Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 27: Ang Kamay ng Pagkakaibigan


Kabanata 27

Ang Kamay ng Pagkakaibigan

isang bukas na sasakyang bagon na nakaparada sa mga riles ng tren sa isang tropikal na lugar

Matapos umalis si Pangulong Hinckley sa Hong Kong nang walang napipiling lugar para sa templo, inatasan ng Asia Area presidency si Tak Chung “Stanley” Wan, ang manager sa temporal affairs ng Simbahan sa Asia, upang gumawa ng bagong listahan ng mga posibleng lugar para sa gusali. Hindi nagtagal, sinimulan ni Stanley at ng kanyang grupo ang kanilang paghahanap, at nang bumalik si Pangulong Hinckley sa Hong Kong noong huling bahagi ng Hulyo 1992, nakatitiyak na sila na ang lugar para sa bahay ng Panginoon ay nasa kanilang listahan.

Mahal ni Stanley ang templo at hinahangad niya na magkaroon nito sa Hong Kong. Ang kanyang mga magulang ay mga refugee mula sa bansang Tsina. Sumapi sa Simbahan ang kanyang ama matapos agad na bumalik sa Hong Kong ang mga misyonero noong 1955. Ang kanyang ina na isang Buddhist ay nabinyagan naman makalipas ang ilang taon. Bagama’t hindi nila kayang tustusan ang paglalakbay papunta sa pinakamalapit na templo, natanggap ni Stanley ang kanyang endowment sa Hawaii Temple noong 1975, bago ang kanyang full-time mission. Makalipas ang limang taon, isinama niya sa Hawaii ang kanyang mga magulang para sa kanilang mga pagpapala sa templo. Naubos ang kanyang naipong pera dahil sa pagbiyahe, pero naniniwala siyang sulit ang ginawa niyang sakripisyo.

Anim na buwan matapos dalhin sa bahay ng Panginoon ang kanyang mga magulang, pinakasalan ni Stanley si Ka Wah “Kathleen” Ng, isa pang Banal mula sa Hong Kong. Sa kulturang Tsino, nagdaraos ang mga mag-asawa ng magarbong piging sa kasal na binubuo ng siyam na pagkain para sa pamilya at mga kaibigan. Pero nagpasiya sina Stanley at Kathleen na hindi sundin ang kaugalian at ginugol ang lahat ng kanilang pera sa paglalakbay papunta sa templo. Ibinuklod sila para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan sa Salt Lake Temple. At mula noon, ginawang layunin ng mag-asawa na pumunta sa templo nang hindi bababa sa isang beses kada taon, sa kabila ng malaking gastos.

Para kay Stanley, isang pangarap na natupad ang mabatid na nais ng Simbahan na magtayo ng templo sa Hong Kong. Hindi na kailangan ng mga lokal na Banal na maglakbay nang matagal o ubusin ang kanilang ipong pera para lamang makibahagi sa mga banal na ordenansa. Pero kailangan muna ng Simbahan na makahanap ng angkop na lupa.

Noong Hulyo 26, 1992, ginugol ni Stanley ang umaga sa pagmamaneho para kay Pangulong Hinckley sa mga posibleng lugar, pero ang bawat isa ay sobrang mahal, sobrang liit, o sobrang liblib. Nakatitiyak si Stanley at ang area presidency na ang susunod na lugar—na matatagpuan sa Tseung Kwan O—ay ang tumpak na hinahanap. Malayo ito sa ingay at gulo ng malaking lunsod at naliligiran ng magandang tanawin. Ibebenta pa ng pamahalaan ng Hong Kong ang lupain sa Simbahan sa mas mababang presyo. Malaki ang posibilidad na aaprubahan ito ni Pangulong Hinckley.

Maaraw noong dumating ang grupo sa Tseung Kwan O. Nag-alok ang tsuper na payungan si Pangulong Hinckley para protektahan ito laban sa sikat ng araw habang sinusuri nito ang lugar. Tumanggi si Pangulong Hinckley. “Nais kong manalangin nang mag-isa,” sabi niya.

Naghintay si Stanley at ang iba pa sa tabi ng kanilang mga kotse habang naglalakad palapit sa lupa si Pangulong Hinckley, tiningnan ang lote, at nanalangin tungkol dito. Pagkatapos ay binalikan niya ang grupo. “Hindi ito ang lugar,” sabi niya.

“Kung hindi ito ang lugar,” napaisip si Stanley, “saan?” Pakiramdam niya ay nasayang ang lahat ng pinaghirapan nila—na mananatiling pangarap na lamang ang bahay ng Panginoon sa Hong Kong.


Kalaunan noong umagang iyon, nasa bahay si Kathleen Wan nang tumunog ang telepono. Si Stanley iyon. Nagbibiyahe pa rin siya sa Hong Kong kasama si Pangulong Hinckley. Pero hiniling niya kay Kathleen na makipagkita sa kanya sa apartment ni Monte J. Brough, ang pangulo ng Asia Area. Inanyayahan siya ni Pangulong Hinckley na samahan sila doon para mananghali noong hapong iyon.

Nang dumating si Kathleen sa apartment ng mga Brough, papunta na si Stanley at ang iba pang mga bisita, kaya tinulungan niya si Lanette, ang asawa ni Elder Brough, na maghain ng mga hamon, tinapay, keso, ensalada, prutas, sorbetes, tinapay na gawa sa kalabasa, at biskuwit na may niyog. Mukhang napakasarap ng lahat.

