“Mga Bukal ng Liwanag at Pag-asa,” kabanata 14 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)
Kabanata 14: “Mga Bukal ng Liwanag at Pag-asa”
Kabanata 14
Mga Bukal ng Liwanag at Pag-asa
Matapos lisanin ang tabi ng kama ni Joseph F. Smith, umuwi si Heber J. Grant. Hindi siya makatulog, kaya binasa at muli niyang binasa ang pinakahuling mensahe sa kumperensya ni Pangulong Smith, umiiyak habang iniisip niya ang naghihingalo nang propeta. Noong bata pa siya, tuwang-tuwa siya tuwing si Joseph F. Smith, na noon ay bata pang apostol, ay nagsasalita sa kanyang ward. Kahit ngayon, namamangha si Heber sa pangangaral ng pangulo. Naniniwala siya na ang sarili niyang mga mensahe ay tila walang kabuluhan kung ihahambing dito.
Nakatulog si Heber kinabukasan pagkalipas ng alas-sais y medya ng umaga. Nang magising siya, nalaman niya na pumanaw na si Pangulong Smith dahil sa pulmonya.1
Nagtipon ang pamilya at mga kaibigan ng propeta sa sementeryo makaraan ang ilang araw. Sa paglaganap ng trangkaso sa buong Utah, pinagbawalan ng lupon ng kalusugan ang lahat ng pampublikong pagtitipon, kaya nagdaos ng pribadong burol ang mga nagdadalamhati.2 Pinarangalan ni Heber ang kanyang kaibigan sa isang maikling papuri. “Siya ang uri ng taong nais kong maging,” sabi niya. “Wala pang nabuhay na tao ang may higit na makapangyarihang patotoo tungkol sa buhay na Diyos at tungkol sa ating Manunubos.”3
Noong ika-23 ng Nobyembre 1918, isang araw matapos ang libing, itinalaga ng mga apostol at namumunong patriarch si Heber bilang pangulo ng Simbahan, kasama sina Anthon Lund at Charles Penrose bilang kanyang mga tagapayo.4 Bagama’t nagpahayag ng tiwala ang kanyang mga kaibigan sa kanyang pamumuno, may mga agam-agam si Heber tungkol sa pagsunod sa mga yapak ni Pangulong Smith. Bagama’t naglingkod siya sa Korum ng Labindalawang Apostol mula noong edad dalawampu’t lima, hindi pa kailanman naglingkod si Heber sa Unang Panguluhan. Sa kabilang banda, si Pangulong Smith ay naglingkod bilang tagapayo sa loob ng maraming dekada bago siya hinirang bilang pangulo ng Simbahan.5
Ang panguluhan ni Joseph F. Smith ay puno rin ng mga tagumpay. Ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan ay halos dumoble sa kanyang pangangasiwa at ngayon ay papalapit na sa limang daang libo. Sinimulan niya ang pangkalahatang reporma ng mga korum ng priesthood, nililinaw ang mga tungkulin ng mga katungkulan sa Aaronic Priesthood at nagpatupad ng mga pamantayan sa mga pulong at lesson para sa mga korum at organisasyon ng Simbahan.6 Tinulungan din niya ang mga tao na makita ang Simbahan sa mas magandang pananaw sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga panayam sa mga mamamahayag at pagtugon sa mga kontrobersiya sa mga nakaraang gawain at turo ng Simbahan. At noong 1915, sinimulan niya ang “mga home evening,” na hinihiling sa mga pamilya na maglaan ng isang gabi bawat buwan para sa panalangin, pag-awit, pagtuturo ng ebanghelyo, at mga laro.7
Nalulula sa mga pamanang ito, lalo pang hindi makatulog si Heber. Upang mapagaan ang bigat ng kanyang bagong tungkulin, itinalaga niya at ng kanyang mga tagapayo sa iba ang ilan sa maraming responsibilidad sa pamumuno ni Pangulong Smith. Si Heber ay naglingkod bilang pangulo ng General Church Board of Education, tulad ni Pangulong Smith, ngunit hinirang niya si apostol David O. McKay bilang pangkalahatang tagapamahala ng Sunday School. Itinalaga rin niya ang apostol na si Anthony Ivins na mamuno sa Young Men’s Mutual Improvement Association.8 Ngunit dahil may maraming taon na karanasan si Heber bilang negosyante sa bangko at insurance, pinili niyang pamahalaan mismo ang mga kumpanyang pinangangasiwaan ng Simbahan.9
