Ang Ating Paniniwala
Siya ay Nagbangon
Tuwing bibiyahe ako, sinisikap kong puntahan ang libingang-bayan. Ito ay panahon ng pagbubulay-bulay, ng pagmumuni-muni tungkol sa kahulugan ng buhay at sa di-maiiwasang kamatayan. Sa maliit na libingan sa bayan ng Santa Clara, Utah, naaalala ko na karamihan ay mga apelyidong Swiss ang mababasa sa luma nang mga lapida. Nilisan ng karamihan sa mga taong iyon ang kanilang tahanan at pamilya sa luntiang bansa ng Switzerland at, sa pagtugon sa panawagang “Halina sa Sion,” ay nanirahan sa mga komunidad kung saan sila “tahimik na nakahimlay” ngayon. Tiniis nila ang mga pagbaha sa tagsibol, tagtuyot sa tag-init, kaunting mga ani, at mabibigat na trabaho. Nag-iwan sila ng isang pamana ng sakripisyo.
Ang pinakamalalaking libingan, at yaong sa maraming aspeto ay lubhang makaantig-damdamin, ay kinikilala bilang mga huling hantungan ng kalalakihang nangamatay sa pakikipaglaban sa digmaan habang suot ang uniporme ng kanilang bansa. Mapagmumuni-muni ng isang tao ang nawasak na mga pangarap, naglahong pag-asa, nagdalamhating mga puso, at mga buhay na maagang pinutol ng malupit na digmaan.
Ang napakaraming krus na puti sa mga lungsod ng France at Belgium ang nagbibigay-diin sa napakaraming nangamatay sa Unang Digmaang Pandaigdig. Ang Verdun, France, ay talagang napakalaking libingan. Bawat tagsibol kapag nag-araro ang mga magsasaka, nakakakuha sila ng isang helmet dito, isang kanyon ng baril doon—kakila-kilabot na mga paalaala na milyun-milyong kalalakihan ang nagdilig ng kanilang dugo sa lupa.
Kamatayan, Isang Bagong Kabanata ng Buhay
Maraming taon na ang nakalilipas nakatayo ako sa gilid ng higaan ng isang lalaki, na ama ng dalawang bata, habang siya’y agaw-buhay. Hinawakan niya ako sa kamay, tumingin sa aking mga mata, at sumasamong nagtanong, “Bishop, alam kong mamamatay na ako. Sabihin mo sa akin ang mangyayari sa aking espiritu kapag namatay na ako.”
Nanalangin akong gabayan ng kalangitan. Natuon ang aking pansin sa Aklat ni Mormon na nasa mesa sa tabi ng higaan. Nagsimula akong magbasa nang malakas:
“Ngayon, hinggil sa kalagayan ng kaluluwa sa pagitan ng kamatayan at ng pagkabuhay na mag-uli— … ang espiritu ng lahat ng tao, matapos na sila ay lumisan sa katawang mortal na ito, … ay dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay.
“… Ang mga espiritu ng yaong mabubuti ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso, isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan” (Alma 40:11–12).
Ipinikit ng kaibigan ko ang kanyang mga mata, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat, at tahimik na pumanaw tungo sa paraisong iyon na ating nabanggit.
Tagumpay Laban sa Kamatayan
Ipasalaysay natin kay Lucas, ang manggagamot, ang karanasan ni Maria at ng isa pang Maria nang lapitan nila ang libingan sa halamanan:
“At nasumpungan nilang naigulong na ang bato. …
“… Sila’y nagsipasok, at hindi nila nangasumpungan ang bangkay ng Panginoong Jesus.
“… Samantalang sila’y nangatitilihan dahil dito, narito, tumayo sa tabi nila ang dalawang lalake na nakasisilaw ang mga damit:
“At … sinabi sa kanila, Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?
“Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon” (Lucas 24:2–6).
Ito ang panawagan ng pagkilos sa lahat ng Kristiyano. Ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ay nagbibigay sa lahat ng kapayapaang hindi maarok ng pang-unawa. Nagbibigay ginhawa ito sa mga taong ang mga mahal sa buhay ay nakalibing sa mga himlayan ng Flanders o nasawi sa kailaliman ng dagat o nakahimlay sa munting bayan ng Santa Clara. Ito ay isang pandaigdigang katotohanan.
Bilang pinakaaba sa Kanyang mga disipulo, ipinahahayag ko ang aking personal na patotoo na nadaig na ang kamatayan, at napagtagumpayan na ang libingan. Nawa’y tunay na malaman ng lahat ang mga salitang ginawang sagrado ng Taong nagsakatuparan ng mga ito. Tandaan ang mga ito. Pagyamanin. Igalang. Siya ay nagbangon.
-
Naparito tayo sa lupa upang matuto, mabuhay, umunlad sa ating walang hanggang paglalakbay tungo sa pagiging sakdal.
-
Ang ilan ay sandali lamang namamalagi sa mundo, samantalang ang iba ay nabubuhay nang matagal. Hindi tayo hinahatulan batay sa haba ng ating buhay kundi kung paano tayo namuhay.
-
Pagkatapos ay dumarating ang kamatayan at nagsisimula ang bagong kabanata ng buhay.
-
Ang bagong kabanatang ito ay humahantong sa maluwalhating araw ng pagkabuhay na mag-uli, kung kailan muling magsasanib ang katawan at espiritu, at hindi na muling maghihiwalay pa.
Hango sa “Siya ay Nabuhay,” Liahona, Abr. 2003, 2–7.