Tumulong na Magawa Ito
Iyan ang sinasabi ng mga kabataang babaing ito mula sa India simula nang mabigyang-sigla ng kanilang simpleng proyekto sa paglilingkod ang buong branch nila tungkol sa family home evening.
Gustong hikayatin ng mga kabataang babae ng Chennai Second Branch, Chennai India District, ang mga miyembro ng branch na magdaos ng family home evening. Hindi sila natagalan sa pag-iisip ng simple ngunit praktikal na ideya. Gumawa sila ng mga gulong para sa family home evening: mga tsart na may panturo upang masubaybayan ang mga gawain tulad ng pagdarasal, pagbibigay ng lesson, at paghahanda ng “makakain.”
Ang mga gulong na yari sa papel ay simple ngunit makulay. Binuo ang mga ito sa isang aktibidad ng Young Women sa meetinghouse isang gabi, bawat isa ay nilagyan ng retrato ng mismong pamilya na ginawan nito. Dalawa sa mga kabataang babae, sina Sushmitha Santhosh Kumar, 15, at ang kanyang kapatid na si Sujeetha, 14, ay talagang nasabik nang malaman nila na sila na mga bagong miyembro ng Simbahan at pamilya nila ang tatanggap ng unang gulong.
“Pagkatapos ng Mutual nagpunta ang aming grupo sa kanilang apartment at ibinigay ang gulong sa kanilang ama,” sabi ni Daisy Daniel, 16. “Mukhang natuwa naman ang buong pamilya.” Napag-usapan na noon ng pamilya ang tungkol sa family home evening kasama ang mga full-time missionary, at nakatulong sa kanila ang gulong para i-follow-up ang mga bagay na natutuhan nila.
Sapat din ang bilang ng ginawang mga gulong ng mga kabataang babae upang mabigyan ng isa ang bawat pamilya ng mga bata sa Primary sa branch. Pagkatapos ay gumawa pa sila ng karagdagang mga gulong para maipamigay ng mga full-time missionary sa mga bagong binyag.
“Marami sa amin sa branch ang mga bagong miyembro, at hindi kami sanay magdaos ng family home evening,” sabi ni Daisy. “Ngunit may patotoo ako na makatutulong ang family home evening sa mga anak at mga magulang para maging malapit sila sa isa’t isa, at sana sa tuwing makikita ng mga pamilyang ito ang gulong ng family home evening, maiisip nilang, ‘OK, mahal tayo ng mga kamiyembro natin sa Simbahan, at ibinigay nila sa atin ang paalalang ito, kaya mag-family home evening na tayo.’” Sinasabi niya na di magtatagal ang family home evening ay lingguhan nang idaraos ng maraming tao sa branch.
Ang Isang Mabuting Paglilingkod ay Hahantong sa Isa Pa
Ang mga gulong ng family home evening ay isa lamang sa ilang proyektong paglilingkod na nakumpleto ng mga kabataang babaing ito. Sa pagsisikap na matulungan ang isang balo sa branch na maibsan ang kalungkutan, nilagyan ng mga kabataang babae ng dekorasyon ang isang basket at pinuno ito ng maiikli at masasayang liham na sulat-kamay. “Walang nag-aalaga sa kanya roon,” sabi ni Daisy. “Kaya’t gusto naming ipaalala sa kanya na iniisip siya ng mga miyembro ng branch.” Personal na inihatid ng mga kabataang babae ang basket at ipinaliwanag na maaari siyang magbasa ng isang liham sa bawat araw na magpapangiti sa kanya.
Ang basket ng mga liham ay naging inspirasyon sa isa pang ideya. Nagpasiya ang mga kabataang babae na sumulat ng pasasalamat sa bawat isa.“Bawat isa sa amin ay nagsusulat ng magandang liham sa iba pa naming kasama,” paliwanag ni Monisha Kalai Selvam, 13.
Mabuhay ang Family Home Evening!
Sa pamamagitan nito at ng iba pang mga aktibidad, natututuhan ng mga kabataang babae ng Chennai Second Branch na maging ang mga simpleng paglilingkod ay makapaglalapit sa mga tao sa Tagapagligtas. Maaaring matagal bago malimutan ng mga miyembro ng branch ang mga gulong ng family home evening dahil marami sa kanila ang tumanggap nito at ginagamit na nila ito. Ngunit kahit pansamantalang paalala lamang ang mga gulong, ayos lang din iyon.
“Kahit sino ay makagagawa ng sarili nilang gulong o tsart o maupo lang gamit ang lapis at papel at magplano,” sabi ni Daisy. “Basta alam namin na mahalaga ang family home evening sa lahat, at gusto naming tumulong upang mangyari ito.”
Pinakamataas na Priyoridad
Pinapayuhan namin ang mga magulang at mga anak na bigyan ng pinakamataas na priyoridad ang panalangin ng pamilya, family home evening, pag-aaral at turo ng ebanghelyo, at makabuluhang mga aktibidad ng pamilya. Kahit karapat-dapat at angkop ang iba pang mga gawain o aktibidad, hindi dapat payagang palitan ng mga ito ang itinakda ng langit na mga tungkulin na tanging mga magulang at pamilya ang makapagsasagawa o makagaganap.”
Liham ng Unang Panguluhan, Peb. 11, 1999; see Liahona, Dis. 1999, 1.