Kasaysayan ng Simbahan
27 Apoy sa mga Tuyong Damo


“Apoy sa mga Tuyong Damo,” kabanata 27 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 27: “Apoy sa mga Tuyong Damo”

Kabanata 27

Apoy sa mga Tuyong Damo

Lalaking nakasakay sa kabayo na ginagabayan ang isa pang kabayo

Kumalat ang mga haka-haka ukol sa pagbabalik ni Brigham Young sa Lunsod ng Salt Lake mga ilang linggo bago ang kanyang paglilitis sa korte noong Enero 1872. Nakatitiyak ang mga tagausig ng teritoryo na si Brigham ay tatakas sa halip na sumailalim sa paglilitis.1

Gayunman, noong huling bahagi ng Disyembre, tumanggap si Daniel Wells ng isang agarang liham mula sa propeta. “Tayo ay darating sa nakatakdang oras upang magpakita sa korte,” ipinaalam ni Brigham sa kanya.2 Sa araw matapos ang Pasko, naglakbay siya nang mahigit sa isandaan at sampung kilometro sa gitna ng mga bagyo ng niyebe upang salubungin si Daniel sa Draper, isang bayan mga tatlumpung kilometro ang layo sa timog ng Lunsod ng Salt Lake. Mula roon, sumakay sila ng tren pahilaga, at dumating si Brigham sa kanyang tahanan ilang saglit bago ang hatinggabi.

Dinakip ng isang marshal ng Estados Unidos ang propeta makaraan ang isang linggo at dinala siya sa korte ni Hukom McKean. Nanatiling mahinahon at tiwala si Brigham sa kabuaan ng mga paglilitis. Binibigyang-pansin ang kanyang katandaan at pagkakasakit, hiniling ng mga tagapagtanggol ng propeta sa hukom na pakawalan siya sa pamamagitan ng piyansa. Tinanggihan ni McKean ang kahilingan at isinailalim si Brigham sa pagkakapiit sa tahanan.3

Nakatakdang agad na sisimulan ang paglilitis, at ibinadya ng Salt Lake Tribune na bawat pahayagan sa Estados Unidos at Great Britain ay ilalathala ang mga mangyayari dito. Gayunpaman, ang “Malaking Paglilitis” ay ipinagpaliban at hindi nagtagal, ang mga araw ay naging mga linggo. Madalas manatili si Brigham sa bahay, karaniwang nasa ilalim ng pagbabantay ng mga marshal. Ngunit kung minsan ay dumadalo siya sa mga pagtitipon, gaya nang magpunta siya at ang isang deputy marshal sa sorpresang handaan para sa kaarawan ni Eliza Snow sa gusali ng Ikalabingapat na Ward.4

Mula sa Washington, DC, nagpadala si George Q. Cannon kay Brigham ng mga regular na ulat tungkol sa isang kaso na inihain ng mga Banal sa Korte Suprema ng Estados Unidos, ang pinakamataas na hukuman sa bansa. Ikinakatwiran ng kaso na ang gawi ni Hukom McKean na sadyang hindi isama ang mga Banal sa mga malalaking lupon ng tagahatol sa Teritoryo ng Utah ay labag sa batas. Kung magpapasya ang Korte Suprema laban sa ginagawa ng hukom, ang bawat paratang na inilabas ng isang hindi wastong binuong malaking lupon ng tagahatol sa Utah—kabilang na ang mga paratang laban sa propeta—ay agad na mababasura.5

Nagpasiya ang Korte Suprema sa kaso noong Abril. Kapwa sina Hukom McKean at George ay nasa hukuman upang marinig ang pasya. Bagama’t ang ilan sa kanyang mga kasamahan ay tiwala na magpapasya ang hukuman sa kanilang pabor, tila balisa si Hukom McKean habang binabasa ng namumunong hukom ang desisyon ng korte.6

“Sa kabuuan,” sinabi ng namumunong hukom, “kami, ang mga hurado sa kasong ito, ay naniniwala na ang lupon ng tagahatol sa kasong ito ay hindi pinili at ipinatawag ayon sa batas.”7

Lumabas ng silid si Hukom McKean na galit na galit sa hatol at iginigiit na wala siyang ginawang anumang mali. Hindi nagtagal ay dinala ng telegrapo ang balita sa Utah. Lahat ng kasong kriminal na ipinalabas ng mga ilegal na binuong malaking lupon ng tagahatol sa teritoryo ay pinawalang-bisa. Malaya na si Brigham Young.8

“Binalewala ng Korte Suprema ang mga pagkiling sa relihiyon at pulitikal na impluwensya,” nagagalak na binaggit ni George sa isang liham kay Brigham kalaunan ng araw na iyon. Ngunit nag-alala si George sa desisyon ng korte, nakatitiyak na palulubhain lamang nito ang galit ng mga kaaway ng mga Banal at gaganti sila dahil dito.

“Ako ay magugulat,” isinulat ni George, “kung hindi magkakaroon ng matatag na pagsisikap na makagawa ng batas na laban sa atin.”9


Noong Abril na iyon, ang mga Banal mula sa buong Hawaii ay nagpunta sa Oahu para sa isang kumperensya sa Laie, ang kanilang lugar ng pagtitipon noong huling pitong taon. Mga apat na raang Banal ang nakatira sa pamayanan buong taon. Mayroon itong maliit na kapilya, isang paaralan, at isang malaking sakahan kung saan nagtatanim ng tubo ang mga lokal na Banal at mga missionary mula sa Utah.