Gayunpaman, nanatili siyang balisa. Sa paggigiit ng mga kaibigan at kapwa lider ng Simbahan, siya at ang kanyang asawang si Augusta, ay nagbakasyon sa baybayin ng California. Doon ay nakatulog nang husto si Heber sa unang pagkakataon mula nang pumanaw si Pangulong Smith. Nang bumalik sila ni Augusta sa Lunsod ng Salt Lake makalipas ang ilang linggo, siya ay nakapahinga na at handang bumalik sa gawain.10
Noong mga unang buwan ng 1919, hinadlangan ng pandemya ng trangkaso si Heber na magsalita sa mga Banal nang kasingdalas ng gusto niya. Mahigit isang libong miyembro ng Simbahan ang nasawi dahil sa trangkaso, at nagpasiya si Heber at ang kanyang mga tagapayo na ipagpaliban ang pangkalahatang kumperensya sa unang linggo ng Hunyo dahil sa pag-aalala sa kalusugan ng publiko. Maaari din silang mapanatag sa kaalaman na nagpabatid si Pangulong Smith ng mga inspiradong gawain na poprotekta sa kalusugan ng mga Banal sa sandaling muli silang magdaos ng mga sacrament meeting.
Sa karamihan ng kasaysayan ng Simbahan, halimbawa, ang mga Banal ay umiinom mula sa iisang tasa kapag tumatanggap ng sakramento. Ngunit noong mga unang taon ng dekada ng 1910, dahil mas naipaalam ang impormasyon tungkol sa mga mikrobyo, inirekomenda ni Pangulong Smith ang tig-iisang sacrament cup na babasagin o yari sa metal. Nakita ni Heber ang mga pakinabang sa kalusugan ng gayong pagbabago sa paglaban sa mga nakahahawang sakit.11
Noong Nobyembre, nang nabawasan na ang epekto ng pandemya sa mundo, naglakbay si Heber patungong Hawaii upang ilaan ang templo sa Laie. Muli, hindi niya mapigilang ikumpara ang kanyang sarili kay Pangulong Smith, na marunong magsalita ng wika ng mga tao at naunawaan ang kanilang mga kaugalian.12
Halos umapaw sa dami ng tao ang templo sa araw ng paglalaan. Para sa maraming tao, ang mga pangyayari sa araw na iyon ang katuparan ng maraming taon ng mga taimtim na panalangin at tapat na paglilingkod. Ang mga Banal na lumipat sa kolonyang Hawaiian sa Iosepa, Utah, upang mas mapalapit sa Salt Lake Temple ay nilisan na ngayon ang pamayanan at bumalik sa kanilang bayang sinilangan upang sumamba at maglingkod sa bagong templo.
Tulad ng mga nauna sa kanya, inihanda muna ni Heber ang panalangin ng paglalaan. Habang idinidikta niya ang panalangin sa kanyang kalihim, nadama niya ang inspirasyon ng Espiritu. “Higit pa ito sa alinman sa aking mga karaniwang panalangin,” sinabi niya kay Augusta, “na buong puso kong pinasasalamatan ang Panginoon para sa Kanyang tulong sa akin sa paghahanda nito.”13
Habang nakatayo sa silid-selestiyal, mapagpasalamat siyang nagsalita tungkol kina Joseph F. Smith, George Q. Cannon, Jonathan Napela, at iba pa na nagtatag ng Simbahan sa Hawaii. Hiniling niya sa Panginoon na basbasan ang mga miyembro ng Simbahan sa mga Isla ng Pasipiko ng kakayahang tipunin ang kanilang mga talaangkanan at magsagawa ng mga nakapagliligtas na ordenansa para sa kanilang mga patay.14
Pagkatapos, lumiham si Heber sa kanyang mga anak na babae tungkol sa karanasang iyon. “Labis akong nabalisa at natakot na baka mabawasan ang inspirasyon sa ating mga pulong kumpara sa kung ano kaya ang nangyari kung kasama natin si Pangulong Smith,” pag-amin niya. “Gayunman, nadarama ko ngayon na walang dahilan para mabalisa ako.”15
Habang nasa Hawaii si Heber J. Grant, bumalik ang pangkalahatang kalihim ng Relief Society na si Amy Brown Lyman mula sa pagsasalita sa isang kumperensya ng mga propesyonal na manggagawa ng kagalingang panlipunan [social worker]. Sa nakalipas na tatlong taon, dumalo siya sa mga gayon ding kumperensya upang matutuhan ang mga pinakabagong pamamaraan sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan. Naniniwala siya na ang mga bagong pamamaraan ay makatutulong sa pagpapabuti ng gawaing pangkawanggawa ng Relief Society, na kamakailan lamang ay dinagdagan ang pagsandig sa mga panlabas na organisasyon, tulad ng Red Cross, upang tulungan ang mga nahihirapang Banal.16