Hindi nagtagal, pumasok si Stanley sa pintuan kasama si Pangulong Hinckley, Elder Brough, at iba pa. Sa pag-upo nila sa komedor, naupo si Pangulong Hinckley sa harap ni Kathleen. Ilang beses na siyang nakita ni Kathleen sa mga pampublikong pulong, at hinahangaan niya ang pagpapatawa nito at ang paraan kung paano nito nagagawang komportable ang mga tao, kabilang siya. Pero ngayon pa lamang niya ito makakausap nang personal. Tinanong niya si Kathleen tungkol sa kanyang tatlong anak, at sinabi ni Kathleen ang lagay nila.

Subalit nasa isip pa rin ng lahat ang templo. Hindi maganda ang kinalabasan ng kanilang paghahanap, pero hindi nag-aalala si Pangulong Hinckley. Habang kumakain sila, sinabi niya sa kanila ang tungkol sa isang banal na karanasang natanggap niya bandang alas-kuwatro ng umagang iyon.

Kagigising lamang niya mula sa mahimbing na pagtulog, na nababalisa sa kaiisip tungkol sa pagtatayuan ng templo. Alam niyang malayo ang nilakbay niya at malaki ang ginastos upang piliin ang lugar at halos wala na siyang oras—lampas lamang ng isang araw—para gumawa ng desisyon. Habang pinagninilayan nila ang problema, nagsimula siyang mag-alala.

Subalit nangusap sa kanya ang tinig ng Espiritu. “Bakit mo ito ipinag-aalala?” sabi nito. “May maganda kayong lote na kinatatayuan ng mission home at ng maliit na kapilya.”

Alam na alam nina Kathleen at Stanley ang lote. Halos apatnapung taon na itong pag-aari ng Simbahan. Subalit hindi seryosong pinag-isipan ni Stanley iyon bilang potensyal na lugar para sa bahay ng Panginoon. Masyadong maliit ang lote, at isa pa, nasa bahagi ito ng bayan na naging mapanganib na at may masamang reputasyon sa paglipas ng panahon.

Subalit malinaw na naniniwala si Pangulong Hinckley na maaaring magtayo ng templo doon ang Simbahan. Sinabi niyang inilarawan ito sa kanya ng Espiritu.

“Magtayo sa lupa ng gusali na pito hanggang sampung palapag ang taas,” sabi ng Espiritu. “Maaari itong kapalooban ng kapilya at mga silid-aralan sa unang dalawang palapag at isang templo sa pinakataas na dalawa o tatlong palapag, na may mga tanggapan at apartment sa mga gitnang palapag.” Ang tuktok na palapag ay maaaring ang silid-selestiyal, at isang anghel na si Moroni ang maaaring ilagay sa tuktok ng gusali.

Ang disenyo ay kahawig nga ng magandang naisip niya isang taon na ang nakararaan na itayo ang templo sa isang mataas na gusali.

Nagulat si Kathleen sa ideya ni Pangulong Hinckley. Habang nagsasalita ito, ipinakita nito sa kanya at sa ibang mga bisita ang isang di-pulidong guhit ng floor plan ng templo, na iginuhit nito noong nakaraang gabi. Hindi naisip ni Kathleen na magtayo ng templo sa tuktok ng isang gusali, pero may pananampalataya siya sa plano ng Panginoon. Bagama’t ang Kowloon Tong ay hindi ang pinakamagandang bahagi ng Hong Kong, madali itong maabot ng mga babaan ng pampasaherong sasakyan, at patuloy na lalago ang lugar pagdating ng panahon.

Nang matapos nitong ibahagi ang karanasan niya, sinabi ni Pangulong Hinckley, “Susuportahan ba ninyo ang desisyon na ito?”

“Opo, gagawin namin!” sagot ng lahat. Ang kanilang mga panalangin para sa bahay ng Panginoon sa Hong Kong ay sinasagot na sa wakas.


Noong Agosto 1992, ang dalawampu’t-tatlong-taong-gulang na si Willy Sabwe Binene ay umaasam na makapagtrabaho bilang electrical engineer. Maayos ang takbo ng kanyang pag-aaral sa Institut Supérieur Technique et Commerciale sa Lubumbashi, isang lunsod sa Zaire na nasa gitnang Africa. Katatapos lamang niya sa kanyang unang taon sa paaralan at umaasa na maipagpapatuloy ang kanyang pormal na edukasyon.

Noong bakasyon sa gitna ng dalawang semestre, umuwi si Willy sa kanyang sinilangang-bayan, ang Kolwezi, mga 322 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran mula sa Lubumbashi. Siya at ang iba pang mga miyembro ng kanyang pamilya ay kabilang sa Kolwezi Branch ng Simbahan. Matapos ang paghahayag tungkol sa priesthood noong 1978, naipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo hindi lamang sa Nigeria, Ghana, South Africa, at Zimbabwe kundi sa marami pang bansa sa Africa: sa Liberia, Sierra Leone, Côte d’Ivoire, Cameroon, Republic of the Congo, Uganda, Kenya, Namibia, Botswana, Swaziland, Lesotho, Madagascar, at Mauritius. Dumating sa Zaire ang mga unang misyonerong Banal sa mga Huling Araw noong 1986, at ngayon ay mayroon nang humigit-kumulang sa apat na libong mga Banal sa bansa.

