“Pinagpalang Kapayapaan,” kabanata 44 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)
Kabanata 44: “Pinagpalang Kapayapaan”
Kabanata 44
Pinagpalang Kapayapaan
Ang mga araw bago ang paglalaan ng Salt Lake temple ay punong-puno ng sigla at kaguluhan. Patuloy pa rin ang gawain sa templo sa mismong araw bago nakatakdang buksan ang mga pintuan nito. Samantala, ang mga kalye ng lunsod ay dinagsa ng mga bisita na dumarating bawat oras sakay ng tren, bagon, at kabayo.1 Nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na magdaos ng dalawang sesyon ng paglalaan sa bawat araw hanggang lahat ng miyembro ng Simbahan na nais makasali ay makadalo. Libu-libong mga Banal ang nagpaplanong dumating sa Lunsod ng Salt Lake noong tagsibol na iyon upang makita ang bahay ng Panginoon ng kanilang sariling mga mata.2
Isang araw bago ang unang sesyon sa paglalaan, inilibot ng mga lider ng Simbahan sa templo ang mga lokal at pambansang mamamahayag pati na ang matataas na opisyal na hindi miyembro ng Simbahan. Marami sa mga panauhin ang pumuri sa pagkakagawa ng templo, mula sa eleganteng paikot na hagdanan hanggang sa maingat na inilatag na mga baldosa sa sahig. Maging ang mga pinakamahihigpit na kritiko ng Simbahan ay namangha.
“Ang loob ay isang pagbubunyag ng lubos na kariktan,” isinulat ng isang mamamahayag mula sa Salt Lake Tribune, “kung kaya ang mga bisita ay napatigil at tahimik na nakatayo pa rin, tunay na namamangha sa kanilang kapaligiran.”3
Ang sumunod na umaga, Abril 6, 1893, ay nagbukang-liwayway nang maliwanag ngunit maginaw. Mahigit dalawang libong mga Banal na may recommend para sa unang sesyon ng paglalaan ang nagsimulang pumila sa labas ng mga tarangkahan ng templo ilang oras bago nakatakdang magsimula ang pulong. Matapos buksan ang mga pintuan ng templo at nagsimulang maglakad ang mga Banal, naging mas malamig ang panahon at nagsimulang bumuga ang malakas na ihip ng hangin. Hindi nagtagal, bumagsak ang nagyeyelong ulan at ang simoy ay naging malakas na hangin, binubugahan ang mga Banal na matiyagang nagsisiksikan sa pila.4
Tulad ng Kirtland temple na hindi kayang paupuin ang lahat ng mga taong nais dumalo sa paglalaan nito, ang malawak na bulwagan para sa pagpupulong ng Salt Lake temple ay napakaliit upang mapatuloy ang lahat ng nakapila. Kahit sarado na ang pintuan, ilang pulutong ng mga Banal ang nanatiling malapit sa templo. Bandang alas-diyes, noong ang sesyon ay nakatakdang magsimula, lumakas muli ang hangin, tinatangay ang mga graba at kalat. Para sa ilan, ang diyablo mismo ay tila nagngangalit laban sa mga Banal at sa templo na kanilang itinayo.5
Subalit yaong mga nakatayo sa labas ng gusali ay nakakita ng isang tanda na nagpapaalala sa kanila ng isang naunang pagpapamalas ng maingat na pangangalaga ng Diyos. Ibinabaling ang kanilang mga paningin sa langit, nasilip nila ang isang malaking kawan ng seagull na umiikot sa kalangitan, pinaiikutan ang mga ituktok ng templo sa gitna ng unos.6
Sa loob ng templo, naupo si Susa Gates sa mesa ng tagatala sa silangang dulo ng silid ng pagpupulong. Bilang isa sa mga opisyal na tagatala ng mga serbisyo ng paglalaan, mabilisang magtatala si Susa ng mga katitikan ng pulong. Bagama’t ilang linggo na lamang mula sa kanyang panganganak, nagplano siyang dumalo at mag-ulat sa bawa’t isa sa mga dose-dosenang nakaiskedyul na sesyon.7
