Fiji Ang mga Bunga ng Pananampalataya
Pagkatuklas ng isang pamilya sa katotohanan, karagdagang pagmamahal ng isa pang pamilya, at pananalig ng isang dalaga.
Dati-rati ang tingin ng mga tao sa Fiji ay napakalayo sa ibang mga bansa sa mundo—isang lugar na pahingahan mula sa mga problema sa mabilis na takbo ng buhay sa lungsod. Ngunit hindi na ngayon. Inihahatid na ngayon ng eroplano, satellite, at kalakalan ng buong mundo sa baybayin ng Fiji ang lahat ng hamon ng makabagong pamumuhay na matatagpuan saanmang dako ng mundo. Para sa mga miyembro ng Simbahan sa Fiji, ang paraan para tagumpay na matugunan ang mga hamong iyon ay kapareho sa iba pang bahagi ng mundo: tapat na pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo.
Itinuturo ng tatlong halimbawa mula sa Fiji kung paano humuhubog ng buhay ang mga alituntuning ito.
Ang Pamilya Kumar
Naghahanap lang noon ng paraan si George Kumar para matiyak na magkakaroon ng kapaki-pakinabang at marangal na pamumuhay ang kanyang panganay na anak na si Ryan. Higit pa riyan ang natagpuan ng pamilya Kumar: mga walang hanggang katotohanan ng ebanghelyo na nagbigay sa kanilang lahat ng bago at mas masayang pamumuhay.
Muling pinasigla ng ebanghelyo ang kanilang pamilya, sabi ni Brother Kumar. “Mas marami na kaming oras na magkakasama-sama—mas masaya, mas bukas kami sa isa’t isa.” Mayroon silang panalangin ng pamilya araw-araw, at ang regular na family home evening ay “isang bagay na ‘kailangang gawin,’” sabi ni Ryan.
Si Ryan ang umakay sa amin sa Simbahan.
Noong tinedyer si Ryan, nag-alala si George Kumar tungkol sa landas na maaaring tahakin sa buhay ng kanyang anak. Sa pag-aalalang hindi ginugugol ni Ryan at ng kanyang mga kaibigan ang kanilang oras sa makabuluhang bagay, nakakita ng paraan si George para mapaligiran ang kanyang anak ng mga kabataang iba ang pag-uugali. Nalaman ni George sa pakikipag-usap sa isang pinsang nagtatrabaho sa Fiji LDS Church College, sa Suva, na maaaring makapasok doon si Ryan. (Ang Church College ay isang paaralang sekundaryo na katumbas ng junior high at high school sa ibang lugar.)
Nang makapasok siya sa Church College, nagsimulang gumanda ang ugali ni Ryan. “Dahil iyon sa halimbawa ng iba pang mga estudyante,” wika niya. Dati-rati, maraming oras ang ginugugol niya kasama ang mga kaibigang walang katuturan ang ginagawa. Ngunit matapos makita ang kaibhan sa buhay ng mga estudyante sa paaralan ng Simbahan, “Ayaw ko nang gawin ang mga bagay na iyon,” paliwanag niya.
Nagkaroon ng patotoo sa ebanghelyo si Ryan, at tuwang-tuwa ang kanyang mga magulang sa mga pagbabago sa kanyang buhay kaya nang humingi siya ng pahintulot na mabinyagan at makumpirma, agad silang pumayag. Iniwanan ni Ryan ang dati niyang mga kabarkada. Nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan.
Gayunman, nang hilingin niya sa kanyang mga magulang na makinig sa mga misyonero, “nag-alangan kami,” paggunita ni George. Gayunpaman, nakita nila ang mga pagbabagong hatid ng ebanghelyo sa buhay ni Ryan, kaya alam nila na maganda nga ang Simbahan. Kitang-kita ang pagbabago sa ugali ni Ryan kaya sa ikatlo at huling taon niya sa Church College, siya ang tinawag na nangungunang estudyanteng lalaki, isang karangalang karaniwang nakareserba para sa estudyanteng nagsimula ng pag-aaral sa paaralang iyon.