Hindi nagtagal matapos dumating si Willy sa Kolwezi, ipinatawag siya ng kanyang branch president para interbyuhin. “Kailangan nating maihanda ka para sa full-time mission,” sabi nito.

“Dapat po akong magpatuloy ng pag-aaral ko,” sabi ni Willy, na hindi makapaniwala. Ipinaliwanag niya na mayroon pa siyang natitirang tatlong taon sa kurso niya sa electrical engineering.

“Dapat ka munang maglingkod sa misyon,” sabi ng branch president. Binigyang-diin niya na si Willy ang unang binata mula sa branch na karapat-dapat na para sa full-time mission.

“Hindi po,” sabi ni Willy, “hindi po puwede. Magtatapos muna po ako ng pag-aaral.”

Hindi natuwa ang mga magulang ni Willy nang malaman nilang tinanggihan niya ang paanyaya ng branch president. Ang kanyang ina, na likas na mapagtimpi, ay tahasan siyang tinanong, “Bakit mo ito pinapatagal?”

Isang araw, nagpahiwatig ang Espiritu kay Willy na bisitahin niya ang kanyang tiyo na si Simon Mukadi. Habang papasok siya sa sala ng bahay ng tiyo niya, may napansin siyang aklat sa mesa. Mayroon dito na tila nakatawag ng kanyang pansin. Lumapit siya at binasa ang pamagat: Le miracle du pardon, ang pagsasalin sa wikang Pranses ng aklat ni Spencer W. Kimball na The Miracle of Forgiveness. Napukaw ang pansin, kinuha ni Willy ang aklat, hinayaang kusang mabuklat ito, at nagsimulang magbasa.

Tungkol sa pagsamba sa diyos-diyosan ang sipi, at agad nabighani si Willy. Isinulat ni Elder Kimball na hindi lamang sumasamba ang mga tao sa mga diyos na yari sa kahoy at bato at luwad kundi sinasamba rin nila ang kanilang mga pag-aari. At may iba pang mga diyos-diyosan na hindi nahahawakan ang anyo.

Nanginig sa takot si Willy dahil sa mga salitang nabasa niya. Pakiramdam niya ay direktang nangungusap sa kanya ang Panginoon. Sa isang iglap, naglaho ang lahat ng hangarin niyang magtapos sa pag-aaral bago siya magmisyon. Hinanap niya ang kanyang branch president at sinabi rito na nagbago na ang isip niya.

“Ano’ng nagpabago ng isip mo?” tanong ng kanyang branch president.

Matapos sabihin sa kanya ni Willy ang kuwento, naglabas ng aplikasyon para sa misyon ang branch president. “OK,” sabi nito. “Magsisimula tayo rito, sa umpisa.”

Habang naghahanda si Willy para sa kanyang misyon, biglang pumutok ang karahasan sa rehiyon kung saan siya nakatira. Ang Zaire ay nasa Congo River Basin ng Africa, kung saan ang iba’t ibang grupong etniko at sa rehiyon ay nakikipagsagupaan sa bawat isa sa loob ng ilang henerasyon. Kamakailan lang, sa lalawigan ni Willy, hinimok ng gobernador ang mayoryang Katangan na palayasin ang minoryang Kasaian.

Noong Marso 1993, lumaganap ang karahasan sa Kolwezi. Nililibot ng mga milisyang Katangan ang mga kalsada, iwinawasiwas ang mga machete, patpat, mga latigo, at iba pang mga sandata. Ginulo at tinakot nila ang mga pamilyang Kasaian at sinunog ang mga tahanan nito, walang pakialam kung may mga tao o kagamitan sa loob. Natatakot na mapatay, nagtago ang mga Kasaian mula sa mga mandarambong o kaya ay tumalilis palabas ng lunsod.

Bilang isang Kasaian, batid ni William na panahon na lamang ang makapagsasabi bago tugisin ng mga militante ang pamilya niya. Upang maiwasan ang kapahamakan. isinantabi niya ang paghahanda niya sa misyon upang tulungan ang pamilya niyang tumakas papuntang Luputa, isang bayan ng mga Kasaian na mga 563 kilometro ang layo, kung saan nakatira ang ilan sa mga kamag-anak niya.

Dahil bibihira ang mga tren palabas ng Katanga, ilang daang mga refugee na Kasaian ang nagtayo ng malawak na kampo sa labas ng istasyon ng tren ng Kolwezi. Nang dumating si Willy at ang pamilya niya sa kampo, wala silang ibang magawa kundi ang matulog sa labas hanggang sa makahanap sila ng kanlungan. Nasa kampo ang Simbahan, ang Red Cross, at ang iba pang mga organisasyong pangkawanggawa upang magbigay ng pagkain, mga tolda, at pangangalagang medikal sa mga refugee. Pero dahil wala pa ring tamang sanitasyon, napupuno ang kampo ng masangsang na amoy ng dumi ng tao at nasusunog na basura.

Matapos ang ilang linggo sa kampo, tumanggap ng balita ang mga Binene na may tren na makapaghahatid ng ilan sa kababaihan at mga bata sa kampo palabas ng lugar. Nagpasiya ang ina at ang apat na kapatid na babae ni Willy na sumakay ng tren kasama ang iba pang mga kamag-anak. Samantalang si Willy naman ay tinulungan ang kanyang ama at kuya na ayusin ang isang sirang bukas na sasakyang bagon. Nang handa na itong gamitin sa paglalakbay, ikinabit nila ito sa paalis na tren at nilisan ang kampo.