Daan-daang de-kuryenteng ilaw, na inayos sa limang nakabiting aranya, ang nagbibigay ng nakasisilaw na kinang sa silid. Ang bulwagan ay may kakayahang magpaupo ng dalawang libo’t dalawandaan at inookupa ang buong palapag. Kasama sa mga tao sa silid ay ang asawa ni Susa, si Jacob, at ang kanyang ina, si Lucy Young. Ang mga upuang napapalamutian ng pulang pelus ang pumuno sa pangunahing lugar ng mga upuan, at ang mga hanay ng mga mataas na pulpito para sa mga lider ng Simbahan ay naitayo sa mga silangan at kanlurang dulo ng silid. May nakaupo sa bawat upuang naroon, at nakatayo ang ilang mga tao.8
Hindi nagtagal, ang tatlong daang miyembro ng Tabernacle Choir ay tumayo, ang mga lalaki ay nakasuot ng itim na amerikana at ang mga babae ay nakaputi. Malakas ang kanilang mga tinig nang inawit nila ang “Let All Israel Join and Sing,” isang himno ni Joseph Daynes, ang organista ng koro.9
Pagkatapos ay tumayo si Pangulong Wilford Woodruff upang magbigay ng mensahe sa mga Banal. “Kinasasabikan ko ang araw na ito sa nakaraang limampung taon ng buhay ko,” sabi niya. Noong binata pa, nakakita siya ng pangitain tungkol sa kanyang sarili na naglalaan ng isang maringal na templo sa mga kabundukan ng Kanluran. Kamakailan lamang, napanaginipan niya na binigyan siya ni Brigham Young ng isang bigkis ng mga susi para sa Salt Lake temple.
“Humayo ka at buksan ang templong iyon,” ang sabi ni Brigham, “at papasukin ang mga tao roon—lahat ng nagnanais ng kaligtasan.”10
Matapos isalaysay ang mga pangitaing ito sa mga Banal, lumuhod si Wilford sa isang de-kutsong upuan upang basahin ang panalangin ng paglalaan. Nagsasalita sa isang malakas at malinaw na tinig, nagsumamo siya sa Diyos na gamitin ang nagbabayad-salang dugo ng Tagapagligtas at patawarin ang mga Banal sa kanilang mga kasalanan. “Ipagkaloob na ang mga pagpapalang hangad namin ay maaaring ipinagkaloob sa amin, maging ng tig-isandaan,” dasal niya, “yayamang humingi kami nang may dalisay na puso at kabuuan ng layunin na gawin ang Inyong kalooban, at luwalhatiin ang Inyong pangalan.”
Sa loob ng mahigit tatlumpung minuto, si Wilford ay nagbigay ng pasasalamat at papuri sa Diyos. Inihandog niya ang gusali ng Panginoon, hinihiling sa Kanya na pangalagaan at protektahan ito. Nanalangin siya para sa mga korum ng priesthood, Relief Society, mga missionary, at mga kabataan at bata sa Simbahan. Nanalangin siya para sa mga pinuno ng mga bansa at para sa mga maralita, nahihirapan, at inaapi. At hiniling niya na ang lahat ng tao ay palambutin ang kanilang puso at maging malaya na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Bago matapos, hiniling niya sa Panginoon na patibayin ang pananampalataya ng mga Banal. “Palakasin po kami sa pamamagitan ng pag-alaala sa maluluwalhating pagliligtas noon, sa pag-alaala ng mga sagradong tipan na ginawa namin sa Inyo,” dasal niya, “nang sa gayon, kapag nagbanta ang masasama sa amin, kapag napaligiran kami ng kaguluhan, kapag kami’y nakaranas ng pang-aapi, hindi kami susuko, hindi mag-aalinlangan, sa halip ay sa lakas ng Inyong banal na pangalan ay maisakatuparan ang lahat ng Inyong mabubuting hangarin.”11
Pagkatapos ng panalangin, si Lorenzo Snow, ang pangulo ng Korum ng Labindalawa, ay pinangunahan ang kongregasyon sa masayang Hosana Shout. Pagkatapos ay inawit ng koro at kongregasyon ang “Espiritu ng Diyos.”12
Lubhang naantig ng paglalaan si Susa. Binungkal ng kanyang ama ang lupa sa templo ilang taon bago siya isinilang, kaya sa buong buhay niya ang mga matatapat na kababaihan at kalalakihan ay naglalaan ng kanilang salapi, kabuhayan, at paggawa sa pagtatayo ng templo. Kamakailan lamang, ang kanyang sariling ina ay nag-ambag ng $500 sa pondo ng templo nang hindi nagpapakilala.