May ilang pagbabago sa ugali ni Ryan na tila kakaiba sa kanyang mga magulang noong una. Halimbawa, bakit hindi nila siya mahikayat na kumain sa unang Linggo ng buwan? Ngunit nang ipaliwanag ni Ryan ang layunin ng pag-aayuno, naunawaan ng kanyang mga magulang na ang mga pagbabago sa buhay niya ay mas malalim pa kaysa alam nila.
Naobserbahan din ng nakababatang kapatid ni Ryan, si Michael, ang mga pagbabago sa kanyang kapatid, at pinakinggan ni Michael ang ebanghelyo. “Nagsimulang dumalo si Ryan sa mga aktibidad ng Simbahan, at napuna ko na tuwing uuwi siya, masaya siya,” sabi ni Michael. “Ako na mismo ang kumausap sa mga misyonero. Gusto kong makinig sa mga aralin. Gusto kong mabinyagan at makumpirma.”
Habang inilalahad ng mga misyonero kay Michael ang mga aralin para sa bagong miyembro pagkatapos ng kanyang binyag, nagsimulang makinig ang kanyang inang si Alitiana. Nakahikayat ito sa kanyang asawa, at di naglaon ay nagkaroon ng sariling patotoo kapwa si George at ang kanyang asawa.
Nagkaroon ng pribilehiyo si Ryan na mabinyagan ang kanyang mga magulang sa Simbahan noong 2006, bago siya umalis para maglingkod sa New Zealand Wellington Mission. Kalaunan, bago umalis papuntang misyon si Michael, nagkaroon siya ng pribilehiyo na samahan ang kanyang mga magulang sa pagpasok sa templo. Pumasok si Elder Michael Kumar sa Utah Salt Lake City South Mission noong Agosto 2008, bago nakauwi si Ryan mula sa misyon nito sa New Zealand.
Ang pagbabayad ng ikapu at pagkatapos ay pagsuporta sa anak sa misyon ay naging mahirap para sa mga Kumar. Ang kita ni Brother Kumar ay sapat lang na pambayad ng sangla at iba pang mga obligasyon. Ngunit ginawa nila ang kailangang mga sakripisyo; naunawaan ng buong pamilya ang pangangailangan. Halimbawa, tuwing masayang sasabihin ni Brother Kumar na kakain sila ng “karaniwang” pagkain sa gabing iyon, naunawaan ng buong pamilya na walang karne sa hapunan. “May mga panahon na tinapay at cocoa lang ang kinakain namin,” paggunita ni Michael.
Sabi ni Ryan nagpapasalamat siya sa sakripisyo ng kanyang mga magulang. “Nalaman ko na talagang tapat sila sa mga tipang ginawa nila.”
Sinabi naman ng nakababatang kapatid ni Ryan na mula nang mabinyagan sila, “mas nakayanan nila ang mga pagsubok bilang pamilya. Tinulungan kami ng Ama sa Langit.”
Ang pagpapabinyag ng pamilya ay agad ding nakaantig sa buhay ng iba. Dalawa sa mga pinsan nina Ryan at Michael na nakitira sa mga Kumar ang nagpasiya ring makinig sa mga aralin ng misyonero at sumapi sa Simbahan.
Ang mga pagpapalang dulot ng mga sakripisyo ng mga Kumar ay naging kapwa temporal at espirituwal, sabi ni Brother Kumar. Napagkasya nila ang kanilang pera para matugunan ang kanilang mga pangangailangan. At nang magmisyon si Michael, nakakita ng bagong trabaho si Brother Kumar kaya inaasahan niyang makakaya niyang bayaran nang mas mabilis ang nakasanlang ari-arian.
