loob ng isang araw mula sa kanyang asawang si Jacob. Isinalaysay ng bawat liham ang iba’t ibang yugto ng kanyang paglalakbay sa misyon. Ang pinakabagong liham, na may petsang Enero 28, 1853, ay nagpahiwatig na nakarating na siya sa Hamburg, isang lunsod sa German Confederation.10

Walong buwan matapos ang paglisan ni Jacob, mas payapa si Ann Eliza sa paglisan nito. Madalas na ilimbag sa Deseret News ang mga liham mula sa mga elder sa buong mundo, na siyang nagbibigay sa mga Banal ng mga ulat tungkol sa gawaing misyonero sa mga malalayong lugar gaya ng Australia, Sweden, Italy, at India. Kung minsan ang mga ulat na ito ay naglalarawan ng masidhing oposisyon sa mga missionary. Sa katunayan, dalawang araw bago dumating ang liham ni Jacob, nabasa ni Ann Eliza sa Deseret News ang tungkol sa mga pagsisikap ng pamahalaan na paalisin ang isang missionary mula sa Hamburg.

Sa halip na matakot para kay Jacob, sumulat sa kanya si Ann Eliza ng nakahihikayat na liham. “Walang kabuluhan na tangkaing pigilan ang gawaing ito,” kanyang patotoo, “sapagkat ito ay patuloy na susulong sa kabila ng lahat ng diyablo sa lupa at sa impiyerno, at walang makapipigil sa pag-unlad nito.”11

Tuwing sumusulat si Ann Eliza sa kanyang asawa, binabanggit niya ang kalusugan ng kanilang mga anak. Noong taglamig na iyon, sila ay nagkasakit ng scarlet fever, ngunit bawat isa sa kanila ay gumaling mula sa sakit noong tagsibol. Pagkatapos ay nagkasakit sila ng bulutong, na nagpahirap sa kanila ng isang buwan. Sa panahong ito, ang mga bata ay madalas mag-usap tungkol sa kanilang ama, lalo na kapag sila ay nagsisiupo upang kumain na alam nila na ikasisiya nito.

Isinulat din niya ang tungkol sa bukirin ng pamilya, na matatagpuan mga 30 kilometro sa hilaga ng Lunsod ng Salt Lake. Umupa sina Jacob at Ann Eliza ng mga tao upang panatilihin itong gumagana habang ang pamilya ay nakatira sa lunsod, at kamakailan lamang ay isang magsasaka ang humingi ng salamin, pako, at tabla mula kay Ann Eliza upang tapusin ang isang bahay doon. Nagbigay siya ng materyal mula sa kanyang bahay sa lunsod, kahit na ito ay hindi rin natapos. Kalaunan ang lalaki ring iyon ay naningil para sa trabahong una siyang pumayag na gawin nang libre. Walang anumang pera o trigo sa kanyang kamay, nagbenta si Ann Eliza ng baka upang makabayad dito.12

Sa kanyang sumunod na liham kay Jacob, gayunman, nasisiyahan si Ann Eliza na iulat na ang bukid ay umuunlad sa mainam na pananim. Binanggit din niya na nadama niya na siya at ang mga bata ay dapat bumalik sa bukid, magtayo ng isang maliit na bahay at manirahan doon. Subalit ayaw niyang gumawa ng napakahalagang desisyon nang hindi muna hinihingi ang payo ni Jacob. “Nais kong malaman ang iyong saloobin sa paksa,” sabi niya, “at nais kong sumulat ka sa akin sa lalong madaling panahon hinggil dito.”

Ipinadala niya ang kahilingan nang may higit na pagmamahal at katiyakan. “Bagama’t magkawalay tayo sa ngayon, malayo sa isa’t isa sa malalaking karagatan, malawak na kaparangan, at mga bundok na may niyebe, subalit patuloy kang nasa isipan ko at ang iyong kapakanan,” isinulat niya. “Huwag hayaan ang anumang bagay na bumagabag sa iyo hinggil sa akin, sapagkat ako ay naniniwala na ang Diyos, na iyong pinaglilingkuran, ay magpoprotekta sa akin.”13


