Kabanata 36
Magpatuloy
Payapang pumanaw si Pangulong Gordon B. Hinckley noong gabi ng ika-27 ng Enero 2008. Noong huling sandali ng pagkakasakit ng propeta, naupo sa tabi niya sa kanyang higaan ang mga kamag-anak at mga kaibigan sa Lunsod ng Salt Lake. Si Pangulong Thomas S. Monson, na naglingkod kasama niya sa Unang Panguluhan sa loob ng mahigit dalawang dekada, ay dumalaw sa kanya ilang oras bago siya pumanaw at binigyan siya ng basbas.
Makalipas ang anim na araw, labing-anim na libong nagluluksa ang nagtipon sa Conference Center para sa burol ng propeta. Hindi mabilang ang iba pang nanood ng mga kaganapan sa BYU TV, sa website ng Simbahan, at sa mga meetinghouse sa buong mundo.
Noong funeral service, nagsalita si Pangulong Monson tungkol sa maraming kaligayahan, pagtawa, at kalungkutan na pinaghatian nila ni Pangulong Hinckley sa paglipas ng mga taon. “Isa siyang isla ng kapanatagan sa dagat ng bagyo,” paggunita ni Pangulong Monson. “Inalo at pinakalma niya tayo noong nakakatakot ang mga nangyayari sa mundo. Ginabayan niya tayo nang walang pasubali sa daang aakay sa atin pabalik sa ating Ama sa Langit.”
Ginunita ng mga Banal si Pangulong Hinckley bilang propetang naglalakbay sa mundo at nagtatayo ng mga templo. Naglakbay siya ng mahigit sa ilang milyong kilometro upang bisitahin ang mga Banal sa buong mundo—higit pa sa sinumang pangulo ng Simbahan. Pinalawig din niya ang paggamit ng mga satellite at digital na teknolohiya upang maabot ang mga Banal saanman sila nakatira. Sa ngayon ang Simbahan ay may brodkast ng mga pangkalahatang kumperensya gamit ang walumpung wika. Noong 2003, inumpisahan niya ang pandaigdigang brodkast sa pamumuno, na nagbigay ng pagkakataon sa mga lider ng Simbahan na turuan ang mga Banal mula sa iisang lugar. Ginawa ring posible ng parehong teknolohiya ang mga malalaking rehiyunal at pambansang kumperensya, may ilang kasama ang mahigit walumpung stake sa iisang pagkakataon.
Noong kanyang panguluhan, dumoble ang bilang ng mga ginagamit na templo, mula 47 hanggang sa 124. Kabilang sa mga templong inilaan niya ang muling itinayong Nauvoo Temple, na nawasak ilang taon makalipas ang paglalaan nito noong 1846.
Inilapit ng mga bagong templong ito ang mga banal na ordenansa at tipan sa mas maraming tao kaysa noon. Halimbawa, noong Agosto 2005, apatnapu’t dalawang Banal mula sa Cameroon na nasa gitnang Africa ang naglakbay nang 800 kilometro upang dumalo sa bagong laang templo sa Aba, Nigeria. Naging maputik ang mga daan dahil sa kamakailang mga pag-ulan, ngunit nagpatuloy pa rin ang mga Banal, kahit na kailangan nilang itulak ang kanilang mga inarkilang pampasaherong van sa gitna ng malalim na burak. Bagama’t kadalasang mahirap ang mabagal na paglalakbay, mas mabilis at mas abot-kaya ito kaysa sa maglakbay patungo sa mga templo sa Ghana at South Africa. At nagbunyi ang mga Banal sa Cameroon nang tinanggap nila ang kanilang mga endowment at pagpapala ng pagbubuklod.
Nagpapasalamat si Pangulong Hinckley na nagkaroon siya ng mahalagang papel upang ipalaganap ang mga pagpapala ng bahay ng Panginoon sa maraming tao. Naniniwala siyang may namumukod-tanging layunin ang mga templo. “Sa mga altar nito ay lumuluhod tayo sa harap ng Diyos na ating Tagapaglikha at pinapangakuan tayo ng Kanyang walang hanggang mga pagpapala,” itinuro niya. “Nakikipag-usap tayo sa Kanya at nagninilay tungkol sa Kanyang Anak, na ating Tagapagligtas at Manunubos, ang Panginoong Jesucristo, na nagsilbing proxy ng bawat isa sa atin sa isang sakripisyong isinagawa alang-alang sa atin.”
