2010
Kailangan Kong Magpunta sa Templo
Abril 2010


Kailangan Kong Magpunta sa Templo

Hindi napigil ng isang aksidente, mga ilang araw na biyahe sa bus, matagalang biyahe sa barko, at malaking gastusin sa paglalakbay ang brother na ito na taga-Brazil sa pagpasok sa templo.

Biglang nagising si José Gonçalves da Silva nang tawagin ng mga tao ang kanyang pangalan. Madilim noon, at wala siyang ideya kung nasaan siya.

“Tulog ako nang umandar ang bus,” paggunita ni José nang maaksidente sila noong madaling-araw ng Enero 2008. “Walang makakita sa akin dahil nasa likod ako ng bus at natabunan ng mga bagahe. Sa huli ay natagpuan ako ng ilang kalalakihan nang simulan nilang tipunin ang mga maleta.”

Nang mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng bus sa makitid na kahabaan ng palikong daan sa madawag na kagubatan ng katimugang Venezuela, halos nangangalahati na sa tatlong-araw na paglalakbay sina José at ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa Manaus, Brazil, papunta sa Caracas Venezuela Temple. Hindi malubha ang mga sugat ni José, ngunit kailangang dalhin sa ospital ang ilang miyembro.

“Panahon na para tumigil na kayo sa kapupunta sa templo,” sabi ng nag-aalalang mga kapamilya kay José, na 80 anyos na nang mangyari ang aksidente. Gayunman, walang nakahadlang nang sabihin niyang: “Kailangan kong magpunta sa templo. Kung tutulutan ng Panginoon, babalik ako.”

Agad siyang nagsimulang mag-impok ng pera para sa ikaapat niyang paglalakbay papunta sa Caracas, na ginawa niya noong mga unang buwan ng 2009. Para kay Brother Gonçalves da Silva, ang 40-oras na biyahe sa bus ay madali kumpara sa tatlong paglalakbay na ginawa niya noon papuntang São Paulo Brazil Temple. Sa loob ng maraming taon, ang São Paulo Temple, na libu-libong milya sa timog-silangan ng Manaus, ang pinakamalapit na templo sa lungsod na ito na may dalawang milyong katao sa hilagang estado ng Amazonas. Pagkatapos, noong 2005, naging bahagi ng Caracas Venezuela Temple District ang Manaus.

Sa mga taon na iyon ng pagbiyahe papuntang São Paulo, “sumasakay kami ng barko rito sa Manaus at apat na araw na nagbibiyahe papuntang Pôrto Velho,” ang kabisera ng Rondônia State, sabi ni José. “Pagkatapos ay apat na araw naman ang biyahe sa bus papuntang São Paulo. Hindi miyembro ng Simbahan ang asawa ko, at nang magpunta ako sa templo sa unang pagkakataon noong 1985, nag-iisa ako. Pinalipas ko ang gabi sa terminal ng bus sa Pôrto Velho dahil hatinggabi na akong dumating at walang bus. Kinabukasan tumuloy ako sa São Paulo. Magandang karanasan iyon, pero dumating ako na medyo pagod.”

Pagkatapos ay gumugol siya ng buong tatlong araw sa paglilingkod sa templo bago naglakbay nang walong araw pauwi. Isang taon bago siya makaipon nang sapat mula sa kanyang pensyon para ipanggastos sa pagpunta sa templo.

“Sakripisyo ang magpunta, pero sulit iyon,” sabi ni Brother Gonçalves da Silva, na maraming nagawa para sa kanyang pumanaw na mga kapamilya. “Nakadama ako ng kakaibang kagalakan noong araw na binyagan ako para sa aking ama, nang mabinyagan ang isang tao para sa aking ina, at nang katawanin ko ang aking ama nang ibuklod ang aking mga magulang. Napakagandang oportunidad. Lahat ng kapatid ko ay pumanaw na, ngunit nagawa ko ang gawain para sa kanila sa mga pagpunta ko sa templo.”

Naniniwala si José na ang sakripisyong kasama sa pagbibiyahe nang napakalayo papunta sa templo ay makakatulong sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Manaus na magpasalamat sa araw na inilaan ang templo roon. “Sabik na sabik akong dumating ang araw na iyon,” wika niya.

Ang Manaus ay may isang maliit na branch na may 20 miyembro nang sumapi si José sa Simbahan noong 1980. Mula noon nakita niyang lumago ang Simbahan na umabot sa halos 50,000 miyembrong naninirahan sa walong stake.

“Nang ibalita noong 2007 na magtatayo ng templo sa Manaus,” sabi ni José, “naiyak ako sa malaking kagalakan, at nanalangin ako na tulutan akong mabuhay nang matagal ng Panginoon para makita ang groundbreaking,” na nangyari pagkaraan ng isang taon. Ngayon ay dalangin niyang mabuhay pa siya nang matagal upang makitang tapos ang templo at mabinyagan ang kanyang asawa para mabuklod sila.

“Hindi natin alam kung kailan tayo mamamatay, pero dapat ay handa tayo at masaya pagdating ng oras na iyan,” sabi ni Brother Gonçalves da Silva. “Inaasam kong makabalik sa kinaroroonan ng aking Ama sa Langit at ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang pagpunta sa templo ay nakatutulong sa akin para paghandaan ang araw na iyon.”

Kaliwa: larawan ng Caracas Venezuela Temple © IRI; kaliwang itaas at kanang itaas: mga larawang kuha ni Michael R. Morris

Ang Caracas Venezuela Temple.

Itaas: Ang Rio Negro, kung saan sinisimulan ni José Gonçalves da Silva ang kanyang walong-araw na paglalakbay papuntang São Paulo Brazil Temple.

Ibaba: Si Brother Gonçalves da Silva sa 40-oras na biyahe sa bus papuntang Caracas Venezuela Temple. Sabi niya ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay sulit sa sakripisyong kailangang gawin para makadalo.