Sa kumperensya, pinatotohanan ng labintatlong lokal na mga missionary ang kanilang mga bagong karanasan. Sa ilalim ng pamamahala ni Jonathan Napela, na hinirang upang mangasiwa sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga isla, nakapagbinyag ang mga missionary ng mahigit anim na raang tao. Ang bilang ng mga Banal sa Hawaii ngayon ay mahigit dalawang libo na.10

Bawat elder ay nagpatotoo sa mga himalang nasaksihan niya sa mission field. Kamakailan, pinagaling ng Panginoon ang isang lalaking paralisado matapos manampalataya at manalangin ang mga missionary para sa kanya.11 Isa pang lalaki, na nabalian ng kanyang braso matapos mahulog mula sa kanyang buriko, ay ganap na gumaling matapos siyang basbasan ng dalawang missionary. Paulit-ulit na binasbasan ng iba pang mga elder ang isang batang babae na hindi makalakad. Pagkatapos ng bawat basbas ay unti-unting bumubuti ang kanyang kalagayan hanggang sa siya ay muling nakakatakbo at nakakapaglaro.12

Pagkatapos ng kumperensya, patuloy ang mga missionary sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapagaling ng maysakit. Kabilang sa mga yaong naghahangad ng tulong nila ay si Keʻelikōlani, ang gobernador sa Big Island ng Hawaii. Hiniling niya sa mga Banal na ipagdasal ang kanyang kapatid mula sa isa sa kaniyang mga magulang, na si Haring Kamehameha V, na malapit nang pumanaw. Kilalang-kilala ni Napela ang hari, kaya siya at ang isa pang matagal nang elder ng Simbahan, si H. K. Kaleohano, ay nagpunta sa palasyo at nag-alok na ipagdasal siya.

“Narinig namin ang inyong matinding paghihirap,” sabi nila, “at taos ang aming pagnanais na ikaw ay gumaling.” Tinanggap ng hari ang kanilang alok, at may paggalang na yumuko ang mga missionary. Pagkatapos ay nag-alay ng taimtim na panalangin si Kaleohano.

Nang matapos ang mga missionary, tila naging mas mainam ang hitsura ni Kamehameha. Sinabi niya sa mga elder na ilang mga tao sa pamahalaan ang pumipilit sa kaniyang pigilan ang mga Banal mula sa pangangaral sa mga isla, ngunit hindi siya nakinig sa kanila. Ang saligang batas ng Hawaii ay nagbibigay ng kalayaang pangrelihiyon sa mga tao, at iginiit niya ang pagsunod dito.

Magiliw na nakipag-usap ang hari kina Napela at Kaleohano sa mahabang panahon. Nang paalis na ang mga elder, dumating ang ilang lalaki na may dalang isda para sa tahanan ng hari. Nang makita sila ni Kamehameha, itinuro niya sina Napela at Kaleohano. “Huwag kalimutan ang mga haring ito,” sabi niya.

Nagbigay siya sa bawat elder ng isang basket ng isda at nagpaalam sa kanila.13


Sa panahon ng kumperensya ng Abril sa Laie, ang mga pahayagan sa Estados Unidos ay nagkakagulo tungkol sa isang paglalantad ng maramihang pag-aasawa na kalalathala lamang ni Fanny Stenhouse, ang naging pinakakilalang babae sa Bagong Kilusan. Sa aklat, inilarawan ni Fanny ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw bilang inaapi at hindi kuntento.14

Kinilabutan ang mga kababaihan ng Simbahan sa paglalarawang ito. Naniniwalang mas makabubuti sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na katawanin ang kanilang sarili kaysa sa katawanin nang mali ng iba, nagsimula ang dalawampu’t tatlong-taong gulang na si Lula Greene na maglathala ng isang pahayagan para sa kababaihan sa Utah. Tinawag niya ang kanyang pahayagan bilang Woman’s Exponent.15

Si Lula ay isang magaling na manunulat na naglingkod bilang pangulo ng isang maliit na sangay ng Young Ladies’ Retrenchment Association. Matapos ang paglalathala ng tula ni Lula, ninais ng patnugot ng Salt Lake Daily Herald na sumulat siya para sa pahayagan nito. Ngunit matapos mag-alinlangan ang mga tauhan nito sa pagkuha sa kanya, iminungkahi ng patnugot na magsimula siya ng sarili niyang pahayagan.

Nagkaroon ng interes sa ideya si Lula. Ipinakita sa kamakailang mga pulong ng galit ang malakas na impluwensya na maaaring magkaroon ang mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw kapag nagsalita sila tungkol sa mga isyu na mahalaga sa kanila. Subalit ang mga babae sa loob at labas ng Simbahan ay bihirang magkaroon ng mga pagkakataong hayagang sambitin ang kanilang mga kuru-kuro. Bukod pa rito, maraming mabubuting bagay na nasabi at nagawa ng mga Relief Society at ng Retrenchment Association (Samahan para sa Pagtitipid) ang hindi nababanggit at hindi napapansin, lalo na ng mga tao sa labas ng teritoryo.

Unang ibinahagi ni Lula ang mga plano para sa pahayagan kay Eliza Snow, na kaagad na sumangguni kay Brigham Young, ang kapatid ng lolo ni Lula. Kapwa nila ibinigay ang kanilang suporta sa ideya. Sa kahilingan ni Lula, hinirang ni Brigham si Lula sa isang espesyal na misyon na maglingkod bilang patnugot ng pahayagan.16

Ang unang isyu ng Woman’s Exponent ay inilathala noong Hunyo 1872. Itinampok ng pahayagan ang mga lokal, pambansa, at pang-ibayong dagat na balita pati na ang mga editoryal, tula, at mga ulat mula sa mga pulong ng Relief Society at ng pagtitipid.17 Naglimbag din si Lula ng mga liham sa patnugot, na siyang nagbibigay sa mga kababaihan na mga Banal sa mga Huling Araw ng pagkakataong magbahagi ng kanilang mga kuwento at ipahayag ang kanilang pananaw.

