Pagtulong sa Pagpapakain ng mga Tupa ng Tagapagligtas
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1997.
Ang Tagapagligtas ay ipinako sa krus at pagkatapos ay nabuhay na mag-uli. Nagpunta ang Kanyang mga disipulo sa Galilea. Magdamag silang nangisda, ngunit wala silang nahuling isda. Nang papalapit na sila sa dalampasigan, sa madaling-araw, hindi nila Siya agad nakilala. Sila ay tinawag Niya, sinabi kung saan ihahagis ang kanilang mga lambat, at nang ihagis nila, napuno ng isda ang mga lambat. Nagmadali sila sa pagsalubong sa Kanya sa dalampasigan.
May nakita silang iniihaw na isda at tinapay. Pagkatapos ay nagbigay Siya ng isang kautusan sa kanila na para rin sa atin ngayon.
“Kaya’t nang mangakapagpawing gutom sila, ay sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga [tupa]” (Juan 21:15).
Ang mga Banal ng Diyos ay palaging nasa ilalim ng tipan na espirituwal na pangalagaan ang isa’t isa, lalo na ang mga bago pa lamang sa ebanghelyo.
Magagawa ng isang bata ang mga bagay na makapagpapalaki sa pananampalataya ng iba. Maaaring anyayahan ng mga bata ang isang bagong binyag na sumama sa kanila sa isang miting. Maaaring ngitian ng mga bata at batiin ang isang bagong binyag na papasok sa chapel o sa klase. At kapag ginawa natin ito, makakasama natin ang Espiritu Santo.
Bawat salitang binibigkas natin ay makapagpapalakas o makapagpapahina ng pananampalataya. Kailangan natin ng tulong mula sa Espiritu upang masabi ang mga salitang makapagpapaunlad at makapagpapalakas.
Sa simpleng pagsunod ay matutulungan natin ang Panginoon na dalhin ang mga tupa, Kanyang mga tupa, sa Kanyang mga bisig pauwi sa kanilang Ama at ating Ama.
Alam ko na si Jesus ang Cristo. Alam kong Siya ay buhay. At alam kong pinamumunuan Niya tayo sa gawaing ito—na Kanyang gawain—upang isakatuparan ang buhay na walang hanggan ng mga anak ng Kanyang Ama.