Mga Kabataan
Ang Pagsubok sa Aking Pananampalataya
Noong 13 anyos ako, sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw, at araw-araw akong napagpala simula noon.
Ang Sunday School class naming mga 13 anyos ay hindi talaga mapitagan. Gayunman, mabait ang titser namin at ginawa niya ang lahat para ituro ang bawat aralin sa pamamagitan ng Espiritu. Isa sa mga araling iyon ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan.
Sa pagtatapos ng aralin ay may ibinigay siya sa aming hamon. Para sa aming lahat iyon, pero sa kung anong dahilan ay sa akin siya nakatingin nang sabihin niyang, “Hinahamon ko kayong basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw!” Naisip ko sa sarili ko, “Ipapakita ko sa iyo. Gagawin ko iyan!”
Sinimulan ko ang 1 Nephi kabanata 1 nang gabi ring iyon at araw-araw akong nagbasa. Hindi siguro tama ang saloobin ko nang magsimula ako, pero nang lumaon ay nagustuhan ko ang damdaming dulot ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Nasiyahan na ako sa nakagawian kong pagbabasa gabi-gabi.
Makaraan ang ilang buwan nasa Alma 32 na ako at humanga sa ideya ng pagsubok sa pananampalataya. Sa eskuwela katuturo pa lang sa amin tungkol sa pagsasagawa ng mga eksperimento sa siyensya, kaya lumuhod ako at sinabi ko sa Ama sa Langit na sisimulan ko na ang eksperimento. Hiniling kong malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon.
Kapag naiiisip ko ang karanasang iyon, alam kong maraming beses sinagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin. Ang araw-araw na pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay nagbigay sa akin ng ibayong kakayahang daigin ang kasamaan. Mas napalapit ako sa aking Ama sa Langit. Napalakas ako ng kapangyarihan ng Espiritu Santo upang makayanan ang mga balakid. Ang sinabi ni Alma tungkol sa pagsubok sa salita ng Diyos ay totoo: “Sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin” (Alma 32:28).