Noong tagsibol na iyon, sa pulo ng Maui, ang mga ulat sa pahayagan tungkol sa sermon ni Orson Pratt noong Agosto 1852 ukol sa maramihang pag-aasawa ay nagiging sanhi ng kaguluhan. Ang mga Hawaiian ay minsang nagsabuhay ng poligamya, ngunit ginawa itong ilegal ng pamahalaan at ngayon ay inuusig ang mga taong lumalabag sa batas. Mabilis na kinuha ng mga missionary na Protestante ang mga turo sa sermon ni Orson at binaluktot nila ang mga ito upang batikusin ang mga Banal at gawing kaduda-duda ang Simbahan.14

Kumbinsido na ang katotohanan at katapatan ang mga pinakamaiinam na paraan upang tumugon sa mga kasinungalingan at maling pagkaunawa tungkol sa Simbahan, isinantabi ni George Q. Cannon ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, isinalin ang paghahayag tungkol sa maramihang pag-aasawa, at nangaral tungkol sa kaugalian sa pulutong ng isang libong katao. Pinawi ng mensahe ni George ang pagkalito ukol sa maramihang pag-aasawa at nilinaw na ang mga tao ay hindi inaasahang magsabuhay nito maliban kung iniatas sa kanila ng Panginoon na gawin ito.15

Bago ang kanyang mensahe, ipinakita ni George kay Jonathan Napela ang kanyang pagsasalin ng paghahayag. Nasiyahan dito si Napela. Bago ang kanyang binyag noong 1852, nadama ni Napela ang pamimilit ng kanyang mga kaibigang Protestante na talikuran ang Simbahan. Ang malapitang pakikipagtrabaho ni George sa Simbahan ay nagpalakas ng kanyang pananampalataya. Bagama’t ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay mahirap na trabaho, paminsan-minsan siya at si George ay tumitigil upang talakayin ang aklat. Nadama ni Napela ang mga pagbabago na nangyayari sa kanyang buhay. Ito ay parang sipi mula sa Aklat ni Alma: naitanim ang binhi, at ngayon ito ay lumalaki. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nadarama niyang tama at mabuti, at nais niyang ibahagi ito sa iba.16

Nagsimula si Napela na samahan ang mga missionary sa kanilang mga pagbibisita, at ipinangaral niya ang ebanghelyo nang may kapangyarihan at kalinawan. Isang araw sumulat pa siya kay Brigham Young upang ibahagi ang kuwento tungkol sa kanyang pagbabalik-loob. “Malinaw na malinaw sa atin na ito ay ang simbahan ng Diyos,” nagpatotoo si Napela, “at aking naiisip na magtungo sa inyong lugar, kapag dumating ang tamang sandali.”17

Nang dumating ang mga bagong missionary sa kapuluan, ang kanilang kaasiwaan sa wika ay halos nakakatawa. Nag-alok si Napela na bigyan sila ng mga klase sa wika—isang panukala na agad nilang tinanggap. Nagbigay siya sa kanila ng mga Biblia sa wikang Hawaiian at mga diksyunaryo, isang lugar para sa pag-aaral, at mga makakain. Tuwing umaga at gabi, ang mga elder ay nagbibigkas ng mga talata mula sa Biblia sa wikang Hawaiian at sinanay sila ni Napela sa mga pangunahing alituntunin ng kanyang wika. Sa pagtatapos ng bawat araw, pagod na pagod ang kanyang mga estudyante.

“Masipag akong tao noon pa man,” sabi ng isang missionary, “subalit ito ang pinakamahirap na gawain na aking nagawa.”18

Makalipas ang ilang araw ng pagtuturo mula kay Napela, nagagawa na ng mga elder na bumigkas ng ilang salita—kahit na wala silang naunawaan sa mga binabasa nila. Sa loob ng isang buwan, dinadala ng mga elder ang kanilang mga aklat sa mga tahimik na lugar sa kakahuyan upang magsanay sa wika sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga kabanata ng Biblia mula sa Ingles patungo sa simpleng Hawaiian.19

Nang natapos si Napela sa kanyang pagtuturo, nagkalat ang mga elder sa buong kapuluan, na may higit na kakayahan upang gampanan ang kanilang misyon. Hindi nagtagal, si Napela ay inorden bilang isang elder, isa sa mga unang Hawaiian na nagtaglay ng Melchizedek Priesthood. Ang ebanghelyo ay naitanim sa kanya, at salamat sa kanyang mga sariling pagsisikap, ito ay nagsisimula nang mag-ugat sa Hawaii.20