Noong Hulyo, naglathala si Lula ng isang liham mula sa isang babaeng English na nagngangalang Mary, na inihambing ang kanyang mahirap na buhay bilang isang kasambahay sa London at New York sa kanyang buhay sa Utah. “Tayong mga ‘babaeng Mormon’ ay dapat isulat at ipaalam sa mundo—ito man ay nalulugod na paniwalaan tayo o hindi—na tayo ay hindi mga maralita at inaaping nilalang na tulad ng pagkakalarawan sa atin,” sinabi ni Mary. “Hindi ako inalipin dito, bagkus ay naging malaya na dumating, malaya na humayo, at malayang magtrabaho o hayaan ito.”

“Gusto ko ang Exponent ngayon nang labis-labis,” idinagdag niya. “Sinasabi nito ang nasa katwiran.”18


Samantala, sa hilagang Utah, ang mga pangkat ng Hilagang-Kanlurang Bansa ng Shoshone ay nasa bingit ng pagkagutom. Halos sampung libong puting naninirahan, karamihan sa kanila ay mga Banal sa mga Huling Araw, ang nakatira sa katutubong lupain ng mga Shoshone sa Lambak ng Cache at sa karatig na lugar, na siyang sumasagad sa likas na pinagkukunan ng pagkain ng rehiyon.19

Nang unang dumating ang mga Banal sa Lambak ng Cache noong kalagitnaan ng dekada ng 1850, ang lider ng mga Shoshone na nagngangalang Sagwitch ay naglinang ng mabuting pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal ng Simbahan, lalo na kay Bishop Peter Maughan, na kung minsan ay naglalaan ng tulong sa mga Shoshone mula sa tanggapan ng ikapu. Gayunman, nadagdagan ang mga tensyon sa pagitan ng dalawang lahi noong huling bahagi ng dekada ng 1850 habang mas maraming mga Banal ang nanirahan sa mga lambak at kumakaunti na ang hayop para sa pangangaso.

Upang makapaglaan ng pagkain para sa kanilang sarili at kanilang pamilya, nagsimula ang ilang Shoshone na sumalakay sa mga hayop ng mga Banal, itinuturing ito bilang kabayaran para sa kanilang mga nawalang lupain at kumaunting mapagkukunan ng likas-yaman. Marahil ay umaasang hihinto ang mga pagsalakay, mabigat sa loob na sinubukan ng mga Banal na pakainin ang mga Shoshone ng mga handog na harina at karne ng baka. Ngunit ang mga handog na ito ay hindi pumuno sa paghihirap na nilikha ng mga mamamayan nang nanirahan sila sa Lambak ng Cache.20

Sa panahong ito, nakipaglabanan din ang mga Shoshone nang paulit-ulit sa pamahalaan ng Estados Unidos. Ginamit ni Koronel Patrick Connor, ang kumandante ng mga sundalo sa Hukbo ng Estados Unidos na naka-istasyon sa Lunsod ng Salt Lake, ang labanan bilang dahilan sa paglusob sa mga Shoshone. Isang umaga noong Enero 1863, habang nagkakampo sina Sagwitch at kanyang mga tao malapit sa Ilog Bear, sila ay nagising at nakita ang paglusob ng mga sundalo sa kanila. Umatras ang mga Shoshone sa kanilang mga tanggulan at sinikap lumaban sa mga sundalo. Gayunpaman, mabilis silang napalibutan ng hukbo at walang-awang nagpaputok sa kanila.

Humigit-kumulang apat na raang kalalakihang Shoshone, kababaihan, at mga bata ang namatay sa pag-atake sa kampo. Nakaligtas si Sagwitch mula sa pagsalakay, gayon din ang kanyang sanggol na anak na babae at tatlong anak na lalaki. Ngunit ang kanyang asawa, si Dadabaychee, at dalawang anak ng kanyang asawa ay kasama sa mga babae at batang pinatay.21

Matapos ang masaker, dumating ang mga Banal mula sa mga kalapit na pamayanan upang tulungan ang mga sugatang Shoshone. Iniwan ng pagsalakay si Sagwitch na lubos na naghihinala sa mga Banal. Si Porter Rockwell, isang Banal sa mga Huling Araw na kung minsan ay nagtatrabaho bilang isang tagamanman ng hukbo, ay nagdala ng mga sundalo sa kampo ng mga Shoshone. Ilang mga Banal sa Lambak ng Cache Valley ay napanood din ang pangyayari ng masaker mula sa tuktok ng isang kalapit na burol, at ang iba ay nagkanlong at pinakain ang hukbo matapos ang pag-atake. Maging si Peter Maughan, na naglarawan sa ginawa ng mga kawal bilang “kahayupan,” ay naniniwala na inudyukan ng mga Shoshone ang karahasan. Ilang mga Banal ang nagawa pang tawagin ang paglusob bilang tulong ng langit.22

Ngayon, isang dekada matapos ang masaker, sina Sagwitch at ang kanyang mga tao ay nanatiling puno ng galit sa mga puting naninirahan. Bagama’t nakakuhang muli ng kaunting tiwala ang kahandaan ng mga Banal na gamitin ang mga yaman ng Simbahan upang maglaan ng pagkain at suplay para sa mga Shoshone, ang pagkawala ng mga inosenteng buhay, lupain, at mga yaman ay nag-iwan sa mga Shoshone na naghihikahos.23

Noong tagsibol ng 1873, isang iginagalang na lider ng mga Shoshone na nagngangalang Ech-up-wy ang nagkaroon ng isang pangitain kung saan tatlong Indian ang pumasok sa kanyang tahanan. Ang pinakamalaki sa mga ito—isang makisig, may malapad na balikat na lalaki—ang nagsabi sa kanya na ang mga Diyos ng mga Banal ang siya ring Diyos na sinasamba ng mga Shoshone. Sa tulong ng mga Banal, sila ay magtatayo ng mga bahay, bubungkalin ang lupa, at tatanggap ng pagbibinyag.