Mula noong kanyang misyon sa Inglatera noong dekada ng 1930, nagkaroon si Pangulong Hinckley ng malaking pagmamahal para sa mga Banal sa Europa. At nasasaktan siyang makita na sa mga nakaraang dekada ay hindi na dumadalo sa simbahan ang mga taga Europa. Upang magbigay ng suporta, hinikayat niya ang paglikha ng mga “outreach centers” kung saan maaaring magsama-sama ang mga young single adult at magbahagi ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Sa pagitan ng 2003 at 2007, higit sa pitumpung mga ganitong sentro ang binuksan sa kabuuan ng Europa, at nagbunga ito ng maraming bagong binyag, mga miyembrong bumalik sa simbahan, at mga kasal sa templo.
Binago rin ni Pangulong Hinckley ang public relations ng Simbahan. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, sinimulan ng Simbahan ang sarili nitong website, pinuno ito ng mga mensahe at mga materyal sa pagsasanay na nakatuon kay Cristo, at naglagay ng isang online newsroom kung saan maaaring lumapit ang mga mamahayag at iba pa para makakuha ng mga tumpak na impormasyon ukol sa Simbahan.
Ipinakita rin niya ang kanyang presensya sa mas malawak na media, tumatanggap ng mga panayam sa mga tanyag na mamahayag sa telebisyon at nagsusulat ng mga aklat para sa malalaking palimbagan. Noong 2001, inilunsad niya ang Proyekto para sa Mga Isinulat ni Joseph Smith [Joseph Smith Papers Project] na naglalayong ilathala ang lahat ng mga isinulat ng propeta sa online at sa mga tomong pang-iskolar na matatagpuan sa mga silid-aklatan sa buong mundo.
Sa lahat ng maraming mga inobasyon ni Pangulong Hinckley, nadama ni Pangulong Monson na pagpapalain ng Perpetual Education Fund ang mas maraming buhay nang higit sa iba pang proyekto. Napakinabangan na ito ng halos tatlumpung libong mag-aaral sa apatnapung bansa.
“Anong himala ito na nag-aangat sa kabataan mula sa kahirapan at tumutulong sa kanilang makapasok ng trabaho,” pagninilay ni Pangulong Monson sa kanyang journal. “Lampas sa aming inaasahan ang tagumpay nito at isa itong lubhang makabuluhang mapagkukunan ng tulong para sa mga nais isulong ang edukasyon sa maraming bahagi ng mundo kung saan hindi ito kayang maabot ng mga maralita.”
Kinabukasan matapos ang libing, si Boyd K. Packer, ang kasunod na pinaka-senior na apostol, ay inorden at itinalaga si Pangulong Monson bilang bagong pangulo ng Simbahan. Hinirang ni Pangulong Monson si Henry B. Eyring, dating pangalawang tagapayo ni Pangulong Hinckley, na maglingkod bilang kanyang unang tagapayo, at si Dieter F. Uchtdorf, isang apostol mula sa Germany, na maglingkod bilang kanyang pangalawang tagapayo.
Ang bagong panguluhan ang pumalit sa pamamahala ng mga proyekto sa konstruksyon na isinasagawa pa noong pumanaw si Pangulong Hinckley, kabilang na ang napakaraming templo at halos tatlong daang meetinghouse. Nagtatayo rin ang Simbahan ng pabahay para sa mga temple missionary sa Nauvoo, nagtayo ng bagong Church History Library at isang malaking gusali upang tumulong sa pamamahala ng mga donasyong pangkawanggawa, at nagtayo ng mga ari-ariang residensyal at pang-komersyo sa kalye sa harap ng Temple Square.