Lahat sila ay tiyak na makakatanggap ng biyaya, paniniwala ni Susa, para sa pag-aalay ng kanilang kaloob sa dambana ng sakripisyo at pagmamahal na katulad ng kay Cristo.13
Nagsalita kalaunan si Joseph F. Smith sa paglalaan, umaagos ang mga luha sa kanyang pisngi. “Ang lahat ng naninirahan sa mundo ay mga tao ng Diyos,” sabi niya, “at ito ay tungkulin natin na dalhin ang mga salita ng buhay at kaligtasan sa kanila, at tubusin ang yaong mga namatay nang walang kaalaman sa katotohanan. Ang bahay na ito ay naitayo sa pangalan ng Diyos para sa layuning iyon.”14
Tila isang maningning na liwanag ang nagmumula kay Joseph, at akala ni Susa ay isang sinag ng liwanag ang pumasok sa bintana upang paliwanagin ang kanyang mukha. “Isang kamangha-manghang epekto ng sikat ng araw,” bulong niya sa lalaki sa tabi niya. “Tingnan ninyo iyon!”
“Walang mataas na sikat ng araw sa labas,” bulong ng lalaki, “pawang maiitim na ulap at kapanglawan.”
Sumulyap si Susa sa mga bintana at nakita ang maunos na kalangitan. Pagkatapos ay natanto niya na ang liwanag na nagniningning sa mukha ni Joseph ay ang Espiritu Santo na bumababa sa kanya.15
Sa araw ding iyon, sina Rua at Tematagi, isang bata pang mag-asawa sa Anaa atoll, ang dumalo sa isang kumperensya kasama ang iba pang mga Banal mula sa Mga Pulo ng Tuamotu. Sa pamumuno ng pangulo ng mission na si James Brown, nagsimula ang kumperensya nang alas siyete ng umaga, sa gayon ding oras nang ang sa unang sesyon sa paglalaan sa Lunsod ng Salt Lake ay nagsimula.16
Sa loob ng ilang araw bago sumapit ang kumperensya, ang mga missionary at iba pang mga miyembro ng Simbahan ay nagtipon sa Putuahara, ang kaparehong lugar sa Anaa kung saan nakipagtipon si Addison Pratt sa mahigit walong daang mga Banal halos limampung taon na ang nakararaan. Kamakailan lamang ay hinagupit ng malalakas na hangin ang karagatan hanggang sa maging malalakas ang mga alon nito, ngunit mula noon ay kumalma ang masungit na lagay ng panahon at ang mainit na sikat ng araw ngayon ang sumisikat sa nayon.17
Sumapi sina Rua at Tematagi sa Simbahan ilang buwan matapos dumating si James Brown sa kapuluan. Nang dumating siya sa Anaa, natagpuan ni James ang atoll na nahahati nang may sama ng loob tungkol sa relihiyon, subalit siya at ang kanyang anak na lalaki na si Elando ay nagbinyag ng ilang bagong Banal. Sa pagtanggap ng binyag, pinagbuklod ng kanilang pananampalataya sina Rua at Tematagi sa nakababatang kapatid na babae ni Rua, si Terai, at asawa nito, si Tefanau, na sumapi sa Simbahan siyam na taon na ang nakararaan. Ang ama ni Rua, si Teraupua, ay isa ring miyembro ng Simbahan at naorden kamakailan lang sa Melchizedek Priesthood.18
Pagkatapos magsimula ng kumperensya, nagsalita si James Brown tungkol sa paglalaan ng templo at ang kahalagahan nito. Si Joseph Damron, isa sa mga elder na muling nagbukas ng Tahitian mission, ay nagsalita tungkol sa pagtatayo ng mga templo sa mga huling araw. Bagama’t libu-libong kilometro ang layo mula sa Salt Lake temple, maaaring ipagdiwang ng mga Banal sa Tuamotu ang makasaysayang araw na ito at alamin ang iba pa tungkol sa papel na ginagampanan ng mga templo sa pagtubos sa mga buhay at patay.