Nang dumating siya sa Luputa makalipas ang ilang linggo, hindi niya maiwasang ihambing ito sa Kolwezi. Maliit ang bayan at walang kuryente, na ang ibig sabihin ay hindi niya magagamit ang kanyang training sa electrical engineering bilang hanapbuhay. At walang branch doon ang Simbahan.

“Ano ang gagawin namin dito?” tanong niya sa kanyang sarili.


Sa mga panahong ito, madalas dumaan ang sasakyan nina Silvia at Jeff Allred sa mga lubak-lubak na daan sa bandang Chaco, isang rehiyong walang gaanong tao sa kanlurang Paraguay. Labintatlong taon na ang lumipas mula nang tumira sa Guatemala ang mga Allred, at napakahalagang panahon ito para sa kanilang pamilya. Matapos silang lumipat sa Costa Rica, inilipat ang trabaho ni Jeff sa Simbahan sa Timog Amerika, kung kaya inilipat nila siyang muli, una sa Chile at pagkatapos ay sa Argentina. Naglilingkod na ngayon ang mga Allred bilang mga lider ng mission sa Paraguay at halos isang taon nang nasa bansa.

Ang Chaco ay isang maliit na komunidad ng mga Banal na mula sa mga Katutubong Nivaclé. Nakatira sila sa dalawang nayon, ang Mistolar at Abundancia, na may kaunting kalayuan mula sa pangunahing daan. Papunta na sina Silvia at Jeff sa Mistolar, ang mas liblib na nayon, upang maghatid ng ilang mga pangangailangan. Kilalang napakahirap ng daan papunta sa nayon, kung saan napakalalaki ng mga tinik na kaya nitong butasin ang mga gulong ng sasakyan. Bilang pag-iingat, palaging nagbibiyahe papunta roon ang mga Allred na may dalang isa pang sasakyan na may lamang reserbang mga gulong upang palitan ang mga nabutas na gulong.

Ang daan papuntang Mistolar ay isa lamang sa maraming hamong kinakaharap ng mga Allred sa Paraguay. Pagdating nila sa Asunción, batid nila mula sa trabaho ni Jeff sa temporal affairs na lumalago ang Simbahan sa mas mabagal na antas doon kung ihahambing sa ibang bansa sa Timog Amerika. Pero bakit?

Nang sinimulan nilang makipagpulong sa mga misyonero, napansin nila na ang mga elder at mga sister ay masyadong itinuon ang kanilang gawain sa pamimigay ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa wikang Espanyol. Pero maraming mga taga-Paraguay, lalo na ang mga nasa mas rural na komunidad, ang mas komportableng gumamit ng wikang Guarani, isang wikang may pinagmulang Katutubo.

Kapag maaari, sinusubukan ng mga misyonero ng Simbahan na turuan ang mga tao sa wika na mas gusto ng mga ito. Pagsapit ng 1993, ang mga kumpletong pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay mababasa na sa tatlumpu’t walong wika. Ang mga piling bahagi ng aklat ay isinalin sa dagdag na apatnapu’t anim na wika, kabilang na ang Guarani.

Matapos kilalanin na mas gusto ng mga lokal na Banal ang wikang Guarani, nakadama ng pahiwatig ang mga Allred na atasan ang mga misyonero na gamitin ang wikang ito sa kanilang gawain, kung naangkop. Hinikayat din nila ang mga elder at sister na mas turuan ang mga tao tungkol sa Aklat ni Mormon bago sila hamunin sa pagbabasa nito. At binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagtuturo ng mga saligang alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, pagtatakda ng mga makatotohanang mithiin, at pagkakaroon ng pananampalatayang anyayahan ang mga tao na sundin ang mga turo ng Tagapagligtas.

Nangangailangan ng karagdagang mga pag-aangkop ang pagtuturo sa mga Nivaclé. Ilang daan sa kanila ang bininyagan noong unang bahagi ng dekada ng 1980 matapos ipakilala ni Walter Flores, isang Banal na Nivaclé na sumapi sa Simbahan sa Asunción, ang mga misyonero sa kanyang mga kababayan. Namumuhay nang nakabukod sa nakakarami, ang mga Nivaclé ay may sariling wika at uri ng pamumuhay. Nagtatanim sila ng kalabasa, mais, at mga patani, at nag-aalaga ng mga kambing para sa gatas. Naghahabi ng mga basket ang kababaihan at naglililok ng mga kahoy na pigurin naman ang kalalakihan para ibenta sa mga turista.

Nitong mga nakaraang taon, dahil sa mga ikapu ng matatapat na Banal sa buong mundo ay nabayaran ng Simbahan ang kabuuang gastos ng pagtatayo at pagkumpuni ng mga meetinghouse nito. Ang mga badyet ng ward at branch na ipinamamahagi mula sa headquarters sa Salt Lake City, ay nagbabayad rin para sa mga programa at aktibidad ng Simbahan. Bilang liblib na komunidad, halos hindi na kailangan ng mga Nivaclé ng salapi para sa mga uri ng aktibidad na isinasagawa sa mga karaniwang ward at branch. Sa halip, ang pera sa kanilang badyet ay karaniwang napupunta sa bigas, mga patani, arina, mantika, mga baterya, at iba pang mga pangangailangan. Nagbibigay rin ang Simbahan sa dalawang komunidad ng mga kasuotan at iba pang resources, gaya ng ginagawa nito para sa ibang Katutubong mamamayan sa Gitna at Timog Amerika.