Ngunit habang sinisimulan ni Pangulong Monson ang kanyang administrasyon, lumitaw ang mabibigat na suliranin. Maraming may-ari ng bahay sa Estados Unidos ang nagsimulang hindi makapagbayad ng kanilang hulog sa bahay, at lumubog sa utang ang mga bangkong pinagkakautangan. Hindi nagtagal, bumulusok ang Estados Unidos sa pinakamalalang krisis sa ekonomiya na noon lang nangyari mula noong Great Depression, na nagdulot ng pagkaligalig sa pinansyal at pagtaas ng bilang ng mga nawalan ng trabaho sa buong mundo.
“Nanganganib ang mga pinansyal na merkado,” isinulat ni Pangulong Monson sa kanyang journal. “Ang aming mga tao, kasama na ang iba sa ating bansa at sa mundo, ay nahihirapan sa kanilang mga utang.”
Habang lumalala ang krisis, kailangang pag-isipan ng Unang Panguluhan kung ihihinto ba nito ang maraming proyekto ng Simbahan sa pagtatayo ng mga gusali. Dahil nabuhay siya noong panahon ng Great Depression, nauunawaan ni Pangulong Monson ang panganib ng paglampas sa sariling kakayahan. Ngunit nakita rin niya na kung ipapahinto ang mga pagtatayo ng mga gusali, nangangahulugan ito na mawawalan ng trabaho ang ilang daang manggagawa gaya ng mga karpintero at mga electrician. Humihinto ang industriya ng konstruksyon, at mahirap makahanap ng trabaho.
Ang Presiding Bishopric, na nangangasiwa sa mga gusali at gawaing pangkawanggawa ng Simbahan, ay nakikipagpulong sa Unang Panguluhan tuwing Biyernes upang repasuhin ang kalagayan ng mga proyekto. Isang Biyernes noong mga unang buwan ng 2008, tinanong ng bishopric kay Pangulong Monson kung ano ang dapat gawin.
“Mayroon po tayong mga itinatayong gusali sa iba’t ibang estado,” sinabi ng bishopric. “Ano po ang nais ninyo?”
Matatag si Pangulong Monson. “Magpatuloy,” sabi niya.
Noong panahong ito, bumalik si Blake McKeown sa Bondi Beach ng Sydney para sa isa pang pagsasanay sa panahon ng tag-init bilang lifeguard sa harap ng kamera ng telebisyon. Dahil sa paglitaw niya sa ikalawang season ng Bondi Rescue naging isa siyang lokal na kilalang tao sa Australia. Paminsan-minsan, habang namimili siya sa kanyang sinilangang-bayan o sumasakay ng tren papasok ng trabaho, napapansin niya ang mga taong tumitingin sa kanya at pasimpleng itinuturo siya. Medyo nakakairita ang atensyon, subalit hindi siya makapagreklamo. Gusto niya ang magpalipas ng oras sa dalampasigan nang may bayad bawat araw kasama ng mga kaibigan niya. “Ano pa ba ang mas gaganda sa ganitong buhay?” naisip niya.
Subalit nag-aalala ang kanyang mga magulang. Binago na ba ng paglabas niya sa telebisyon ang mga prayoridad niya? Isang taon na ang nakakalipas mula nang pumasok si Blake bilang lifeguard upang kumita ng pera habang naghihintay na makapaglingkod sa isang full-time mission. Ngayon ay sumapit at lumipas na ang kanyang ikalabinsyam na kaarawan.
“Ano po ang gagawin ko?” isang araw ay itinanong ng kanyang ina sa kanilang bishop. “Ano po ang kahahantungan nito?”
“Hindi ko alam,” sagot ng bishop, na nag-aalala rin. “Ang ganda na ng nagagawa niya.”
Sinikap ni Blake na ipanatag ang kanyang mga magulang. Sinabi niya sa kanila na nanalangin siya para malaman ang tamang panahon sa paglilingkod. Pakiramdam lamang niya ay hindi pa dumarating ang tamang oras. “Ang mahalaga po ay gagawin ko iyon, hindi kung kailan ko po iyon gagawin,” sinabi niya sa kanila, inuulit ang madalas sabihin sa kanya ng ama niya.