Ngunit ang mga espirituwal na pagpapalang natanggap ng mga Kumar ang naging mas mahalaga sa kanilang buhay. Sina George at Alitiana ay lumakas sa kanilang mga tungkulin—si George bilang elders quorum president sa Lami Second Ward, Suva Fiji North Stake, at si Alitiana bilang pangalawang tagapayo sa ward Primary.
Pinuna ni Ryan na ibang-iba na ang sarili niyang pananaw sa buhay ngayon kaysa marami sa kanyang mga kaedad: “Lagi akong may gagawin—isang bagay na magpapatatag sa kaharian.” Sa pagpaplano para sa hinaharap, wika niya, ang mga naniniwala ay nagiging “walang hanggan ang pananaw sa mga bagay-bagay” dahil sa ebanghelyo.
Naituro na kina George at Alitiana Kumar ang mga doktrinang Kristiyano bago pa nila narinig ang ebanghelyo. Ngunit hindi sila nakasumpong ng kapanatagan sa naituro sa kanila. “Sa ibang mga relihiyon,” sabi ni Brother Kumar, “tinuturuan kang katakutan ang galit ng Diyos—na matakot ka. Ngunit binibigyan ka ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ng isa pang pagkakataon.”
Sinisikap ng mga Kumar na samantalahin ang ikalawang pagkakataong iyon.
Ang Pamilya Naivaluvou
Dinoble nina Peni at Jieni Naivaluvou ang dami nila sa pamilya nang tanggapin niya ang apat na dalagitang taga-Vanuatu na nag-aaral sa Fiji LDS Church College. Ngunit para sa mga Naivaluvou hindi ito isang sakripisyo. Nadarama nila na sapat ang pagpapala sa kanila sa paggawa nito. Ang isa sa mga pagpapalang iyon, sa paniwala nila, ay ang pagdating sa kanilang pamilya ni baby Hagoth, na isinilang noong Enero 2009.
Noong mga unang buwan ng 2008 narinig nina Bishop at Sister Naivaluvou ng Tamavua Ward, Suva Fiji North Stake, na nangangailangan ng bahay na matitirhan ang dalawang kabataang estudyanteng taga-Vanuatu, kaya pinag-aralan ng mga Naivaluvou ang kanilang sariling sitwasyon. Wala sa bahay ang kanilang mga anak na lalaki, sina Soane, 18, at Ross, 16, dahil nag-aaral sa paaralan ng Simbahan sa Tonga, ang lupain ng mga ninuno ng kanilang ama. Nangungupahan noon ang dalawang dalagitang taga-Vanuatu, na pinagsisikapang bayaran ng kanilang mga magulang, sa bahay ng isang pamilyang hindi miyembro sa Suva. Magiging mabuting barkada ang dalawang dalagita para sa noon ay 13-anyos na si Andrea Naivaluvou; nag-aaral din si Andrea sa Church College at umuuwi sa hapon bago umuwi ang kanyang mga magulang mula sa trabaho. Kaya nagpasiya sina Brother at Sister Naivaluvou na anyayahan ang dalawang dalagitang taga-Vanuatu na tumira sa kanila nang libre.
Nagpilit ang mga dalagita na tumulong sa mga gastusin, ngunit wala pa rin iyon sa kalahati ng dati nilang binabayaran—isang pagpapala para sa kanilang mga pamilya.
Noong Abril dalawa pang dalagitang taga-Vanuatu ang bumisita at natuwa sa nadama nila sa tahanan ng mga Naivaluvou. Di nagtagal ay itinanong ng dalawang dalagitang ito kung puwedeng doon na rin sila tumira. Masaya silang tinanggap ng mga Naivaluvou.