Naging interesado si Amy sa kagalingang panlipunan ilang taon na ang nakakalipas nang ang kanyang asawang si Richard Lyman ay nag-aaral ng pagiging inhinyero sa Chicago. Noong panahong iyon, maraming mamamayan sa Estados Unidos na nakatuon sa reporma ang isinulong ang mga panlunas na nakabatay sa siyensiya para sa kahirapan, imoralidad, katiwalian sa pulitika, at iba pang mga problema sa lipunan. Nakipagtulungan si Amy sa ilang grupo ng kawanggawa habang nasa Chicago, at ang mga ito ay nagbigay-inspirasyon sa kanyang gawin din ang gayong gawain sa Utah.17
Simula noon ay hinirang ng pangkalahatang lupon ng Relief Society si Amy na pamunuan ang bagong tatag na Departamento ng Kagalingang Panlipunan [Social Service Department] ng Simbahan upang pangasiwaan ang pagtulong sa mga nangangailangang Banal, sanayin ang mga miyembro ng Relief Society sa mga makabagong pamamaraan ng pagtulong, at makipag-ugnayan sa iba pang mga organisasyong pangkawanggawa. Ang paghirang na ito ay kasabay ng paglilingkod ni Amy sa Komite sa Pagpapayong Panlipunan [Social Advisory Committee] ng Simbahan, na binubuo ng mga miyembro ng Labindalawa at mga kinatawan mula sa bawat organisasyon ng Simbahan at naghangad na mapabuti ang moralidad at temporal na kapakanan ng mga miyembro ng Simbahan.18
Matapos makabalik mula sa kumperensya tungkol sa kagalingang panlipunan, sinikap ni Amy na gamitin ang kanyang natutuhan. Ngunit hindi lahat ng nasa pangkalahatang lupon ng Relief Society ay lubos na ikinasiya ito. Dahil binabayaran ang ilang mga manggagawa ng kagalingang panlipunan, naniwala si Susa Gates na ginagawang pangkalakal ang isang bagay na dapat ay boluntaryo. Nag-alala rin siya na papalitan ng kagalingang panlipunan ang inihayag na huwaran ng Simbahan sa pagsasagawa ng mapagkawanggawang paglilingkod, na ang mga bishop ay may pangangasiwa sa pagkolekta at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan. Ngunit ang pinaka-inaalala niya ay ang tila pagtuon ng kagalingang panlipunan sa temporal na kapakanan sa halip na sa espirituwal na pag-unlad ng mga anak ng Diyos, isang mahalagang pundasyon ng mensahe ng Relief Society.19
Isinaalang-alang ng lupon ang mga pananaw nina Susa at Amy at sa huli ay pumayag sa isang kasunduang panukala. Sa kanilang palagay ay hindi ang mga organisasyong tulad ng Red Cross ang dapat mamuno sa pangangalaga sa mga nangangailangang Banal kung sagradong tungkulin ng Relief Society na gawin ito. Gayunman, inaprubahan nila ang pagsasanay ng mga Relief Society sa mga ward sa makabagong mga pamamaraan sa kagalingang panlipunan, pagpapatrabaho ng limitadong bilang ng mga binabayarang manggagawa ng kagalingang panlipunan, at pagrepaso sa bawat kahilingan para sa tulong upang matiyak na angkop na naipapamahagi ang tulong. Sa huli, ang mga bishop pa rin ang responsable sa pagpapasiya kung saan gagamitin ang mga handog-ayuno, ngunit makikipag-ugnayan sila sa mga pangulo ng Relief Society at mga manggagawa ng kagalingang panlipunan sa paggawa ng mga ito.20
Simula noong 1920, nag-aral ang mga miyembro ng Relief Society ng buwanang kurso sa kagalingang panlipunan. Nag-organisa rin ang Komite sa Pagpapayong Panlipunan ng isang anim na linggong kurso sa Brigham Young University upang magsanay ng mga bagong manggagawa sa kagalingang panlipunan. Halos pitumpung kinatawan mula sa animnapu’t limang Relief Society ng mga stake ang dumalo sa kurso. Natutuhan nila kung paano suriin ang mga pangangailangan ng isang indibiduwal o pamilya at tukuyin ang pinakamainam na paraan para makatulong. Pinangasiwaan ni Amy ang mga klase ng kurso tungkol sa kalusugan, kapakanan ng pamilya, at mga kaugnay na paksa. Kumuha rin ang kurso ng isang eksperto sa kagalingang panlipunan mula sa Lunsod ng New York upang magbigay ng mga lektura.