Pagkatapos ay umuwi na ang kapatid niyang si Wade mula sa misyon nito sa Japan. Napansin ni Wade ang pag-aalala ng mga magulang niya at kinausap si Blake. Seryosong pinagnilayan ni Blake ang mga salita ni Wade at nagsimulang pag-isipan nang malalim ang pag-alis papunta sa misyon. “Kung totoo ang Simbahan,” sinabi niya sa sarili niya, “sa gayon ay kailangan kong magmisyon.”
Inisip niya ang kanyang patotoo at ang Simbahan. Noong lumalaki siya, dumalo siya sa TFY, ang ilang araw na kumpernsya ng kabataan sa Australia, na ginawa na rin sa mga bansa sa Timog Amerika at Europa noong 2006 na kilala bilang Especially for Youth. Palagi rin siyang dumadalo sa mga pang-madaling araw na seminary at iba pang mga aktibidad ng Simbahan. Hindi man siya laging nasasabik pumunta, sinikap naman niyang sundin ang mga kautusan at gawin ang tama. At may pananampalataya siya kay Jesucristo at sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sapat na dahilan na iyon para maglingkod.
Hindi nagtagal ay ipinasa ni Blake ang kanyang aplikasyon. Panahon iyon ng hindi matatawarang dami ng mga oportunidad para sa gawaing misyonero. Noong mga nakaraang taon, ang mga lider ng Simbahan ay “nagpapatupad ng mas mahihigpit na pamantayan” para sa paglilingkod sa misyon, binibigyang-diin ang pangangailangan ng matatapat na elder at sister na may mataas na pamantayang moral na alam kung paano makinig at tumugon sa Espiritu Santo. Ipinakilala rin ng Simbahan ang mga service mission para sa mga kabataan na may partikular na lagay ng kalusugan o para sa mga hindi angkop magsagawa ng tradisyunal na pagtuturo ng ebanghelyo.
Nang dumating ang paghirang ni Blake, tumanggap siya ng pagtatalaga na maglingkod sa isang full-time na misyon kung saan ay magtuturo siya ng ebanghelyo sa Philippines Baguio Mission, isa sa labinlimang mission sa bansa. Ang natitirang kailangan niyang gawin ay sabihan ang mga kapwa niya lifeguard.
Hindi nagtagal, habang kinukunan ng pelikula para sa Bondi Rescue, nagsalita si Blake sa harap ng mga kamera tungkol sa pananampalataya niya. “Kinalakhan ko na ang pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi niya. “Nagsisimba ako tuwing Linggo. Marahil ay may mas mahigpit na pamantayan ako na isinasabuhay, ngunit bukod doon, isa lamang akong normal na tao.”
Nang matapos ang trabaho ni Blake, pinagsuot siya ng amerikana ng mga producer ng palabas. Pagkatapos ay nagpunta siya sa pangunahing tore ng mga lifeguard at kumatok sa pinto. “Siguro ay kailangan nang masanay ang mga kamay ko na gawin iyon,” sabi niya nang nakatingin sa camera.
Natatawang binati siya ng mga lifeguard. “Nagustuhan ba ninyo?” tanong niya, pinapakita sa kanila ang amerikana. “Ito po ang hitsura ko sa susunod na dalawang taon.”
“Saan ka pupunta?” tanong ng isa sa mga lifeguard.
“Sa Pilipinas po,” sabi ni Blake. “Maglilingkod po ako sa misyon, para sa simbahan ko.”
“Mormon ka ba?” tanong ng isa pang lifeguard.
“Opo,” sabi ni Blake. “Sa palagay ko po ay nasa akin na ang pinakamagandang bagay sa buhay ko, bakit hindi ko ito ibabahagi sa ibang tao?”
Ipinaliwanag ni Blake na hindi magtatagal ay pupunta siya ng Estados Unidos upang tumanggap ng pagsasanay bilang misyonero at mag-aral ng wikang Tagalog. Pagkatapos ay pupunta siya sa itinakdang lugar ng kanyang paglilingkod. “Masigasig kaming kakatok sa mga pinto,” sabi niya, “at susubukang ituro sa mga tao ang tungkol kay Jesucristo.”