Minasdan ni William Walker ang Cape Town, South Africa, sa unang pagkakataon noong Abril 18, 1853.21 Ang lunsod ay nasa timog-kanlurang dulo ng isang look sa paanan ng isang mataas na bundok na may patag na tuktok. Ang isa pang tuktok, halos kasingtaas ng isa pa, ay makikita sa bandang kanluran ng lunsod. Mula sa kung saan nakatayo si William, sa kubyerta ng isang barko halos isa’t kalahating kilometro ang layo mula sa baybayin, ang tuktok ay tila isang napakalaking leon na nakahilata sa kanyang tiyan.22

Walong buwan na ang nakararaan, si William at ang kanyang mga kasama, sina Jesse Haven at Leonard Smith, ay kasama sa 108 mga lalaki na tinawag na maglingkod sa misyon sa isang espesyal na kumperensya noong Agosto 1852. Si William mismo ay nasa kabundukan sa timog silangan ng Lunsod ng Salt Lake, nagsisibak ng kahoy upang magtayo ng isang lagarian, nang ibalita ang kanyang paghirang. Nagtungo siya sa lunsod makalipas ang ilang araw upang umupa ng mga lalaki na tutulong sa lagarian, at sa kanyang pagpunta roon ay nabatid niya ang tungkol sa kanyang bagong tungkulin.23

Isang beterano ng Batalyong Mormon na tunay na tapat sa kapakanan ng Sion, agad na nagsimulang maghanda si William para sa kanyang misyon. Sa edad na tatlumpu’t dalawa, iiwanan niya ang dalawang asawa, dalawang maliliit na anak, at isang bahay sa lunsod na yari sa adobe na may dalawang palapag. Ipinagbili niya ang kanyang bahagi sa lagarian, bumili ng sapat na pagkain upang matustusan ang kanyang pamilya para sa isang taon, at nilisan ang Lunsod ng Salt Lake pagkaraan ng labinlimang araw.24

Matapos ibaba ng kanilang barko ang angkla sa Cape Town, bumaba sina William at kanyang mga kasama at natagpuan ang kanilang sarili sa isang mundong ibang-iba sa Utah.25 Ang Cape Town ay isang lumang pamayanang Dutch na nalipat sa ilalim ng pamamahala ng mga British. Ang mga puting British na mananakop at mga Afrikaner—mga inapo ng mga naunang mananakop na Dutch—ay bumubuo ng isang bahagi ng mga tatlumpong libong naninirahan sa lunsod, samantalang halos kalahati ng populasyon nito ay magkakahalong lahi o itim, kabilang na ang maraming Muslim at mga dating alipin.26

Noong gabi ng ika-25 ng Abril, ginanap ng mga missionary ang una nilang pagtitipon sa bulwagang bayan. Binuksan ni Jesse ang kanyang Bagong Tipan at nangaral mula sa Mga Taga-Galacia sa isang sumasang-ayong kongregasyon. Sinundan ito ni Leonard ng isang sermon tungkol kay Joseph Smith, sa Aklat ni Mormon, at sa paghahayag. Ang ilang tao sa mga manonood ay nagsimulang lumikha ng ingay at mangantiyaw sa mga missionary. Nagkaroon ng gulo, at natapos ang miting sa gitna ng saligutgot. Nang bumalik ang mga missionary sa bulwagan kinabukasan upang magdaos ng isa pang pulong, ang mga pintuan ay nakakandado.27

Nag-ayuno at nanalangin ang mga missionary na bubuksan ng Panginoon ang mga puso ng mga tao upang tanggapin ang katotohanan at magpakita sa kanila ang ilang kabutihang-loob. Natutulog ang mga elder nang gutom sa karamihan sa mga gabi. “Ang aming mga kaibigan ay tila masyadong kakaunti,” nabanggit ni William sa kanyang journal. “Ang diyablo ay desididong gutumin kami.”28

Isa pang kadahilanan na nagdulot ng kumplikasyon sa kanilang gawain ay ang lahi. Noong nakaraang taon, pinagtalunan ng lehislatura ng Utah ang katayuan ng pagkaalipin ng mga itim na tao sa Utah. Hindi nais ni Brigham Young at ng mga mambabatas na maging laganap sa rehiyon ang pang-aalipin, subalit ilan sa mga Banal mula sa katimugang Estados Unidos ay nagdala na ng mga inaliping tao sa teritoryo. Naniniwala si Brigham sa pagkatao ng lahat ng tao, at tinutulan niya ang pang-aalipin ayon sa pagkakaroon nito sa timog na bahagi ng Estados Unidos, kung saan ang mga aliping kalalakihan at kababaihan ay itinuturing na mga ari-arian at pinagkaitan ng mga pangunahing karapatan. Subalit tulad ng karamihan sa mga tao mula sa hilagang Estados Unidos, naniniwala siya na ang mga itim na tao ay akma sa paglilingkod.29