Paano sila nabuhay na nang may karagdagang apat na kabataan sa tahanan? “Nagkalapit-lapit kami na para bang mga anak na namin sila,” sabi ni Bishop Naivaluvou. Tiniyak ng mga Naivaluvou sa simula pa lang na ituturing nilang bahagi ng pamilya ang mga dalagitang ito. Magkakamag-anak naman talaga ang apat na dalagitang taga-Vanuatu, ngunit sa tahanan ng mga Naivaluvou nagturingan silang parang magkakapatid na iisa ang mga magulang. Tinanggap din sila ni Andrea Naivaluvou na “parang mga ate ko,” wika niya; iningatan siya ng nakatatandang mga dalagita at tinulungan pa siya sa homework niya kapag kailangan. Sinimulang tawagin ng mga dalagita sina Bishop at Sister Naivaluvou Ta at Na—“Itay” at “Inay” sa Fijian.
Maaaring ito ang unang pagkakataon, sabi ni Sister Naivaluvou, na nakitira ang mga dalagitang taga-Vanuatu na nag-aaral sa Church College sa mga pamilyang miyembro. Nagpahayag ng malaking pasasalamat sa mga Naivaluvou ang ama ng isa sa mga dalagita, nang dumalaw siya, sa pagmamahal na ipinakita nila sa kanilang anak.
Sinabi ni Sister Naivaluvou na ang isa sa mga dalagita, na anak ng isang district president sa Vanuatu, ay magandang halimbawa sa kanilang pamilya dahil sa pananampalataya nito; sabi ni Bishop Naivaluvou, ang kanyang halimbawa ay nakatulong sa kanyang pamilya na maging mas tapat sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin ng pamilya.
Sabi ng mag-asawang Naivaluvou, pinagpala sila sa temporal dahil nagbahagi sila sa iba. Naibahagi nila ang kanilang kabuhayan. At naniniwala si Sister Naivaluvou na ang pagpapalang muling magdalantao pagkaraan ng 13 taon ay may kaugnayan sa kanilang kahandaang mahalin ang iba.
Nang makauwi ang dalawang anak na lalaki ng mga Naivaluvou nang magsara ang klase sa Tonga, itinuring din nilang bahagi ng pamilya ang mga dalagita. Ngunit marahil ay maaari nang pagbigyan si Soane na huwag ituring na kapatid ang mga dalagita. Naging kadeyt kasi niya sa prom ang isa sa mga dalagita. Nagpakamaginoo siya.
Nang magsara ang klase ng apat na dalagita at magsiuwi na sila sa Vanuatu noong mga huling buwan ng 2008, malungkot silang nangagpaalam, paggunita ni Bishop Naivaluvou. Para silang mag-asawang nagpapaalam sa apat na anak na babae. At nang muling magbukas ang klase noong 2009, masayang tinanggap ng mga Naivaluvou ang pagbalik ng apat nilang “anak”—at may dagdag pang dalawa.
Apat lang ang silid-tulugan sa bahay nila, kaya magtataka ang ilan kung paano nila pagkakasyahin ang anim na dalagita maliban pa sa sarili nilang anak na babae at isang bagong silang na sanggol. Ngunit mabilis itong nalutas ng pamilya Naivaluvou nang walang hirap.
Kunsabagay, hindi problema ang lugar. Kailangan lang nilang palawakin ang sakop ng kanilang pagmamahal.
Asenaca Ramasima
Noong 2008, napanalunan ni Asenaca Ramasima ang dalawang pinakabantog marahil na gantimpala para sa mga estudyante sa Fiji LDS Church College. Una, napili siyang dux, o nangungunang estudyante sa paaralan. Ang award na iyon ay may kasamang scholarship sa matrikula. Ngunit tumanggap din siya ng Lion of the Lord Award, na ibinibigay sa mga ulirang estudyante sa seminary. Itinatangi niya ang ikalawang award na ito nang higit kaysa sa una, dahil paalaala ito kung paano niya sinikap na mabuhay nang may pananampalataya sa kanyang Ama sa Langit araw-araw.
Nakaranas na ng hirap sa buhay si Asenaca, kahit 19 pa lang siya. Subalit tila masaya pa rin siya—masaya sa kaalaman na walang hanggan ang kanilang pamilya dahil ibinuklod sila sa Suva Fiji Temple noong 2001 at masaya sa kaalaman na siya ay kilala at mahal ng kanyang Ama sa Langit.