“O, pare, galingan mo,” sabi ng isang lifeguard, kinakamayan si Blake at niyakap siya nang mahigpit. Malungkot si Blake na lisanin ang dalampasigan, at alam niyang mangungulila siya sa mga kaibigan niya. Subalit nasasabik siyang simulan ang kanyang misyon at gumawa ng mabuti sa mundo.
Sa kanilang bahay, ikinuwento ni Blake kay Wade ang tungkol sa karanasan. “Ang hamon ko bilang misyonero ay makipag-usap sa sampung tao kada araw sa Japan,” sabi ni Wade. “Nagawa mo na iyan sa sampung milyong tao nang isang beses lang.”
Noong Hunyo 2008, sumakay ng bus sina Willy at Lilly Binene kasama ang kanilang tatlong anak papunta sa paliparan sa Mbuji-Mayi, humigit-kumulang 160 kilometro sa hilaga ng kanilang tahanan sa Luputa, Democratic Republic of the Congo. Mula doon, lumipad sila patungong Kinshasa, nagpalipas ng gabi sa lunsod, at pagkatapos ay sumakay ng eroplano patungong South Africa. Mahaba ang biyahe, ngunit masaya ang mga bata, natutuwa sa kanilang mga paglalakbay. Patungo ang pamilya sa Johannesburg Temple upang mabuklod sa kawalang-hanggan.
Dalawang taon na ang lumipas mula nang hinirang si Willy bilang pangulo ng Luputa District na muli silang pinagsama bilang isang pamilya. Matapos lumipat pabalik sa Luputa, nagbukas si Lilly ng isang paaralang nursery. Agad itong naging matagumpay, at hindi naglaon, pinalawig niya ito para maging paaralang primary. Isinantabi ni Willy ang pangarap niyang maging electrical engineer upang magsimulang magsanay bilang nars sa isang lokal na ospital. Binalanse niya ang trabahong ito sa mga kailangan niyang gawin sa kanyang tungkulin, at umasa siya sa suporta ng kanyang mga tagapayo sa panguluhan ng district habang natututuhan nila ang kanilang mga bagong responsibilidad, nagtuturo sa mga lokal na lider, at bumibisita sa mga Banal.
Kailan lamang, tinanggap ng panguluhan ang karagdagang mga katungkulan upang tumulong sa isang tatlong taong proyekto na pinondohan ng Simbahan para makapaghatid ng malinis na tubig sa Luputa. Matagal nang umaasa ang mga nakatira sa lunsod sa iba-ibang mga lawa, bukal, at kanal na paagusan para sa kanilang tubig. Dalawang beses kada araw, maglalakad ang kababaihan at mga bata ng dalawang kilometro o higit pa papunta sa mga lugar na ito, mag-iigib ng tubig gamit ang anumang lalagyang makukuha nila, at pagkatapos ay bubuhatin ito pauwi. Puno ng delikadong parasitiko ang mga pinagmumulang ito ng tubig, at halos lahat ay may kilala—na kadalasang maliliit pang bata—na namatay dahil sa kontaminadong tubig. At kung minsan ay ginagawan ng masama ang mga babae habang naglalakad sila papunta at pabalik sa pinagkukunan ng tubig.
Sa loob ng maraming taon, ang ADIR, isang humanitarian organization sa DRC, ay nais maghatid ng malinis na tubig sa 260,000 tao sa loob at sa paligid ng Luputa. Subalit ang pinakamainam na pagkukunan ng tubig ay isang pulutong ng mga bukal sa isang burol mga 34 kilometro ang layo, at walang $2.6 milyon ang ADIR upang maglatag ng mga tubo. Pagkatapos ay narinig ng namamahalang direktor ang tungkol sa Latter-day Saint Charities at nakipag-usap sa mga lokal na misyonero para sa pagkakawanggawa tungkol sa pakikipagtulungan sa proyekto.