Noong mga debate, inihayag ni Brigham sa publiko sa unang pagkakataon na ang mga tao na inapo ng mga itim na Aprikano ay hindi na maaaring iorden sa priesthood. Bago ang panahong ito, ilang itim na lalaki ang naorden, at walang paghihigpit ang umiiral noon o pagkatapos para sa mga ibang lahi o etnisidad. Habang ipinaliliwanag ang paghihigpit, inulit ni Brigham ang isang malawakan ngunit maling ideya na ang Diyos ay isinumpa ang mga itim na inapong Aprikano. Subalit sinabi rin niya na balang araw, ang mga itim na Banal ay “magkakaroon ng lahat ng pribilehiyo at iba pa” na tinatamasa ng iba pang mga miyembro ng Simbahan.30

Si Apostol Orson Pratt, na naglingkod sa lehislatura, ay tutol sa pagpapahintulot sa pang-aalipin sa teritoryo at binalaan ang mga mambabatas laban sa pagpapatupad ng pang-aalipin sa isang lahi nang walang awtoridad mula sa Diyos. “Atin bang kukunin ang inosenteng Aprikano na walang ginawang kasalanan,” tanong niya, “at kukundenahin siya sa pagkabusabos at pagkaalipin nang walang anumang natatanggap na awtoridad mula sa Langit upang gawin ito?”31

Gayundin, si Orson Spencer, isang dating mission president na naglingkod sa lehislatura, ay nagtanong kung paano makakaapekto ang paghihigpit na ito sa gawaing misyonero. “Paano madadala ang ebanghelyo sa Africa?” tanong niya. “Hindi natin sila maaaring bigyan ng priesthood. Paano nila ito matatamo?”32

Gayunman, ang mga tanong tungkol sa paglilimita ng priesthood ay hindi nalutas, at sa huli ay bumoto ang lehislatura upang lumikha ng isang sistema ng “paglilingkod” ng mga itim sa teritoryo.33

Kung ang mensahe ni Brigham ay direktang nakaimpluwensya sa mga kilos ni William at ng kanyang mga kapwa missionary sa South Africa, walang binanggit ang kanilang mga liham. Hindi ipinagbawal ng mensahe ang pagsanib ng mga itim na lalaki at babae sa Simbahan. Ngunit habang nais ng ibang simbahan na magkaroon ng mga mabibinyagan sa populasyon ng mga itim, sina William, Jesse at Leonard ay itinuon ang kanilang pagsisikap sa mga puting taong naninirahan sa lunsod.34

Isang araw, pagkaraan ng isang buwan ng hindi matagumpay na pangangaral, nagpunta si William ilang kilometro ang layo sa labas ng lunsod upang maghanap ng mga bagong lugar para sa pangangaral. Bumuhos nang malakas ang ulan, at ang pantalon at sapatos ni William ay agad na nabasa. Makalipas ang ilang sandali ay huminto siya sa isang bahay-tuluyan at ipinakilala ang sarili bilang isang missionary na Banal sa mga Huling Araw.

Nagwawalang-bahalang nakatingin sa kanya ang katiwala ng bahay-tuluyan. “Wala akong pakialam kung sino ka man,” sabi ng katiwala sa bahay-tuluyan, “basta magbayad ka sa iyong pagtuloy.”

“Kami ay naglakbay at ipinapangaral ang ebanghelyo nang walang supot ng salapi o supot ng pagkain,” nagsimulang magpaliwanag si William, ngunit mabilis siyang itinaboy ng katiwala ng bahay-tuluyan.

Pagod na naglakad si William sa maulang gabi, sumasakit at nagpapaltos ang kanyang mga paa. Agad ay lumakas ang ihip ng hangin, at nakiusap siya na makituloy sa bawat bahay na madaanan niya. Nang makarating siya sa bayan ng Mowbray, mga anim na kilometro mula sa Cape Town, tinanggihan siya ng labing-anim na beses.

Sa Mowbray kumatok siya sa isang bahay at dalawang lalaki ang lumapit sa pintuan. Tinanong ni William ang nakababata sa dalawang lalaki kung mayroon itong silid o isang higaan na maaaring gamitin. Nais siyang tulungan ng binata, ngunit wala itong lugar na kanyang matutuluyan sa magdamag.