Nang matapos ang pulong, binagtas ng mga Banal ang landas patungo sa dagat upang paanoorin si Elando na magbinyag ng limang bagong miyembro sa maligamgam na tubig ng Pasipiko. Kasama sa mga Banal na nabinyagan ay sina Mahue, Rua, at ang siyam na taong gulang na anak na babae ni Tematagi. Kasunod ng binyag, kinumpirma siya ng kanyang tiyo na si Tefanau. Pagkatapos ay inorden si Rua bilang elder sa Melchizedek Priesthood ni Terogomaihite, isang lokal na lider ng Simbahan. Dalawang iba pang mga Banal mula sa mga pulo ang inorden bilang mga elder at itinalaga bilang mga pangulo ng branch.19
Nagtapos ang kumperensya pagkaraan ng dalawang araw, at nagkasundo ang mga Banal na magkita muli sa loob ng tatlong buwan. Pagkatapos ay nagpaalam sina Joseph Damron at iba pa mula sa mga kalapit na pulo sa kanilang mga kaibigan sa Anaa. Bago umalis si Joseph, binigyan siya ni Rua ng isang handog na maliit na perlas.20
Binalot ng niyebe ang lupa sa Temple Square noong ika-9 ng Abril noong halos limampung mga Banal na Hawaiian mula sa pamayanan ng Iosepa ang nagtipon sa tarangkahan ng templo upang ipakita ang kanilang mga recommend.21
Mahigit dalawang taon ang lumipas mula nang binisita ng Unang Panguluhan ang Iosepa upang ipagdiwang ang pagtatatag ng pamayanan. Patuloy ang mga Banal sa pagsisikap na linangin ang kanilang lupain. Bagama’t bumili sila ng walong daang acre ng lupain at matagumpay na nagpalaki ng iba’t ibang pananim, salat pa rin ang salapi. Gayunpaman, nang nanawagan ang Unang Panguluhan para sa donasyon upang tustusan ang pagkumpleto sa templo, nakapag-ambag ang mga Banal sa Iosepa ng $1,400.22
Nang malaman nila na may oras na naitakda upang sila ay makadalo sa paglalaan ng templo, napuspos ang mga tao sa Iosepa ng bagong lakas. Walang kapaguran silang nagtanim ng kanilang mga pananim sa tagsibol bago dumating ang panahon upang gawin ang dalawang-araw na paglalakbay patungong Lambak ng Salt Lake. Bawat araro, tapagpatag, pansuyod ng lupa, at gilingan ng butil ay ginamit hanggang sa ang mga Banal ay handa nang umalis.23
Bagama’t ang recommend para sa paglalaan ay wala nang ibang hinihiling kundi ang pagiging miyembro sa Simbahan at ang hangaring pumunta, ang mga Banal sa Iosepa ay nais makatiyak na sila ay espirituwal na handa sa pagpasok sa templo. Halos tatlumpu ang naghangad na muling mabinyagan, at isang espesyal na pagbibinyag ang idinaos sa imbakan ng tubig ng bayan.24
Matapos ipakita ang kanilang mga recommend sa pintuan ng templo, ang mga Banal ng Iosepa ay pumasok sa gusali at naglakad papasok sa maraming silid nito. Ang mga Banal sa Laie ay nagpadala ng isang mesa na gawa sa hardwood na Hawaiian para sa templo, at dalawang poste na pinalamutian ng mga balahibo ng ibong Hawaiian ang makikita sa isang sulok ng silid selestiyal. Ginawa ng kababaihan ng mga Relief Society sa Hawaii ang mga poste, tinatawag na kāhili, na sumasagisag sa maharlika at espirituwal na proteksyon.25
Hindi nagtagal ay naupo sa silid pulungan ang mga Banal mula sa Iosepa at mahigit dalawang libong iba pa. Magkakasama silang umawit, nakinig sa panalangin ng paglalaan, at ginawa ang Hosanna Shout. Pagkatapos ng isa pang himno, pinasalamatan ni Wilford Woodruff ang mga tao sa kanilang mga kontribusyon sa templo at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo.26
Pagkatapos ay tinawag ni Wilford si George Q. Cannon upang magsalita. “Ang ating misyon ay mas malaki kaysa sa mga taong nauna sa atin,” sinabi ni George. “Ang mga Banal ay naglalatag ng saligan ng isang gawain, ang lawak na sadyang hindi nila nauunawaan.”