Sa pangitain, nakita rin ni Ech-up-wy ang mga Shoshone na nagtatrabaho sa mga maliliit na sakahan kung saan kasama nila ang ilang mga puting lalaki. Ang isa ay si George Hill, isang Banal sa mga Huling Araw na naglingkod sa isang misyon sa mga Shoshone labinlimang taon na ang nakararaan. Siya ay isang lalaking nagsasalita ng kanilang wika at kung minsan ay namamahagi ng pagkain at iba pang panustos sa kanila.

Matapos marinig ang tungkol sa pangitain ni Ech-up-wy, isang grupo ng mga Shoshone ang tumungo sa bahay ni George sa Ogden.24


Pagkaraan ng maikling panahon, nagising si George Hill upang malaman na isang grupo ng mga Shoshone ang nasa labas ng kanyang bahay, naghihintay na makipag-usap sa kanya. Noong sinalubong ni George ang kanyang mga bisita, isa sa mga pangunahing tauhan sa kanila ay nagpaliwanag sa kanya na natutuhan nila sa pamamagitan ng inspirasyon na ang mga Banal ay mga tao ng Panginoon. “Nais namin na tumungo ka sa aming kampo at mangaral sa amin at binyagan kami,” sabi niya.

Pakiwari ni George ay hindi niya maaaring binyagan ang mga ito nang walang pahintulot ni Brigham Young. Nabigo, umalis ang mga Shoshone upang umuwi, ngunit kalaunan ay bumalik sila at muling humingi ng binyag. Minsan pa, sinabi sa kanila ni George na kailangan niyang maghintay ng gabay ng propeta.25

Hindi nagtagal, nakipagkita si George kay Brigham sa Lunsod ng Salt Lake. “Maraming pasanin na nakasandig sa balikat ko nang ilang panahon,” sabi ni Brigham. “Sinikap kong alisin ang mga ito. Ngayon ay ibibigay ko ito sa iyo. Ito ay magiging pasanin mo mula ngayon. Nais kong pamahalaan mo ang misyon sa mga Indian sa lahat ng hilagang bansang ito.”

Pinayuhan niya si George na magtatag ng isang lugar ng pagtitipon para sa mga Shoshone at turuan silang magtanim sa lupain. “Hindi ko alam kung paano mo dapat isagawa ang bagay na ito,” sabi niya, “ngunit ikaw ay makakahanap ng paraan.”26

Noong Mayo 5, 1873, naglakbay si George sakay ng tren papunta sa isang bayan mga 48 kilometro sa hilaga ng Ogden. Mula doon ay nagsimula siyang maglakad patungo sa kampo ni Sagwitch, na mga 19 na kilometro ang layo. Bago siya nakapaglakad ng mga isang kilometro, isang matandang lalaking Shoshone na nagngangalang Tig-we-tick-er ang natatawang lumapit sa kanya. Noong umagang iyon, sabi nito, iprinopesiya ni Sagwitch na dadalaw si George sa kanilang kampo.

Ibinigay ni Tig-we-tick-er kay George ang mga direksyon patungo sa kampo at nangakong babalik sa lalong madaling panahon upang pakinggan siyang mangaral. Patuloy na naglakad si George at nakilala ang dalawang karagdagang Shoshone na nag-ulit sa mga salita ni Sagwitch. Namamangha, inisip ni George kung paano nalaman ni Sagwitch ang eksaktong araw at oras ng kanyang pagdating. Para sa kanya, ito ay tanda na talagang nagsisimula na sa mga Shoshone ang gawain ng Panginoon.

Hindi nagtagal, nakita ni George si Sagwitch na papalapit sa kanya sakay ng kabayo, ginagabayan ang isa pang kabayo sa likuran. “Iniisip ko ay napapagod ka na,” sinabi ni Sagwitch, “kung kaya nagdala ako ng isang kabayo upang sakyan mo.”

Magkasama silang pumasok sa kampo. Maraming tao ang naghihintay na maturuan. Nangaral si George sa loob ng isa o dalawang oras at natagpuan ang maraming taong gustong sumapi sa Simbahan. Nang hapong iyon, nagbinyag siya ng 101 Shoshone, kabilang na si Sagwitch, at kinumpirma sila sa gilid ng tubig. Pagkatapos ay umalis siya sa kampo na may sapat na oras lamang upang habulin ang huling tren patungo sa Ogden.27

Nang sumunod na araw, nagpadala si George ng liham kay Brigham Young. “Ngayon lamang naging ganito kaganda ang pakiramdam ko sa aking buhay at hindi pa ako nakaroon ng higit na masayang araw,” isinulat niya. Ang mga Shoshone ay tila masaya rin, pansin niya, at nagplano sila na magdaos ng mga pulong para manalangin gabi-gabi. Binabanggit ang kanilang mahigpit na pangangailangan para sa pagkain, humiling siya ng mga sako ng harina para sa mga tao.28

Pagkatapos ay isinulat ni George ang tungkol sa mga pagbibinyag sa isang liham sa kanyang kaibigan na si Dimick Huntington, na alam din ang wika ng mga Shoshone. “Ang tanging hangarin ko ay taglayin ko ang Espiritu ng Diyos na tulungan ako,” sabi ni George, “upang aking maisagawa ang mga gawaing iniatang sa aking mga kamay.”