Nang matapos ang kurso noong Hulyo 1920, nakatanggap ang kababaihan ng anim na oras ng kredito sa kolehiyo sa pagtatapos nito. Ikinatuwa ni Amy na maaari na silang bumalik ngayon sa kanilang mga lokal na Relief Society at ibahagi ang natutuhan nila, na nagpapabuti sa gawain ng organisasyon sa mga Banal.21
Tatlong buwan matapos ang klase sa tag-init, ibinalita ni Pangulong Grant na maglalakbay si apostol David O. McKay sa buong Asya at sa Pasipiko upang malaman pa ang tungkol sa mga pangangailangan ng mga Banal sa mga lugar na iyon. “Siya ay gagawa ng pangkalahatang pagsusuri ng mga mission, pag-aaralan ang mga kondisyon doon, titipunin ang mga datos hinggil sa mga ito, at sa madaling salita, kukuha ng pangkalahatang impormasyon,” sabi ni Pangulong Grant sa Deseret News. Si Hugh Cannon, isang stake president sa Lunsod ng Salt Lake, ay maglilingkod bilang kompanyon ni Elder McKay sa paglalakbay.22
Nilisan ng dalawang lalaki ang Lunsod ng Salt Lake noong ika-4 ng Disyembre 1920, at unang tumigil sa Japan, tahanan ng mga 130 Banal. Pagkatapos ay nilibot nila ang Tangway ng Korea at bumisita sa China, kung saan inilaan ni Elder McKay ang lupain para sa gawaing misyonero sa hinaharap. Mula roon ay binisita nila ang mga Banal sa Hawaii at nagmasid sa seremonya ng pagtaas ng watawat na isinagawa ng mga batang Hawayano, Amerikano, Hapones, Tsino, at Filipino mula sa Laie Mission School, isa sa maraming maliliit na paaralang pag-aari ng Simbahan na plinanong obserbahan ni Elder McKay sa kanyang mga paglalakbay.23
Nagbigay-insipirasyon sa apostol ang seremonya, na may espesyal na interes sa mga paaralan ng Simbahan.24 Kamakailan lamang ay hinirang siya ni Pangulong Grant na maging komisyoner ng edukasyon sa Simbahan, isang bagong posisyon na umakma sa kanyang gawain bilang pangkalahatang pangulo ng Sunday School. Bilang komisyoner, pinamahalaan ni Elder McKay ang sistemang pang-edukasyon ng Simbahan, na sumasailalim sa maraming pagbabago.
Sa loob ng mahigit tatlumpung taon, pinangasiwaan ng Simbahan ang mga paaralang pinangangasiwaan ng mga stake sa bansang Mexico, Canada, at Estados Unidos gayundin ang mga paaralang pinangangasiwaan ng mission sa Pasipiko. Sa huling dekada, gayunman, ang mga batang Banal sa loob at paligid ng Utah ay nagsimulang mag-aral sa mga libreng pampublikong mataas na paaralan. Dahil ang mga paaralang ito ay hindi nagtuturo ng relihiyon, maraming stake ang nagtayo ng isang “seminary” malapit sa isang lokal na mataas na paaralan upang patuloy na makapagbigay ng edukasyong pangrelihiyon sa mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw.