Biguan, muling bumalik sa ulan si William. Ngunit hindi nagtagal ay hinabol ng mas matanda si William at inalok ito ng isang lugar na matutuluyan sa kanyang bahay. Habang naglalakad sila, ipinakilala nito ang sarili bilang Nicholas Paul, ang kasosyo sa negosyo ng isa pang tao sa pintuan, si Charles Rawlinson. Sila ay mga manggagawa mula sa England na lumipat sa South Africa para sa trabaho.

Dumating sina William at Nicholas sa bahay ni Nicholas ilang sandali makalipas ang alas-nuwebe. Basang-basa ang damit ni William, kung kaya ang asawa ni Nicholas, si Harriet, ay mabilis na nagpaningas ng apoy. Pagkatapos ay naghain ito ng mainit na pagkain, at umawit si William ng isang himno at nanalangin. Pagkatapos ay nag-usap sila nang dalawang oras bago sila nilukob ng antok at natulog.35


Ilang araw matapos makilala sina Nicholas at Harriet Paul, isinaayos ni William na mangaral sa ilang preso sa bilangguan malapit sa bahay ng mga Paul. Dumalo si Nicholas sa sermon kasama si Charles Rawlinson, at ang dalawang lalaki ay naantig sa mensahe ni William. Sinabi ni Harriet sa missionary na ito ay malayang manatili sa kanilang tahanan sa anumang oras. Hindi nagtagal ay nag-alok ang mga Paul na magdaos ng isang pulong ng Simbahan sa kanilang tahanan.

Inuupahan ni Nicholas ang apatnapu hanggang limampung tao sa Mowbray at may magandang reputasyon. Subalit nang marinig ng ilang mga tao sa bayan ang tungkol sa gaganaping pagpupulong, nagbanta silang sisirain ang kanyang mga bintana at pintuan at guguluhin ang pagtitipon. Sinabi ni Nicholas na ang lahat ay maaaring dumalo, ngunit nagbanta siya na babarilin ang sinumang susubukang manlait kay William o ang sinuman sa bahay. Nang dumating ang araw ng pagpupulong, nangaral si William nang walang patid sa isang punong bahay.36

Sa tulong ni Nicholas, nagsimulang lumago ang Simbahan sa Cape Town. Isang gabi, hindi nagtagal pagkatapos ng unang pulong sa tahanan ng mga Paul, sinabi ni William kay Nicholas na huwag ipagpaliban ang binyag kung siya ay naniniwala sa katotohanan. Sinabi ni Nicholas na handa na siyang magpabinyag, ngunit madilim at maulan sa labas, at hindi niya naisip na si William ay lalabas sa gayong gabi.

“Oo, gagawin ko,” sagot ni William. “Hindi ako kailanman titigil dahil sa ulan o dilim.”

Agad na bininyagan ni William si Nicholas, at sa mga darating na araw ay kanya ring bininyagan si Harriet at maging si Charles at ang asawa nito, si Hannah.37 Samantala, sumulat si Jesse Haven ng ilang mga polyeto tungkol sa doktrina ng Simbahan at sa alituntunin ng maramihang pag-aasawa, at ipinamahagi ng mga missionary ang mga ito sa buong lunsod.38

Pagdating ng mga unang araw ng Setyembre, nabinyagan ng mga missionary na Banal sa mga Huling Araw ang mahigit apatnapung tao at inorganisa ang dalawang branch sa bandang timog-silangan ng Cape Town.39 Kasama sa mga bagong miyembro ay dalawang itim na babae, sina Sarah Hariss at Raichel Hanable, at ang isang babaeng Afrikaner na nagngangalang Johanna Provis.40

Nang may dalawang branch na naorganisa, tinipon ng mga missionary ang mga Banal na South African noong ika-13 ng Setyembre at inatasan ang limang lalaki at tatlong babae na maglingkod sa mga misyon sa lugar ng Cape Town o mamigay ng mga polyeto sa kanilang mga kapitbahay.41 Subalit nadama ni Jesse Haven na kailangan pa ng lugar ng mas maraming missionary.

