Mga Piyanista sa Primary
“Hindi puwede!”
“Nagbibiro ka!”
“Hindi mangyayari iyan!”
Iyan ang maaaring sabihin nina Andrea, Erick, Kristofer, Suzett, at Yuridia ng Provo, Utah, kung sinabi ninyo na sila ang tutugtog ng piyano sa susunod na pagtatanghal ng Primary sa sacrament meeting. Kung tutuusin kasi, isa lang sa kanila ang nakatugtog ng piyano noon!
Ngunit may hamon na ibinigay ang kanilang piyanista sa Primary na si Sister Perry—at handa silang tanggapin ito.
Minsan sa isang linggo ay may piano lesson ang bawat bata kay Sister Perry, maliban sa isang bata na dati nang may titser sa piyano. Sa bahay ay nagpapraktis sila sa mga electric keyboard. Di nagtagal natututuhan na nila ang pinasimpleng mga bersiyon ng mga awitin para sa pagtatanghal sa sacrament meeting. Nagpraktis din sila sa Primary habang sumasabay sa pagkanta ang iba pang mga bata.
Sa wakas, dumating ang araw na pinakahihintay. Bawat bata ay tumugtog ng isa o dalawang awit. Kinabahan ba sila sa pagtugtog sa harap ng buong ward? Siyempre naman! Pero hindi sila napigilan niyon.
“Talagang kinabahan ako,” sabi ni Kristofer, “pero patuloy akong nanampalataya.”
Salamat sa kanilang pananalig at kasipagan, lahat ay mahusay noong araw na iyon. At ang pinakamaganda tungkol dito?
“Ang ganda ng pakiramdam na makatulong sa simbahan,” sabi ni Andrea. “Malaking pagpapala ito para sa akin.”
Ngayon ang mga bata ay nakakatugtog na sa family home evening, sa mga binyag, at kapag kumakanta ang kanilang mga pamilya sa sacrament meeting. Ang galing!