Ang tagumpay ng programa sa seminary ay nag-udyok kay Elder McKay na simulang isara ang mga akademya ng stake. Subalit naniniwala pa rin siya na ang paaralan sa Laie at iba pang mga paaralan sa mission sa ibang bansa, kabilang na ang Juárez Stake Academy sa Mexico, ay gumagawa ng mahalagang gawain at dapat patuloy na tumanggap ng suporta ng Simbahan.25
Mula sa Hawaii, naglakbay sila patungong Tahiti at pagkatapos ay nagpunta sa hilagang isla ng New Zealand, ang Te Ika-a-Māui. Doon ay sumakay sila ng tren patungo sa bayan ng Huntly, hindi kalayuan sa isang malaking pastulan kung saan ang mga Banal na Māori ay nagdaraos ng kanilang taunang kumperensya at pagdiriwang ng Simbahan. Wala pang apostol ang nakabisita na noon sa New Zealand, at dumating ang daan-daang Banal upang pakinggan si Elder McKay na magsalita. Dalawang malalaking tolda at ilang mas maliliit na tolda ang itinayo sa pastulan upang mapaunlakan ang lahat.
Nang dumating sina Elder McKay at Pangulong Cannon sa kumperensya, si Sid Christy, isang lalaking apo nina Hirini at Mere Whaanga, ay tumakbo upang salubungin sila. Lumaki si Sid sa Utah at kamakailan lamang ay lumipat pauwi sa New Zealand. Inakay niya ang dalawang lalaki patungo sa mga tolda. Habang ginagawa niya ito, narinig nila ang malugod na pagbati ng “Haere Mai! Haere Mai!” sa buong paligid nila.26
Nang sumunod na araw, nagsalita si Elder McKay sa mga Banal sa isa sa malalaking tolda. Bagama’t maraming Māori ang nagsasalita ng Ingles, nag-alala siya na baka hindi siya maunawaan ng ilang tao sa kongregasyon, at sinabing nalulungkot siya na hindi siya makapagsalita sa kanila sa sarili nilang wika. “Ipagdarasal ko na habang nagsasalita ako sa sarili kong wika, maaari kayong magkaroon ng kaloob na pagpapakahulugan at pagkaunawa,” sabi niya. “Ang Espiritu ng Panginoon ay magpapatotoo sa inyo tungkol sa mga salitang sasambitin ko sa inyo sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon.”27
Habang nagsasalita ang apostol tungkol sa pagkakaisa sa Simbahan, napansin niya na maraming Banal ang nakatuon sa pakikinig. Nakita niya ang mga luha sa kanilang mga mata, at alam niya na ang ilan sa kanila ay nagbigayan ng inspirasyon na maunawaan ang kahulugan ng kanyang mga salita. Nang matapos siya, ang kanyang tagasalin, isang Māori na nagngangalang Stuart Meha, ay sinambit muli ang mga pangunahing punto ng mensahe para sa mga Banal na hindi ito naunawaan.28
Makalipas ang ilang araw, muling nagsalita si Elder McKay sa kumperensya. Ipinangaral niya ang tungkol sa gawain para sa mga patay. Ngayon na isang templo ang naitayo sa Hawaii, ang mga Banal sa New Zealand ay mas madali nang makatanggap ng mga ordenansa sa templo. Ngunit libu-libong kilometro pa rin ang layo ng Hawaii at hindi mabibisita nang walang malaking sakripisyo.
“Wala akong pag-aalinlangan sa puso ko na magkakaroon kayo ng templo,” sabi niya sa kanila. Nais niyang ihanda ng mga Banal ang kanilang mga sarili para sa araw na iyon. “Kailangang handa kayo para dito.”29
Noong unang bahagi ng 1921, malapit nang matapos sa kanyang ikalimang taon bilang pangulo ng University of Utah ang apatnapu’t siyam na taong gulang na si John Widtsoe. Matapos paalisin mula sa Agricultural College of Utah noong 1905 at sandaling nagturo sa Brigham Young University, bumalik siya sa Agricultural College bilang bagong pangulo nito. Pagkatapos ay itinalaga siyang pangulo ng University of Utah noong 1916, kaya lumipat sila ni Leah kasama ang kanilang tatlong anak sa Lunsod ng Salt Lake.
Nang una silang dumating sa lunsod, ang ina ni John na si Anna, ang kanyang tiya na si Petroline, at ang kanyang kapatid na si Osborne ay nakatira nang malapit sa isa’t isa. Si Osborne, na may asawa at dalawang anak, ang pinuno ng Departamento ng Ingles sa unibersidad.30
Ngunit ang kanilang oras na magkasama-sama ay sandali lamang. Nagkasakit si Anna noong tagsibol ng 1919. Nang lumala ang kanyang kalagayan noong tag-init, tinawag niya sina John at Osborne. “Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ang naging malaking kagalakan sa buhay ko,” sabi niya sa kanyang mga anak. “Pakibahagi ang patotoong iyon para sa akin sa lahat ng makikinig.”
