2010
Isang Damit Pangkasal at Isang Plano
Abril 2010


Isang Damit Pangkasal at Isang Plano

“Ang kasal ay inorden ng Diyos” (D at T 49:15).

Naupo si Lori sa kama ng kanyang ate nang matapos si Karyn sa pag-iimpake ng kanyang temple bag. Ikakasal si Karyn sa araw na ito.

Sabik si Lori na makapunta sa reception ng kasal sa gabing iyon, pero malungkot din siya. Ang kanyang kuya, na nakapagmisyon na, ay makakapasok sa templo kasama ni Karyn. Makakapunta rin ang kanyang mga magulang. Pero hindi makakapasok si Lori at ang kanyang dalawang nakababatang mga kapatid na lalaki.

“Gusto ko sanang makapasok sa templo na kasama mo,” sabi ni Lori.

Tumingala si Karyn mula sa kanyang pag-iimpake. “Gusto ko rin sana, kaya lang doon ka lang sa labas. At balang-araw pupunta ako sa templo na kasama mo kapag ikakasal ka na.”

Hindi na masyadong malungkot si Lori, pero may iba pa siyang naisip. “Paano mong nalaman na gusto mong mapangasawa si Matt?” tanong niya.

Naupo si Karyn sa tabi ni Lori. “Matagal ko nang alam na may plano para sa akin ang Ama sa Langit. Nang makilala ko si Matt, nalaman kong maaari naming tuparing magkasama ang planong iyon.”

“Natapos mo ba ang planong iyon?” tanong ni Lori.

Umiling si Karyn. “Gusto namin ni Matt na magkaanak, tapusin ang aming pag-aaral, at marami pang iba.”

Tumingin si Lori sa magandang puting damit pangkasal na nakasabit sa pintuan ng aparador ni Karyn. “Ang ganda-ganda ng damit mo,” sabi niya.

Ngumiti si Karyn. “Isa pang bahagi iyan ng plano,” sabi niya. “Noon pa man ay gusto ko talagang makasal sa templo, kaya’t kailangang disente ang damit ko.”

Makalipas ang ilang oras minamasdan na ni Lori ang paglabas nina Karyn at Matt sa templo. Masaya ang kanilang mga mukha.

Tumakbo si Lori papunta kay Karyn at niyakap ito.

Makalipas ang ilang linggo may natanggap na isang retrato si Lori sa koreo. Kuha iyon nina Karyn at Matt na nakatayo sa harap ng templo. Isinulat ni Karyn sa itaas, “May plano ang Ama sa Langit para sa iyo.”

Inilagay ni Lori ang retrato sa kanyang tokador. Nangako siya sa kanyang sarili na balang-araw ay pupunta siya sa templo at makikita ang saya sa kanyang mukha tulad sa kanyang kapatid.

Paglalarawan ni Jennifer Tolman; larawan © Busath.com