Ang matibay na pananampalataya ng mga Nivaclé ay makikita sa branch president ng Mistolar na si Julio Yegros at sa asawa nitong si Margarita. Noong 1989, nabuklod sila sa kanilang dalawang maliliit pang anak sa Buenos Aires Temple. Sa kanilang mahabang paglalakbay pauwi, nagkasakit ang kanilang mga anak at namatay. Upang malampasan ang trahedya, umasa ang mga Yegros sa kanilang pananampalataya sa walang hanggang plano ng Diyos at sa kanilang mga tipan sa templo.

“Nabuklod sa amin ang aming mga anak sa bahay ng Panginoon,” minsan nilang sinabi sa mga Allred. “Alam namin na mapapasaamin sila hanggang sa kawalang-hanggan. Ang kaalamang ito ang nagbigay sa amin ng kapanatagan at kapayapaan.”


Noong Mayo 30, 1994, pumanaw si Pangulong Ezra Taft Benson sa kanyang tahanan sa Salt Lake City. Habang pinagninilayan ng mga Banal ang kanyang buhay at ministeryo, ginunita nila siya sa pagdadala ng Aklat ni Mormon at mensahe nitong nakatuon kay Cristo sa atensyon ng Simbahan—at ng mundo—na hindi pa nakikita noon. Naalala rin nila ang kanyang payo hinggil sa pag-iwas sa panganib ng anumang uri ng kapalaluan at pagkamakasarili, kabilang na ang pagtatalo, galit, at hindi matwid na kapangyarihan.

Sa panahon ng kanyang panguluhan, naghanap ang Simbahan ng mga bagong paraan upang maibsan ang mga paghihirap ng mga tao sa buong mundo. Noong 1988, nagpalabas ng mensahe ang Unang Panguluhan tungkol sa malawakang sakit na AIDS, nagpapahayag at naghihikayat ng pagmamahal at simpatiya para sa mga nagdurusa mula sa epekto ng sakit. Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Benson, malawakan ding ipinalaganap ng Simbahan ang pagtulong sa mga tao, at ang mga misyonero ay naglalaan na ngayon ng mas maraming oras sa pagbibigay ng serbisyo sa mga komunidad kung saan sila naglilingkod.

Noong panahon ding ito, lumago ang Simbahan nang mahigit 40 porsyento, sa siyam na milyong miyembro. Lumawak ang gawaing misyonero sa maraming bahagi ng mundo, lalo na sa Africa. At matapos ang kailan lamang na pagbagsak ng Soviet Union at iba pang mga pulitikal na pagbabago sa Europa, opisyal na naorganisa ang Simbahan sa maraming bansa sa gitna at silangang Europa.

Nakalulungkot na naging hadlang ang katandaan at sakit ni Pangulong Benson sa pagbibigay ng mensahe sa publiko sa loob ng halos limang taon. Noong panahong iyon, hindi niya magawang magsabi ng ilang salita sa isang pagkakataon. Ang mga tagapayo niya, sina Gordon B. Hinckley at Thomas S. Monson, kasama ang Korum ng Labindalawang Apostol, ay mapanalanging pinangasiwaan ang pang-araw-araw na pamamalakad ng Simbahan. Kapag maaari, ibinibigay sa kanila ni Pangulong Benson ang kanyang suporta sa mga desisyon gamit ang simpleng “oo” o ngiti ng pagsang-ayon.

Ang senior na apostol noong panahon ng pagpanaw ni Pangulong Benson ay si Howard W. Hunter. Sa edad na walumpu’t anim, siya mismo ay hindi na maganda ang lagay ng kalusugan. Gumagamit siya ng wheelchair o walker upang makaikot, at mapapansin sa boses niya na nahihirapan at pagod na siya. Subalit noong kanyang paglilingkod bilang apostol, hinangaan ng mga Banal ang kanyang kababaang-loob, pagkahabag, kahinahunan, at matinding lakas-ng-loob.

Hindi nagtagal matapos ang kanyang pagkakaorden bilang pangulo ng Simbahan noong Hunyo 5, 1994, nagdaos ng kumperensya para sa mga mamamahayag si Pangulong Hunter at inanunsyo ang pangalan nina Gordon B. Hinckley at Thomas S. Monson bilang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan. Inanyayahan niya ang lahat ng miyembro ng Simbahan na tularan ang halimbawa ng pagmamahal, pag-asa, at pagkahabag mula sa Tagapagligtas. Hinikayat niya ang mga Banal na nahihirapang ipamuhay ang ebanghelyo o mga nilisan ang Simbahan na magbalik. “Hayaan ninyong samahan namin kayo at pahirin ang inyong mga luha,” sabi niya. “Magsibalik kayo. Samahan ninyo kami. Magpatuloy kayo. Maniwala.”

“Inaanyayahan ko rin ang mga miyembro ng Simbahan,” pagpapatuloy niya, “na gawing dakilang simbolo ng kanilang pagiging miyembro ang templo ng Panginoon at ang banal na lugar para sa kanilang pinakasagradong mga tipan.” Hinikayat niya ang mga Banal na magkaroon ng mga balidong temple recommend at “maging mga tao tayong mapagdalo at mapagmahal sa templo.”