Pumanaw siya makalipas ang ilang linggo kasama ang kanyang kapatid na babae, mga anak, at mga apo sa tabi niya. Si Heber J. Grant, na naglingkod bilang pangulo ng European Mission noong nagmisyon si Anna sa Norway, ay nagsalita sa libing. Habang pinagninilayan ni John ang buhay ng kanyang ina, napuspos ng pasasalamat ang kanyang puso para dito.
“Hindi mailalarawan ang kanyang sariling pagsasakripisyo sa ngalan ng kanyang pamilya at ng mga nangangailangan ng tulong,” itinala niya sa kanyang journal. “Ang kanyang katapatan sa layunin ng katotohanan ay halos napakadakila.”31
Makalipas lang ang walong buwan, dumanas ng biglaang pagdurugo ng utak si Osborne. Namatay siya kinabukasan. “Namatay ang tanging kapatid ko,” paghihinagpis ni John. “Tunay akong naiwang mag-isa.”32
Noong ika-17 ng Marso 1921, isang taon matapos ang burol ni Osborne, nalaman ni John na ilang beses sinubukan ni apostol Richard Lyman na makausap siya buong umaga. Agad siyang tinawagan ni John sa telepono. “Mangyaring pumunta ka sa opisina ko nang walang pagpapaliban,” agad sinabi ni Richard.33
Agad na umalis si John at nakipagkita kay Richard sa bagong gusali ng pangangasiwa ng Simbahan.34 Pagkatapos ay tumawid sila sa kalye papunta sa Salt Lake Temple, kung saan nasa isang pulong ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Umupo si John kasama nila, hindi sigurado kung bakit siya naroon. Bilang miyembro ng pangkalahatang lupon ng YMMIA, madalas siyang makipag-usap sa mga miyembro ng mga pinakamataas na kapulungan ng Simbahan. Ngunit ito ang regular na pulong ng Huwebes ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa, at karaniwan ay hindi siya inaanyayahan dito.
Tinalakay ni Pangulong Grant, na namumuno sa pulong, ang ilang bagay na may kinalaman sa gawain ng Simbahan. Pagkatapos ay bumaling siya kay John at tinawag siya upang punan ang katungkulan sa Labindalawa na nabakante sa pagpanaw kamakailan ni Anthon Lund. “Handa ka bang tanggapin ang tungkulin?” tanong ni Pangulong Grant.
Biglang tila tumigil ang oras para kay John. Ang mga ideya tungkol sa hinaharap ay biglang dumaan sa kanyang isipan. Kung tatanggapin niya ang paghirang, batid niya, ang magiging buhay niya ay sa Panginoon. Ang kanyang propesyon sa akademya ay maisasantabi, sa kabila ng mga taon na inilaan niya rito. At paano naman ang kanyang mga personal na limitasyon? Siya ba ay karapat-dapat sa pagtawag?
Gayunpaman, batid niyang nauuna ang ebanghelyo sa kanyang buhay. Walang karagdagang pag-aatubili, nagsabi siya ng, “Opo.”35
Kaagad siyang inordenan ni Pangulong Grant, nangangako sa kanya ng higit na lakas at kapangyarihan sa Diyos. Binasbasan niya si John sa pakikinig sa payo ng kanyang ina at sa pagiging palaging mapagpakumbaba at may kakayahang makahiwatig sa pagitan ng karunungan ng mundo at ng mga katotohanan ng ebanghelyo. At nagsalita siya ukol sa gawaing gagawin ni John bilang apostol. “Kapag naglakbay ka sa iba’t ibang stake o sa mga bansa ng mundo,” ipinangako ng propeta, “madarama mo ang pagmamahal at tiwala ng mga Banal sa mga Huling Araw at ang paggalang ng mga hindi natin kasapi sa pananampalataya na maaaring makausap mo.”36
Nilisan ni John ang templo, handang magsimula ng bagong yugto sa kanyang buhay. Hindi ito magiging madali. Siya at si Leah ay may mga utang pa, ang kanyang panganay na anak ay handa nang magmisyon, at ipagpapalit niya ang kanyang suweldo sa unibesidad para sa payak na pang-araw-araw na panggastos na tinatanggap ng mga general authority para sa kanilang full-time na paglilingkod. Ngunit determinado siyang ibigay ang lahat ng mayroon siya sa Panginoon.37
Handa rin si Leah. “Lubhang mag-iiba ang buhay ko, aking natanto, at madarama ko, kung hahayaan ko ang aking sarili, na katakutan ang maraming kinakailangang paghihiwalay,” sinabi niya kay Pangulong Grant kalaunan, “ngunit nalulugod akong magkaroon ng pagkakataong maglingkod hindi lamang para sa aking mga tao tulad ng ginawa ko noon, kundi nang mas tuwiran sa kanila.”