Bago matapos, nagsalita siya sa mga Banal mula sa Iosepa sa kanilang sariling wika.
“Mayroong milyun-milyong espiritung pumanaw ngunit hindi makapunta sa harapan ng Diyos dahil hindi nila taglay ang susi,” sabi niya. Tinukoy niya ang mga Hawaiin sa kabilang panig ng tabing na tatanggap sa ebanghelyo, at nagpatotoo siya na kailangan ng Simbahan ang mga Banal na Hawaiian na gawin ang gawain sa templo para sa kanilang mga pumanaw na kaanak.27
Kalaunan, sa isang pulong ng branch sa Iosepa, isang lalaking nagngangalang J. Mahoe ang nagsalita tungkol sa kanyang karanasan sa paglalaan at sa mahahalagang aral na natutuhan niya roon. “Nagagalak ako sa pagkakaroon ng pagkakataong pumunta sa templo at masaksihan ang mga pangyayaring matatagpuan doon,” sabi niya. “Kailangan nating pangalagaan ang ating mga talaangkanan.”28
Noong alas-diyes ng umaga ng ika-19 ng Abril, nagdaos ang Unang Panguluhan ng espesyal na pulong sa templo para sa lahat ng mga pangkalahatang awtoridad at mga panguluhan ng stake. Nang makapagtipon na ang mga lalaki, inanyayahan sila ng panguluhan na ibahagi ang kanilang mga damdamin tungkol sa paglalaan ng templo at sa gawain ng Diyos sa buhay ng mga Banal.29
Buong umaga, sunud-sunod na nagbigay ng malalakas na patotoo ang bawat isa. Nang matapos sila, tumayo si Wilford at idinagdag ang kanyang patotoo sa kanila. “Nadama ko nang higit ang Espiritu Santo dito sa paglalaang ito kaysa rati, maliban sa isang pagkakataon,” sabi niya. Pagkatapos ay nagsalita siya tungkol sa panahon nang ibinigay ni Joseph Smith ang kanyang huling utos sa mga apostol sa Nauvoo.
“Mga tatlong oras siyang nakatayo,” patotoo ni Wilford. “Tila napuno ang silid ng apoy na mamumugnaw, at nagliwanag ang mukha ni Joseph gaya ng amarilyo.”30
Nagsalita rin si Wilford ukol sa pagkakita kina Brigham Young at Heber Kimball sa isang pangitain matapos silang pumanaw. Ang dalawang lalaki ay nakasakay sa isang karwahe patungo sa isang kumperensya, at inanyayahan nila si Wilford na sumama sa kanila. Ginawa ito ni Wilford at hiniling kay Brigham na magsalita.
“Tapos na ako sa aking pangangaral sa mundo,” sinabi ni Brigham, “subalit naparito ako upang ikintal sa iyong isipan ang sinabi sa akin ni Joseph sa Winter Quarters, at iyan ay: hangaring laging mapasaiyo ang Espiritu ng Diyos, at gagabayan ka nito nang tama.”31
Ngayon ang mensahe ni Wilford sa mga pangkalahatang awtoridad ay pareho. “Nais ninyo ang Espiritu Santo na umakay at gumabay sa inyo,” sabi niya. “Turuan ang mga taong tanggapin ang Espiritu Santo at ang Espiritu ng Panginoon, at panatilihin itong kasama ninyo, at kayo ay uunlad.”32
Bilang isang kabataang babae, ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Zina Young ay narinig ang mga anghel na umaawit sa templo ng Kirtland. Ilang dekada kalaunan, tapat siyang naglingkod sa Endowment House sa Lunsod ng Salt Lake at sa mga templo sa St. George, Logan, at Manti. Ngayon ay pangangasiwaan niya ang lahat ng mga babaeng ordinance worker sa Salt Lake temple.33
Noong gabi matapos ang unang sesyon sa paglalaan, nagpatotoo si Zina tungkol sa templo sa isang masikip na kumperensya ng Relief Society. “Hindi nagkaroon ng gayong araw sa Israel noon,” sinabi niya sa mga babae. “Ang gawain ng Panginoon ay darami nang mas mabilis mula sa araw na ito.”34