Si Asenaca ang bunso sa limang anak, matapos ang apat na kapatid na lalaki. Nang mamatay ang kanilang ama, paggunita niya, hinimok silang lahat ng panganay nilang kapatid, na nasa misyon noon, na tandaan na hindi nawala sa kanila ang kanilang ama; lagi siyang nasa malapit.
Ang kanyang mga kuya ang naghanapbuhay para sa pamilya, samantalang espirituwal silang ibinigkis ng kanilang ina para hindi sila magkawatak-watak. Nakatulong sa mga bata ang pagsunod sa mga halimbawa ng kanilang mga magulang.
“Si Itay ang aking inspirasyon. Lagi niyang itinuturo sa amin, ‘Magsumikap kayo, magsumikap kayo,’” malumanay na sabi ni Asenaca. Ang pagsisikap sa paaralan ay naging paraan niya para bigyang-dangal ang kanyang ama at tulungan ang kanyang ina. Ang scholarship na may kasamang dux award ay isang mahalagang kontribusyon ni Asenaca sa mga gastusin sa sarili niyang pag-aaral.
Naging pundasyon din ng kanyang espirituwal na kaalaman ang halimbawa ng kanyang mga magulang. “Araw-araw kaming tinuruan sa bahay sa pamamagitan ng pagbabasa ng pamilya ng mga banal na kasulatan at mga turo ng sarili naming mga magulang,” sabi ni Asenaca. Ang kanyang ina, dagdag pa niya, ay patuloy na nakasandig sa pundasyong ito para sa kanyang pamilya.
Ang sariling regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ni Asenaca ay nagpapanatili at nagpapalakas sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo. Binibigyan niya ng oras ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan anuman ang kanyang ginagawa.
Sa kabilang dako, ang pananampalataya kay Jesucristo ay nakatulong sa kanya na manatiling malapit sa kanyang Ama sa Langit para makasamo siya ng Kanyang patnubay. “Alam kong lagi Siyang nariyan,” wika niya. “Kung gagawin ko ang nais Niyang ipagawa sa akin, naririyan Siya para sa akin, at pagtitibayin ng Kanyang Espiritu ang tama.”
Ang patnubay ay mahalaga kapag may ilang dalagitang kaedad niya na humihimok sa kanyang “magsaya” tulad ng ginagawa nila—pag-inom, paninigarilyo, paglabag sa kalinisang-puri. Ngunit “ang mga bagay na iyon ay labag sa aking konsiyensya,” sabi ni Asenaca, at dahil sa kanyang pananampalataya at kaligtasang nadarama niya sa patnubay ng Ama sa Langit, “nakakatanggi ako.”
Ang paglilingkod sa Simbahan, wika niya, ay nakatulong sa kanya na magkaroon ng kaunting tiwala na wala sana sa kanya. Magiging mahalaga iyon kapag nakatapos na siya sa pag-aaral sa Church College, dahil pagkatapos niyon ay umaasa siyang makapag-aral ng accounting sa Brigham Young University sa Provo, Utah, o sa BYU–Hawaii.
Malayo ang mga lugar na iyon sa bahay ng kanyang pamilya sa bukirin sa labas ng bayan ng Suva. Medyo nakakatakot bang mapalayo sa tahanan? Pinag-isipan sandali ni Asenaca ang tanong na ito, pagkatapos ay ngumiti siya nang husto. Opo, sagot niya—ngunit gagawin niya iyon para makamtan ang kanyang mga mithiin.
Madaling paniwalaang gagawin ni Asenaca ang sinasabi niya. Hanggang sa ngayon, marami na siyang nagawa para makamit ang kanyang mga mithiin. At gaya ng iba pang tapat na mga miyembro sa Fiji, nagkaroon siya kapwa ng espirituwal at temporal na pag-unlad sa pagsampalataya at pagsunod sa mga kautusan.