Komentaryo
Ang Bagong Liahona
Nang mabasa kong magkakaroon tayo ng bagong Liahona, simula Enero 2010, naging emosyonal ako. Ang magasin ay angkla ko na sa ebanghelyo mula nang mabinyagan ako sa edad na 17. Ang mahina kong patotoo ay lumakas sa pagbabasa ko ng mga karanasan ng iba pang mga miyembro at alam kong hindi ako nag-iisa. Pinahalagahan ko ang mga magasin na natipon ko, sapagkat ang mga ito ay naglalaman ng mga inspiradong mensahe na nakatulong sa akin sa mga oras ng pighati at pangangailangan.
Ngayon ay ipinadala ninyo sa amin ang isang Liahona na higit na nagpapalawak ng kaalaman at mas maraming tinatalakay na paksa, pero totoong tulad ng unang nabasa ko noong 1992. Salamat sa inyo mula sa kaibuturan ng aking puso.
Julia A. Florian, Guatemala
Pinagmumulan ng Espirituwalidad at Lakas
Isang malaking pagpapala at kagalakan ang Liahona sa akin. Tinutulungan ako nito na makilala ang mga miyembro sa iba’t ibang dako ng mundo, matutuhan ang tungkol sa kanilang mga bansa at kultura, at makinabang sa kanilang pananampalataya. Ang magasin ay pinagmumulan ng matinding espirituwalidad at lakas, at tinutulungan ako nito na maging mas mabuti.
Modesta Giuliani, Italy
Isang Himala sa Aming Ward
Sa aming ward bihira ang visiting teaching at napakababa ng bilang ng dumadalo sa templo. Bilang visiting teaching leader at temple worker, nagdasal ako na mabago ito. Ginamit ko ang mensahe ni Elder Richard G. Scott sa kumperensya, ang “Pagsamba sa Templo: Ang Pinagmumulan ng Lakas at Kapangyarihan sa mga Oras ng Pangangailangan” (Liahona, Mayo 2009, 43) sa pagsasalita sa sacrament meeting at sa Relief Society. Naantig ang mga miyembro ng ward. Ang visiting teaching ngayon ay halos 100 porsiyento na, at marami ang dumadalo sa templo at ipinamumuhay ang mga hakbang na binalangkas ni Elder Scott sa kanyang mensahe. Isang libong pasasalamat kay Elder Scott sa kanyang magandang mensahe at sa inyo para sa Liahona.
Ana Meza de Eulogio, Peru
Mangyaring ipadala ang inyong komentaryo o mga mungkahi sa liahona@ldschurch.org. Ang mga isinumite ay maaaring i-edit para umakma ang haba o mas luminaw pa. ◼