Ang kanyang kalihim na si Emmeline Wells ay may katulad na patotoo sa mga pahina ng Woman’s Exponent. “Walang ibang pangyayari sa makabagong panahon ang napakahalaga,” isinulat niya, “tulad ng pagbubukas ng banal na gusaling ito para sa pangangasiwa ng mga ordenansa na nauukol sa buhay at mga patay, sa nakaraan at kasalukuyan, sa mga endowment at mga tipan na nagbubuo sa mga pamilya at lahi sa bigkis na hindi mahihiwalay.”35
Noong tagsibol na iyon, matapos idaos ng mga Banal ang huling sesyon sa paglalaan ng templo, gumawa sina Zina at Emmeline ng mga huling paghahanda para maglakbay pasilangan upang dumalo sa isang kumperensya ng mga kababaihan sa World’s Columbia Exposition sa Chicago, isang napakalaking kaganapan kung saan itatanghal ang mga kagila-gilalas na bagay sa siyensya at kultura mula sa maraming bansa. Tulad ng unang kumperensya ng National Council of Women dalawang taon na ang nakararaan, ang kaganapang ito ay magbibigay ng pagkakataon para sa Relief Society at sa mga lider ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association upang maging kinatawan ng Simbahan at makipagpulong sa mga maimpluwensiyang babae mula sa lahat ng dako ng mundo.36
Umalis ang dalawang magkaibigan patungo sa Chicago noong ika-10 ng Mayo. Sa loob lamang ng ilang araw ay nabagtas ng tren ang mga distansya na nangangailangan ng ilang linggo halos limampung taon na ang nakararaan, noong unang dumating ang mga Banal sa Lambak ng Salt Lake. Pagtawid sa Ilog Mississippi, napuspos si Emmeline ng emosyon habang iniisip niya ang nakaraan. Bagama’t ang mga Banal ay nagtiis ng maraming pagsubok sa nakaraang kalahating siglo, naranasan din nila ang maraming tagumpay.37
Natagpuan din ni Zina na bumabalik ang kanyang isip sa nakaraan. “Ang balabal ng panahon ay mabilis na bumabalot sa marami sa atin,” sinabi niya kalaunan kay Emmeline. “Kapag tayo mula sa buhay na ito ay nagtungo sa ating pagkamatay matapos ang mga hindi mailarawang sakripisyo, nawa ay maging katulad ito ng pinakamagagandang dapithapon ng Utah, upang marami sa hinaharap ang magkaroon ng dahilan na purihin ang Diyos para sa mararangal na kababaihan ng henerasyong ito.”38
Sa panahong sina Zina Young at Emmeline Wells ay naglalakbay patungong World’s Columbian Exposition, si Anna Widtsoe ay nakatanggap ng liham mula sa kanyang anak na si John na nasa Harvard University. Sa loob ng halos isang buwan, nasasabik na naghihintay si John ng liham mula sa kanyang ina at kapatid na si Osborne, tungkol sa paglalaan ng templo. Ngunit sa ngayon ay wala pang dumarating.
“Ako ay pagod na sa pagbabasa ng pahayagan tungkol sa paglalaan,” isinulat ni John. “Nais kong marinig ang tungkol dito nang personal dahil mayroong higit na impormasyon sa isang sulat kaysa sa buong mundo ng mga pahayagan.”39
Siyempre, nagliham na ang pamilya kay John tungkol sa paglalaan, ngunit ang koreo, mas bumilis man ito sa paglipas ng mga taon, ay hindi pa rin sapat ang bilis para sa kanya.
Magkasamang dumalo sina Anna at Osborne sa sesyon ng paglalaan. Kalaunan, dumalo si Osborne sa isang espesyal na sesyon kasama ang mga bata at kabataan ng Sunday School. Habang naglalakad siya sa loob templo, nakita niya ang isang ipinintang larawan ng tatlong babaeng pioneer, isa sa kanila ay Norwegian.40 Ang larawan ay papuri sa pananampalataya at sakripisyo ng maraming nandayuhang kababaihan, kabilang na si Anna, na iniwan ang kanilang sariling bayan upang magtipon sa Sion.
