2010
Perpetual Education Fund Tagumpay Makalipas ang Siyam na Taon
Abril 2010


Perpetual Education FundTagumpay Makalipas ang Siyam na Taon

Si Tyson Kemege, na dinapuan ng polio at naulila noong sanggol pa lamang siya ay lumaki sa Nairobi, Kenya, kung saan hindi siya kailanman nakaranas na matulog sa kutson at bihirang makakain nang dalawang beses sa isang araw. Nakakalakad lamang siya sa tulong ng isang pares na saklay.

Naisipan niyang pumasok sa Augustana College sa Kenya para mag-aral ng information technology, pero dahil walang pamilya at pera, tila malabong maabot ang kanyang pangarap.

Kinausap ni Brother Kemege, na naging miyembro ng Simbahan makalipas ang ilang taon pagkatapos niya ng hayskul, ang isang senior missionary couple at sinabi sa kanila ang kanyang mga hangarin. Ipinakausap siya ng mga misyonero sa Perpetual Education Fund (PEF) committee. Natulungan siya ng loan sa PEF na makapasok sa paaralan.

“Ako ang pinakamasuwerteng tao sa mundo,” ang madalas sabihin ni Brother Kemege sa mga misyonero.

Naglingkod si Brother Kemege bilang pangulo ng samahan ng mga estudyante sa Augustana University at dalawa ang tungkulin sa kanyang ward.

Siyam na taon makaraang unang ipabatid ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang PEF, may mahigit 38,000 mga kalahok sa 42 bansa ang programa. Sa kabila ng laganap na kahirapan sa ekonomiya sa buong mundo, ang Perpetual Education Fund ay matatag at tumutulong sa mga taong katulad ni Tyson Kemege na makapag-aral, makaahon sa kahirapan, at makatulong sa kanilang mga komunidad.

Mahigit 87 porsiyento ng mga kalahok sa PEF na nakatapos na sa kanilang pag-aaral ang nagtatrabaho sa kasalukuyan.

Pagdaig sa mga Hamon

Bagama’t hindi apektado ng paghina ng ekonomiya ang programa, sinasabi ng mga taong nangangasiwa sa programa na kailangan nitong lampasan ang ilang mga hamon. Isa sa mga pinakamalaking hamong kinakaharap ng programa ay ang pagdami ng bilang ng mga kalahok.

“Ang mga hadlang na kailangan naming harapin at daigin ay ang karaniwang mga hadlang na kasabay ng mabilis na pag-unlad at pagsisikap na maipatupad ito sa iba’t ibang dako ng mundo,” sabi ni Elder John K. Carmack, emeritus member ng Pitumpu at executive director ng pondo. “Ilan sa mga hadlang ay ang pagbabalita nito sa mga tao, pagpapabatid sa mga hinihingi nito at kailan matatanggap ito, at pagtataguyod sa mga kalahok.”

Ang programa ay pinangangasiwaan ng maliit na grupo sa headquarters ng Simbahan, na kinabibilangan ng ilang empleyado, mga missionary couple, at boluntaryo sa lugar. Ito ay pinamamahalaan ng dalawang emeritus General Authority na sina Elder Carmack at Elder Richard E. Cook.

Para mapangasiwaan ang pangkalahatang programa, ang mga tauhan at misyonero sa PEF ay nakikipagtulungan sa mga Area Presidency para sanayin ang mga lider ng area, na nakikipagtulungan naman sa mga lokal na lider para sanayin at suportahan ang mga guro, tauhan, boluntaryo, at kalahok sa kani-kanyang lugar.

“Mula noon hanggang ngayon isa itong bagong proyekto,” sabi ni Rex Allen, direktor ng training at komunikasyon para sa programa. “Bago ito sa bawat lebel nito, kaya mahalaga ang komunikasyon at training.”

Paano Ito Naisasagawa

Nabuo ang programa dahil sa libu-libong mga taong nag-ambag ng kanilang pera sa pondo. Ang lahat ng perang iniambag ay pangsuporta sa mga kalahok.

Para sa mga kalahok, nagsisimula ang proseso sa paghahanda na pinadaraan sa programa ng institute of religion kung saan naka-enroll ang miyembro. Sa tulong ng mga LDS employment resource center, dadalo ang mga kalahok sa mga kursong “Planning for Success” at mga career workshop bago kumpletuhin ang online loan application.

Kapag naaprubahan na ang loan o pautang, ipagpapatuloy ng mga kalahok ang kanilang pag-aaral sa kasunduan na babayaran nila ang kanilang inutang para makinabang din ang iba sa pondo. Ang mga kalahok ay nagbabayad ng mahigit US $2.5 milyon sa kanilang mga inutang bawat taon.

Sinabi ni Elder Carmack na nagtatagumpay ang programa hindi lamang dahil sa malaking tulong pinansiyal ng mga miyembro kundi dahil din sa mahusay na pamumuno. “Ang ama ng Perpetual Education Fund ay si Gordon B. Hinckley,” sabi niya, “ngunit matindi rin ang suporta at sigasig ni Pangulong [Thomas S.] Monson katulad ni Pangulong Hinckley. Suportado [ni Pangulong Monson] ang prosesong ito mula sa simula at pinamamahalaan ito ngayon ng propeta.”

Ang mga Ibinunga

Nang ipabatid ang programa sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2001, sinabi ni Pangulong Hinckley: “Dahil sa may mabuting kasanayan sa pagtatrabaho, makaaahon ang mga kabataang lalaki at babae na ito sa kinamulatan nilang kahirapan. Mas mainam nilang matutustusan ang kanilang mag-anak. Maglilingkod sila sa Simbahan at susulong sa tungkulin sa pamumuno. Mababayaran nila ang kanilang mga inutang upang mapagpala rin ang ibang kagaya nila” (“Ang Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon,” Liahona, Hulyo 2001, 62; Ensign, Mayo 2001, 51).

Patuloy na nakikita ng mga lider ng programa ang katuparan ng mga salita ni Pangulong Hinckley. Mga 10 hanggang 15 porsyento ng kasalukuyang mga lider sa Simbahan sa ilang bansang inaprubahan ng PEF ang natulungan na ng pondo.

“Hindi ito isang panaginip,” patuloy ni Pangulong Hinckley. “Mayroon tayong mapagkukunan sa pamamagitan ng kabutihan at kabaitan ng mga kahanga-hanga at mapagbigay na kaibigan. Mayroon tayong samahan. Mayroon tayong mga tao na maaasahan at matatapat na tagapaglingkod ng Panginoon upang ito ay magtagumpay. Ito ay boluntaryong pagsisikap na walang anumang gastos ang Simbahan. Idinadalangin namin na pagyamanin ng Diyos ang pagsisikap na ito, at maghatid ng mga sagana at kahanga-hangang pagpapala sa libu-libo katulad ng naunang samahan, ang Perpetwal na Pondong Pang-imigrasyon [Perpetual Emigration Fund], na naghatid ng hindi mabilang na pagpapala sa buhay ng mga taong tumanggap ng mga oportunidad nito.”

Makaraan ang siyam na taon, patuloy na lumakas ang programa, na nangyari, ayon kay Brother Allen, “dahil sa malaking kabutihan at matinding pananampalataya.”

Ang karapat-dapat na mga miyembro ay mapagpapala …

sa pakikilahok sa mga gawain ng Perpetual Education Fund …

at pagbabayad upang makinabang din ang iba.

Mga paglalarawan ni Brad Teare