Maagang-maaga sa Araw ng Linggo
Maagang gumigising ang mga binatilyong ito sa Fiji at naglalakad nang malayo, ngunit sabik nilang ginagawa ang kanilang tungkulin.
Sabado ng gabi iyon sa Waila Ward ng Nausori Fiji Stake. Naisagawa na ang mga responsibilidad sa araw na iyon, at nakapaghanda na ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood para sa Sabbath at ngayon ay nakatipon sa bahay nina Brother at Sister Maiwiriwiri. Oportunidad para sa kanila na makakain ng kaunti bago simulan ang kanilang ayuno—na sinundan ng pagtulog sa banig sa gabi sa tahanan ng mga Maiwiriwiri.
Maagang nagsisimula ang umaga ng mga binatilyong ito ng Aaronic Priesthood. Bago pa sumikat ang araw, agad silang bumabangon, isinusuot ang kanilang puting polo at kurbata at itim na pantalon, at pagsapit ng alas-6:00 n.u. ay nakaalis na sila ng bahay nina Brother at Sister Maiwiriwiri nang dala-dalawa—halos parang mga misyonero. Bawat isa sa magkakaparehang ito ay may partikular na pupuntahan para makarating sa kapilya bago mag-alas-10:00 n.u., sa pagsisimula ng miting ng priesthood. Responsibilidad nilang tumigil sa bahay ng bawat miyembrong madaanan nila at imbitahin silang mag-ambag sa mga handog-ayuno.
Tatlong milya (5 km) ang nilalakad ng mga binatilyong ito mula sa tahanan ng mga Maiwiriwiri sa isang dulo ng ward hanggang sa meetinghouse sa kabilang dulo ng ward. Oportunidad ito para isagawa ang kanilang tungkulin at imbitahan ang mga miyembro ng Simbahan na lumahok sa dakilang gawaing alagaan ang mga balo at kanilang mga kapatid sa pagbibigay ng mga handog-ayuno. Ipinahayag ni President Alipate Tagidugu ng Nausori Fiji Stake na dahil sa pagsisikap na ito ng Aaronic Priesthood, tumaas ang mga kontribusyon sa handog-ayuno nang 20 porsiyento.
Mahalaga ring katulad nito na magkaroon ng oportunidad ang mga binatilyong ito na isagawa ang kanilang tungkulin at tulungan ang mga miyembro ng ward na matupad ang mga tipang ginawa nila sa binyag:
“Yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;
“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Mosias 18:8--9).
Para sa mababait na binatilyong ito, hindi pasanin ang pagkolekta ng mga handog-ayuno kundi isang pagpapala. Masaya nilang isinusuot ang puti nilang polo at kurbata, sabik na gumigising nang maaga, at kusang kumakatok sa mga pintuan ng mga miyembro sa madaling-araw upang imbitahin silang makibahagi sa mga pagpapala ng pagbibigay ng malaking handog-ayuno.
Habang pinagmamasdan ko ang paghahanda at pagtupad ng mga binatilyong ito sa kanilang tungkulin bilang mga maytaglay ng priesthood, naisip ko na napakalaking pagpapala sa buong buhay nila na maunawaan ang kabuluhan ng kanilang mga pagsisikap sa pag-imbita sa mga miyembro ng Simbahan na lalong lumapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga handog-ayuno. Magiging mas mabubuti silang misyonero, at mas mabubuting asawa at ama dahil sa mga pagsisikap nila sa priesthood.
Mas mauunawaan nila ang banal na kasulatang ito tungkol sa mga tao ng Panginoon: “Tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila” (Moises 7:18).