“Kung mayroon tayong kalahating dosenang mga elder dito, magkakaroon sila ng maraming gawain,” isinulat niya sa Unang Panguluhan. “Ang mga yaong nabinyagan ay nagkakaisa—at determinadong gawin ang tama. Nagsasaya sila na nabuhay silang makita ang araw na ito, at ang kanilang mga mukha ay nakatuon sa Sion.”42


Sa panahong ito, natapos nina George Q. Cannon at Jonathan Napela ang kanilang pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Hawaiian. Halos hindi mapigilan ni George ang kanyang kagalakan. Wala sa kanyang misyon ang nagdala sa kanya ng higit na tuwa at espirituwal na pag-unlad. Matapos simulan ang proyekto, nadama niya ang higit na Espiritu kapag nangangaral, karagdagang lakas kapag nagpapatotoo, at mas malaking pananampalataya kapag nangangasiwa ng mga ordenansa ng priesthood. Umapaw sa pasasalamat ang kanyang puso.43

Makalipas ang ilang araw, sa isang pagpupulong ng dalawampung missionary sa Wailuku, tinalakay nina George at ng iba pang mga elder ang pinakamainam na paraan upang ilathala ang aklat. Nagtrabaho si George bilang apprentice ng isang manlilimbag sa tanggapan ng Times and Seasons sa Nauvoo, kaya may nalalaman siya kung ano ang kailangang gawin upang maisakatuparan ang proyekto. Maaari silang umupa ng isang manlilimbag sa kapuluan, o maaari silang bumili ng isang limbagan at mga suplay at sila mismo ang maglalathala ng aklat.

“Para sa akin,” sabi ni George, “hindi ko ituturing na ang misyon ko ay lubos na naganap hanggang sa makita ko ang Aklat ni Mormon sa limbagan.”44

Sumang-ayon ang mga missionary at nagpasiyang sila mismo ang maglimbag ng aklat. Hinirang nila sina George at dalawa pang lalaki na maglakbay sa buong kapuluan upang makaipon ng pera para sa paglalathala sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga donasyon mula sa mga Banal at pagbebenta ng mga paunang kopya ng aklat.

Kasunod nito, tinalakay ng mga lalaki ang pagtitipon ng mga Banal. Mahigit tatlong libong Hawaiian ang sumapi sa Simbahan sa loob ng tatlong taon mula nang dumating ang mga missionary sa kapuluan, subalit ang kanilang kahirapan at ang mahigpit na batas sa pandarayuhan ng Hawaii ay nagbabawal sa kanilang permanenteng lisanin ang kaharian. Nang malaman niya ang suliranin, pinayuhan ni Brigham Young ang mga Banal na Hawaiian na humanap ng “isang akmang isla o bahagi ng isang pulo” kung saan maaari silang magtipon nang mapayapa hanggang sa ang daan ay mabuksan upang makarating sila sa Utah.45

Si Francis Hammond, isa sa mga missionary na inatasang maghanap ng pansamantalang lugar na pagtitipunan, ay inirekomenda ang Palawai Basin sa Lanai, isang isla sa kanlurang bahagi ng Maui. “Hindi pa ako nakakakita ng lugar na mas naihanda sa pagkolonisa ng mga Banal sa mga pulong ito kaysa rito,” pansin niya nang una niyang makita ang lugar. Ang tanging pagkukulang nito, paniniwala niya, ay ang kawalan ng ulan sa ilang bahagi ng taon. Ngunit kung ang mga Banal ay magtatayo ng imbakan, tulad ng ginawa nila sa Lunsod ng Salt Lake, magkakaroon sila ng maraming tubig kapag panahon ng tagtuyot.

Kinabukasan, bumoto ang mga Banal na Hawaiian upang sang-ayunan ang mga desisyon na ilathala ang Aklat ni Mormon at hanapin ang lugar ng pagtitipon sa mga pulo.46 Makalipas ang dalawang linggo, naglakbay sina George, Napela, at ilang missionary sa Lanai upang galugarin ang Palawai Basin. Naglayag sila pagkatapos ng almusal noong Oktubre 20 at inakyat ang matarik at mabatong dalisdis ng isang bundok hanggang sa naging pantay ang lupain sa hindi kalayuan at maaari na nilang matanaw ang basin. Ang basin ay mga tatlong kilometro ang lapad, maganda ang pagkakaporma, at tago mula sa tanawin ng dagat.

“Ito ay isang kahanga-hangang piraso ng lupain at tila inangkop para sa lugar ng pagtitipon,” isinulat ni George sa kanyang journal. “Ipinaalala nito sa akin ang Deseret.”47