Binuo noong 1996 sa ilalim ng gabay ng Unang Panguluhan, bawat taon ay sinusuportahan ng Latter-day Saint Charities ang ilang daang proyektong pangkawanggawa ng Simbahan sa buong mundo. Bagama’t ang mga serbisyo nito ay nag-iiba-iba ayon sa pangangailangan, ang mga pangunahing inisyatibo ay pagpapabakuna, mga wheelchair, pangangalaga ng mata, pangangalaga sa mga sanggol, at malinis na inuming tubig. Nang kumalat ang balita tungkol sa pangangailangan ng linya ng tubig para sa Luputa, nag-ambag ang Latter-day Saints Charities ng kinakailangang pondo, at ang mga boluntaryo mula sa Luputa at ibang kalapit na komunidad ay pumayag na tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gagawa.
Bilang district presidency, nakipagtulungan sina Willy at kanyang mga tagapayo sa ADIR at kay Daniel Kazado, isang lokal na Banal sa mga Huling Araw na kinuha bilang bantay ng lugar. Sila mismo ay nagboluntaryo din bilang mga manggagawa.
Ngayon, habang lumalapag ang mga Binene sa Johannesburg, maisasantabi nila ang kanilang mga abalang buhay at magtutuon sa bahay ng Panginoon. Sa paliparan, sinalubong sila ng isang pamilya at inihatid sila sa pabahay para sa patron na nasa lugar ng templo. Pagkatapos, pumasok sina Willy at Lilly sa templo, inihatid ang kanilang mga anak sa day care na pinangangasiwaan ng Simbahan, at nagpalit ng puting damit.
Bago nilisan ang Luputa, pinag-aralan ng mga Binene ang manwal ng Simbahan para sa paghahanda sa templo, ang Endowed from on High [Pinagkalooban mula sa Kaitaasan], at binasa ang aklat ni James E. Talmage na The House of the Lord [Bahay ng Panginoon]. Gayunpaman, nang dumating sila sa templo, medyo nalilito sila dahil bago ang lahat at walang nagsasalita ng wikang Pranses. Ngunit sa paggamit ng mga kumpas, natukoy nila kung saan pupunta at kung ano ang gagawin.
Kalaunan, sa sealing room, lubos silang natuwa na muling makasama ang kanilang tatlong anak. Suot ang puting damit, mukha silang mga anghel habang pumapasok sila sa silid. Nadama ni Willy ang kilabot sa kanyang mga braso. Tila wala na rito sa mundo ang kanyang pamilya. Pawang nasa presensya sila ng Diyos.
“Wow,” sabi niya.
Nadama rin ni Lilly na para silang nasa langit. Ang malamang ibubuklod sila nang walang hanggan ay tila nagpalakas sa pagmamahal ng pamilya sa isa’t isa. Hindi na sila mapaghihiwalay ngayon. Kahit kamatayan ay hindi sila kayang paghiwalayin.
Noong mga unang buwan ng 2009, nakatira si Angela Peterson sa Utah kasama ang kanyang asawang si John Fallentine. Nagkakilala sila ni John sa isang single adult ward sa Lunsod ng Salt Lake hindi nagtagal matapos magbitiw ni Angela sa kanyang mabigat na trabaho sa Washington, DC. Mula sa kanlurang Estados Unidos si John, at nanirahan at nagtrabaho rin siya ng ilang panahon sa Washington. Mas matanda siya kay Angela at medyo mahiyain, ngunit agad silang naging matalik na magkaibigan. Noong Nobyembre 2007, ibinuklod sila sa Bountiful Utah Temple.
Ngayon ay handa na ang mga Fallentine para sa bagong pakikipagsapalaran. Matapos makakuha si John ng pahintulot mula sa kanyang amo na magtrabaho nang remote, nag-empake ang mag-asawa at lumipat sa North Island sa New Zealand. Kapwa na sila nakapunta roon, at sa palagay nila ay ito ang pinakamagandang lugar sa mundo.
Kailan lamang ay ipinagdiwang ng mga Banal sa New Zealand ang ika-150 na anibersaryo ng pagdating ng Simbahan sa kanilang bansa, at limampung taon na ang lumipas mula nang inilaan ang New Zealand Temple. Noong panahong iyon, may humigit-kumulang na labimpitong libong miyembro ang Simbahan sa bansa at walang mga ward o stake. Ngayon, mayroon na halos isang daang libong Banal na nagkalat sa 25 na stake, 150 na ward, at 54 na branch.