“Walang panghihinayang sa aking puso,” dagdag pa niya, “sa anumang pagbabago ng pananalapi, o ng gawain sa publiko, o sa mga araw-araw na tungkulin na maaaring dumating sa akin bilang asawa ng isang lalaking tinawag sa dakilang paglilingkod na ito.”38
Tuwang-tuwa si Susa Gates nang malaman niya ang tungkol sa pagkahirang ng kanyang manugang sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang kanyang mga naunang takot na uunahin ni John ang kanyang propesyon kaysa kanyang pamilya at Simbahan ay matagal nang napawi, napalitan ng matindi at walang maliw na pagmamahal sa kanya at sa kanyang katapatan kay Leah, sa kanilang mga anak, at sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Puno ng payo, sumulat siya kay John ng isang mahabang liham, ipinapahayag ang kanyang pag-asa para sa bagong ministeryo nito. Nag-alala pa rin siya tungkol sa mga pagbabagong nangyayari sa Relief Society at sa iba pang mga organisasyon ng Simbahan. “Ang mundo ngayon ay nasa kalagayang gutom sa espirituwal,” sinabi niya kay John. Naniwala siya na mas maraming tao sa Simbahan ang itinuturing ang kaligtasan bilang isang intelektuwal na paglago at paglinang sa etika sa halip na espirituwal na pag-unlad.
Hinikayat niya ang kanyang manugang na gisingin ang kalalakihan at kababaihang natutulog sa espiritwal, na mayroon nang “binhi ng buhay na walang hanggan” na itinanim sa kanila. “Para sa iyo na linangin ito, ikaw na dalubhasa sa agrikultura,” isinulat niya. “Sapagkat sa kabila ng lahat, nakatanim sa bawat isa sa mga kaluluwang ito ang isang maliit at malalim na lawa ng katotohanan at pag-ibig ng Diyos na nangangailangan lamang ng kaunting paglilinis ng mga balakid upang maging bukal ng liwanag at pag-asa.”39
Dumating ang paghirang kay John sa panahong nadama ni Susa na nababawasan na ang sarili niyang impluwensya sa Simbahan, lalo na habang patuloy na pinamumunuan ni Amy Lyman at ng iba pa ang Relief Society sa mga bagong direksyon. Umaasang makapagbibigay ng bagong buhay at ideya sa organisasyon, ilang miyembro ng lupon ng Relief Society ang tahimik na hinimok pa si Heber J. Grant na i-release si Emmeline Wells bilang pangkalahatang pangulo ng Relief Society.
Ngayon ay siyamnapu’t tatlong taong gulang na, si Emmeline ang tanging opisyal ng Simbahan na nabubuhay pa rin na nakakilala sa propetang si Joseph Smith. Mahina na ang katawan at kalusugan, madalas siyang nakaratay sa kama, maraming beses niyang hinahayaan si Clarissa Williams, ang kanyang unang tagapayo, na pangasiwaan ang mga pangangailangan ng Relief Society sa mga pulong ng lupon.
