2010
Pinagpala ni Mama Taamino
Abril 2010


Pinagpala ni Mama Taamino

Victor D. Cave, Mga Magasin ng Simbahan

Nang makilala ko si Taumatagi Taamino, ako ay bata pang misyonero na naglilingkod sa sarili kong bansa. Dahil isang balong may-edad na, si Sister Taamino ay medyo hukot na sa katandaan at mabigat na trabaho, ngunit palaging nakabukas ang kanyang mga bisig upang batiin kami ng kompanyon ko at halikan sa magkabilang pisngi, ayon sa kaugalian sa French Polynesia.

Mahina na si Sister Taamino, at marahan at banayad na ang kanyang paglakad, ngunit inaalagaan niya ang lahat. Tinitiyak pa niya na palaging malinis at plantsado ang damit namin ng aking kompanyon. Gustung-gusto siyang lapitan ng mga bata dahil tinatanggap niya sila at nakikinig sa kanilang sasabihin. Simple lang ang buhay niya sa isang tahanang may dalawang silid na napaliligiran ng buhangin, mga puno ng palma, pamilya, at mga kaibigan. Bilang paggalang, ang tawag sa kanya ng lahat ay “Mama Taamino.”

Ako at ang kompanyon kong si Elder Tchan Fat ay inatasan ng pangulo ng Tahiti Papeete Mission na tulungan sa paghahanda ang isang grupo ng 80 Banal sa mga Huling Araw sa pagtanggap ng kanilang mga endowment at mabuklod bilang mga pamilya sa pinakamalapit na templo—ang Hamilton New Zealand Temple, na limang oras ang biyahe sa eroplano. Si Mama Taamino ay nakapunta na sa templo taun-taon sa loob ng anim na taon, at sa taong ito ay pupunta siya ulit doon. Nagtataka ako kung paano niya nakakaya ang ganoon kamahal na biyahe samantalang mahirap lamang siya. Nalaman ko ang sagot makalipas ang anim na taon.

Noong 1976, bilang pangulo ng Papeete Tahiti Stake, regular akong nag-iinspeksyon sa mga meetinghouse sa stake. Isang tanghali tumigil ako sa chapel sa Tipaerui. Noong panahong iyon ay nagbabayad tayo ng mga custodian, at doon ko natuklasan na si Mama Taamino, na ngayon ay lampas na sa edad 60 ay nagtatrabaho bilang custodian upang tumulong sa pagtataguyod ng kanyang malaking pamilya. Tulad ng dati, binati pa rin niya ako ng Halika, kumain ka,” ngunit ang sagot ko ay, “Mama Taamino, hindi na po kayo bata, at sa tanghalian ang kakainin ninyo ay kapirasong tinapay lamang, isang maliit na lata ng sardinas, at maliit na bote ng juice? Hindi po ba sapat ang kinikita ninyo para higit pa rito ang makain ninyo?”

Sagot niya’y, “Nag-iipon ako para makapunta ulit sa templo.” Napuno ng paghanga ang puso ko sa kanyang halimbawa ng pagmamahal at sakripisyo. Si Mama Taamino ay nagbibiyahe papunta sa templo sa New Zealand nang halos 15 beses—bawat taon hanggang sa mailaan ang Papeete Tahiti Temple noong Oktubre 1983. Punung-puno siya nang kagalakan nang ilaan ang templo.

Noong 1995, sa pagkakataong ito bilang isang mission president ay muli kong nakita si Mama Taamino. Bumalik siya sa atoll (hugis singsing na mababaw na batuhan na nakapaligid sa isang lanaw) ng Makemo, di-kalayuan sa lugar ng kanyang kapanganakan. Ngayong mahigit 80 anyos na, hindi na siya makalakad, ngunit mababanaag sa mga kulubot sa kanyang mukha ang kapayapaan, pagtitiyaga, at malalim na pang-unawa sa buhay at ebanghelyo. Maganda pa rin ang kanyang ngiti, at makikita sa kanyang mga mata ang dalisay na pagmamahal sa kapwa.

Maagang-maaga kinabukasan nakita ko siyang nakaupo sa isa sa mga taniman ng bulaklak sa meetinghouse at binubunot ang mga damo at naglilinis. Binuhat siya ng isa sa kanyang mga anak na lalaki at dinala siya roon. Matapos linisin ang isang lugar, gagamitin niya ang kanyang mga kamay at bisig upang makagalaw at makalipat sa susunod na lilinisan. Ito ang kanyang paraan ng patuloy na paglilingkod sa Panginoon.

Nang dakong hapon na habang nagsasagawa ako ng mga interbyu para sa temple recommend, dinala si Mama Taamino sa lugar na kinauupuan ko sa lilim ng isang puno malapit sa chapel. Gusto niyang magkaroon ng pagkakataong sagutin ang bawat tanong na kailangan sa pagkuha ng temple recommend.

“President, hindi na po ako makakapunta sa templo,” sabi niya. “Tumatanda na ako at nagkakasakit, pero gusto kong palagi akong maydalang balidong temple recommend.”

Nakikita kong talagang gusto niyang makabalik sa templo, at alam kong ang kanyang hangarin ay katanggap-tanggap sa Diyos. Hindi nagtagal matapos iyon, iniwan na niya ang kanyang katawang lupa upang makasama ang mga taong buong katapatan niyang pinaglingkuran sa bahay ng Panginoon. Wala siyang ibang dala kundi ang kanyang pananampalataya, patotoo, kabaitan, pag-ibig sa kapwa, at kahandaang maglingkod.

Si Mama Taamino ay isang tunay na Polynesian pioneer at pinagpala ng kanyang halimbawa ang marami sa kanyang mga kapatid—kabilang na ako.

Kahit mahigit 80 anyos na, si Sister Taamino ay nagtrabaho pa rin sa taniman ng mga bulaklak sa meetinghouse, binubunot ang mga damo at naglilinis. Ito ang kanyang paraan ng patuloy na paglilingkod sa Panginoon.