Nanirahan ang mga Fallentine sa Thames, isang bayan sa dalampasigan ng Coromandel Peninsula, at hindi nagtagal ay nagsimula silang maglingkod sa kanilang maliit na branch. Karamihan sa mga miyembro ng kanilang branch at stake ay mga Māori, at nasisiyahan si Angela na makilala sila. Naglingkod siya sa Young Women habang si John, na isang guro sa Sunday School, ay nagboluntaryo na tulungan ang pangulo ng branch pagdating sa young men. Naglingkod rin sina Angela at John bilang mga branch missionary at ordinance worker sa templo sa Hamilton na halos dalawang oras na biyahe ang layo.
Samantala, sa kanilang tahanan, nagsisimulang mag-alala ang mag-asawa. Buong buhay niya, nais ni Angela na maging isang ina. Ngunit hanggang ngayon, hindi sila magkaanak ni John. Kumonsulta sila sa doktor sa Auckland at sumailalim sa maraming pagsusuri para malaman kung ano, kung mayroon man, ang maaaring gawin. Nang lumabas ang mga resulta, nalaman nina Angela at John na kapwa sila may malubhang problema sa pagkakaroon ng anak. Kahit sa tulong ng mga doktor at espesyalista, maliit ang tsansa na mabuntis si Angela.
Nakapanlulumo ang balitang iyon. Araw-araw, dinaraanan ni Angela ang isang nakakuwadrang kopya ng pahayag tungkol sa mag-anak sa kanilang tahanan. Bumuo ng nakakabagabag na tanong ang mensaheng ito sa kanyang isipan. Kung inorden ng Diyos ang pamilya, bakit hindi sila magkaanak ni John?
Pakiramdam niya ay nalilito at nawawala siya—ngunit umaasa pa rin siya na tutugon ang Diyos sa panalangin nila ni John.
Noong ika-9 ng Agosto 2009, nakipagpulong si Pangulong Thomas S. Monson sa mga kaibigang Romano Katoliko sa Cathedral of the Madeleine sa Lunsod ng Salt Lake. Ang napakarilag na bahay ng pagsamba ay isang daang taon na ang tanda, at nagpunta si Pangulong Monson kasama ang iba pang mga opisyal na pangrelihiyon at panlipunan upang makipagdiwang.
Sinamantala ni Pangulong Monson ang okasyon upang magsalita kung paano isinantabi ng mga Katoliko at mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga pagkakaiba upang pangalagaan ang mga taong nangangailangan. Ang programang “Good Samaritan” ng katedral ay nagbibigay ng tanghalian araw-araw sa mga nagugutom, kung saan ang tinapay at iba pang pagkain ay tinutustusan ng Church Welfare Services. Gayundin naman, pinangangasiwaan ng mga Katoliko ang isang lokal na pasilidad para sa mga umabuso sa paggamit ng droga, kung saan ang Simbahan ay nagbibigay ng pagkain. Nagtulungan din ang dalawang simbahan upang tulungan ang mga refugee na dumarating sa Lunsod ng Salt Lake na makakuha ng sapat na suplay para sa kalinisan ng katawan at mga kagamitan sa bahay.
Umabot hanggang sa labas ng Lunsod ng Salt Lake ang pagtutulungang ito. Noong mga nakaraang taon, tumutulong sa Simbahan ang mga mapagkawanggawang ahensyang Katoliko na magbahagi ng $11 milyong halaga ng pantulong sa mga tao sa buong mundo, tinitiyak na ang tulong ay naibibigay sa mga pinakanangangailangan nito.
“Kapag mayroon tayong mga matang nakakakita at mga taingang nakakarinig at mga pusong nakakaalam at nakakaramdam,” sinabi ni Pangulong Monson sa kanyang mga manonood, “malalaman natin ang mga pangangailangan ng ating kapwa na humihingi ng tulong.”