Naniniwala rin ang mga tagapayo ni Heber at ang Korum ng Labindalawang Apostol na kailangan ng Relief Society ng bagong pamumuno. Subalit atubili si Heber na i-release sa tungkulin si Emmeline, at nakiusap na bigyan pa siya ng kaunting pasensya. Lahat ng pangkalahatang pangulo ng Relief Society mula nang maglingkod si Eliza R. Snow ay naglingkod hanggang kamatayan. At minahal at hinangaan niya si Emmeline. Noong ang kanyang ina ay pangulo ng Relief Society ng Ikalabintatlong Ward ng Lunsod ng Salt Lake—isang katungkulang ginampanan nito sa loob ng tatlumpung taon—si Emmeline ang kanyang kalihim. Ang asawa ni Heber na si Emily, na pumanaw mahigit isang dekada na ang nakararaan, ay miyembro ng pamilya Wells, at nakadarama si Heber ng matinding kaugnayan sa kanila. Paano niya maiisip na i-release sa tungkulin si Emmeline?40
Pagkatapos ng karagdagang pakikipagsanggunian sa mga miyembro ng pangkalahatang lupon, nagpasiya ang Unang Panguluhan at ang Labindalawa na nasa pinakamainam na interes ng Relief Society na i-release si Emmeline. Personal na ini-release ni Heber si Emmeline sa tahanan nito. Kalmado nitong tinanggap ang balita, ngunit labis na ipinagdamdam ito.41 Kinabukasan, sa kumperensya ng Relief Society noong tagsibol ng 1921, sinang-ayunan si Clarissa Williams bilang bagong pangkalahatang pangulo ng Relief Society. Karamihan sa mga miyembro ng pangkalahatang lupon ay ini-release din at hinirang ang mga bagong miyembro bilang kahalili nila.42
Si Susa ay isa sa mga babaeng nanatili sa pangkalahatang lupon pagkatapos ng muling pag-oorganisa. Naniniwala siya na tama si Pangulong Grant na i-release sa tungkulin si Emmeline, subalit nag-aalala siya sa susunod na mangyayari. Noong ika-14 ng Abril 1921, sa unang pulong ng bagong lupon, ibinalita ni Clarissa ang ilang pagbabago sa organisasyon. Ang pinakamahalaga ay ang paghirang kay Amy Lyman bilang namamahalang direktor ng mga aktibidad ng Relief Society, na nagtulot sa kanya na pamahalaan ang lahat ng aktibidad sa loob ng mga departamento nito, kabilang na ang Relief Society Magazine. Nanatili si Susa sa kanyang puwesto bilang patnugot ng pahayagan, ngunit sa direksyon ni Clarissa, ang posisyon ay naging taunang paghirang. Hindi na garantisado ang hinaharap ni Susa sa magasin.
Nabagabag sa mga pagbabago, inisip ni Susa kung may kinalaman ang mga ito sa hindi nila pagkakasundo ni Amy sa mga serbisyong panlipunan.43
Makalipas ang anim na araw, binisita ni Susa si Emmeline, na ngayon ay mas maraming oras nang nakaratay sa kama at madalas na itinatangis ang kanyang pagka-release sa tungkulin. Ang kanyang mga anak na babae na sina Annie at Belle ay palaging nasa kanyang tabi, sinisikap na panatagin siya. Ginawa ni Susa ang lahat upang pasayahin ang kanyang nakatatandang kaibigan. “Tiya Em,” sabi niya, “lahat ay nagmamahal sa iyo.”
“Umaasa ako na gayon nga sila,” sagot ni Emmeline. “Kung hindi, wala akong magagawa tungkol diyan.”44
Payapa siyang pumanaw noong ika-25 ng Abril, at sumulat si Susa ng isang kapuri-puring parangal para sa Improvement Era. Pinuri niya ang maraming taon ni Emmeline bilang makata, patnugot ng Woman’s Exponent, at isang matatag na tagapagtaguyod ng karapatang bumoto ng kababaihan, na kamakailan lamang ay naging bahagi ng Saligang-batas ng Estados Unidos. Ngunit hinuli ni Susa ang kanyang pinakamalaking papuri sa gawain ni Emmeline sa pag-iimbak ng butil, isang atas na unang tinanggap ni Emmeline mula kay Brigham Young noong 1876. Ang mga butil ng Relief Society, idinagdag ni Susa, ay nakatulong sa mga taong nagdurusa sa buong mundo.
“Ang pangunahing katangian ng buhay ni Gng. Wells ay ang kanyang pagiging determinado,” isinulat niya. “Matayog ang kanyang mga ambisyon, ang kanyang mga layunin ay napakataas; subalit ang lahat ng kanyang ginagawa ay kinakitaan ng katapatan sa katotohanan at sa kanyang patotoo, na nagpanatiling matatag sa kanya, at ginawa siya bilang isang ilaw sa ibabaw ng isang burol.”45