“Humayo tayo sa templo nang madalas hangga’t kaya ng ating oras at kabuhayan at personal na kalagayan,” sabi niya.

Kalaunan noong buwang iyon, naupo si Pangulong Hunter sa ilalim ng maliit na tolda sa harap ng maraming manonood sa dating lugar ng templo sa Nauvoo, Illinois. Ang langit ay maaliwalas at maaraw, nagbibigay ng malawak na tanawin ng Ilog Mississippi at mga makasaysayang pook ng Simbahan sa lugar. Maalinsangan ang hangin noon, pero lahat ay tila nasasabik na marinig magsalita si Pangulong Hunter. Nagpunta siya sa Nauvoo kasama sina Pangulong Hinckley at Elder M. Russell Ballard upang gunitain ang ika-150 anibersaryo ng pagkamatay bilang martir nina Joseph at Hyrum Smith.

Mapagnilay si Pangulong Hunter habang nakaupo siya sa dating kinatayuan ng templo. Maliban sa ilang kulay abong bato ng haligi, halos walang natitirang bakas na isang kagila-gilalas na bahay ng Panginoon ang noo’y nakatayo sa madamong lupa. Naisip niya ang propetang si Joseph Smith at nadamang responsibilidad niyang gawin ang lahat ng makakaya niya para sa gawain ng Panginoon sa natitirang panahon niya sa mundo.

Papunta sa lugar niya sa pulpito, muling hinikayat ni Pangulong Hunter ang mga Banal na gawing bahagi ng buhay nila ang templo. “Tulad noong panahon [ni Joseph Smith], mahalaga ang magkaroon ng karapat-dapat at na-endow na mga miyembro sa pagtatayo ng kaharian sa buong mundo,” sinabi niya sa mga Banal. “Tinitiyak ng pagiging marapat sa templo na nakaayon ang ating buhay sa kalooban ng Panginoon, at handa tayong tanggapin ang Kanyang patnubay sa ating buhay.”

Matapos ang pulong, nakipag-usap sina Pangulong Hinckley at Elder Ballard sa mga mamamahayag sa piitan ng Carthage, kung saan pinaslang ang propetang si Joseph. Tinanong sila ng isang mamamahayag kung ano ang pagkakaiba ng Simbahan noong 1844 sa kasalukuyang Simbahan.

“Ang kanilang suliranin 150 taon na ang nakakalipas ay mga mandurumog na pinturado ang mga mukha,” sagot ni Pangulong Hinckley. “Ang aming problema ngayon ay ang harapin ang paglago ng Simbahang ito.” Nagkuwento siya tungkol sa hamon ng paglalaan ng mga meetinghouse at pamumuno sa napakaraming tao. Patuloy ang mabilis na paglago ng Simbahan sa maraming bahagi ng mundo. Sa Africa, halimbawa, kailan lamang ay umabot na ang Simbahan sa Tanzania, Ethiopia, Malawi, at sa Central African Republic.

“Napakaganda, napakagandang problema ito,” sabi niya.

Sa piitan [ng Carthage], muling nagsalita si Pangulong Hunter. “Ang mundong ginagalawan natin, malapit o malayo man sa tahanan, ay kinakailangan ang ebanghelyo ni Jesucristo [na ipinanumbalik sa pamamagitan ni propetang Joseph Smith],” sinabi niya sa tatlong libong taong nakikinig. “Dapat ay hindi tayo madaling magalit at mas maagap tayong tumulong. Kailangan tayong makipagkaibigan at huwag tayong mapaghiganti.”

Nang matapos ang pulong, dapit-hapon na sa Carthage. Habang nililisan ni Pangulong Hunter ang bakuran ng piitan, isang malaking pulutong ng mga Banal ang masayang bumati sa kanya. Pagod siya, pero tumigil siya at isa-isa silang kinamayan.

  1. Wan, Oral History Interview [July 2022], [1]–[3]; Wan, Oral History Interview [2001], 1; Wan, Heavens Are Higher, 73; Asia Area Presidency to Neal A. Maxwell, June 19, 1992, Russell M. Nelson, Area Files, CHL; Carmack, Oral History Interview, 45–46; Hinckley, Journal, July 25, 1992. Mga Paksa: Gordon B. Hinckley; Hong Kong

  2. Wan, Oral History Interview [July 2022], [2], [7]; Wan, Heavens Are Higher, 4; Wan, Oral History Interview [2001], 1–4, 6, 9; Wan at Wan, Oral History Interview, [3]; China Hong Kong Mission, Manuscript History and Historical Reports, Nov. 16, 1957; Xi, “History of Mormon-Chinese Relations,” 63–74.

  3. Wan, Oral History Interview [July 2022], [3], [7]; Wan, Oral History Interview [2001], 9–10; Wan at Wan, Oral History Interview, [2]–[3].

  4. Wan, Oral History Interview [July 2022], [3]; Wan, Oral History Interview [2001], 10–11; Hinckley, Journal, July 26, 1992; Carmack, Journal, July 26, 1992; Asia Area Presidency to Neal A. Maxwell, June 19, 1992, Russell M. Nelson, Area Files, CHL.

  5. Wan, Oral History Interview [2001], 10–11; Wan, Oral History Interview [July 2022], [3]; Wan, Heavens Are Higher, 73.

  6. Wan, Oral History Interview [July 2022], [3], [14]; Wan at Wan, Oral History Interview, [5], [38], [42]–[43]; Carmack, Oral History Interview, 46; Wan, Journal, July 26, 1992; Carmack, Journal, July 26, 1992.