“Dimick, tulungan mo ako sa lahat ng kaya mo,” nakiusap siya. “Ang gawain ay lumalawak katulad ng apoy sa mga tuyong damo.”29


Sa panahong tinanggap ng mga Hilagang Kanlurang Shoshone ang ipinanumbalik na ebanghelyo, nalaman ni Jonathan Napela na ang kanyang asawa, si Kitty, ay inatasang magpunta sa pulo ng Molokai pagkatapos magkasakit ng Hansen‘s disease, o ketong. Umaasa na mapigilan ang pagkalat ng sakit sa Hawaii, nagtatag si Haring Kamehameha V ng isang pamayanan sa tangway ng Kalaupapa ng Molokai upang ihiwalay ang mga taong nagpakita ng mga palatandaan ng impeksyon. Dahil ang ketong ay inaakalang wala nang lunas, ang pagpapalayas sa mga kolonya ay karaniwang panghabambuhay na sintensya.

Ninanias na hindi mawalay kay Kitty, nagtrabaho si Napela sa Kalaupapa bilang katuwang na tagapamahala ng kolonya. Kasama sa kanyang mga bagong tungkulin ang pamamahagi ng mga panustos at regular na pag-uulat sa lupon ng kalusugan. Inilagay siya ng trabaho sa malapitang pakikipag-ugnayan sa mga taong may impeksiyon na siyang nagpapataas ng posibilidad na madapuan siya ng sakit.

Nang siya at si Kitty ay dumating sa kolonya noong tagsibol ng 1873, sinimulan ni Napela na ipangaral ang ebanghelyo at magdaos ng mga pulong tuwing Linggo kasama ng mga Banal na may sakit na ketong. Kinaibigan din niya si Padre Damien, isang paring Katoliko na naglilingkod sa Kalaupapa, at si Peter Kaeo, isang miyembro ng maharlikang pamilya ng Hawaii na nahawa sa sakit at dumating nang hindi nagtatagal bago dumating sina Kitty at Napela.30

Sa kolonya, maginhawang nakatira si Peter sa isang maliit na bahay kung saan tanaw ang tangway. Nag-arkila siya ng mga tagapaglingkod, tumanggap ng mga regalo mula sa kanyang mayamang pamilya, at halos walang kamalay-malay sa pagdurusa ng isla. Nang malaman niya na ang isang lalaki ay namatay sa pamayanan, sinasabing nagulat si Peter at sinabi kay Kitty ang tungkol dito.

“Hindi ito bago,” sagot niya. “Halos araw-araw silang namamatay.”31

Noong Agosto 30, 1873, sumama si Peter kay Napela habang inaalam niya ang mga pangangailangan ng mga tao sa kolonya. Ang kalangitan sa umaga ay makulimlim habang nililibot nila ang tangway patungo sa mga kubo at kubol kung saan nakatira ang ilan sa mga residente. Tumigil muna si Napela sa isang yungib at nakipag-usap sa tatlong lalaki, tatlong babae, at isang maliit na batang lalaki tungkol sa kanilang panustos. Nagulantang si Peter. Lubusang pininsala ng sakit ang mukha ng ilan sa kanila. Ang iba ay wala nang mga daliri.

Kalaunan, nakilala nina Napela at Peter ang isang babae na may binting lubhang namamaga. Tatlong taon na siyang nasa Molokai at nangupas na ang kanyang suot na damit at panloob. Sinabi sa kanya ni Napela na kung pupunta siya sa tindahan ng kolonya sa darating na Lunes, tatanggap siya ng mga bagong damit.

Noong Oktubre, nalaman ng lupon ng kalusugan na ipinamimigay ni Napela ang pagkain sa mga nangangailangan sa kolonya na hindi awtorisadong tanggapin ito. Pinaalis nila siya mula sa kanyang puwesto at inutusan siya na lisanin ang Kalaupapa. Agarang sinabi ni Napela kay Kitty ang balita. Nang natagpuan ni Peter ang mag-asawa ilang sandali kalaunan, sila ay umiiyak. Kamakailan lamang ay masama ang pakiramdam ni Kitty, at ayaw siyang iwan ni Napela.32

Nagpetisyon si Napela sa lupon ng kalusugan na hayaan siyang manatili bilang tagapangalaga ni Kitty. “Nangako ako sa harapan ng Diyos na pangangalagaan ko ang aking asawa sa kalusugan at karamdaman, at hanggang sa kami ay paghiwalayin ng kamatayan,” isinulat niya. “Ako ay animnapung taong gulang na at hindi na mabubuhay nang matagal. Sa maikling panahong natitira, nais kong makasama ang aking asawa.”

Inaprubahan ng lupon ang kanyang kahilingan.33


Noong Disyembre 1873, matapos ang maraming taon ng pangungumbinsi sa mga mambabatas sa Washington, DC, para sa Utah at Simbahan, iniluklok si George Q. Cannon bilang kinatawan ng teritoryo sa Kamara ng Estados Unidos.34 Espirituwal na inihanda ni George ang sarili para sa sandaling ito. Pakiramdam niyang siya ay mahina at mag-isa noong nakaraang gabi, ngunit matapos manalangin para sa tulong, nadama niyang siya ay nabiyayaan ng kagalakan, kapanatagan, at lakas.

“Walang tao na may simpatiya sa akin rito,” pagninilay niya sa kanyang journal, “ngunit may Kaibigan ako na mas makapangyarihan kaysa sa kanilang lahat. Dito ako ay nagsasaya.”35

Noong unang bahagi ng dekada 1870, ang opinyon ng publiko tungkol sa Simbahan ay gayon na lamang kababa sa buong Estados Unidos. Determinado si Pangulong Ulysses Grant na tapusin ang maramihang pag-aasawa sa Utah, na nangako nang ititigil ang mga pagsisikap na ipagkaloob ang pagiging estado sa Utah hanggang sa mangyari ito. Noong tagsibol ng 1874, naglahad si Senador Lucas Poland ng isa pang panukalang batas na naglalayong palakasin ang Batas ni Morrill Laban sa Bigamya sa pamamagitan ng pag-agaw ng higit na kakayahang kontrolin ang mga korte ng Utah.36