Noong nakaraang isa’t kalahating taon, masusing binantayan ni Pangulong Monson ang maraming proyekto sa gusali at kawanggawa ng Simbahan. Kahit na nananatiling hindi bumubuti ang ekonomiya ng Estados Unidos at mataas pa rin ang bilang ng mga walang trabaho, nakita niya ang mga hindi inaasahang kapakinabangan ng pagpapatuloy sa mga pagsisikap na ito. Mababa ang pangangailangan sa mga konstruksyon, ngunit nagawang magbigay ng Simbahan ng trabaho sa maraming bihasang manggagawa sa mga proyekto nito.
Hinikayat din ni Pangulong Monson ang mga lokal na lider na bawasan ang gastos hangga’t maaari. Hinikayat niya ang mga lider ng mission na turuan ang mga misyonero na maging matipid. Nagmungkahi siya ng plano na kailan lamang ay inilahad ng Presiding Bishopric para bawasan ng sangkapat ang laki ng mga bagong stake center. Sa halip na nagtayo ng mas malaki at mas mahal na gusali na mapagkakasya ang lahat ng miyembro ng stake, maaaring magpulong ang mga stake sa maraming gusali ng ward at magkonekta sa mga kumperensya ng stake sa pamamagitan ng teknolohiya sa pagbrodkast. Dahil dito mababawasan ang kanilang gastos sa paglalakbay.
Noong recession, iniisip ni Pangulong Monson ang mga taong nangangailangan—lalo na ang mga balo. Dumami ang mga hiling sa handog-ayuno, at nais niya na walang makakalimutan. Noong binata pa siya, naglingkod si Pangulong Monson bilang bishop ng isang ward sa Lunsod ng Salt Lake na may higit isang libong tao. Walumpu’t lima sa kanila ay mga balo. Kahit matagal nang natapos ang limang taon ng pagiging bishop niya, patuloy na dinadalaw ni Pangulong Monson ang mga balong ito, nagdadala ng mga regalo at pinasasaya sila. Bilang pangulo ng Simbahan, palagian niyang binibisita ang mga nalulungkot at kinalimutan.
“Ang paglilingkod kung saan tinawag tayong lahat ay ang paglilingkod ng Panginoong Jesucristo,” itinuro niya sa mga Banal. “Sa pagtawag Niya sa atin, inaanyayahan Niya tayong lumapit sa Kanya. Tayo ang kausap niya.”
Noong 2003, inilunsad ng Simbahan ang bagong website, ang www.providentliving.org, na nagtuturo ng mga pangunahing alituntuning pangkapakanan. Bago nangyari ang recession, tumatanggap ang site ng higit isang milyong pagbisita kada buwan. Ngayon, upang muling bigyang-diin ang mga matagal nang kinikilalang mga katotohanan, inihanda ng Presiding Bishopric ang bagong polyeto at DVD, ang Basic Principles of Welfare and Self-Reliance [Mga Pangunahing Alituntuning Pangkapakanan at Pag-asa sa Sariling Kakayahan]. Hinikayat ang mga Banal na magbayad ng kanilang mga ikapu at handog, mamuhay ayon sa badyet, iwasang mangutang, bawasang kumain sa labas, at mag-imbak ng pagkain.
“Ipinapahayag ko na ang gawaing pangkapakanan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay binigyang-inspirasyon ng Diyos na Maykapal,” patotoo ni Pangulong Monson. “Tunay ngang ang Panginoong Jesucristo ang arkitekto nito.”
Sa loob ng ilang dekada, tinukoy ng mga lider ng Simbahan na kabilang sa misyon nito ang tatlong elemento: gawing ganap ang mga Banal, pagpapahayag ng ebanghelyo, at pagtubos sa mga patay. Ngayon ay nadarama ni Pangulong Monson na ang welfare ay dapat maging “ikaapat na paa ng upuan.” Noong Setyembre 2009, pinahintulutan niya ang pag-edit sa Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan upang isama ang “pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan” bilang bahagi ng misyon ng Simbahan.
“Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, at kabaitan,” sinabi niya sa pangkalahatang kumperensya makalipas ang ilang linggo. “Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin.”