  7. Hinckley, Journal, July 25–27, 1992; Wan, Oral History Interview [2001], 10–11; Gordon B. Hinckley, sa Hong Kong Temple, Dedication Services, 8, 67; Wan, Oral History Interview [July 2022], [3]; Wan at Wan, Oral History Interview, [38].

  8. Wan, Oral History Interview [July 2022], [3]; Wan, Oral History Interview [2001], 11; Ng at Chin, History in Hong Kong, 91; Wan at Wan, Oral History Interview, [43]; Hinckley, Journal, July 26, 1992; Gordon B. Hinckley, sa Hong Kong Temple, Dedication Services, 8, 67. Ang sipi ay inedit para mas madali itong basahin; ang “of from seven to ten stories” sa orihinal ay pinalitan ng “of seven to ten stories.”

  9. Wan at Wan, Oral History Interview, [43]–[44]; Wan, Oral History Interview [July 2022], [3]; Gordon B. Hinckley, sa Hong Kong Temple, Dedication Services, 8, 67; Hinckley, Journal, July 26–27, 1992; Wan, Oral History Interview [2001], 11.

  10. Wan, Hong Kong Kom Tong Hall, 154; Wan, Oral History Interview [July 2022], [3]–[4].

  11. Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [2017]; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [1]; Directory of General Authorities and Officers, 1993, 74.

  12. Morrison, Dawning of a Brighter Day, kabanata 8; “Church Growth Pervasive, Steady,” Church News, Hunyo 4, 1994, 4; Missionary Department, Annual Reports, 1991, 3–4; “Status of Nations—Africa,” 1–3, sa Robert L. Backman to Missionary Executive Council, Memorandum, June 15, 1992, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL; Plewe, Mapping Mormonism, 232–33.

  13. “Zaire’s People—Thirsty for Gospel,” Church News, Hulyo 18, 1987, 3; Deseret News 1991–1992 Church Almanac, 174; LeBaron, “Interim Report to Africa Area Presidency,” 3. Paksa: Democratic Republic of the Congo

  14. Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [2017]; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [1].

  15. Willy Binene, Oral History Interview [2017]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [1]. Ang sipi ay inedit para madali itong basahin; ang “Basked why he was delaying” sa orihinal ay pinalitan ng “Why are you delaying.”

  16. Willy Binene, Oral History Interview [2017]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [1]; Jeffrey Bradshaw to Jed Woodworth, Email, Mar. 5, 2023, ang kopya ay nasa pag-iingat ng mga patnugot; Kimball, Le miracle du pardon, 45–47.

  17. Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [1]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [2017].

  18. Kenneth B. Noble, “Tens of Thousands Flee Ethnic Violence in Zaire,” New York Times, Mar. 21, 1993, 3; Scott Peterson, “Thousands Are Displaced by Zaire’s Ethnic Violence,” Christian Science Monitor, Mayo 6, 1993, 7; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [1]; Vinckel, “Violence and Everyday Interactions between Katangese and Kasaians,” 78–83; Willy Binene, Oral History Interview [July 2020].

  19. Vinckel, “Violence and Everyday Interactions between Katangese and Kasaians,” 79; Scott Peterson, “Thousands Are Displaced by Zaire’s Ethnic Violence,” Christian Science Monitor, Mayo 6, 1993, 7; Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [6]; Hussein, “Testimonies from Zaire,” 28; Willy Binene, Oral History Interview [July 2020].

  20. Scott Peterson, “Thousands Are Displaced by Zaire’s Ethnic Violence,” Christian Science Monitor, Mayo 6, 1993, 7; Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [6], [8]–[9]; Willy Binene, Oral History Interview [July 2020]; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [1]; Binene, Interview [July 7, 2020], [1].

  21. Scott Peterson, “Thousands Are Displaced by Zaire’s Ethnic Violence,” Christian Science Monitor, Mayo 6, 1993, 7; Binene, Interview [July 7, 2020], [1]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [6]; Willy Binene, Oral History Interview [July 2020]; Welfare Services Executive Committee, Minutes, May 13, 1993.

  22. Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [6], [8]–[10], [12]; Binene, Interview [July 7, 2020], [1]–[2]; Jeffrey Bradshaw to Jed Woodworth, Email, Mar. 5, 2023, ang kopya ay nasa pag-iingat ng mga patnugot; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [2].

  23. Curbelo, Historia de los Santos, 185; Allred, Oral History Interview [Sept. 2022], 12–14, 18, 32; Allred, Oral History Interview [Jan. 2021], 1–3; “Reunión de la presidencia de la Mision Paraguay Asunción, I.J.S.U.D.,” Aug. 10, 1993, Paraguay Asunción Mission, Mission Presidency Minutes, CHL; Clayton, “Harvest of Faith in Abundancia,” 119–21. Paksa: Paraguay

  24. Allred, Oral History Interview [Jan. 2021], 1–6; Allred at Allred, Oral History Interview, 25–26; Allred, Oral History Interview [Feb. 2012], 18–19; Deseret News 1993–1994 Church Almanac, 401–2; Curbelo, Historia de los Santos, 155, 183; Church Historical Department, “History of the Mission Paraguay-Asuncion 1992,” sa Paraguay Asunción Mission, Annual Historical Reports, CHL; “Total de bautismos 1991,” sa Chilean Mission, Baptism Statistics and Directories, CHL; Missionary Department Statistical Report, June 1992, 3; July 1992, 3, South America South Area, Mission Files, CHL.

