Payo sa mga Binatilyo Tungkol sa Pakikipagdeyt
Ano ang Pakikipagdeyt?
Mga binatilyo, ang pagkikipagdeyt ay kapag hiniling ninyo sa isang dalagita na sumali at sumama sa inyo sa isang pinlanong aktibidad.
Bakit Mahalaga ang Pakikipagdeyt?
Ang pakikipagdeyt ay maaaring maging magandang karanasan na kapupulutan ninyo ng aral at ng mga dalagitang idinedeyt ninyo. Marami kayong malalaman tungkol sa inyong sarili, at magkakaroon kayo ng pag-unawa, paggalang, at pagpapahalaga sa di-pangkaraniwan at natatanging mga anak na babae ng Diyos.
Maaaring parang napakatagal pa noon, pero ang pag-aasawa ay isa sa pinakamahahalagang desisyon sa buhay ninyo. Ang pagiging tinedyer ninyo ay hindi panahon para gawin ang desisyong iyan, pero tutulungan kayo ng wastong pakikipagdeyt na makapaghanda para magawa ang desisyong iyan kapag napapanahon na. Ang pakikipagdeyt ay magbibigay sa inyo ng mga oportunidad na matutong makisalamuha na tutulong sa inyo na magtiwala sa sarili at magustuhan ng mga dalagitang kadeyt ninyo. Mauunawaan ninyo at maaakit kayo sa mga katangian at pag-uugaling mahalagang hanapin ninyo sa taong makakasama ninyo sa kawalang-hanggan. Ang wastong pagdedeyt ay tutulong din sa inyo upang maging karapat-dapat at handang pakasalan sa templo ang tamang tao para sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan pagdating ng tamang panahon.
Lahat ng ito ay makakatulong sa pagtatamasa ninyo sa isa sa pinakadakilang mga pagpapala ng buhay: isang maligaya at tagumpay na pagsasama ng mag-asawa.
Ano ang Wastong mga Pamantayan sa Pakikipagdeyt?
Pinayuhan kayo ng mga propeta ng Panginoon na huwag makipagdeyt hangga’t wala pa kayo sa edad na 16. Kapag nakikipagdeyt na kayo, ideyt lamang ang mga may matataas na pamantayan at iyong tutulong para masunod ninyo ang inyong mga pamantayan kapag kasama ninyo sila. Laging lumahok sa mga makabuluhang aktibidad na nagtutulot sa inyo at sa kadeyt ninyo na panatilihin ang paggalang sa sarili at manatiling malapit sa Espiritu ng Panginoon. Lalong mahalaga na magkaroon ng dalisay na mga kaisipan at damdamin. Iwasang magkaroon ng relasyon na kung saan ay puro seks ang pinag-uusapan o inaasal. Iwasang mapag-isa kasama ang inyong kadeyt o gabihin kayo sa pag-uwi. Kapwa ninyo responsibilidad na tulungan ang isa’t isa na panatilihin ang kabanalan ng priesthood at ang pagkababae at pangalagaan ang dangal at kalinisan ng isa’t isa. Laging maging mabait at magalang sa mga dalagita kapag humihiling o tumatanggap kayo ng deyt at sa lahat ng pakikipagdeyt ninyo.
Kapag nakikipagdeyt na kayo, sumama sa isa o mas marami pang magkapareha. Iwasang makipagdeyt sa iisang tao nang napakadalas o seryosong makipagrelasyon nang napakaaga.
Alalahaning panatilihing balanse ang buhay ninyo kapag nakikipagdeyt kayo. Hindi kayo dapat makipagdeyt nang napakadalas sa puntong nakasisira na ito sa ugnayan ninyo sa pamilya o sa pag-aaral ninyo o pagpapahusay ng mga kasanayan at talento. Tiyaking makikilala at magiging panatag ang kalooban ng mga magulang ninyo sa mga dalagitang kadeyt ninyo.
Hinihikayat namin kayong lumahok sa mga planadong aktibidad sa pakikipagdeyt na simple, positibo, hindi magastos, at makatutulong para makilala ang mga dalagitang kadeyt ninyo. ◼