Samantala, sina Fanny at T. B. H. Stenhouse ay patuloy na nagsusulat nang pamimintas tungkol sa Simbahan at nagsasalita laban sa maramihang pag-aasawa sa mga manonood sa buong bansa.37 Gayundin, si Ann Eliza Young, ang humiwalay na pangmaramihang asawa ni Brigham Young na naghain sa kanya ng diborsyo, ay nagsimulang magbigay ng pampublikong pambabatikos sa Simbahan. Pagkatapos ng isang pagtatanghal sa Washington, DC, kung saan kinondena ni Ann Eliza ang pagkakahalal kay George Q. Cannon sa Kamara, nakipag-usap si Pangulong Grant sa kanya at malugod na sumang-ayon sa kanyang mga pananaw.38

Nag-aayuno at nagdarasal para sa patnubay, sinikap ni George na gamitin ang kanyang impluwensya upang ihinto ang Panukalang Batas ni Poland. Humingi rin siya ng tulong sa mga kakampi. Kamakailan lamang, nagpalipas ng taglamig sina Thomas Kane at kanyang asawang si Elizabeth kasama si Brigham Young sa Utah. Naimpluwensyahan ng mga aklat na puno ng galit at mga ulat sa pahayagan, nagtungo si Elizabeth sa teritoryo na umaasang makahanap ng mga babae na inaapi at nawalan na ng pag-asa. Sa halip, nakilala niya ang mga kababaihan na mababait at tapat sa kanilang relihiyon. Hindi nagtagal pagkatapos ng biyahe, ang pagkakakilala ni Elizabeth sa mga Banal ay inilathala sa isang aklat. Dito, kanyang inilarawan nang patas ang mga Banal, bagama’t patuloy niyang tinututulan ang maramihang pag-aasawa.

Nakatulong sa ilang bahagi ang aklat ni Elizabeth para makumbinsi ni George ang kanyang mga kapwa mambabatas na pahinain ang ilang aspeto ng Panukalang Batas ni Poland. Ngunit wala ni isa sa kanyang mga pagsisikap ang nakapigil kay Pangulong Grant mula sa pagpirma dito bilang batas noong kalagitnaan ng Hunyo.39

Noong tag-init at taglagas na iyon, si William Carey, ang abogado ng Estados Unidos sa Utah, ay gumawa ng mga hakbang upang masimulan ang paglilitis sa mga kilalang Banal na nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa. Bumalik si George sa Utah sa panahong ito, at noong Oktubre ay dinakip siya sa mga paratang na may kaugnayan sa kanyang maramihang pag-aasawa. Kinakaharap ang posibilidad ng mas maraming pag-aresto sa mga Banal, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na magsagawa ng isang pagsubok na kaso upang hamunin ang legalidad ng batas ni Morrill laban sa poligamya.

Nakipagkasundo kay Carey, pumayag silang hayaang mahatulan ang isang tao sa salang poligamya upang maaaring umapela ang mga tagapagtanggol ng Simbahan sa mas mataas na hukuman. Bilang kapalit, nangako ang pederal na abogado na hindi pa siya magsasakdal ng iba pa hanggang sa matapos ang pag-apela sa pagsubok na kaso. Sa paggawa ng kasunduang ito, umasa ang mga lider ng Simbahan na magpapasiya ang mas mataas na hukuman na nilalabag ng batas laban sa poligamya ang mga karapatan sa relihiyon ng mga Banal at babaligtarin ang hatol.

Pinakawalan si George Q. Cannon sa pamamagitan ng piyansa hindi nagtagal matapos siyang dakpin. Noong gabing iyon, nakasalubong niya sina George at Amelia Reynolds na namamasyal sa bandang timog na pader sa paligid ng templo. Si George Reynolds ay isang kabataang Banal na British na naglingkod bilang sekretarya ni Brigham Young. Noong tag-init na iyon ay pinakasalan niya si Amelia, ang kanyang unang maramihang asawa. Lubos na kilala si Reynolds, iminungkahi siya ni George Q. Cannon bilang nararapat na kandidato para sa pagkukuwestiyon sa batas laban sa poligamya.

Pumayag si Reynolds. Yamang ang pagsubok na kaso ay maaaring sumulong lamang kung siya ay nahatulan, kaagad na nagbigay si Reynolds ng isang listahan ng mga taong maaaring tumayo bilang saksi laban sa kanya sa hukuman. Dinakip siya dahil sa bigamya matapos ang ilang panahon. Pagkatapos ay pinakawalan siya ng hukom sa pamamagitan ng piyansa at nagtakda ng petsa para sa kanyang paglilitis.40

  1. “President Young Again in Court,” Salt Lake Daily Herald, Ene. 3, 1872, [2]; “Give Him Time,” Salt Lake Daily Tribune and Utah Mining Gazette, Nob. 29, 1871, [2]; “Oh Dear!,” Salt Lake Daily Tribune and Utah Mining Gazette, Dis. 23, 1871, [2]; “Home or Not at Home,” Salt Lake Daily Tribune and Utah Mining Gazette, Dis. 27, 1871, [2].

  2. Brigham Young and George A. Smith to Daniel H. Wells, Dec. 15, 1871, President’s Office Files, Brigham Young Office Files, CHL; Daniel H. Wells to Brigham Young, Dec. 22, 1871, Brigham Young Office Files, CHL.

  3. “Journal of Pres. Young and Party,” Dec. 26, 1871, in Historical Department, Office Journal, Dec. 23–28, 1871; Historical Department, Office Journal, Jan. 2, 1872; “Application for the Admission of President Young to Bail,” Salt Lake Daily Herald, Ene. 3, 1872, [3]; “Brigham Young on Trial,” Salt Lake Daily Tribune and Utah Mining Gazette, Ene. 3, 1872, [2].