  25. Clayton, “Harvest of Faith in Abundancia,” 117–19; Allred, Oral History Interview [Sept. 2022], 11–15; Curbelo, Historia de los Santos, 185–95; Nestor Curbelo, “Paraguay: Chulupi Colony, Mistolar, Thrives Deep in Interior,” Church News, Hunyo 2, 1990, 8–9, 12; “Paraguayan Indians: Branch Thrives in Jungle,” Church News, Nob. 27, 1983, 4, 14; Allred, Oral History Interview [Jan. 2021], 7.

  26. First Presidency to General Authorities and others, Apr. 16, 1991, First Presidency, Circular Letters, CHL; Hinckley, Journal, Nov. 15, 1989; General Handbook of Instructions [1989], bahagi 9, 2. Paksa: Mga Pananalapi ng Simbahan

  27. Allred, Oral History Interview [Sept. 2022], 13–16; Allred, Oral History Interview [Jan. 2021], 7; Allred at Allred, Oral History Interview, 25–26; Ted E. Brewerton, “Mistolar: Spiritual Oasis,” Tambuli, Set. 1990, 11; “Water Piped into Aymara Village,” Church News, Peb. 13, 1982, 11. Paksa: Mga Welfare Program

  28. Allred, Oral History Interview [Sept. 2022], 12; Silvia H. Allred, “Steadfast and Immovable,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 117–18; Curbelo, Historia de los Santos, 195–97; Nestor Curbelo, “Paraguay: Chulupi Colony, Mistolar, Thrives Deep in Interior,” Church News, Hunyo 2, 1990, 8–9, 12. Paksa: Pagbubuklod

  29. “Pres. Benson Dies at Age 94,” Church News, Hunyo 4, 1994, 3–4; Howard W. Hunter, “A Strong and Mighty Man,” Ensign, Hulyo 1994, 42; Ezra Taft Benson, “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 4–7; Haws, “LDS Church Presidency Years, 1985–1994,” 224–27.

  30. “Special Bulletin,” Mar. 1993, sa Priesthood Executive Council, Minutes, CHL; Rather, “Welfare Compendium,” 229–32; Welfare Services Executive Committee, Minutes, May 12, 1994; M. Russell Ballard to Missionary Executive Council, Jan. 30, 1985; Howard W. Hunter to All General Authorities and Mission Presidents, Apr. 15, 1986, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL.

  31. Haws, “LDS Church Presidency Years, 1985–1994,” 214–15; “Church Growth Pervasive, Steady,” “Heed Book of Mormon, Prophet Urged,” “Prophet’s Counsel Powerful, Timeless,” at “Sermons Showed Love for People,” Church News, June 4, 1994, 4, 6–7, 12; Hinckley, Journal, Aug. 29, 1989; Jan. 1, 1990; Dec. 20, 1991; Aug. 4, 1992; Nov. 8, 1992; Mar. 24, 1993; Mar. 31, 1994; Monson, Journal, Nov. 3, 1997; “Europe—Summary of Nations as of December 1993,” Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL; Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 203–42. Mga Paksa: Ezra Taft Benson; Unang Panguluhan; Korum ng Labindalawa

  32. Hunter, Journal, May 23, 1994; Peggy Fletcher Stack, “LDS Hail Hunter as President,” Salt Lake Tribune, Hunyo 7, 1994, A1, A4; Hinckley, Journal, June 26, 1994; Dew, Go Forward with Faith, 497; “Valiant Servant of the Lord,” Church News, Hunyo 11, 1994, 4, 14.

  33. Hunter, Journal, June 5–6, 1994; “Pres. Hunter Is Ordained Prophet,” Church News, Hunyo 11, 1994, 3. Mga Paksa: Howard W. Hunter; Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan

  34. Hunter, Journal, June 26, 1994; Hinckley, Journal, June 26, 1994; Dell Van Orden, “A Time to Remember, Honor, Respect,” at “Sunstone Is Unveiled at Temple Site,” Church News, Hulyo 2, 1994, 3, 7. Mga Paksa: Nauvoo (Commerce), Illinois; Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith

  35. Jim Yoggerst, “Nauvoo and Its Temple,” Waterloo (IL) Republic-Times, Nob. 21, 1990, 8; “Sunstone Is Unveiled at Temple Site,” Church News, Hulyo 2, 1994, 7. Paksa: Nauvoo Temple

  36. Hunter, Journal, June 26, 1994; Hinckley, Journal, June 26, 1994; “150th Milestone a Time of Reflection,” Church News, Hulyo 2, 1994, 10; Deseret News 1997–98 Church Almanac, 298, 308, 322, 361–62, 393–94; Plewe, Mapping Mormonism, 232–33; Missionary Department, Annual Reports, 1993, vi, 3–9, 30; “Five New Temples Add ‘Great Momentum,’” Church News, Abr. 15, 1984, 6; “New Temples Planned in 3 Countries,” Church News, Abr. 3, 1982, 4.

  37. Hunter, Journal, June 26, 1994; Hinckley, Journal, June 26, 1994; “We Celebrate Their Memory by Magnifying Message of Master,” Church News, Hulyo 2, 1994, 6, 10.