Isang Templo para sa Kona
Nang magpasiya sina Leroy at Rose Alip na magsakripisyo sa buwanang pagpunta sa templo, pinagpala sila ng Panginoon nang higit pa sa kakayahan nilang makapunta—at nakapagsama pa ng iba.
Nakinig na mabuti si Leroy Alip nang siya ay i-set apart para maglingkod sa stake high council sa Big Island ng Hawaii. Sinabi sa basbas kay Brother Alip na siya ay mapupunta sa isla kapag may templong itinayo roon at maglilingkod siya sa templong iyon. Ito ay noong 1984, at ang nag-iisang templo sa Hawaii ay nasa isla ng Oahu, milya-milya ang layo ng biyahe sa barko o eroplano.
Ang basbas ng priesthood ay nagpasigla kay Brother Alip. “Naniniwala ako na kapag binigyan ka ng basbas, responsibilidad mong gawin ang lahat para mapasaiyo ang pagpapalang iyon,” sabi niya. Kaya sila ng asawa niyang si Rose ay nagpasiyang dumalo sa templo sa Oahu nang minsan sa isang buwan.
Hindi madaling gawin ito. Ang pamasahe sa pagpunta roon ay U.S. $300, malaking halaga para sa mag-asawang bahagyang nakakaraos sa suweldong natatanggap ni Brother Alip bilang empleyado ng gobyerno. Ang tanging paraan para makapagbiyahe sila ay kumuha sa ipon nilang pera. Ginawa nila ito nang maluwag sa kalooban.
Gayunpaman sa loob ng isang taon, wala na silang pera. “Ngunit ang puso namin ay nasa pagdalo sa templo,” sabi ni Brother Alip. “Gusto naming patuloy na dumalo. Kaya nagdasal kami na matulungan.”
Hindi nagtagal, hindi inasahang nakatanggap si Brother Alip ng alok na nakaragdag sa kanyang kita sa pamamagitan ng paghahatid ng magasin at diyaryo sa isang lokal na negosyo. Para sa napakaagang paghahatid na ito, halos $700 ang bayad sa kanya kada buwan. Dahil may sobra silang pera para patuloy na makapunta sa templo, nadama nina Brother at Sister Alip na dapat nilang ilagay ang sobra sa kanilang espesyal na pondo para sa templo.
Pagsapit ng Hunyo 1986 naging malinaw ang dahilan ng inspirasyong iyon: ngayong nakatira na sila sa Kona Hawaii Stake, maisasama na nila sa templo ang ilang kababaihan mula sa stake na karapat-dapat ngunit hindi pa nakakatanggap ng kanilang endowment. Kaya’t bawat buwan, nagsasama ng isang sister ang mga Alip papunta sa Oahu. Sa bawat pagkakataon, bumabalik ang sister na nagpapatotoo sa espirituwal na kapangyarihan at kagalakang nadama niya sa paggawa ng gawain sa templo para sa kanyang sarili at sa iba. Di nagtagal, lumaganap ang diwa ng gawain sa templo sa buong stake, at mas marami nang miyembro ang naghahanap ng paraan para makadalo sa templo.
Dahil sa mga kontak ni Brother Alip sa travel industry, nakakahingi siya ng diskuwento sa pamasahe sa eroplano, sasakyan, at matutuluyan ng mga nasa stake na gustong pumunta. Pagsapit ng 1994 mahigit 100 miyembro ng Kona stake ang buwanang nagpupunta sa Laie Hawaii Temple. Natatawa si Brother Alip. Naaalala niya, “Nagbiro ang temple president na nagagasgas ng mga Banal mula sa Kona ang mga karpet dahil napakarami nila sa templo.”
Noong 1997 ipinaalam ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang bagong tagubilin ukol sa pagtatayo ng templo. Mas maraming templo ang maitatayo sa pagtatayo ng mas maliliit na templo. Ang katapatan ng mga Banal sa Big Island ay nagantimpalaan makalipas ang anim na buwan nang ibalita ni Pangulong Hinckley ang isang templo para sa Kona. Matapos ilaan ang templo noong 2000, tinawag si Brother Alip bilang pangalawang tagapayo sa temple presidency. Ngayong retirado na sa kanyang trabaho ngunit abalang-abala pa rin sa gawain ng Panginoon, siya ang nangangasiwa sa mga manggagawang nagpapanatili ng kagandahan ng bakuran ng Kona Hawaii Temple.
Nagpapasalamat sina Brother at Sister Alip sa mga paraan ng pagkakaloob sa kanila ng Ama sa Langit ng kanilang kailangan para patuloy na makapaglingkod sa iba. Sa unang pagdating nila sa Kona, sinabi ni Brother Alip, “Wala kaming lugar na matirhan maliban sa isang maliit na kubo sa mga burol na itinayo para sa manggagawa sa mga taniman ng kape.” Tumira sila doon sa loob ng ilang buwan hanggang sa makaupa sila ng isang maliit na bahay.
Makalipas ang ilang taon, nagkaroon sila ng sapat na ipon at kita para sa mas maayos na tirahan, pero wala sa mga nakita nilang bahay ang tila akma sa kanila. Isang araw habang nagtatrabaho si Brother Alip sa bakuran ng Kona temple, lumapit ang isang matandang babae. Umiiyak siya. Napailing si Brother Alip. “Pinaalis ang matandang babae sa kanyang tahanan at walang mapuntahan. Sa kung anong dahilan, sinabi kong bisitahin niya ang kanyang mga apo, at kapag bumalik na siya, maaari siyang tumira sa amin.” Ang problema ay tamang-tama lang ang tahanan ng mga Alip para kina Brother at Sister Alip. Kaya nagsimula silang manalangin—at masigasig na naghanap ng paraan upang makamtan ang hangad nilang pagpapala.
Di nagtagal, isang ahente ng real-state ang nag-alok sa kanila ng dalawang-palapag na bahay na may anim na kuwarto. Nagustuhan nila ito, pero sa palagay nila hindi nila makakaya ang presyo ng bahay. Nag-aatubli nilang tinanggihan ang alok.
Pero nagkaroon ng paraan. Sa loob ng ilang linggo, bumagsak ang presyo ng bahay, at nalaman ng mga Alip na makakautang sila nang sapat para mabili ang bahay. Bunga nito, nagkaroon ng lugar ang sister na nangangailangan sa tahanan nina Brother at Sister Alip nang bumalik siya sa Kona, at tatlo sa mga anak ng Alip, na nangangailangan din, ay nakahanap ng tirahan para sa kanilang mga pamilya sa bahay na iyon.
“Pinangangalagaan kami ng Panginoon,” sabi ni Brother Alip. “Kapag ipinapakita natin na handa tayong isakripisyo ang ating panahon, mga talento, at kabuhayan sa Kanya, ibinubuhos Niya sa atin ang Kanyang magiliw na awa.”