  4. “Brigham Young on Trial,” Salt Lake Daily Tribune and Utah Mining Gazette, Ene. 3, 1872, [2]; Tullidge, History of Salt Lake City, 553–57; Whitney, History of Utah, 2:661–63; Historical Department, Office Journal, Jan. 22 at 29, 1872; “Minutes of a Surprise Meeting,” Deseret Evening News, Ene. 24, 1872, [2].

  5. George Q. Cannon to Brigham Young, Mar. 16, 1872; Mar. 25, 1872, Brigham Young Office Files, CHL; “St. Brigham’s Counsel,” New York Herald, Nob. 16, 1871, 5.

  6. George Q. Cannon to Brigham Young, Apr. 15, 1872, Brigham Young Office Files, CHL.

  7. “The Clinton-Engelbrecht Decision,” Deseret News, Mayo 8, 1872, [10]–[11]. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “of opinion” sa orihinal ay pinalitan ng “of the opinion.”

  8. George Q. Cannon to Brigham Young, Apr. 15, 1872, Brigham Young Office Files, CHL; “By Telegraph,” Deseret Evening News, Abr. 16, 1872, [1]; “Local and Other Matters,” Deseret Evening News, Abr. 16, 1872, [3]; Historical Department, Office Journal, Apr. 25, 1872; “President Brigham Young,” Salt Lake Daily Herald, Abr. 26, 1872, [2].

  9. George Q. Cannon to Brigham Young, Apr. 15, 1872, Brigham Young Office Files, CHL.

  10. Cluff, Autobiography, 132; H. H. Cluff, Letter to the Editor, Apr. 7, 1872, sa “Correspondence,” Deseret News, Mayo 8, 1872, [13]; George Nebeker to Joseph F. Smith, Abr. 29, 1872, at H. H. Cluff, Letter to the Editor, Apr. 1872, sa “From the Sandwich Islands,” Deseret News, Mayo 29, 1872, [9]; “Elder George Nebeker,” Deseret News, Nob. 15, 1871, [7]; H. H. Cluff, “Sandwich Islands,” Deseret News, Okt. 4, 1871, [9]; “Napela, Jonathan (Ionatana) Hawaii,” Biographical Entry, Journal of George Q. Cannon website, churchhistorianspress.org; tingnan din sa Moffat, Woods, at Walker, Gathering to La‘ie, 29–47. Paksa: Hawaii

  11. William King to George Nebeker, Dec. 4, 1871, sa “Correspondence,” Deseret News, Ene. 24, 1872, [3].

  12. H. H. Cluff, Letter to the Editor, Apr. 1872, sa “From the Sandwich Islands,” Deseret News, Mayo 29, 1872, [9].

  13. Cluff, Autobiography, 134–35; George Nebeker, Letter to the Editor, Aug. 19, 1872, sa “Correspondence,” Deseret News, Set. 25, 1872, [10]; H. H. Cluff, Letter to the Editor, Oct. 12, 1872, sa “Correspondence,” Deseret News, Nob. 20, 1872, [10]; Woods, “Jonathan Napela,” 32–33; Zambŭcka, High Chiefess, 25; “Kaleohano, H. K.,” Biographical Entry, Journal of George Q. Cannon website, churchhistorianspress.org. Sa mga makabagong source, si H. K. Kaleohano ay karaniwang tinutukoy sa pamamagitan ng kanyang apelyido.

  14. Tingnan sa “Mrs. Stenhouse’s Book,” Salt Lake Daily Tribune and Utah Mining Gazette, Peb. 26, 1872, [2]; “Mrs. Stenhouse on Polygamy,” Salt Lake Daily Tribune and Utah Mining Gazette, Mar. 1, 1872, [2]; “Polygamy,” Chicago Tribune, Mar. 17, 1872, [6]; “Reviews of New Books,” New York Herald, Mar. 25, 1872, 10; “Mormonism,” Alexandria Gazette, Mar. 28, 1872, [1]; “Giving Her Husband to a Second Wife,” New North-West, Abr. 13, 1872, [4]; Walker, “Stenhouses and the Making of a Mormon Image,” 59, 62; at Stenhouse, Exposé of Polygamy, 13, 85–88, 96.

  15. Woman’s Exponent,” Woman’s Exponent, Hunyo 1, 1872, 1:[8]; “‘Enslaved’ Women of Utah,” Woman’s Exponent, Hulyo 1, 1872, 1:[20]; “Richards, Louisa Lula Greene,” Biographical Entry, First Fifty Years of Relief Society website, churchhistorianspress.org.

  16. Lula Greene Richards to Zina S. Whitney, Jan. 20, 1893, Louisa Lula Greene Richards, Papers, CHL; Richards, “How ‘The Exponent’ Was Started,” 605–7; Smithfield Branch, Young Women’s Mutual Improvement Association Minutes and Records, Mayo 25, 1871, CHL; Campbell, Man Cannot Speak for Her, 4–5, 9–12; “Prospectus of Woman’s Exponent, a Utah Ladies’ Journal.”

  17. Tingnan sa “Woman’s Exponent,” Woman’s Exponent, Hunyo 1, 1872, 1:[8]. Paksa: Mga Peryodiko ng Simbahan

  18. Woman’s Voice,” Woman’s Exponent, Hulyo 15, 1872, 1:30.

  19. Christensen, Sagwitch, 2, 23–26, 81. Paksa: Mga American Indian

  20. Christensen, Sagwitch, 18–23, 26–40. Paksa: Sagwitch

  21. Christensen, Sagwitch, 41–58; 216–17, note 26; Martineau, Journal, Feb. 1, 1863, sa Godfrey at Martineau-McCarty, Uncommon Pioneer, 132.