Halos sampung taon na ang lumipas mula nang ginawa ng mga Widtsoe ang paglalakbay papuntang Utah. Ngayon, sa Lunsod ng Salt Lake, mayroon silang maliit at maginhawang lugar na tinitirhan, ilang kanto lang mula sa tindahan kung saan nagtatrabaho si Osborne. Mayroong negosyo ng pagawaan ng bestida si Anna at dumadalo sa kanyang mga pulong sa Relief Society ng ward. Palagian din siyang nakikipagtipon sa iba pang mga Banal na Scandinavian sa lumang Social Hall.41 Nakatagpo siya ng tahanan sa mga Banal, at pinahalagahan niya ang kanyang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Bago niyakap ito, tila ipinanganak siyang bulag. Ngayon ay nakakakita na siya.42
Subalit nag-aalala si Anna para kay John. Isinulat niya kamakailan ang tungkol sa kanyang pakikibaka na paniwalaan ang ilan sa mga aspeto ng ebanghelyo. Sa Harvard, natutuhan niya ang maraming dakilang bagay mula sa kanyang mga propesor. Ngunit ang kanilang mga lektyur ay nagdulot din sa kanya na mag-alinlangan sa kanyang pananampalataya. Tumagos sa buto ang kanyang mga pagdududa. Sa ilang araw ay itinatanggi niya ang pagkakaroon ng Diyos. Sa ibang mga araw ay pinagtibay niya ito.43
Nanalangin si Anna araw-araw para sa kanyang anak na lalaki, balisang-balisa sa mga pagdududa nito. Subalit alam niyang kailangan nitong magkaroon ng sariling patotoo tungkol sa ebanghelyo. “Kung hindi ka nagkaroon ng patotoo sa iyong sarili noon, ngayon na ang panahon upang magkakaroon ka nito,” isinulat niya kay John. “Kung taos-puso kang maghahanap at mamumuhay nang dalisay, tatanggapin mo ito. Subalit ang lahat ng mayroon tayo, dapat nating pagtrabahuhan.”44
Para kay Anna, pinagtibay ng templo ang kanyang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos sa Kanyang mga anak. Kahit bago lisanin ang Nauvoo, ang mga Banal ay mayroong pag-asa sa propesiya ni Isaias na lahat ng bansa ay magtitipon sa bahay ng Panginoon sa taluktok ng mga bundok. Sa katapusan ng Abril 1893, mahigit walumpung libong lalaki, babae, at bata—marami sa kanila ay mga nandayuhan mula sa Europa at sa mga pulo ng dagat—ang pumasok sa templo upang dumalo sa isang sesyon ng paglalaan. Ang diwa ng pag-ibig at pagkakaisa ay nanahan sa bawat pulong, at nadama ng mga Banal na tila bang ang mga salita ng Panginoon ay natupad.45
Ngayon, sa pagdating ng isang bagong siglo, maaaring asamin ng mga Banal ang mga mas maliwanag at mas masaganang araw. Ang apat na templo sa Utah, na kumakatawan sa maraming sakripisyo at pananampalataya, ay simula lamang. “Napakaraming gawain ang kailangan pang gawin kung tayo ay tapat,” minsang ipinahayag ni Brigham Young. “Tayo ay magtatayo ng mga templo, oo, libu-libo ng mga ito, at magtatayo ng mga templo sa lahat ng bansa ng mundo.”46
Noong naglalakad si Anna patungo sa Salt Lake temple, nadama niya ang kasagraduhan ng lugar. “Sinikap kong manatili sa silid selestiyal hangga’t maaari,” sinabi niya kay John sa isang liham. “Nakita ko at nadama ko ito na parang nagniningning ang liwanag sa akin at walang lugar sa lupa na may halaga para sa akin ngayon.”
“Lahat ng bagay ay maluwalhati doon,” pagpapatotoo niya, “at mayroong kapayapaang pumupuno sa lugar na walang wikang makapagpapaliwanag nito maliban sa mga yaong nakarating na roon at nakatanggap ng kabanalan ng kabanalan.”47