  22. Peter Maughan to Brigham Young, Feb. 4, 1863, Brigham Young Office Files, CHL; Christensen, Sagwitch, 57–81; Madsen, Shoshoni Frontier, 194–95.

  23. Christensen, Sagwitch, 30, 71, 81; Parry, Panayam, 8, 17.

  24. Hill, “Indian Vision,” 12:11; Hill, “My First Day’s Work,” 10:309; Christensen, Sagwitch, 84–87; Parry, Panayam, 14.

  25. Hill, “George Washington Hill”; Hill, “My First Day’s Work,” 10:309; tingnan din sa Christensen, Sagwitch, 59, 85, 88; at Parry, Panayam, 8–10, 14.

  26. Hill, “George Washington Hill”; tingnan din sa Christensen, Sagwitch, 88–89.

  27. Hill, “My First Day’s Work,” 10:309; Hill, “George Washington Hill”; George Washington Hill to Brigham Young, May 6, 1873, Brigham Young Office Files, CHL; Hill, “Brief Acct,” 1.

  28. George Washington Hill to Brigham Young, May 6, 1873, Brigham Young Office Files, CHL. Ang sipi ay pinamatnugutan upang linawin; ang “nor never spent” sa orihinal ay pinalitan ng “nor ever spent,” at ang salitang “I” ay idinagdag.

  29. George Washington Hill to Dimick Huntington, May 7, 1873, Brigham Young Office Files, CHL.

  30. B. Morris Young to Brigham Young, July 6, 1873, Brigham Young Office Files, CHL; Woods, “Jonathan Napela,” 34–35; Woods, Kalaupapa, 18–22, 28–34, 37–40; Korn, News from Molokai, 7; 16, tala 8; Kekuaokalani [Peter Kaeo] to Emma [Kaleleonalani], Huly 9, 1873, sa Korn, News from Molokai, 18; Jonathan Napela to E. O. Hall, Apr. 29, 1873; May 1, 1873; July 24, 1873; Jonathatn Napela to S. G. Wilder, May 10, 1873; May 19, 1873, Board of Health Incoming Letters, Hawaii State Archives. Paksa: Jonathan Napela

  31. Kekuaokalani [Peter Kaeo] to Emma [Kaleleonalani], July 4, 1873; July 7, 1873; July 9, 1873; July 10, 1873, sa Korn, News from Molokai, 11, 12–13, 17–18, 19–20; Korn, News from Molokai, 7. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “was” sa orihinal ay pinalitan ng “is.”

  32. Kekuaokalani [Peter Kaeo] to Emma [Kaleleonalani], Aug. 31, 1873; Oct. 23, 1873, sa Korn, News from Molokai, 80–81, 139; Korn, News from Molokai, 140, note 1; Woods, Kalaupapa, 37.

  33. Jonathan Napela to E. O. Hall, Oct. 23, 1873, Board of Health Incoming Letters, Hawaii State Archives; Kekuaokalani [Peter Kaeo] to Emma [Kaleleonalani], Oct. 23, 1873, sa Korn, News from Molokai, 139; Woods, Kalaupapa, 39.

  34. Congressional Record [1874], volume 2, 7–8; Bitton, George Q. Cannon, 93–103, 117–25, 171–72, 184. Paksa: George Q. Cannon

  35. George Q. Cannon, Journal, Dec. 1, 1873.

  36. George Q. Cannon to George Reynolds, Apr. 24, 1872, George Reynolds, Papers, Brigham Young University; Congressional Record [1874], volume 2, 3599–600; George Q. Cannon, Journal, Feb. 5 and 6, 1873; May 5, 1874; Bitton, George Q. Cannon, 187–88.

  37. Fanny Stenhouse, Tell It All (Hartford, CT: A. D. Worthington, 1874); T. B. H. Stenhouse, Rocky Mountain Saints (New York: D. Appleton, 1873); George Q. Cannon, Journal, Feb. 21, 1873; “Home Again,” Salt Lake Daily Tribune, Mayo 8, 1873, [2]; “Anti-polygamy Lecture,” Salt Lake Daily Herald, Hulyo 3, 1874, [3]; “Lecture by Mrs. Stenhouse,” Salt Lake Daily Herald, Nob. 19, 1874, [3].

  38. “Mrs. Young,” Boston Post, Mayo 2, 1874, [4]; “Ann Eliza’s Life,” Daily Rocky Mountain News, Dis. 10, 1873, [4]; “The Divorce Suit,” Salt Lake Daily Tribune, Ago. 1, 1873, [2]; “The Ann Eliza Divorce Case,” Salt Lake Daily Tribune, Ago. 23, 1873, [3]; Young, Wife No. 19, 553–58; tingnan din sa “Mormonism,” National Republican, Abr. 14, 1874, 8.

  39. [Kane], Twelve Mormon Homes; Grow, Liberty to the Downtrodden, 262–70; George Q. Cannon to Brigham Young, George A. Smith, and Daniel H. Wells, June 15, 1874, Brigham Young Office Files, CHL; George Q. Cannon, Journal, May 5–June 21, 1874, lalo na ang tala para sa June 19, 1874; An Act in relation to Courts and Judicial Officers in the Territory of Utah, June 23, 1874, sa Statutes at Large [1875], 18:253–56. Paksa: Thomas L. at Elizabeth Kane

  40. “Got Home,” Salt Lake Daily Herald, Hulyo 2, 1874, [3]; “Third District Court,” Salt Lake Daily Herald, Okt. 22, 1874, [3]; Reynolds, Journal, Oct. 21–26, 1874; “Genuine Polygamy Indictment,” Deseret Evening News, Okt. 26, 1874, [3]; Wells, “Living Martyr,” 154; Whitney, History of Utah, 3:45–47; Van Orden, Prisoner for Conscience’ Sake, 37; 65, tala 11. Paksa: Mga Batas Laban sa Poligamya